Speech

Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Presentation of Newly Enacted Laws To Stakeholders


Event Presentation of Newly Enacted Laws to Stakeholders
Location Kalayaan Hall, Malacañan Palace, Manila

Maraming salamat, Executive Secretary, Secretary Luc Bersamin. [Please take your seats.]

The Senate President, Senate President Francis Escudero and the other members of the Senate here with us today; the Senior Deputy House Speaker Aurelio Gonzales and other honorable members of the House of Representatives; the honorable members of the Cabinet… Teka may laman pa ba ‘yung Gabinete ko? [laughter] Who am I addressing now? [laughter] We are in flux. Our partners and stakeholders from the DEPDev, this is our new terminology for what used to be NEDA and for the PHIVOLCS Modernization Act; fellow workers in government; distinguished guests; ladies and gentlemen.

Magandang hapon po sa inyong lahat!

Ngayong araw, pormal na natin ipinipresenta ang dalawang batas na nalagdaan kamakailan lamang. Sa tulong ng mga batas na ito, makakamit natin ang ating layunin—na gawing mas maayos, mas ligtas, at mas maginhawa ang buhay ng bawat pamilyang Pilipino.

Sisimulan natin sa pagpapatibay sa NEDA upang maging isang ganap na kagawaran—ang Department of Economy, Planning, and Development, or DEPDev ngayon ang NEDA.

Marami ang nagtatanong: “Bakit pa ba natin kailangan ‘yung DEPDev?”

Sa mga nakaraang taon, nakita nating maraming mahuhusay na plano ang nananatiling plano na lamang. May mga proyektong inaprubahan, ngunit hindi lahat ay kaagad nating naisasagawa.

Magiging katuwang natin ang DEPDev sa pagtiyak na ang paggamit ng ating pondo, naipapatupad ang programa nang wasto at naghahatid ng pakinabang sa mamamayan.

Titiyakin natin na ang DEPDev na pagka may ipinangakong tulay, paaralan, health center, mga kalsada ay matatapos sa tinakdang panahon at magagamit ng sambayanan.

Hindi lang po puro plano, dapat nakikita at nasusubaybayan natin ang progreso ng ating mga proyekto.

Sa ilalim ng DEPDev, mas madali na ring matutukoy kung aling proyekto ang dapat palawakin, alin ang kailangang ayusin, at alin naman ang dapat nang itigil para mas maging kapakipakinabang para sa mga Pilipino.

Kaya naman, maiiwasan na natin ang nasasayang na pondo, panahon, at pagkakataon sa paglilingkod.

Upang magampanan ng DEPDev nang maayos ang kanilang tungkulin, umaasa akong makikipagtulungan sa atin ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Hamon ko sa Gabinete at mga pinuno ng ahensya, siguruhing matatapos ang mga proyekto nang ayon sa schedule at sa budget. Hindi na tayo papayag na may masyadong cost-overrun, mayroong mga time extension wala namang makatwirang dahilan. And no to non-performing projects.

Nasabi ko na rin noon na dapat lahat ng ODA loan, lalo na ang mga lubos na na-delay ay masusing pinag-aaralan. Mas magiging strikto na rin ang approval ng ODA loan simula na ngayon.

Kasabay nito, nangangako tayo na magiging mas mahusay at tapat ang pamahalaan sa paggugol ng pondo ng bayan. Sa ganitong paraan, mas tataas ang kalidad ng ating buhay.

Ngunit, kahit gaano pa kahusay ang plano, kung hindi natin mapaghahandaan ang sakuna, balewala din ang ating pagsisikap. Hindi lang tahanan o kabuhayan ang maaaring mawala, pati rin ang ating mga mahal sa buhay.

Kaya’t pinapalakas natin ang paghahanda laban sa sakuna at itinaguyod ang kaligtasan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng PHIVOLCS Modernization Act.

Alam natin na ang Pilipinas ay nasa Pacific Ring of Fire. Lindol, pagputok ng bulkan, at iba pang sakuna—hindi na iyan bago sa atin.

Hindi rin puwedeng iasa sa swerte ang ating kapakanan at kaligtasan. Kailangang laging tayong handa sa maaaring pinsalang dala ng kalikasan.

Sa ilalim ng PHIVOLCS Modernization Act, mas mapapabilis ang paghahatid ng sapat at napapanahong impormasyon na makakatulong sa ating pagharap sa kalamidad.

Sa ilalim ng PHIVOLCS Modernization Act, tataasan natin ang taunang pondo ng ahensya sa loob ng limang taon upang makabili sila ng mas modernong kagamitan at makakapagpagawa ng mas makabagong pasilidad.

Magpapatayo ang PHIVOLCS ng bagong laboratoryo, centralized data center, [at] learning hub. Palalawakin pa lalo natin ang monitoring network at paiigtingin din ang pagmamatyag sa mga aktibong bulkan sa buong bansa.

Gagamit na ang PHIVOLCS ng machine learning upang mas mapabilis ang pagsubaybay at pagre-report sa taumbayan ng mga babala.

Sa puntong ito, nais ko na pong kilalanin ang ating mga siyentipiko, eksperto, at field personnel sa PHIVOLCS na patuloy na nagsisilbi upang magkaroon ang bawat pamilyang Pilipino ng kapanatagan at kapayapaan. Hindi po mapapantayan ang mga sakripisyong inialay ninyo upang matiyak ang kaligtasan ng sambayanan.

Bagama’t araw-araw ninyong hinaharap ang panganib na kaakibat ng inyong trabaho, hindi kayo nag-aatubiling pumunta sa inyong field site—umaga man o gabi.

Kasabay nito, hihikayatin ko ang ating mga kabataan na linangin ang kaalaman sa siyensya upang maging mas marami tayong volcanologists, siyentipiko, at eksperto. Iyan ay ilalagay natin sa DOST or PHIVOLCS na hinaharap.

Ang hamon ko sa DOST at PHIVOLCS, panatilihin ninyo ang mataas na kalidad ng inyong serbisyo, ang propesyonalismo, [at] ang pagmamahal sa bansang Pilipinas sa inyong mga kawani.

Gaano man kalaki ang pondo ay mawawalan ng saysay, kung walang puso at paglilingkod.

Patuloy po ang pagbibigay ng suporta ng pamahalaan upang mas mapalalim ang inyong kaalaman.

Sa pamamagitan ng ating mga batas, isinusulong natin ang gobyernong hindi lamang maging sa papel, kundi maaasahan sa panahon ng pangangailangan. Hindi lang nakatuon sa mga malalaking proyekto, kundi sa kalidad ng buhay ng bawat Pilipino.

Hindi magiging ganap ang dalawang batas na ito kung hindi dahil sa pagkakaisa at pagtutulungan ng Lehislatura at Ehekutibo. Patunay lamang, na kapag kapakanan ng taumbayan ang inuuna, mas mabilis nating makakamit ang inaasam nating resulta.

Muli, maraming salamat po sa ating mga mambabatas.

Sama-sama po tayong magtulungan upang maitatag ang isang Bagong Pilipinas na mapayapa, makatarungan, at may malasakit para sa lahat.

Maraming salamat po. Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [palakpakan]

— END —