Speech

Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas Rally sa Lungsod ng Batangas


Event Alyansa Para sa Bagong Pilipinas Rally
Location Batangas City Sports Coliseum, Lungsod ng Batangas, Lalawigan ng Batangas

Magandang, magandang, magandang, hapon po aking mga kababayan ng Batangas City at ng Batangas Province. [Crowd: BBM! BBM! BBM! BBM! BBM!]

Maraming, maraming salamat po! [palakpakan] Magsiupo po tayo dahil… Baka mapagod na kayo sa kakasayaw kay Andrew E.

Magandang hapon po! Talaga naman – lagi naman po ‘pag ako’y nagagawi sa Batangas Province, Batangas City eh lagi naman napakainit ang ibinibigay ninyong salubong, hindi lamang sa akin kundi sa ating mga kandidato ng Alyansa para sa Senado sa darating na halalan.

Maraming, maraming, maraming salamat po! [palakpakan] At kayo ay nakadalo dito sa aming rally. Napakadami po ang hindi na po nakapasok. Nasa labas, nanonood na lang ng malalaking telebisyon. Kaya’t pati sa kanila ako’y nagpapasalamat na sila ay nakahanap ng panahon upang makilahok sa ating munting rally kung saan natin ihaharap ang ating mga butihing magigiting na kandidato para sa Senado na nasa ilalim ng samahang Alyansa.

Alam niyo po kamakailan lang ay pinagdiriwang po natin ‘yung Araw ng Paggawa o Labor Day. Sa paghahanda sa selebrasyon ng Labor Day po, tiningnan po namin…

[Crowd: BBM! BBM! BBM! BBM! BBM! BBM! BBM!]

Pagdating ng… Basta pagdating ng adose, huwag niyong isusulat ‘yung “BBM” ha. Hindi ako kandidato. Ito ‘yung mga kandidato. Huwag niyong kakalimutan kaya po tayo nandito.

[Crowd: BBM! BBM! BBM! BBM! BBM! BBM! BBM!]

Ngunit maaasahan mo ‘pag naluklok itong mga kandidato natin sa Senado, hindi niyo na po kailangan isigaw ang “BBM” dahil lagi akong nasa likod nila, lagi kami ang nagsasama, lagi kami ang nagtutulungan, at lagi naming iniisip ang kapakanan ng ating mga minamahal na kababayan. Iyon po ang maaasahan ninyo.

Kagaya po ng aking nabanggit, pinagdiriwang po natin ang Labor Day. At bilang paghahanda sa araw na ‘yun dahil napakahalaga po ng ating mga manggagawa. Para sa akin po ang pinakamalaking puhunan ng Pilipinas ay ang ating mga manggagawa. Kaya naman nakita naman ninyo sumikat tayo nang husto hindi lamang dito sa Pilipinas, kung hindi sa buong mundo dahil sa galing, dahil sa sipag, dahil sa husay ng ating mga overseas workers, dito naman sa Pilipinas. Kaya naman po ay maipagmamalaki po namin.

Noong tinitingan po namin ang mga istatistiko, natuwa naman po kami na ngayon po dito sa Pilipinas, tayo po ay nasa pinakamababang unemployment rate sa 20 taon na nakalipas. [palakpakan]

Kaya naman po dahan-dahan makikita natin pinaghahanda po natin ang ating ekonomiya upang lumago, upang lumakas, at lahat po nang maaaring gawin upang dalhin po natin ang mga malalaking planta, ang malalaking investor dito sa Pilipinas. Kaya naman po ay masasabi ko naman – mayroon naman tayong masasabi na matagumpay naman po ang ating mga sinusubukan dahil trilyon-trilyon na po na piso ang pumapasok na investment dito sa Pilipinas.

Alam niyo po may kinalaman po itong isang anak ng Batangas dito dahil alam niyo naman Secretary of Finance natin po si Secretary Ralph Recto. Ngunit hindi lang po para sa mga manggagawa. Marami na rin po tayong nasimulan. Inaayos na po natin ang ating agrikultura. Nakita naman po natin ang kalagayan ng ating mga magsasaka at ang mataas na presyo ng mga bilihin. Kaya’t kailangan po natin ayusin.

