PCO USEC. CASTRO: Magandang hapon, Malacañang Press Corps.
Ngayong araw sa Osaka, Japan, patuloy si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang layunin na makapagdala ng mas maraming oportunidad para sa ating bansa. Mga oportunidad na magbubukas ng trabaho, magpapalago ng ekonomiya at magbibigay ng mas magandang kinabukasan para sa bawat pamilyang Pilipino.
Alam ng Pangulo na mahalaga ang edukasyon pero higit pa riyan, kailangan nating tiyakin na may hanapbuhay na naghihintay para sa bawat graduate. Kaya sa kaniyang mga naging pulong ngayong umaga, malinaw ang kaniyang mensahe – handa ang Pilipinas at bukas ang ating pinto para sa mga mamumuhunan na magtatayo ng negosyo, lilikha ng kabuhayan at tutulong sa pag-angat ng buhay ng ating mga kababayan.
Kanina, nakipagpulong ang Pangulo sa mga Japanese tourism partners para lalo pang palakasin ang sektor ng turismo – isang sektor na nagbibigay ng hanapbuhay sa libu-libong Pilipino. Naniniwala ang Pangulo na ang turismo ay hindi lamang pagpapakita ng ganda ng ating bayan kung hindi isang mahalagang paraan para magdala ng kabuhayan sa bawat komunidad.
Sumunod ang pulong ng Pangulo sa Kanadevia Corporation para sa Manila Waste-to-Zero Project. Isang malaking inisyatiba na mapagbuti sa solid waste management ng Metro Manila, magbibigay ng malinis na enerhiya at lilikha ng libu-libong trabaho para sa mga Pilipino.
Nakausap din ng Pangulo ang Tsuneishi Shipbuilding na matagal nang katuwang ng bansa sa Cebu. Pinag-usapan nila ang pagpapalawak pa ng operasyon ng kumpanya na makakatulong sa libu-libong manggagawa sa Visayas at sa buong bansa.
Mamaya, nakatakdang bumisita ang Pangulo sa Philippine Pavilion sa World Expo 2025. Isang pagkakataon ito para ipakita sa mundo ang yaman ng ating kultura, ang galing at sipag ng Pilipino, at para hikayatin ang mas maraming investments na makikinabang ang bawat pamilyang Pilipino.
Sa lahat ng ito, binibigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng paghahanda ng bansa sa gitna ng mga kaganapan sa ibang panig ng mundo tulad ng tensiyon sa Middle East upang masigurong may sapat na trabaho at hanapbuhay para sa mga Pilipino.
[VTR]
Ang mensahe ni Pangulong Marcos Jr. sa mga estudyante, “Mag-aral kayong mabuti.” At para matuon ang mga bata, ang kanilang pag-iisip sa pag-aaral, minabuti ng Pangulo na pagaanin ang gastos sa pagbabalik-eskuwela.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ginawa nang 50% ang student discount sa mga trainlines ng LRT 1, LRT 2 at MRT 3 simula ngayong araw. Ito’y bunga ng coordination sa pagitan ng DOTr, LRTA, LRTMC at MRT 3. Ipakita lang sa ticket counters ang inyong valid school ID o kahit anong school registration form sa current schoolyear para ma-avail ang discount. Puwede ring ma-avail ang discounted tickets ng mga estudyanteng kumukuha ng post-graduate studies.
Nagpapaalala po ang DOTr sa mga estudyante na valid lamang ang discount sa single journey tickets at hindi sa Beep cards o stored-value tickets. Makakaasa naman ang taumbayan na tuluy-tuloy ang discount para sa mga mag-aaral mula Lunes hanggang Linggo o kahit mapa-holiday pa man iyan hanggang 2028. Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, inaasahang magiging dagdag ginhawa ito para sa mga tumatangkilik ng trainlines dahil 20% lamang ang kasalukuyang student discount – pero ngayon, 50% discount na.
[VTR]
At ngayon po ay maaari na akong tumanggap ng inyong mga katanungan.
IVY REYES/BILYONARYO: Hi, Usec. Isa po sa preparations po ng House for the President’s SONA, ilan po sa mga concerns nila iyong deepfakes, AI or manipulated videos of the President giving speech. Mayroon na daw po kayang preparation ang Palasyo in case this happens?
