PCO USEC. CASTRO: Magandang tanghali, Malacañang Press Corps. Ngayong unang araw ng pasukan, sabay-sabay nating sinalubong ang pagbabalik ng milyun-milyong batang Pilipino sa kanilang mga paaralan. Alam ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na sa kabila ng kasabikan ng mga mag-aaral, na matagal na nagbakasyon, at mga magulang ay may mga hamon na matagal na nating hinaharap – mga classrooms na kailangang ayusin; kakulangan ng tubig at kuryente sa ilang paaralan; mataas na gastos sa pamasahe at school supplies; at ang pangangailangan sa mas ligtas at maayos na kapaligiran sa eskuwelahan.
Nguni’t higit sa pagtukoy sa mga problemang ito, ang hangarin ng Pangulo ay tugunan at gawan ng mabilis at maayos na solusyon ang mga isyu. Kaya’t ngayong balik-eskwela, nagbigay siya ng malinaw na direktiba sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan: Tiyakin na bawat estudyante ay may ligtas at maayos na lugar para matuto, at ang kanilang mga magulang ay may kaagapay sa pagtaguyod sa kanilang mga anak.
Hiniling ng Pangulo sa DepEd at DPWH na pabilisin ang pagkukumpuni ng mga sirang classrooms, comfort rooms at handwashing stations, at tiyakin ang mas mabilis na pagtatayo ng bagong classrooms lalo na sa mga barangay na dating apektado ng insurgency at sa mga last-mile schools na matagal nang walang kuryente o pasilidad.
Inatasan niya ang DTI na tiyakin ang abot-kayang presyo ng school supplies sa tulong ng kanilang price guide; at ang DOTr naman na siguruhin ang student fare discount sa MRT, LRT at iba pang public transport upang mapagaan ang araw-araw na gastos.
Para sa kalusugan at kapakanan ng mga bata, pinayuhan ng Pangulo ang DOH na palakasin ang mga school clinics at ipagpatuloy ang bakuna-eskwela, deworming, tutukainan, oral health at community-based mental health programs, kasama na rito ang pagbibigay ng health kits at equipment sa mga paaralan.
Sa teknolohiya at batayang serbisyo, ipinag-utos ng Pangulo sa DICT na tiyaking may maayos na internet connection ang mga pampublikong paaralan; sa DOE at NEA, na masiguro ang electrification ng unelectrified schools; at LWUA, na tugunan agad ang kakulangan ng tubig sa mga paaralan.
Kagaya ng sabi ng Pangulo, hindi sapat ang silid-aralan at kagamitan kung walang kaligtasan ang mga bata. Ipinag-utos niya sa DILG at PNP ang mas mahigpit na pagbabantay sa mga paaralan sa tulong ng mahigit 37,000 pulis na naka-deploy na sa buong bansa, kasama ang paglalagay ng CCTV sa school perimeters at pagtatayo ng school kitchens sa mga 4th at 5th class municipalities para suportahan ang feeding programs.
At dahil naniniwala ang Pangulo na ang edukasyon ay hindi lang tungkulin ng paaralan kung hindi ng buong pamayanan, hiniling niya sa DSWD, DOLE, DOJ at iba pang ahensiya na palakasin ang child protection laban sa cyberbullying at physical violence, palawakin ang “Tara, Basa!” tutoring at supplemental feeding programs, at hikayatin ang TUPAD beneficiaries na maglingkod bilang tutor sa ilalim ng ARAL Program katuwang din ang pribadong sektor para makapagbigay ng trabaho sa mga senior high school graduates.
Kaninang umaga lang ay bumisita ang Pangulo sa Epifanio delos Santos Elementary School upang salubungin ang mga mag-aaral at personal na makita kung paano ba mapapabuti ang kanilang kalagayan. Sa abot ng kakayanan ng Pangulo at ng administrasyon, iparating lang ang inyong daing, at ang tulong ay makakarating.
Sa Bagong Pilipinas, ang gobyerno ay kaagapay ng bawat pamilya sa paghubog ng kinabukasan ng ating kabataan.
Mag-update naman tayo sa sitwasyon sa Siquijor. Dahil sa utos ng Pangulong Marcos Jr. na gawan ng agarang aksiyon ang power situation sa Siquijor, matagumpay na na-stabilize at naibalik ang kuryente sa isla dahil sa pagtutulungan ng Department of Energy at National Electrification Administration. Inanunsiyo ni Energy OIC Sharon Garin na sa pakikipag-ugnayan ng DOE, NEA at provincial government of Siquijor ay nagkaroon na ng pagbabago sa power situation sa isla.
