Damo salamat, House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Ang ating Kalihim ng Human Settlements and Urban Development na si Secretary, Secretary Jerry Acuzar at ‘yung mga ibang member ng Gabinete na nandito ngayong umaga; ang Tingog Party-list Representative Jude Acidre; the Province of Leyte Governor Carlos Jericho Petilla; Municipality of Burauen Mayor Juanito Renomeron; other local government officials; mga benepisyaryo ng ating housing projects sa mga probinsya ng Samar, Biliran, at Leyte; mga kapwa kong manggagawa sa pamahalaan; mga minamahal kong kababayan, maupay nga aga ha iyo nga tanan. [applause]
Lumampas na ang isang dekada na nakalipas mula noong masaksihan ng buong mundo ang tibay at pagkakaisang ipinamalas ng sambayanang Pilipino. Itinuturing na isa sa pinakamalakas na bagyo na tumama sa buong mundo, ang Yolanda ay nag-iwan ng pinsala sa imprastraktura at kabuhayan, at kumitil ng libo-libong buhay.
Sa kabila ng mga pagsubok na hatid ng kalikasan, ipinakita natin ang angking lakas ng loob, pananampalataya, at dedikasyon na malagpasan ang bawat hamon.
Kaagapay ng sambayanang Pilipino, patuloy ang pamahalaan sa pagsisikap na gawing mas handa at mas ligtas hindi lamang dito sa Region 8, kung hindi sa buong Pilipinas.
Sa pangunguna ng National Housing Authority, Department of Human Settlements and Urban Development, at kasama ang inyong lokal na pamahalaan, ating binigyan ng diin na pagka naipagkaloob ng angkop na kabahayan ang ating mga kababayan.
Nagpatayo tayo ng mga bahay na matibay at kayang siguruhing ligtas ang inyong pamilya sa gitna ng mga hamon ng kalikasan.
Iyan ay dahil sa disaster resilient housing design na masusing isinagawa ng National Housing Authority. Ibig pong sabihin nito, ang ating mga pabahay ay kaya nang labanan ang malakas na hangin at lindol.
Ngayon, inihahandog namin ang mahigit 3,500 bahay bahagi ng mga proyektong matatapos na sa Leyte, sa Samar, at sa Biliran. Mula rito, mahigit 1,900 bahay ang naipamahagi na sa ating mga benepisyaryo.
Dito sa Leyte, maaari na kayong manirahan sa mga pabahay sa Cool Spring Residences, sa Riverside Community Residences, sa Mont Eagle Ville Subdivision, sa Coconut Grove Village, Dagami Town Ville, at ang Pastrana Ville.
Bukas na rin ang Marabut Ville Sites 1 at 2 sa Samar. Habang sa Biliran naman, ang Culaba Housing Project ay handa nang tumanggap ng daan-daan nating mga kababayan.
Para po sa mga benepisyaryo ng Yolanda Permanent Housing Program, hindi ninyo na po kailangan magbayad ng amortisasyon. Libre na po ang inyong bahay at lote. [applause] Hindi na po kayo sisingilin ng NHA dahil bigay na po ito sa inyo ng inyong pamahalaan.
Sa katunayan, nagkaroon po tayo ng pagkakataong makausap ang isa sa ating mga benepisyaryo na naninirahan sa Riverside Community Residences.
Naibahagi ni Ginang Divina Gallamos na tuwing darating ang bagyo, nag-aalala sila dahil ang tinitirahan nila noon ay malapit sa ilog. Ngayon, mas ligtas at kampante na sila sa bago nilang bahay.
Sabi naman po ni Ginang Angeles Alba, isang benepisyaryo na naninirahan sa Cool Spring Residences, kung noon — ayan na, ito na si… [applause] Sinasabi niya noon ay nangangamba daw ang kanilang pamilya sa biglaang pagguho ng lupa dala po ng malakas na pag-ulan. Ngayon, panatag na ang kanilang loob sa bago at maayos na matibay na tirahan.
