PCO USEC. CASTRO: Magandang umaga, Malacañang Press Corps.
Kaninang umaga ay pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbubukas ng kauna-unahang VALOR clinic sa Fernando Air Base. Ang Veterans Access to Lifetime Optimized Healthcare (VALOR) clinic na ito ay una sa pilot clinics sa ilalim ng VALOR health network program. Ang VALOR clinics ay naglalayong magbigay ng serbisyong medikal sa higit 93% ng ating mga beteranong sundalo na hindi naaabot ng kasalukuyang sistema.
Makakaasa ang ating mga veteran soldiers sa mga serbisyong medikal gaya ng immunization services, health screenings, early diagnosis, lab test gaya ng x-ray, CT scan at MRI sa mga local providers, at telemedicine consultations para sa mas mabilis na serbisyo. Magtatayo din ng VALOR clinic sa Fort Bonifacio General Hospital sa Taguig, sa North-Luzon Command sa Tarlac, at sa Southern Luzon Command naman sa Lucena City.
Ayon sa Pangulo, unang bahagi pa lamang ito at ilulunsad ang second and third phases ng VALOR health network program mula 2026 hanggang 2028. Klinaro din ng Pangulo na pati ang active-duty soldiers ay makikinabang sa programa. Pinaplano na ring ihatid ang primary care services sa mga miyembro ng civil defense. Nagbigay naman ng direktiba si Pangulong Marcos Jr. sa DND at DBM: Siguraduhin na magbibigay ng sapat na pondo sa programa para maipatayo ang lahat ng VALOR clinics.
May mensahe din ang Pangulo sa mga beteranong sundalo ng bansa, “Hindi matutumbasan ng kahit anuman ang inyong paglilingkod. Sana ay maipadama ng pamahalaan na may masasandalan kayo sa oras ng pangangailangan. Nandirito rin ang gobyerno para patuloy na alagaan ang inyong kalusugan at tutukan ang inyong kapakanan.”
[VTR]
Nitong umaga din ay nagbigay-pugay si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga tauhan ng Air Education and Training Command (AETC) sa Fernando Air Base. Aniya, walang katumbas ang papel ng Philippine Air Force sa mga hamon ng seguridad na kinakaharap ng ating bansa. Binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng suporta ng Puwersang Panghimpapawid sa buhay, lakas at pag-asa ng ating Philippine Navy at Philippine Army sa gitna ng laban.
Nakasalalay pa sa AETC ang tagumpay at ligtas na pagtupad sa bawat misyon ng ating kasundaluhan. Sa tulong ninyo ay mas lalong natututo ang mga sundalo at estudyante para sa mas magaling na paglilingkod sa Philippine Air Force. Ayon sa tala ay may 15,000 na estudyante ang nabigyan ng training sa pamumuno ng AETC mula 2019 hanggang 2024. Naging instrumento ito sa paghubog ng mga sundalong may disiplina, integridad at pagmamahal sa bayan.
Bukod sa pagpupugay ay nagbitaw din ng mensahe at hamon ang Pangulo sa ating kasundaluhan. Binigyan ng direktiba ng Pangulo ang AETC na tiyakin ang pagtugon nito sa mga kurso na kakailanganin ng ating Air Force na naaayon sa layunin ng AFP. Nais din ng Pangulo na panatilihing mataas ang kalidad ng programa at siguruhin na natatapos ng bawat estudyante ang kanilang pagsasanay. Ang Philippine Air Force naman, palawigin pa ang pakikipag-ugnayan sa AETC upang masiguro ang mga kagamitan at iba pang pangangailangan ay matugunan.
Bilang dagdag, sinabi ng Pangulo na buo ang suporta ng gobyerno dito at patuloy ang modernisasyon ng ating Air Force. Palalakasin din ang kakayahan nito upang siguruhin na first class ang mga piloto at crew nito.
May mensahe naman ang Pangulo sa mga future airmen ng bansa, “Maging tapat sa inyong paglilingkod, ibigin ninyo ang Inang Bayan at pagsilbihan ang taumbayan, at higit sa lahat, alagaan ninyo ang tiwala at respeto ng sambayanang Pilipino.”