Ngunit ang nadatnan po namin ay ang isang agrikultura na napakahina po. Kaya’t ginagawan po namin ng paraan. [palakpakan] Mula po sa nakaraang dalawang taon, nakapagpatayo na tayo ng 150 na rice processing plant. Sa taong 2025, magtatapos tayo ng 20 pa, magsisimula tayo ng 50 pa.

Noong isang linggo, binuksan ko, in-inaugurate ko ang una – ang una – nagulat nga ako sabi ko dito sa Pilipinas dapat marami na ito – ang unang coconut plant dito sa Pilipinas. Para naman ang ating mga coconut planters ay mabigyan natin ng pagkakataon na makipagkompetensiya hindi lamang dito sa Pilipinas, kung hindi po sa abroad, sa international market. [palakpakan]

Ang imprastruktura po napakarami nating nasimulan na proyekto, na programa. Siguro lahat po – para maging mas mabilis ang pagpunta ng ating mga kababayan, ang pagtransporta ng ating mga bilihin mula sa mga magsasaka hanggang sa merkado po. Ginagawa po natin lahat ‘yan. At para sa mga – lalo na sa mga trabahador lalo na sa Maynila. Alam naman ninyo napakalaki ng problema ng trapik.

Kaya’t ginagawan po natin ng paraan. Bago po ako matatapos bilang Pangulo, magkakaroon na tayo ng subway dito sa Pilipinas. Iyong subway ‘yung tren na dumadaan sa ilalim ng lupa. Iyong nakikita po natin – dati nakikita lang natin sa sine ‘yan. Mayroon na po tayo dito sa Pilipinas niyan. [palakpakan]

Panay ang patayo po natin ng mga dam. Panay po ang patayo natin ng mga flood control project dahil nagbabago po ang panahon. At marami pa tayong kailangang gawin dahil ngayon napakabigat. Pagdating ng bagyo, napakabigat. Noong Disyembre, inabutan tayo ng anim na bagyo sa loob ng isang buwan. At palagay ko hindi pa nangyari ‘yun.

Kaya kailangan – alam naman natin na mangyayari ‘yan, kailangan po nating mag-adjust. Kailangan nating pagandahin ang ating flood control. Hindi lamang ‘yan, itong flood control kasama na rin po ‘yan ‘yung pag-iipon ng tubig para mainom ng mga household at para sa irigasyon sa agrikultura.

Lahat po ginagawa natin ‘yan. Mayroon din po tayong tinatayo para ‘yung kuryente hindi na tayo magkulang. Dito lamang sa nakaraang isang taon, nabuo na po natin ‘yung tinatawag na One Grid. Ibig sabihin ang buong Pilipinas – ang buong Pilipinas ngayon kung may kurye – lahat ng kuryente ay dumadaan sa iisang grid lamang. Dati putol ‘yan sa Mindanao, putol ‘yan sa Negros, putol ‘yan sa Luzon. Ngayon, binuo na po natin.

Bakit mahalaga ‘yun? Dahil kung minsan ang isang lugar ay mayroon silang extra na power, na kuryente. Eh doon naman sa kabila ay kulang naman. Ngunit hindi natin dati mailipat doon sa kulang dahil walang koneksyon. Ngayon, may koneksyon na ‘yun at makikita natin nagiging mas maganda ang sitwasyon natin sa kuryente.

Iilang lang po ito sa pagtulong naman. Alam natin na sa nakaraang taon ay tinamaan po tayo ng napakabigat na El Niño. Halos siyam na buwan ay hindi umulan. Kaya naman ay ang ating – kawawa naman ang ating mga magsasaka at nagkagulo talaga ang ating suplay ng ating mga pagkain. Ngayon ay makikita natin marami na po tayong puwedeng gawin. Handa na po tayo kahit mangyari po ulit ‘yun ay nakahanda na rin po tayo dahil tiningnan po natin ang pagkukulang namin noong nakaraang El Niño. At ngayon, kahit dumating pa man ‘yan ay makakasiguro tayo na tayo ay magiging maayos. Mayroon po tayong water supply, mayroon po tayong kuryente.

At itong taon na ito, lahat ng mga lugar na hanggang ngayon ay hindi makabitan ng Internet, makakabitan na. At aking layunin na bago ako umalis sa aking opisina, bawat Pilipino ay may Internet na kahit saan man sila, [palakpakan] sa taas ng bundok, sa isla na malayo, mayroon po sila dahil kailangan na kailangan na po natin ‘yan.