As of June 14, ang total available capacity ay aabot sa 10.6 megawatts. Ang 7.2 megawatts ay nanggaling sa six out of eight operational existing degeneration units ng SIPCOR. Na-deploy na rin ng Palawan Electric Cooperative or Paleco ang kanilang 1.7 megawatts generator sets; na-synchronize na rin ito sa grid at sa 1.7 megawatts mula sa dalawang rented genset ng SIPCOR bandang 6:44 P.M. noong June 14. Samantala, patuloy ang repair works sa dalawang natitirang SIPCOR Unit 7 at 8. Inaasahang matatapos ang repairs ng Unit 8 sa June 18, at July 18 naman para sa Unit 7.
Sa pamumuno ni Pangulong Marcos Jr. at pagtutulungan ng DOE, NEA, LWUA at provincial government of Siquijor, nasolusyunan na ang problema sa kuryente at tubig sa isla.
Dumako naman po tayo sa ibang good news: Libreng check-up, mental health support at safety simulations handog ng Department of Health bilang suporta sa public road safety. Inilunsad ng DOH ang 2025 Road Safety Summit nitong June 14 upang paigtingin ang panawagan na gawing mas ligtas ang ating mga pampublikong kalsada.
Tinututukan ng ahensiya ang pagbibigay ng accessible health services sa mga drayber para pababain ang casualty rate ng car crashes sa bansa. Nagkaroon din ng road safety seminars upang i-promote ang responsible driving.
Inaanyayahan natin ang lahat ng drayber na makiisa para sa mas ligtas na mga kalsada dahil sa Bagong Pilipinas, bawat buhay ay mahalaga.
[VTR]
PCO USEC. CASTRO: At bago po tayo tumungo sa ating tanungan, siniguro po ng DFA na may contingency plan kung kinakailangang ilikas ang mga Pilipino mula sa Iran.
Sa Israel naman, mayroon na pong naipadala na team para tiyakin ang kundisyon ng ating mga kababayan doon. Ang apat na kababayan po na nasugatan at nasa ospital, dalawa na po sa kanila ay nailabas at dalawa naman po ay nananatili sa pagamutan, at ipinagdarasal po natin ang mabilisan nilang paggaling.
Ang direktiba ng Pangulo sa DFA, DMW at OWWA ay mabilisang tulong sa ating mga kababayan. No one is left behind, iyon ang tagubilin ng Pangulong Marcos Jr. At para po sa mabilisang pag-contact po, mayroon po tayong Middle East emergency hotlines, ang DMW-OWWA helpdesk, i-dial lang po ang 1348; and for those abroad naman po, puwede ninyo pong i-dial +6321348.
Handa na po tayong sumagot sa inyong mga katanungan.
CHLOE HUFANA/BUSINESSWORLD: Good afternoon, Usec. Telco operators urged President Marcos to review the Konektadong Pinoy Bill warning that some provision could undermine regulatory oversight and pose risks to national security and fair competition. So, has the President reviewed the bill? And does he intend to sign or veto the bill given it is among the admin’s priority bills?
PCO USEC. CASTRO: As of now, we have been informed that no document has been given to the Office of the President. But rest assure that the President will evaluate every provision stated in the said Konektadong Pinoy Bill. Asahan po natin na nakikinig ang Pangulo sa mga maaaring issues patungkol po dito sa bill na ito at babalansehin niya po ang para sa kabutihan ng kababayan natin, para din po kung may isyu about national security at kung mayroong negative impact sa telco in industry.
CHLOE HUFAMA/BUSINESS WORLD: Mayroon po ba tayong timeline dito, Usec.?
PCO USEC. CASTRO: Sa ngayon po ay wala pa po kasing naibibigay na dokumento. Ito naman po ay bibilisan naman po ng Pangulo basta naaral niya po ang bawat provision sa nasabing bill.
ALVIN BALTAZAR/RADYO PILIPINAS: Good morning, Usec. Actually, nasagot na ninyo iyong itatanong ko. Kung may specific directive ang Pangulo doon sa mga concerned government agencies para doon sa mga kababayan nating apektado ng tensiyon, ano po iyon, Usec.?