[VTR]
At maaari na po tayong tumanggap ng inyong mga katanungan.
IVAN MAYRINA/GMA NEWS: Happy Birthday, Usec.
PCO USEC. CASTRO: Thank you.
IVAN MAYRINA/GMA NEWS: Sinabi po ni Secretary Boying Remulla ng Department of Justice na nakikipagtulungan ang kaniyang kagawaran sa ICC para protektahan ang mga witnesses sa kasong crimes against humanity ni Pangulong Duterte. Unang tanong po: Ito po ba’y may basbas ng Pangulo at ito na ba ang posisyon ng bansa na makikipagtulungan na tayo sa ICC?
PCO USEC. CASTRO: Parang sa ating pagkakadinig ay tutulungan ng DOJ ang mga witnesses para makapag-testify, para mabigyan ng hustisya ang dapat na mabigyan ng hustisya. Hindi directly makikipagtulungan sa ICC.
IVAN MAYRINA/GMA NEWS: But this is upon the request of the ICC.
PCO USEC. CASTRO: Still, ang tutulungan po natin ay ang kapwa nating Pilipino na nangangailangan ng tulong para mabigyan sila ng hustisya. At iyan din naman po ang sinasabi ng Commission on Human Rights at ating kausap, ito po ang kanilang mensahe: “The CHR as constitutionally mandated has always made its services readily available to the extent possible to all victims regardless of circumstances and status in its pursuit of justice and accountability for alleged violations of human rights, whether local or abroad, with the assistance of relevant government agencies if necessary.”
At ayon din naman po sa DOJ, kahit sino pang witnesses – kung ito po ay witnesses ng mga biktima, mapa-ICC man po ito o sa ibang mga pagkakataon, tutulungan pa rin po nila.
IVAN MAYRINA/GMA NEWS: Going back to my original question. May basbas ho ito ng Pangulo?
PCO USEC. CASTRO: Iyon din naman po ang gusto ng Pangulo, mabigyan ng hustisya ang dapat na mabigyan ng hustisya.
IVAN MAYRINA/GMA NEWS: One final point. Isn’t this a departure from the previous statements of the President that we will not cooperate with the ICC in any way, shape or form because at least from how it looks, it’s definitely cooperation in a way, shape or form?
PCO USEC. CASTRO: It can be said that it is indirectly cooperating with the ICC. But, the primary intention of the government is to help the victims and the witnesses of the victims to get the justice they need.
IVAN MAYRINA/GMA NEWS: So, hindi pa rin po tayo nakikipagtulungan sa ICC?
PCO USEC. CASTRO: Yes, directly hindi po.
MARICEL HALILI/TV5: Happy birthday, Usec.
PCO USEC. CASTRO: Thank you.
MARICEL HALILI/TV5: Usec., follow up lang. Pero napapag-usapan po ba o may nabanggit po ba si Presidente about doon sa muling pagsama ng Pilipinas sa Rome Statute? Kinu-consider na po ba iyan ngayon or at least nasasama ba sa discussion?
PCO USEC. CASTRO: Wala po. Sa ngayon, wala po talaga. Kapag po siguro nabigyan kami ng pagkakataon ng Pangulo na mabanggit ko ito nang mas malaliman, tingnan natin kung ano iyong kaniyang magiging reaksiyon. As of now, sa foreign policy, wala pa po talaga.
EDEN SANTOS/NET25: Maligayang kaarawan po, Usec.
PCO USEC. CASTRO: Thank you.
EDEN SANTOS/NET25: Ang sabi po ni Atty. Conti, they’d rather be protected by the ICC, referring to the witnesses po rather than the Philippine government. Parang nawawala po iyong tiwala nila sa Philippine government doon sa kaniyang statement.
PCO USEC. CASTRO: Siguro po sa kaniyang—mahirap pong magsalita kung ano po ang kaniyang nasa damdamin at nasa kaniyang isipan. Siguro, I rather not comment to the reaction of Atty. Conti.