Iilan lang po ‘yan sa ating ginagawa. At tayo naman, maganda naman at marami tayong kasama na nais tumulong. Hindi po naman natin kayang gawin ito nang mag-isa. Kung hindi tayo tinulungan ng taong-bayan, hindi po natin magagawa ‘yan. Kung hindi tayo tinulungan ng ating mga local government, hindi po natin magagawa ‘yan. Hindi po tayo tinulungan ng ating mga congressman, hindi natin magagawa ‘yan.

At ang isang mahalaga, kung hindi tayo tinulungan ng ating mga kaibigang senador na nagmamahal sa Pilipinas, hindi po natin magagawa ‘yan. Kaya po, inaalala natin, kailangan ipagpatuloy natin lahat po ito. Hindi ito dapat matapos kahit wala na po ako rito, kailangan ipagpatuloy pa rin natin ‘yan dahil ito’y – ito ay simula lamang. Simula lamang ito sa pagpaganda at pagpalawig ng ating minamahal na Pilipinas.

Ngayon, tinitingnan – iba na po ang tingin sa atin ng buong mundo. Iba na po ang tingin sa Pilipinas. Tayo po ay tinitingnan, kinahahangaan at sinasabi, papaano ninyo ginawa ‘yan?

Eh madali lang pong sagutin ‘yan. Ang kulang sa inyo, wala kayong mga manggagawa – wala kayong mga manggagawa na Pinoy, ako mayroon. ‘Yun ang lamang ko sa inyo. Magaling ang aming mga manggagawa. Magaling ang Pinoy. [palakpakan]

Kayo po – kaya naman po, mahalaga… Eh kung minsan sinasabi ‘yung midterm election wala namang nagbabago diyan. Ngunit, isipin po ninyo, kaya mahalaga itong eleksyon na ito dahil lahat itong sinimulan natin ay napakalaking bagay at hindi magagawa ‘yan nang madalian. Kaya’t kailangan maipagpatuloy natin.

Alam naman po natin, lalo na kami na nasa serbisyo publiko, alam naman po natin na lahat ng aming ginagawa ay hindi na po para sa amin. ‘Yung iba rito, hindi na namin makikita. Para sa ating mga anak ito. Para sa ating mga apo ito. Para sa mga Pilipinong susunod sa atin. Kaya po natin ginagawa ito.

Kaya’t kailangan na kailangan na ipagpatuloy. Kaya po ay hinaharap ko po sa inyo ang ating mga kandidato para sa senador na tutulong sa atin na ipagpatuloy ang ating sinimulan, ipagpatuloy ang pag-uunlad ng ating bansa, na ipagpatuloy ang lahat ng magagandang gawain para bigyan ng mas magandang buhay ang bawat Pilipino.

Sino-sino ba? Sino-sino ba itong ating mga kandidato?

Ako naman malakas ang loob ko sabi ko, mga bigatin ito. Hindi – kilala niyo lahat ito at nakita naman ninyo ang record nila. Narinig niyo na po, nagsalita kung ano ‘yung kanilang nagawa na.

Narinig niyo naman po ang kanilang ninanais na gawin kapag sila ay umupo bilang senador. At nakikita naman natin sa kanilang lahat na sila’y tapat sa kanilang pagmamahal sa Pilipino. Sila ay tapat sa sakripisyo nais nilang ihandog sa serbisyo publiko para sa Pilipino.

Ito po ang ating mga kandidato.

Ipapakilala ko sa inyo nang kaunti. Alam niyo po, unang-una ay ilan po sa kanila, karamihan po sa kanila ay naging senador na. Kaya’t wala na pong OJT ito. Tuloy-tuloy sa trabaho itong mga ito. Nandiyan po si Senator Cayetano, Senator Lacson, Senator Lapid, Senator Pacquiao, Senator Revilla, Senator Tolentino, [hiyawan] Senator Sotto.

Aba, Tol, may dala kang pala. [hiyawan] Si Senator Tolentino! Ayan, nandiyan ‘yung mga fans mo. Senator Tolentino – at si Senator Sotto.