PCO USEC. CASTRO: Sa ngayon po ay wala pa po tayong detalye at malamang po sa SONA ay makakasama po ito dahil noon pong nagkaroon ng statement ang Pangulo noong Independence Day, binanggit niya rin po ang patungkol sa fake news.
IVY REYES/BILYONARYO: And last one po, baka po puwede kaming makakuha ng reaction from the Palace about Senator Imee’s remark criticizing the government’s efforts to maintain San Juanico Bridge. She said and I quote, “Sana ako na lang nag-presidente.”
PCO USEC. CASTRO: Uhum. Lumiliwanag po ba ang ambisyon ni Senator Imee Marcos? Well, anyway, naging senador po si mahal na Senadora Imee Marcos since 2019 at malamang po ay alam naman po niya ang naging budget ng dating administrasyon patungkol po dito sa San Juanico Bridge at apat na taon pong nagkaroon—kung hindi ako nagkakamali, apat na taon since 2018 up to 2022 ang administrasyong Duterte pero hindi nga po nagkaroon ng rehabilitation.
At dapat nga pong magpasalamat po tayo sa panahon po ngayon ni Pangulong Marcos Jr. dahil nang nagkaroon ng inspection, doon lamang po nakita na ang lawak na po ng danyos at dapat na kailanganing i-repair sa San Juanico Bridge. Sa panahon lamang po ni Pangulong Marcos Jr. ito nagkaroon talaga nang malaliman na pag-i-inspect para po makita na maaaring ito po ay hindi na magandang daanan at dangerous na po sa mga lumalakbay gamit po ang San Juanico Bridge.
MARICEL HALILI/TV5: Magandang umaga, Usec. Usec., hingan ko lang po kayo ng reaksiyon doon sa naging pahayag ni Atty. Harry Roque kahapon in response po doon sa statement ninyo on asylum. Ang sabi niya, “Come and get me. Kung ready kayo sa akin, bakit hindi ninyo ako makuha?” Ano nga po bang nangyayari bakit po hindi pa siya mapauwi ng pamahalaan?
PCO USEC. CASTRO: Okay. Ayon naman po sa DOJ ay naghihintay lamang po ng formal notice na patungkol po dito sa kaniyang asylum. Kung ang sinasabi po niya, come and get me; ayon naman po sa ating pamahalaan, wait and see.
MARICEL HALILI/TV5: And, he also mentioned about iyong kapalpakan daw po ng intelligence ng pamahalaan dahil alam naman daw nila na iyon daw pong intelligence na nakukuha daw po ng gobyerno about him ay galing lang naman sa isang tsismosang Dutch and, of course, he reiterated that it’s not true, na nadesisyunan na iyong kaniyang asylum.
PCO USEC. CASTRO: Oo. Huwag niya pong ipagsawalang-bahala ang intelligence, ang assets po ng DOJ at hindi naman po namin iti-telegraph ang mga punches ng gobyerno katulad ng kaniyang ginagawa.
PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: Hi, ma’am. Hingi lang po kami ng reaksiyon din sa Palasyo kasi sabi ng OVP, Vice President Sara Duterte is currently on a personal trip to Australia to attend the “Free Duterte Now” rally scheduled for June 22 in Melbourne. Hindi lang po ito iyong unang beses na bumiyahe ang Bise Presidente to meet with OFWs, bago po nito pumunta siya sa Qatar, pumunta siya sa Kuala Lumpur. Does the Palace see this as something to be concerned about kasi—or does the Palace see a strategy for the VP to get the sympathy and the support of the OFWs by going to different countries?
PCO USEC. CASTRO: So, lumalabas po na personal trip ulit. Sa aking pagkakaalam, nag-celebrate siya ng kaniyang kaarawan sa Netherlands – that’s May 29, 30, 31 – at mayroon pa palang Qatar at mayroong Kuala Lumpur, at ngayon ay Australia. So, apat na bansa in just less than a month.
So, kung doon po abala ang ating Bise Presidente sa mga personal trips niya o personal trips with her family, choice po ng Bise Presidente iyon. Sabi nga natin, pang-personal o pambayan – that is the question. So, wala po tayong masasabi; kung anuman po ang ginagawa ngayon bilang Bise Presidente, ito po ang nakikita ng taumbayan sa kaniyang ginagawa bilang isang halal na lider ng bansa.
