Maraming, maraming salamat sa ating Executive Secretary, Secretary — Chief Luc Bersamin.
[Magsi-upo po tayo.]
Kasama rin natin ang Migrant Worker Secretary, Secretary Hans Leo Cacdac; ang Human Settlements and Urban Development Secretary, si Jerry Acuzar; nandito rin kasama natin, ang PAGCOR Chairman, PAGCOR Chairman Al Tengco; oh, syempre, kasama natin at nakita niyo naman at nandito si — ang ating First Lady, First Lady Liza Araneta-Marcos [applause]; at ang — kayong lahat, ang ating mga bagong bayani na — hindi ko — dapat tanggalin na natin ang ‘Bagong Bayani’, matagal na kayong bayani. [applause] Mga bayani ng ating bayan, mga overseas Filipino workers; mga kasama ko sa pamahalaan, magandang hapon po sa inyong lahat.
Hihingi lang ako ng paumanhin ninyo at napilitan tayong magsiksikan dito at inabutan tayo ng biyaya ng langit kaya inilipat na lang muna natin dito. Pero mas maganda ‘yon. Mas maganda na rin ‘yan dahil mas cozy ang ating pagsasama ngayon. Kaya welcome po, welcome sa inyong lahat sa Malacañan Palace. [applause]
Salamat po sa inyong pagpunta rito upang sama-sama natin ipagdiwang ang kapaskuhan.
Taon taon ay [inaabangan ng aking pamilya] ang panahon na ito dahil naging tradisyon na po namin na buksan ang pinto ng Malacañang sa publiko at maghandog ng simpleng selebrasyon.
Bilang nagkaka-isang pamilyang Pilipino, ikinalulugod ko pong salubungin kayo, mga minamahal naming OFW, kasama ang inyong pamilya, dito sa Malacañang— ang tahanan ng sambayanang Pilipino. [applause]
Ito pong pagtitipon natin ngayon ay isa sa mga paraan ng pagpapaabot ng aming taos-pusong pasasalamat at pagsasaludo sa inyo.
Anuman ang inyong mga naging karanasan at pinagdaanan sa labas ng bansa, masaya naman ako na nakauwi kayong lahat nang ligtas at kasama niyo muli ang inyong mga mahal sa buhay, lalo na kapag pasko.
Ang mga pamilyang kasama natin ngayon, kabilang ang mga na-repatriate mula sa Israel, sa Lebanon, ay talagang nagbibigay-inspirasyon sa ating lahat.
Ang inyong tapang at katatagan ay nagsisilbing ilaw ng pag-asa para sa maraming Pilipino.
Ang dedikasyon niyo para sa inyong mga pamilya at sa ating bayan ay tunay na binibigyan talaga natin ng halaga.
Batid namin na iba’t-ibang uri ng sakripisyo ang [pinagdaraanan] ng ating mga OFW. Una na ang [mawalay] sa inyong pamilya. Samahan pa ng kalungkutan dala ng pagka-homesick at pag-adjust sa kultura at klima ng ibang bansa.
Ang kapalit naman at bunga ng inyong mga sakripisyo ay isang maganda, komportable’t maayos na pamumuhay para sa inyong mga pamilya; pag-asenso ng inyong mga komunidad; at kaunlaran ng ating buong bansa.
At maganda na nakapag-perform ‘yung ating mga anak ng OFW at maalala nga natin — [applause]. Lagi natin — syempre kinikilala lagi natin ang sakripisyo at ang tapang ng ating mga OFW. Huwag natin sana naman makalimutan na ‘yung mga naiwang pamilya dito sa Pilipinas ay nagsasakripisyo rin dahil nami-miss kayo. At saka isipin niyo, pagka ‘yung mga kabataan, napakahirap naman nagtiyatiyaga ng walang signal.
Parang nakita ko ‘yung mga anak ko eh, sabi ko, pag walang — “Dad, dad walang internet.” Anong gagawin natin, walang internet. Hindi naman nakakapagtaka dahil iyan lang ang pamamaraan para makausap kayo, para makipagkwentuhan, makapag-zoom nang kaunti, at makapagbati pagka hindi kayo nakakakauwi.
Dagdag pa riyan, dahil sa inyong mga OFW, mas umangat ang pagkakilala ng galing, sipag, at kabaitan ng mga manggagawang Pilipino sa buong mundo.
Sa katunayan, maya-maya lamang ay mayroon tayong mga [kikilalanin] na pararangal para sa mga OFW dahil sa ipinakita nilang kahusayan, at karapat-dapat na hangaan at tularan.
Alam n’yo po, pagka ako’y bumabiyahe at nakakausap ko ‘yung mga Presidente, ‘yung mga Prime Minister, ‘yung mga namumuno sa mga iba’t ibang bansa, lalong lalo kung saan marami ang Pilipino. Bago pa ako makapagyabang na sasabihin ang galing ng Pilipino, nauunahan ako. Sila ang nagsasabi sa akin, “Ang galing ng Pilipino”. Kaya’t napaka — [applause]
Kung minsan eh silang sila ang nagkuwekuwento. Sabi eh — na maganda ’yung example ‘yung sa video, UAE, ‘yung sa UAE. Galing lang kasi ako doon eh at nakilala ko ang Presidente ng UAE, si Sheik Al Nahyan at saka ang kanilang Prime — sa ano naman sa Dubai, si Sheik Al Maktoum. Ganoon ang sabi sa akin. Sabi nila, kapag —laging ganyan, sabi nila, kung wala ang Pilipino, hindi naging ganito kasikat ang UAE.