PCO USEC. CASTRO: Actually, may direktiba po ang Pangulo maliban po sa aking nabanggit. Ang DMW at OWWA ay dapat siguraduhin ang safety and wellbeing of the OFWS na apektado ng tensiyon dito sa Middle East. Ngayon po ay nasa crisis mode at heightened alert ang DFA, DMW at OWWA para matulungan po ang mga OFW at ang kanilang mga pamilya. At nagkaroon din po, nag-set po ng 24/7 Middle East Help Desk for the OFWs para po mas mabilis ang pagtugon sa kanilang mga pangangailangan.
ALVIN BALTAZAR/RADYO PILIPINAS: Pero, Usec., is the President considering na magpatupad ng forced repatriation kung saka-sakali o hindi pa dumarating sa point na iyon?
PCO USEC. CASTRO: Hindi pa po dumarating sa ganoong punto, pero ready po ang ating mga ahensiya kung kinakailangan po ng repatriation.
MARICEL HALILI/TV5: Magandang hapon po, Usec. Usec., manghihingi lang kami ng reaksiyon doon sa mga naging pahayag ni Vice President Sara Duterte over the weekend: Una, nagbigay siya ng pahayag tungkol doon sa mga senator-judges who are allegedly biased. Ang tingin niya dapat binibigyan daw ito ng benefit of the doubt and kung mayroon man, iyong mga biased against her iyon daw iyong dapat na mag-inhibit, your thoughts on this?
PCO USEC. CASTRO: Makikita naman ng taumbayan kung sino ba talaga ang bias at hindi. At makikita rin ng taumbayan kung sino sa mga senador ang nagtatrabaho lamang ayon sa batas at ayon sa rule of law. Kung ganiyan po ang kaniyang opinyon, wala po tayong masasabi dahil iyan po ay nasa kaniyang saloobin.
MARICEL HALILI/TV 5: Pero with all these issues, Usec., about being biased iyong mga senator-judges, you think na napi-preserve pa ba iyong integridad especially ng impeachment process?
PCO USEC. CASTRO: Mahirap magbigay ng konklusyon. Muli nasa senador na po iyan na siyang umaakto bilang judges sa impeachment court at hayaan na lamang po natin ang kanilang pagkilos, pag-evaluate ng pangyayari sa kanila mismong impeachment court at tao naman po ang makakakita kung sila po ay nagtatrabaho ng maayos.
MARICEL HALILI/TV 5: Panghuli na lamang po. The Vice President has reiterated her initial statement na mayroon po kayong koneksiyon ni Representative France Castro, although you have already cleared that. Once again, puwede po bang paki-explain ulit iyon because she also reiterated iyong garbage in, garbage-out na statement niya.
PCO USEC. CASTRO: Iyon na nga po, nakakalungkot dahil mismong ang Vice President, ang Bise Presidente ay nagiging paulit-ulit na source ng fake news, unli. Alam na natin, katulad ng sinabi ni Miss Maricel, maliwanag na po ang ating sinabi patungkol diyan at kayo po mismo, mga taga-media ay naiintindihan na po ito. So, nakakalungkot na ang Bise Presidente ay hindi po naiintindihan ang ating sinasabi. So, nagiging source of fake news na po or disinformation ang ating Bise Presidente at hindi ito maganda para sa kaniya bilang pangalawang nakakataas na lider ng bansa. Marami na rin po siyang nabanggit patungkol sa fake news, patungkol sa Pangulo, patungkol sa First Lady, patungkol na rin sa bigas na sinabi niyang maaaring pagkain lang ng baboy. So, sana huwag manatili ang pagiging source niya ng fake news bilang Bise Presidente.
TINA MARALIT/MANILA TIMES: Magandang umaga po, Usec. Over the weekend po, the PNP-Highway Patrol Group accosted two individuals for a traffic violation and it was later found out that they are involved in extortion scheme at ginagamit po ang pangalan ng First Couple, particularly First Lady Liza Marcos. Nakarating na po ba ito sa First Couple?
PCO USEC. CASTRO: Ang balita pong iyan ay hindi po natin batid kung nakarating sa kanila nang personal. Pero ang ganiyang mga aksiyon ay isang krimen, usurpation of authority, nagpapanggap na may kapangyarihan, pero ang kanilang nagiging trabaho ay pag-i-extort, ito ay nakakasira sa ating institusyon. Kailangan po talaga silang mademanda; kailangan po silang managot sa batas.
TINA MARALIT/MANILA TIMES: Follow-up lang po, ma’am. It was found out na hindi po ito iyong unang pangyayari, last year po nahuli na rin po itong same individuals for the same offense pero nakapagpiyansa. May mensahe po kaya ang Palasyo sa mga awtoridad?