ALVIN BALTAZAR/RADYO PILIPINAS: Undersecretary, magandang hapon po. With the meetings you have mentioned na mga dinaluhan ni Pangulo, do we expect investment pledges and business agreements to be signed sa panahon ng working visit niya sa Japan?
PCO USEC. CASTRO: Actually, hindi pa po kasi tapos ang pakikipagpulong ng ating Pangulo sa mga Japanese corporations at iba pa pong mga korporasyon na maaari pong makatulong sa ating bansa. Hintayin na lang po natin ang anuman ang iri-report ng ating Pangulo sa kaniyang pagdating. Pero ito po ay ginawa ng Pangulo hindi para magbakasyon kung hindi para magtrabaho at ito po ay para sa taumbayan dahil makikita po natin ang kaniyang mga kausap ay patungkol po sa turismo para mapalaki pa po, mapaganda ang ating turismo, at para rin po pasinayaan iyong ating pavilion sa nasabing World Expo.
EDEN SANTOS/NET25: Follow-up lang po, Usec., doon sa tanong ni Pia about VP Sara’s mga biyahe. Mayroon po bang nalalabag ang Bise Presidente dito sa kaniyang mga travels na ito?
PCO USEC. CASTRO: Ang kaniya lang sigurong malalabag ay ang kaniyang obligasyon sa taumbayan.
EDEN SANTOS/NET25: Doon naman sa mga OFWs natin diyan sa Israel at Iran, medyo may mga dismayado po ‘no doon sa statement ng Pangulo na depende doon sa desisyon ng bawat indibidwal or bawat pamilya ano po, iyong pag-repatriate or pag-evacuate sa kanila. Mayroon po bang partikular na sitwasyon bago po magpatupad ng mandatory repatriation ang gobyerno?
PCO USEC. CASTRO: Nakausap po natin kahapon ang kinatawan po ng DMW at sila’y sumusunod lamang po kung anong alert level ang ibinibigay ng DFA. Sa kasalukuyan po, as of yesterday, ang alert level po ng Israel ay Alert 4, so dapat magkaroon na po ng repatriation ng mga Pilipino.
At tandaan din po natin, mabilis din po natin napadala, napabalik ang ating mga kapuwa Pilipino na hindi agad nakatawid, ngayon po ay nasa Pilipinas na at safe po silang nakabalik sa ating bansa.
As of yesterday, ang Iran po ay Level 2. So, maya-maya lamang po ay hihingiin natin kung may update po patungkol po sa level or alert level na ibibigay po ng DFA.
EDEN SANTOS/NET25: So, sa ngayon po ay wala talagang pangangailangan na i-evacuate na natin iyong mga Pilipino well in fact, iyong mga—sa China, sa US, iyong kanilang mga citizens ay pinalilikas na po?
PCO USEC. CASTRO: Kung ganiyan po ang kanilang desisyon, mayroon naman po rin tayong desisyon at ito ay naaayon naman din po sa pag-aaral ng mga ahensiya natin. So, hintayin na lamang po natin kung ano po ang sasabihin na alert level ng DFA, at iyon po ang susundin natin.
EDEN SANTOS/NET25: At ang binabanggit po na dahilan – last na lang – iyong binabanggit po na dahilan ng ating mga OFWs ay kaya sila nagdi-decide na mag-stay doon, kung saang bansa sila naroon, either Israel o Iran, dahil po iyong pangambang pag-uwi nila sa Pilipinas ay wala po silang aabutang trabaho. Ano po ang masasabi ng gobyerno dito?
PCO USEC. CASTRO: Huwag naman po tayong maging masyadong negatibo. Marami pong ginagawa ang Pangulo para makapagbigay ng trabaho sa ating mga kababayan.
MARICEL HALILI/TV5: Usec., follow-up lang tungkol sa Japan trip. May we know why is it not open for media coverage considering that it’s a working visit?
PCO USEC. CASTRO: Actually po, ang naging dahilan po dito, nagkaroon po ng last-minute decision ang Pangulo na tumuloy po sa Japan. Hindi man po ito nasabi para po makasama ang ibang mga taga-media pero po nandudoon po ang MARO, at ipagpaumahin kung hindi po—Nakita po ninyo kasi ang lahat ng activities ng Pangulo, halos sunud-sunod po last week; Monday to Friday kumpleto po kasi ang activities ng Pangulo. So, nakapag-decide po very last minute na nakapagdesisyon na siya po ay aalis.