Si Senator Sotto, hindi lamang pangkaraniwan na senador. Naging senate president ‘yan nang matagal. At kayang-kaya ko – may karapatan akong sabihin na si Senator Sotto ay napakagaling sa kanyang trabaho bilang senate president dahil noong ako’y senador, siya po ang aming senate president at nakita ko po ang kanyang napakagandang pagpatakbo ng aming Senado.

Kalahati naman sa ating slate ay dumaan po sa mababang kapulungan, sa House of Representatives, naging congressman po.

Nandiyan Congressman Abalos. ‘Yung aking seatmate po sa Kongreso, si Congressman Binay. Ikaw kasi tinitingnan ko eh. Congressman Binay na seatmate ko po noong kami’y nasa Kongreso.

Si Congressman Abalos, dumaan din po sa mababang kapulungan. [hiyawan] Congressman Cayetano po. Si Congressman Pia Cayetano po na dumaan po din sa Kongreso ‘yan.

Alam naman ninyo ‘yung idol natin, si Congressman Pacquiao, Senator Pacquiao pero congressman din po ‘yan siya nagsimula. Congressman Tulfo. [hiyawan] At wala na po rito ‘yung masasabi mong bagito po sa pagsusulat ng batas. Alam na po nila ang trabaho po nila.

Apat naman po sa ating slate ay nagsilbi bilang Cabinet-level official.

Unahin po natin, unang-una po… Noong ako po ay bagong upo, kaka-oath of office ko lang po. Bago akong upo, sabi namin, sino ang ating ilalagay sa DILG, local government dahil ika ko kailangan ‘yung ilalagay natin ay malalim ang pag-uunawa sa mga isyu, sa mga patakbo ng ating local government at kailangan ‘yung taong ‘yan ay makahanap ng paraan upang pagsamahin, i-coordinate ang national government at saka local government.

Mayroon naman po tayong kilala na magaling kaya’t naisip ko po ‘yung dating mayor po ng Mandaluyong. Ito po si Mayor Benhur Abalos na naging Secretary Benhur Abalos ng DILG. [palakpakan]

Susunod po, ayan po ganoon din po, noong ako’y bagong upo ay sabi, DSWD naman. Ito para tumulong sa taong-bayan ‘pag nangangailangan. ‘Pag may bagyo, kailangan sila ang nagdi-distribute ng 4Ps, ng mga benepisyo para sa mahirap, para sa matatanda, para sa mga may sakit.

Eh naisip ko, sino ba ang kilala ko na ang kanyang kasaysayan sa buong buhay niya ay walang ginawa kundi magserbisyo sa publiko. Hindi po sa mga mayayaman, hindi po sa mga sikat, kung hindi doon sa mga maliliit, doon po sa walang boses, doon po sa mga nangangailangan. Kaya po ang naging DSWD Secretary po ay si Secretary Erwin Tulfo. [hiyawan]

Isa pa po na naging Cabinet-level na opisyal, si Senator Tolentino. Siya po ay naging chairman ng MMDA. [hiyawan] Siya po ang naging chairman ng MMDA. Ano ba ‘yung MMDA? Metro Manila Development Authority.

Ngunit noong siya ang chairman ng MMDA, hangga’t kaya ng kanyang ahensya ay siya ay tumutulong kahit na lumalabas na kung minsan sa Metro Manila. Basta’t mayroon siyang nakikitang problema na kayang tulungan, nakikita niyo po si Senator Tolen – Chairman Tolentino ng MMDA. [hiyawan]

Siya po, masasabi ko… Isa po – baka ang karamihan ng tao hindi alam po ito. Kami po ay – dahil po ‘yung mother ko tiga-Leyte po kaya noong dumaan ‘yung Yolanda, pumunta po kami kaagad doon. At nag-aantay kami, nagmamakaawa kami na sana tulungan ang ating mga naging biktima. Alam niyo po, nakakagulat, ang unang dumating na may dating na tulong ay ang MMDA na ang una kong nakita ay ang chairman, Chairman Francis Tolentino, na unang nagdating. [hiyawan] ‘Yan po ang ating – ating kandidato para sa Senado.