Ang hiling po namin sa mga benepisyaro ay mapangalagaan naman ninyo ang mga pabahay na ito.
Sa DHSUD at sa NHA, inaasahan ko na palalawigin pa ninyo ang pagtuklas at paggamit ng mga disenyo ng pabahay na mas matibay pa at mas angkop sa pagbabago ng klima at hamon ng panahon.
Kaugnay nito, tuloy-tuloy ang ating pagsulong ng mga hakbang upang mabawasan ang pinsalang bunsod ng mga kalamidad.
Mayroon pong flood mitigation project dito sa Leyte. Ito po ‘yung Leyte Tide Embankment Project na layong mabigyan ng proteksyon laban sa malalakas na alon ang mga komunidad na malapit sa dagat. Lagpas sa kalahati na ang nagawa sa proyektong ito. Hangad ko sana na sa lalong madaling panahon ay matapos na rin ito ng DPWH o Department of Public Works and Highways.
Sa buong bansa, ating binibigyang pansin ang pagsiguro na ang lahat ng flood control projects ay tiyakin natin na maayos ang disenyo upang makayanan nito ang dumadalas na mga pag-ulan at ng pagbaha.
Kahapon lamang kausap namin ang kalihim ng DPWH upang busisiin ang kanilang mga pondo at proyekto, tiyakin nila na lahat ng ito, lalong-lalo na ang mga proyekto na makakatulong sa pagharap ng mga kalamidad, ay maisasagawa nang maayos [at] naayon sa plano at takdang oras.
Noong nakaraang taon, napabilang ang ating bansa sa Loss and Damage Fund Board. International po ito — itong Loss and Damage Fund po, dahil ang sinasabi ng mga developing country ay sinasabi natin sa mga developed country kaya nagkaroon ng climate change, kaya kami naghihirap, kaya tinatamaan kami ng bagyo na napakalakas ay dahil sa inyong industriya na ginawa ninyo sa dalawangdaang taon.
Kaya’t ang Loss and Damage Fund ay pumayag naman ang mga mayayaman na bansa at sinabi nila tanggap naman nila na dapat nilang bigyan ng tulong ang mga tinatamaan ng kalamidad dahil sa kanilang industriya.
At tayo po ay kasama na ngayon diyan. Hindi lamang tayo kasama diyan sa Loss and Damage Fund Board, ang Loss and Damage Fund Board ay dinala natin at dito na sila sa Pilipinas upang marinig nila ang boses ng mga Pilipino. [applause]
Ito po ay isang mahalagang pagkakataon upang marinig ang ating tinig at matugunan ang ating pinansiyal na pangangailangan para sa mga makabuluhang proyekto at programa.
Kasabay ng ating pakikiisa, pinaiigting ng Disaster Risk Reduction and Management o DRRM workers ang malawakang paghahanda: mula sa pagpapalaganap ng impormasyon, pagtugon sa mga hinaing ng ating mga pamayanan, hanggang sa pagtitiyak ng mas maayos na koordinasyon sa ating mga iba’t ibang ahensya.
Bilang pangunahing hakbang, nagtatayo tayo ng mga imprastruktura na magsisilbing proteksyon at sentro ng ating mga operasyon. Isa rito ang pagtatatag ng evacuation centers at Disaster Response Command Center na tatayong sentro ng ating paghahatid-tulong.
Sa Bagong Pilipinas, hangad namin na makita kayong matagumpay—hindi lamang para sa inyong sarili kundi para rin sa kinabukasan ng mga susunod na ating henerasyon. [applause]
Sama-sama natin pahalagahan ang mga tahanang ito na siyang magsisilbing pundasyon ng mas matatag na pamayanan at mas maaliwalas na kinabukasan.
Sa patuloy nating pagtutulungan at pakikipagkapwa, naniniwala ako makakamit natin ang isang mas matatag, progresibo, at maunlad na Bagong Pilipinas.
Maraming salamat po. Mabuhay po kayong lahat!
Damo salamat. Maayong adlaw. [applause]
— END —