PCO USEC. CASTRO: Sa mga ganiyan po, hindi po ito dapat pinapalagpas: Ang managot—ang dapat managot ay dapat panagutin. Hindi kasi natin masisisi kung ang kaniyang offense na na-commit ay bailable at talagang makakatakas siya. Pero with this, siguro tingnan po natin kung ganiyan pa rin ang kaso bailable pa rin iyan. Pero sana, with all of you, tulungan natin ang ating gobyerno na maipakita natin itong mga klaseng tao na ito sa pamamagitan din ng pagpapahayag patungkol sa kanilang mga gawain.
RICHBON QUEVEDO/DAILY TRIBUNE: Good afternoon po, Usec. AI generated videos are circulating online tackling big issues such as the impeachment case of Vice President Sara Duterte and this particular video po was shared by Senator Bato dela Rosa and, reportedly, by Davao City Mayor Baste Duterte. What is Malacañang’s reaction to this po, considering this technology can border on deepfake videos which can mimic even President Marcos? And what steps po that the PCO will take regarding this issue po?
PCO USEC. CASTRO: Ang pagsi-share ng mga katulad na ganiyan, muli, disinformation, fake news, hindi po sana nanggagaling sa mga opisyal ng pamahalaan. Nakakaduda, mas nakakawala ng tiwala kung mismo sa matataas na opisyal nanggagaling ang mga disinformation at fake news. At mabuti po at ito ay nai-correct at napansin po ng ating mga kababayan. Ang sabi nga po natin, kahit po ang PCO, ang pamahalaan ay gumagawa ng paraan para mapahinto ang fake news, pero mas kakayanin po natin ito kapag po tayo ay tulung-tulong.
Katulad po ng sinabi po ninyo, kayo na po mismo at ang iba nating mga kababayan ay nagsabi na ito ay AI generated at hindi totoo. So, maraming salamat sa inyong pagtulong sa pamahalaan para ma-detect natin ang mga fake news na minsan ay mga taga-gobyerno pa ang gumagawa.
EDEN SANTOS/NET 25: Usec., good morning po. Regarding po sa—follow-up iyong binanggit na AI-generated. Pero kung titingnan mo iyong sinasabi ng mga estudyante, legit naman po iyong isyu, ano po ang masasabi ninyo dito?
PCO USEC. CASTRO: Sino ang magsasabing legit at hindi legit na isyu? Kung ito ay galing sa isang fake news or AI-generated, so hindi tayo puwedeng magsabi na ito ay lehitimo or ilehitimo ang isyu.
IVAN MAYRINA/GMA: Ma’am, more on that point. Kung sakali pong may nag-share nga na mga opisyal ng gobyerno, whether purposely or inadvertently, is it incumbent upon them to apologize or to take it back once they realized that it was actually AI-generated and fake?
PCO USEC. CASTRO: Unang-una po, hindi naman kinakailangang mag-apologize kung ginamit lang naman nila ang kanilang talino para alamin kung ang kanilang isi-share ay mali, disinformation or just AI-generated videos. Hindi kinakailangang mag-apologize kung una pa lang tama ang inyong ginawa. But ngayon na naipakalat na, paano naman po iyong ibang naniwala sa kanila considering na ibinoto sila ng taumbayan? So, ngayon na ginawa po nila, at wala tayong magagawa doon, dapat lamang po nilang i-acknowledge na ang ipinasa nila na video ay hindi totoo at hindi tunay.
ALVIN BALTAZAR/RADYO PILIPINAS: Usec., in connection with that. Do you find it irresponsible on the part of those who shared the AI-generated video? Iresponsable bang hakbang iyong ginawa nila lalo’t may mga government official na nasasangkot?
PCO USEC. ATTY. CASTRO: Opo, responsibilidad nila ito dahil ang bawat salita na binibitawan nila sa taumbayan, lider sila, iyan ay totoo sa pandinig at pananaw ng bawat isa. So, dapat maging responsable sa anumang sini-share nila na impormasyon sa ating mga kababayan.
IRA PANGANIBAN/DZRJ: Ma’am, question lang: May penalties for doing this – distributing, sharing or giving out false or maybe misleading or AI-generated information, any penalty? Is the government looking at penalizing them, punishing them doing anything like that?
PCO USEC. ATTY. CASTRO: Depende po sa sitwasyon. Kung sila man ay nag-comment dito, mayroong kaakibat itong penalty; depende po sa kanilang partisipasyon. Hindi lang naman ito shineyr (share) kung hindi nagbigay pa ng opinyon, so tingnan na lang po natin, alamin natin ang kabuuan.