At lagi, laging ganyan. Sa Saudi Arabia, ganoon din ang sinasabi sa akin. Sa London, ganoon din ang sinasabi sa akin. Sa England, sa Italy, kahit saan ako pumunta, ganyan ang sinasabi. At ang kasunod, pagka sinasabi “Ang galing Pilipino. Hanggang hanga kami sa mga Pilipino. Gustong gusto namin.” Ito na ‘yung kasunod, “Mayroon pa ba?”
Sinasabi ay inuubos n’yo lahat ng mga manggagawa namin pero ganoon, ganoong kasikat. Ganoong kaganda ang reputasyon ng Pilipinas. Ganoon kaganda ang reputasyon ng Pilipino, dahil sa inyo. Dahil sa inyong galing, dahil inyong pagsisikap. Dahil iba ang Pilipino, dahil hindi lamang ‘yung trabaho ang ginagawa kung hindi talagang may malasakit. Kung mayroon kayong alaga, iba ang pagka — ang malasakit na ipinapakita ng Pilipino.
Tapos ang sipag ng Pilipino. Ang galing — ang daling turuan, ang daling turuan. At ‘yung ating mga OFW ay laging handa. Kahit na wala na, hindi na kasama sa trabaho ginagawa pa rin. Nag-vo-volunteer ng kung ano ano. Tapos sabay — hindi lang sa trabaho mag-vo-volunteer, magvovolunteer pa para tulungan ‘yung kapwa Pilipino. Kaya’t napakaganda ang naging reputasyon natin. At napaka — ako’y — hindi ko na kailangan ipagmalaki ang Pilipinas. Ang mundo ang nagmamalaki sa Pilipino sa akin. [applause]
Kayo ang naging katunayan na kayang-kaya makipagsabayan ng mga Pilipino sa talento, sa talino, sa husay ng mga pinakamagagaling sa buong mundo.
Higit pa riyan, ang tulong na inyong ibinabalik sa ating bansa sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga remittance ay talaga naman ay hindi mapapantayan.
Kaya naman, narito kami, upang isulong ang inyong mga karapatan at upang tugunan ang inyong mga pangangailangan.
Narito ang ating Department of Migrant Workers, Overseas Workers Welfare Administration o OWWA, kasama ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan, gayundin ang ating mga konsulada at embahada sa iba’t-ibang bahagi ng mundo, upang siguruhin ang kapakanan ng ating mga OFW, kasama na ang kanilang mga pamilya.
Nandito yata ang ating mga labor attache. I think some of them are —marami sa — ayan, ito ‘yung mga labor attache. [applause] Ito ‘yung mga — ito ‘yung mga tumutulong sa atin at tinitiyak na kung ano ‘yung mga pangangailangan ninyo. Maraming salamat sa serbisyo ninyo.
May mga programa ang pamahalaan para sa inyo gaya ng mga livelihood program para sa mga balik-OFW at paggawad ng scholarship para sa pag-aaral ng inyong mga anak.
Noong nakaraang linggo ay [pinasinayaan] natin ang groundbreaking ng OFW Hospital–Bagong Pilipinas Cancer Care Center. Ito ‘yung sa Pampanga. [applause]
Ang layunin nitong ospital na ito ay magbigay ng libreng serbisyong medikal gaya ng chemotherapy, radiotherapy sa mga OFW natin may iniindang matitinding sakit.
Patunay ito sa masinsinang pagtugon ng pamahalaan para sa inyong mga pangangailangan at kaginhawaan.
At para naman sa mas komportableng paglalakbay ng mas maraming OFW, nagbukas na rin tayo ng OFW Lounge sa NAIA Terminal 3 na puwede niyong gamitin habang nag-aantay ng inyong mga — ng inyong mga flight na paalis.
Makakaasa kayo na dadagdagan pa [ang mga OFW Lounges] sa ilan pang mga international na paliparan dito sa bansa.
Upang masiguro na protektado at ligtas na naninirahan ang ating mga kapwa Pilipino sa ibayong-dagat, mas pinapaigting din namin ang kooperasyon at pagkakaroon ng mabuting relasyon sa iba’t ibang mga bansa.
Bago ako matapos, alalahanin din natin ang ating mga kababayan sa ibang bansa na — eh ngayon ay nagpapasko nang malayo sa kanilang mga pamilya.
Isama natin ang kanilang kaligtasan, ang kapakanan ng bawat Pilipino, at ang kapayapaan sa buong mundo sa ating araw-araw na dalangin.
Sama-sama tayo tutungo sa isang mas maliwanag, mas masagana, at progresibong Bagong Pilipinas.
Muli, maraming, maraming salamat sa lahat ng inyong ginagawa. [applause]
Maraming, maraming salamat sa lahat ng ibinibigay ninyo sa Pilipinas. Ang inyong ginagawa upang pagandahin ang pangalan ng Pilipinas upang patibayin ang ekonomiya ng Pilipinas. At kami naman ay gagawin namin ay susuklian naman namin ang inyong sakripisyo ng kahit papano, lahat ng aming maaaring gawin para maging mas ligtas kayo, maging mas maginhawa kayo. At hindi lamang ang mga OFW kundi pati na ang inyong mga pamilya. ‘Yan po, lahat ‘yan, ay gagawin namin para sa inyo. [applause]
Mabuhay kayong lahat!
Mabuhay ang ating mga bayaning OFW at ang inyong mga pamilya!
Mabuhay ang Bagong Pilipinas!
Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon!
— END —