MARICEL HALILI/TV5: May we know, Usec., kung kailan po na-finalize ni PBBM iyong decision niya?
PCO USEC. CASTRO: A day before. Iyong oras, hindi ko po alam, basta a day before.
LETH NARCISO/DZRH: Good afternoon, Usec. Hingi lang po kami ng reaction: Ang OVP po ay nagpasabi na sa Kamara na hindi ulit dadalo ng SONA si VP Sara.
PCO USEC. CASTRO: Last year hindi rin naman din po siya dumating. At sa ating pagkakaalam, siya po ay um-attend sa isang kasalan. So, kung hindi po siya a-attend ngayon kahit siya po ay inimbita bilang bise presidente, again, choice niya po iyon. At kung hindi niya po maririnig ang mga programa at kung ano po ang naging trabaho ng gobyerno at ni Pangulong Marcos Jr., hindi na po siguro natin kasalanan iyon; it’s her choice.
ANALY SOBERANO/BOMBO RADYO: Usec., good afternoon. I-follow-up ko lang doon sa 50% discount sa mga estudyante, kasama po ba dito iyong mga senior citizen, Usec?
PCO USEC. CASTRO: Inaaral pa po iyan. As much as possible, kung puwede nga pong ilibre lahat, iyon ang gusto ng Pangulo. Pero aaralin po iyan at hindi naman po natin agad-agad maibibigay or kakayaning maibigay. Inaaral po ngayon iyan sa kasalukuyan.
ANALY SOBERANO/BOMBO RADYO: On the other issue, Usec. Doon naman sa pag-review ng gobyerno sa kontrata ng SIPCOR, may we know kung may update na po doon? Thank you.
PCO USEC. CASTRO: Sa ngayon po ay hindi pa po kami nagkakausap ni LWUA Admin Salonga. Pero mayroon siyang ibinigay sa aking mensahe pero mamaya siguro since iyon ay naitanong mo, titingnan natin kung ano ang pinaka-update. At kapag nakapagbigay siya sa akin patungkol sa SIPCOR, ibibigay po natin. Kasi ang pinakahuli po nating report dito ay iyong short-term solution, nabigyan na po ng solusyon ang mga kababayan natin sa Siquijor. Titingnan po natin iyong maintenance nito, kung nagpapatuloy at regular na wala na pong nagiging problema sa nasabing isla.
At bago po tayo magtapos: Forty-two percent ng mga Pilipino ang nagsasabing sila ay hindi mahirap ayon sa SWS survey, batid na ang epekto ng pagpapababa ng poverty incidence sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr. at ito po ay nakikita na. Ayon ito sa April 23 to 28 self-rate poverty survey na inilabas ng Social Weather Stations (SWS).
Tinukoy ng Presidente bilang mga pangunahing sanhi ng pagbaba ng poverty incidence sa bansa ang mga programa para sa improvement ng food availability and affordability, education at social welfare.
Ayon pa sa Pangulo, makatutulong din ang mga inisyatiba ng gobyerno na pagaanin ang mga problemang nakakaapekto sa small-scale businesses, public utilities, transportation services at street safety.
Bumaba rin sa record low na eight percent ang mga Pilipinong nagsasabi na sila ay borderline poor. Malaki ang ibinaba nito mula sa 39% na naitala noong 2021.
Patuloy lang ang administrasyon sa pagtatrabaho upang pagaanin ang pasanin ng mga ordinaryong Pilipino. Dahil sa Bagong Pilipinas, aksyon ang solusyon.
[VTR]
PCO USEC. CASTRO: At isa pa pong bagong pasok na balita: Ten billion pesos-worth of drugs, nasabat ng Philippine Navy at PDEA sa karagatan ng Zambales. Droga ang bumungad sa Philippine Navy at PDEA sa kanilang pag-inspeksyon ng isang fishing boat kaninang madaling araw.
Tinatayang nasa 1.5 tons ang bigat ng hinihinalang shabu. Tinawag naman itong isa sa pinakamalaking illegal drug apprehension sa kasaysayan ng Philippine Navy. Saludo po kami sa inyong patuloy na pagsuporta sa ating paglaban sa droga.
At dito na po nagtatapos ang ating press briefing. Maraming salamat at magandang hapon para sa Bagong Pilipinas.
###