Speech

Mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Kaugnay sa Pagsabog ng Bulkang Kanlaon


Event Mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Kaugnay sa Pagsabog ng Bulkang Kanlaon

Sa mga kababayan natin na apektado ng pagputok ng Kanlaon, nandito po ang inyong pamahalaan na handang tumulong sa inyo.

Kung gaano man katindi ang bangis ng bulkang ito, ganun din ang kalinga na aming ipapaabot.

Nakatutok ang pamahalaan sa pag-agapay sa epekto ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon. Masusing nakikipag-ugnayan ang mga ahensya at LGU upang tiyakin ang kaligtasan ng lahat.

Mahigit 45,000 residente ang inilikas na mula sa 6-kilometer radius danger zone, habang target naman na ilikas ang kabuuang 84,000 na katao. Tinitiyak ng DSWD na sapat ang mga family food pack, non-food item, malinis na tubig, hygiene kits para sa mga evacuation center.

Inatasan ko na ang Department of Budget and Management na magpalabas ng pondo para sa mga nasalanta. Patuloy din nakaalerto ang DOH laban sa mga sakit dulot ng volcanic ash, habang ang NDRRMC at Task Force Kanlaon ay naghahanda sa anumang maaaring mangyari.

Ang matagal ng forward-deployed na relief items ng DSWD, tulad ng mga family food pack at non-food items, ay ibubuhos natin sa mga evacuation center. Kasama dito ang malinis na tubig, sleeping at hygiene kit.

Inilagay ko na sa high alert ang lahat ng unit ng AFP, PNP at Bureau of Fire Protection sa buong isla ng Negros.

Susuong sila sa anumang paghamon na darating.

Nakahanda rin po ang DOH na magbigay ng serbisyo. Mula Maynila, kasado na ang pag-airlift ng dagdag na gamot kung kinakailangan.

Sa ganitong kalamidad, posibleng madapuan ng sakit dulot ng abo ng bulkan. Walang patid po ang surveillance, monitoring at paalala ng DOH at saka DENR sa mga karamdamang maaaring dumating.

Bago pa man sumabog ang bulkan ay pinaghandaan na ng ating NDRMMC at Office of Civil Defense ang pagtugon sa maaaring worst-case scenario.

Dahil dito, nakatanod ang Task Force Kanlaon na magkokoordina ng tamang responde batay sa lakas ng pagsabog ng bulkan at pinsalang hatid nito.

We will step up. We will level up. Any escalation in damages and destruction will be met with a stronger government response.

Malaki ang papel ng komunikasyon sa mga araw na ito. Truth will save lives. Fake news will kill.

Effective disaster response is anchored on reliable information.

That’s why PHIVOLCS will continue to issue around-the-clock advisories, in language that is clearly understood to all our kababayans.

Nakikiusap ako sa lahat, lalo na sa ayaw lumikas, na sumunod sa babala ng ating mga awtoridad.

Mas mahalaga po ang buhay kaysa ari-arian.

Maraming salamat po.

— END —