Ang isa pa po, doon din sa Yolando rin po. Ang isa sa ating kandidato ngayon na naging senador ay ginawa na Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery para po sa Bagyong Yolanda. Siya po ay namamahala para sa pagpatayo ng bahay, para paglagay ng mga water system, para maglagay ng kalsada, para makapaghanapbuhay ulit ang mga Waray na tinamaan ng malakas na bagyo. ‘Yan po ay si Senator Ping Lacson. Siya po ang… [palakpakan]

Si Senator Ping Lacson, hindi lang po ‘yan ang hinawakan niyang ahensya. Mas mabigat pa. Alam niyo naman si Senator Ping Lacson naging hepe ng PNP sa buong Pilipinas. Isipin niyo po, ilang libo ‘yun na pulis na kailangan niyang hawakan, kailangan i-organize, kailangan niyang ayusin ang patakbo.

At ‘yan po ay napakahirap at masalimuot na trabaho po ‘yan. Ngunit hindi lang niya pinasok ‘yung trabahong ‘yan. Ngunit maipagmamalaki niya… Hindi nagmamalaki ‘yan eh. Ako na magmamalaki para sa kanya. Maipagmamalaki niya na noong panahon niya bilang hepe ng PNP, ‘yun ang panahon ang pinakamataas na approval rating ng PNP sa buong kasaysayan ng PNP hanggang po ngayon. [palakpakan]

Kaya’t nakita naman ninyo, mayroon – kung titingnan po ‘yung mga CV, napakabigat po, marami pong performance ang kanilang ginawa dahil nga… Ilan po naman sa kanila ay naging gobernador.

Ang naging gobernador… Alam niyo po – siguro alam naman ninyo kung sinong mga naging gobernador dito sa grupo namin. Sino dito ang naging gobernador ng Lalawigan ng Pampanga? Pambihira naman, eh idol natin lahat ‘yan. Kilala natin lahat ‘yan. Governor Lito Lapid ng Pampanga po! [palakpakan]

O isa pang gobernador na idol natin. Sino ngayon ang naging governor ng Lalawigan ng Cavite na dito na nakaupo sa harap ninyo?

Pambihira, hindi – hindi alam… Ikaw kasi hindi ka mayabang eh! Dapat ipinagmamayabang mo ‘yan eh! Governor ng Lalawigan ng Cavite, Governor Bong Revilla! [palakpakan]

Mayroon din tayo, hindi lamang gobernador. Mayroon tayong mga naging mayor ng malalaking lungsod.

Nandiyan po, titingnan po natin, ang nabanggit ko na po sa Lungsod ng Mandaluyong. Noong siya po ay naging mayor, marami pong kumikilala hindi lamang dito sa Pilipinas, kung hindi po ‘yung mga international organization ay kinikilala ang trabaho, ang mga inisyatibo na dala po ng ating mayor, ng mayor ng Mandaluyong noon. ‘Yan po ang mayor ng Mandaluyong, Mayor Benhur Abalos po! Kinikilala po na magaling na lider at magaling na public servant. [palakpakan]

At isa pa ‘to… Ito baka karamihan hindi alam ito eh. Ang isa pa sa ating mga kasamahan ay naging mayor naman ng Lungsod ng Tagaytay. Alam niyo ba kung sino ‘yun? O alam nila, Tol at – si Mayor Francis Tolentino, naging mayor po ng Tagaytay. [palakpakan]

O ito siguro, mas madali ito para sa inyo. Ano ang lungsod sa buong Pilipinas ang pinakamayaman na lungsod sa buong Pilipinas? Ha? Alam niyo ba? [Crowd: Makati!] Tama, Makati! O ‘di sabi – kung minsan kami – kaming mga…

Ako governor ako dati. Sinasabi ko maganda siguro maging mayor ng Makati ang yaman-yaman ng Makati. Madali ang trabaho. Ngunit nakikita ko na iba naging mayor natin doon ay iba ang kanyang approach. Iyan po ang ating mayor of Makati City! Mayor Abby Binay! [palakpakan]

At alam niyo po dahil matagal ko na pong kaibigan, alam ko na po ‘yung kanyang gawain. So, totoo nga pagka nasa Makati limpak-limpak na salapi ng ano – ng city government. Anong ginawa niya roon? Hindi niya po winaldas. Iyong kanyang pahirapang inipon na pondo – ang ginawa po niya sa kanyang malaking pondo ay namigay po ng benepisyo. Libre po lahat para sa matatanda, para sa may sakit, para sa mga kabataan, para sa education. Lahat po ay binigay na po ng Makati City dahil sa kagandahan ng kalooban ng kanilang mayor, Mayor Abby Binay.

