Speech

Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Groundbreaking Ceremony of the Sky Garden by the Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority


Event Groundbreaking Ceremony of the Sky Garden Project by the TIEZA
Location Sky Garden, Barangay Lucap, City of Alaminos, Pangasinan

Maraming salamat sa ating Agrarian Reform Secretary, Secretary Conrad Estrella. [Magsiupo po tayo.]

The 1st District Representative of Pangasinan, Congressman Art and other members of the House of Representatives, Mark Cojuangco is also here; of course, Pangasinan Governor, Governor Ramon Guico; my fellow workers in government; and to the beneficiaries, the stakeholders who we met earlier, ‘yung mga stakeholder dito para sa – na mapapakinabangan itong ating project na hindi lamang kagaya nang naipaliwanag ni Congressman ay hindi lamang itong Sky Garden, kung hindi marami pa tayong idadagdag na mga proyekto para ‘yung bumisita sa Alaminos na 500,000, eh paabutin na natin ng isang milyon ‘yan bago [palakpakan] tayo matapos para naman eh gumanda ang ekonomiya hindi lamang Alaminos, hindi lamang sa distrito, kundi sa buong probinsya. Kasama na rin diyan ang lahat ng mga probinsya na malapit sa inyo. Baka hanggang doon sa amin maramdaman pa namin ‘yung epekto nito.

So, naimbag nga adlaw kadakayo amin nga kailian mi.

(“Magandang araw sa inyong lahat.)

Tuwing mainit na tag-araw, ang unang naiisip ng tao ay magpunta sa beach, magpalamig, mag-swimming, mamasyal sa Hundred Islands. Nagdedebate pa kami kung ilan ba talaga ‘yung Hundred Islands eh. Ang sabi ni Congressman ano 123.

I remember my father coming in here, eh bakit Hundred Islands ‘yan dahil ang bilang eh hindi nagkakasundo kung ano ‘yung bilang. May nagsasabi wala pang 100. May nagsasabi naman 120. Kaya’t tamang-tama ‘yan gawin natin adventure para sa ating mga turista. Sila ang magbilang.

Mga simpleng alaala ng tag-araw na tumatak sa bawat pamilyang Pilipino.

Kilala ang Pangasinan pagdating sa pasyalan, turismo, at pagkain gaya ng Alaminos longganisa, bangus, puto, tupig, at bagoong isda. Higit sa lahat–sa bait at sipag ninyong mga taga-Pangasinan. [palakpakan]

Ngunit tunay na pinabibilib ako ng Pangasinan kasi hindi kayo nakuntento sa likas na yaman at pinagbuti pa ninyo ito.

Ang Hundred Islands ay naging National Park—ang kauna-unahang national park sa ating bansa.

Noong 2022, pumangalawa ang Pangasinan sa Top Destinations sa bansa na nagtala ng pinakamaraming lokal na turista. Ang halos isang milyong lokal at dayuhang turista na bumisita sa inyo noong nakaraang taon ay magpapatunay sa ganda ng inyong lalawigan. [palakpakan]

Kilala rin kayo sa galing at ganda ng inyong mga tourism souvenirs, sa sports tourism, sa beach games, hosting ng mga events. Patunay na ang talento at, siyempre, sa charm ng mga taga-Pangasinan.

Noong isang taon, itinanghal ang Pangasinan na Best Province in Local Tourism [Planning] sa ginanap na 2024 Region 1 Tourism Summit. [palakpakan]

At ngayong araw, ating tutunghayan ang isa namang kaabang-abang na proyekto dito sa inyong lalawigan–itong ating sisimulan na Sky Garden.

Bunga ang Sky Garden sa pagtutulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Alaminos, ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority o ‘yung TIEZA, at ang Department of Tourism.

Isang kagandahan ng Sky Garden ay pang buong pamilya ito. Kami na tinatawag na Gen Z, puwedeng mag-vlog at mag-My Day dito.

Para naman sa mga magulang at mga seniors natin, gaya ni Secretary Conrad, [tawanan] nandiyan ang elevated garden. Pero kailangang hindi sila mahirapan umakyat para ma-enjoy nila ang mga garden na ito.

Kaya sa TIEZA, tulungan ninyo po ang Pamahalaang Lungsod ng Alaminos upang mapabilis at maisaayos ang pagtatayo nito. Kailangan senior-friendly. [palakpakan]

Conrad, lagi kitang inaalala eh kasi alam ko nanlalambot na minsan ‘yung tuhod mo eh. [tawanan]

Hangarin natin na maghatid ang Sky Garden ng sigla at magbigay-daan para sa mas maraming bisita at trabaho para sa mga taga-rito.

Napakahalaga ng turismo sa kaunlaran ng mga kanayunan. Nasusuportahan nito ang ating mga magsasaka, ating mangingisda, mga nagtitinda ng pasalubong, kasama ang mga hotel, at transportasyon.

Ang panawagan ko lang po sa ating mga kasama sa pamahalaan, sa kapulisan, at sa mga lokal na pamahalaan, ating tiyakin na ligtas at maayos ang lagay ng ating mga manlalakbay. Sa daan, sa hotels, sa restaurant, o sa kung saan man sila tutungo.

Bilang turista, napakahalaga na maayos ang mga rest area. Kaya ang DOT at saka ang TIEZA ay gumagawa ng mga Tourist Rest Area para komportable naman ang mga naglalakbay. Dito mayroong malinis na restroom, may information center, may ATM, may pasalubong center. Sampu na po ang naipagawa ng DOT at may ginagawa pa silang mga Tourist Rest Area sa Lingayen, Pangasinan.

Kasabay nito, ginagawa na rin natin ang Mangatarem–Sta. Cruz Road. Kapag natapos na ito, mas bibilis pa ang biyahe papunta at pabalik mula Pangasinan hanggang sa Zambales.

Dagdag pa rito ang Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway Extension at Dagupan-Mangaldan-Calasiao Circumferential Road Project. Layon ng mga proyektong ito na gawing madali, mabilis, at ligtas ang biyahe papunta sa mga pasyalan sa Pangasinan.

Bawas puyat, bawas pagod, bawas gastos. Mas makakapag-enjoy na kasama ang inyong mga pamilya.

Ngunit, kasabay ng pag-unlad, ingatan at paunlarin natin ang ating kalikasan. Huwag natin itong pabayaan upang maipapamana natin ito sa mga susunod na henerasyon.

Kapag inuuna natin ang kapakanan ng isa’t isa, nakakabuo tayo ng kinabukasang ligtas at maunlad para sa ating mga Pilipino. Ika nga ng mga kahenerasyon ko, para tayo ay maging successful.

Sa Bagong Pilipinas sama-sama tayong manindigan para sa bayan at para sa isang kinabukasang marangal, matatag, at makatarungan.

Maraming salamat. Mabuhay ang Pangasinan!

Mabuhay ang Alaminos!

Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [palakpakan]

— END —