IRA PANGANIBAN/ DZRJ: Is libel or slander an option for this kind of actions, ma’am?
PCO USEC. ATTY. CASTRO: Can be. Pero sabi nga po natin, alamin po natin ang puno’t dulo nito; mahirap po magsalita agad na may liability ang isang tao. Ang sinasabi lamang po natin, dapat sila maging responsable sa bawat kilos nila.
MICHELLE GUILLANG/ALL TV: Hi, Usec.. Good afternoon po. Related lang po doon sa school na nasunog sa Quezon City, kasi marami-rami po iyong nasunog na classroom, if I’m not mistaken, around 20 classrooms and affected doon iyong faculty, library and conference hall, if hindi ako nagkakamali. Mayroon po bang specific directives si Pangulong Marcos to provide immediate help kasi hundreds of students po iyong affected nito?
PCO USEC. ATTY. CASTRO: Sa ngayon po ay hindi pa po kami nakakapag-usap patungkol po diyan, pero alam po natin na ito ay nakarating na sa kaniya. Kapag po nabigyan po ako mismo ng direktiba ng Pangulo, ito po ay aking ibibigay sa inyo sa kaagad.
Bago po tayo pumunta sa another good news, gusto ko lamang pong linawin: Nagkaroon po kasi … na ito po ay na-air sa News 5 through Brylle Mondejar and sa panayam kay Senator Sherwin Gatchalian, Bantay Balita with Miss Isa and Nimfa. Nagtanong po kasi sila dito at naibalita na ang Pangulo ay open for dialogue in relation to the impeachment issues. Pero naipaliwanag po natin iyan, nagtanong po si Mr. Ivan Mayrina, ang sinabi ko pong maliwanag na open ang Pangulo sa dialogue pero hindi po patungkol sa impeachment issue – maliwanag ko pong sinabi iyan. Kasi ang lumalabas po, naitanong kay Senator Gatchalian at kay Bise Presidente kung ano ang masasabi na open ang Pangulo or bukas ang Pangulo sa diyalogo patungkol sa impeachment issue.
So, gusto ko lamang po iyang i-correct: Hindi po open ang Pangulo sa diyalogo sa dalawang liderato ng Congress patungkol po sa impeachment issues. Sa ibang bagay patungkol sa batas or bill, maaari pong pag-usapan kung hindi sila nagkakasundo at hindi nagiging maganda ang kanilang relasyon. So, iyon lang po ang gusto nating liwanagin.
So, patuloy na pinatunayan ng ating mga kababayan ang kanilang angking katapangan at kabayanihan. Lagpas 20 million pesos na halaga ng illegal na droga ang na-recover ng mga ahensiya ng gobyerno sa tulong ng isang concerned citizen at dalawang fishermen sa Ilocos Norte. Natagpuang palutang-lutang malapit sa pampang sa tatlong pakete ng illegal na droga na may bigat na tatlong kilo kada isang pakete. Agaran namang nakipag-ugnayan ang mga concerned citizen sa PDEA, coast guard at PNP para i-surrender ang kontrabando. Mga ordinaryong mamamayan, katuwang ng pamahalaan, pamarisan sana ng nakakarami ang inyong katapangan at kabayanihan. Saludo po kami sa inyo.
At bago po tayo magtapos, isa na naman pong balita tungkol sa kagitingan ng ating mga kababayan. Hero’s welcome ang sumalubong kay Captain Roybel Tabobo dahil sa pinamalas nitong giting at husay sa pag-rescue sa crew ng isang lumubog na container ship sa karagatan ng Kerala, India. Pinarangalan ng Department Migrant Workers noong June 4 ang kapitan na tubong Iloilo. Nitong huling linggo ng Mayo, nailigtas ng kapitan ang kaniyang crew, ang siyam na seafarers na kapwa mga Pilipino rin.
Isa ang shipping vessel ni Captain Tabobo sa mga naunang sumaklolo sa lumubog na MSC ELSA 3 cargo container. Ang pagkilala sa kabayanihan ni Captain Tabobo at ng kaniyang crew ay ayon na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyang-pugay ang katapangan, husay at sakripisyo ng mga Pinoy seafarers saan man sila sa mundo. Congratulations at mabuhay po kayo Captain Roybel Tabobo. Maraming salamat sa inyong serbisyo, taas-noo po namin kayong pinagmamalaki kahit kanino.
[VTR]
At dito na po nagtatapos ang press briefing ngayong araw. Magandang tanghali para sa Bagong Pilipinas.
###