At hindi lang po siyempre ang Pilipinas lagi nating binibigyan ng halaga ang ating mga kababaihan. At dito rin sa ating mga grupo na ito ay nandiyan din po ang ating mga magigiting, matitibay na mga kababaihan na pagka sila ay nasa Senado maaasahan po ninyo sila ay magbibigay nang matindi at malakas na boses para sa kababaihan at sila ay magtatanggol sa karapatan ng ating mga kababaihan.

Kaya’t magiging pantay po ang tingin ng ating pamahalaan sa lahat ng ating mga kababayan. Para naman ay hindi masasabi na inuuna natin ‘yung mga lalaki. Hindi naman dapat tama ‘yun. Kaya naman nandiyan sila at sila ay magtatanggol po para sa karapatan ng kababaihan.

Marami rin po – apat din po dito ay abogado dahil batas ang kanilang sinusulat. Nandiyan po Atty. Abalos, Atty. Binay, Atty. Cayetano, Atty. Tolentino. [hiyawan] Mahuhusay po na abogado ‘yan. Alam niyo po ‘yung apat po na ‘yan eh kung ‘yan ang pinili nila, pumasok sila – sila ay mag-private practice na lang sila, nagpayaman na lang sana sila. Ngunit hindi ‘yan ang kanilang pinili. Ang pinili nila ay hindi na maghabol ng pera, hindi na maghabol ng yaman, kung hindi magbigay ng sakripisyo para tulungan ang taong-bayan. [palakpakan]

At sa tinatawag na geographical representation naman, eh nakakalat din po ang pinanggalingan ng ating mga kandidato. Dalawa sa nakaupo rito po sa harap ninyo – dalawa po sa kanila ay galing sa Mindanao. Alam na alam na ninyo ang ating champion, champion Manny Pacquiao ay tiga-Bukidnon, tiga-Sarangani, at GenSan. [hiyawan] Kaya’t mabibigyan niya ng halaga ang lahat ng mga isyu doon sa mga lugar na ‘yun.

Si Erwin Tulfo din ay laking Mindanao. Siya ay lumaki sa Davao Oriental at saka sa Sulu kung saan nadestino ang kanyang ama na naging bayani ng Pilipino.

Alam niyo po ‘pag tinatanong ko po ito, karamihan hindi po alam. Mayroon pong Senator Sotto bago po noong itong ating – nandito kasama natin si Senator Tito Sotto. Mayroon pong Senator Vicente Sotto noon. Siya naman ay nanggaling sa Cebu.

Kaya makikita niyo po lahat po ng kandidato natin nalalaman po nila lahat po ng pangangailangan ng ating mga kababayan. Nalalaman po nila ang sitwasyon sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas. Kaya’t bagay na bagay na po sila ang mamuno. Sila ang pumasok sa Senado upang mabigyan nila, matugunan nila – mabigyan nila ng pansin, ng solusyon ang mga problemang nalalaman nila na nangyayari sa buong bansa.

Dahil po iyan ang layunin… Sa palagay ko naman ay maliwanag na na ‘yan ang layunin ng Alyansa. Ang layunin lang po namin ay hindi po manggulo. Ang layunin po namin ay ayusin ang mga problema. Hindi lamang ‘yung malalaking problema na hinaharap ng buong bansa, kundi pati ang maliliit na problema na hinaharap ng bawat mamamayang Pilipino sa kanilang buhay na pang-araw-araw.

Iyan po ay mahalaga. Kaya po makikita naman po ninyo na mayroon silang puso na Pilipino. Mayroon silang puso na maging matulungin. Mayroon silang puso para magsakripisyo para sa kapakanan ng bawat mamamayang Pilipino.

Kaya po sa aking palagay kung tayo ay titiyakin po natin ang ating kinabukasan, kung ninanais po natin na maipatuloy ang lahat ng ating nasimulan sa nakaraang dalawang taon at kalahati, ito po ang ating dapat ihalal – ang ating mga kandidato sa Senado!

Mabuhay ang Alyansa! [palakpakan]

— END —

Resource