IVY REYES/BILYONARYO: Happy birthday po.
PCO USEC. CASTRO: Thank you.
IVY REYES/BILYONARYO: Usec., there’s a circulating document in the Senate alleging that there’s billions of pork barrel in the 2025 national budget. SP Chiz neither confirmed nor denied this. For example, Bulacan has 12 billion pesos and Sorsogon has nine billion. Ano po ang masasabi ng Palace sa usapin ng pork barrel na ito?
PCO USEC. CASTRO: Wala pong nakakarating sa amin na ganiyang balita. Ngayon ko lang—on my part, ngayon ko lang din po nadinig ang ganiyang sinasabi ninyong papel na nagsi-circulate. Wala pong nakakarating sa atin at hindi po ito nagiging isyu sa Palasyo. So, sorry, we deny that.
EDEN SANTOS/NET25: Usec., tanong ko lang po, bakit po kaya hindi natuloy si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. doon sa pagsalubong sa mga OFWs from Israel noong Tuesday po? ‘Di ba mayroon siyang schedule, morning, pero na-cancel dahil na-delay iyong flight. Dumating po nang gabi iyong first batch ng OFWs from Israel pero hindi na po nagpunta ang Pangulo. Mayroon po bang mas mahalagang appointment or activity ang Pangulo that time kaya hindi po siya nakasalubong?
PCO USEC. CASTRO: Anong oras po ba dumating?
EDEN SANTOS/NET25: Gabi na po.
PCO USEC. CASTRO: So, most probably hindi po kasi iyan iyong naka-schedule sa Pangulo. At kapag po kasi ganito, nadi-delay po iyong flight, hindi po natin kabisado kung ano ang oras ng dating. So, hindi naman po intensyon, kasi 11 o’clock, mukhang … baka po ang Pangulo ay nagpapahinga at naabisuhan na lang po siya siguro, marahil ay the following day na po. So, hindi po natin alam—
EDEN SANTOS/NET25: Mga 7 something po iyong, Usec.
PCO USEC. CASTRO: Hindi po kasi natin alam ang tunay na sitwasyon kaya mahirap po tayong magbigay ng anumang judgment na kung may mahalaga bang ginagawa ang Pangulo para hindi masalubong ang ating mga kababayan na nagmula sa Israel.
ANALY SOBERANO/BOMBO RADYO: Usec., happy birthday.
PCO USEC. CASTRO: Thank you.
ANALY SOBERANO/BOMBO RADYO: Kuha lang po ako ng reaksiyon from Malacañang. Nadismaya kasi po ang ilang mga transport group dahil sa hindi natuloy na fuel subsidy na ibibigay ng gobyerno. Ayon sa grupong Manibela, ramdam ng mga drivers and operators ang second tranche ng fuel price hike na nakatakda this week. So, ano pong mga remedy sigurong puwedeng gawin dito, Usec.? Thank you.
PCO USEC. CASTRO: Alam naman natin na ang Pangulo, kapakanan din ng mga PUV drivers, ng operators, ng mga transport groups ang isa sa mga inuuna niya. Minsan po nga ay nagpasalamat din po ang ilang transport groups dahil nakikinig ang Pangulo sa kanilang mga panawagan tulad sa pag-increase ng private cars insurance at ang pag-intindi sa sitwasyon ngayon ng PUV Modernization Program. Iyan po ay kanilang ikinatuwa sa mabilis na pag-aksyon ng ating Pangulo at ng gobyerno at ni Secretary Vince Dizon.
May mga pagkakataon po siguro na ganitong klaseng sitwasyon ay hindi po agad makakapag-decide ang Pangulo dahil depende po ito sa nagiging sitwasyon sa kasalukuyan. Pero patuloy pong nagmo-monitor ang pamahalaan kung ano ba ang nangyayari sa isyu sa Israel at Iran. Sa kasalukuyan po kasi ay, kung hindi po tayo nagkakamali, umaabot lamang po sa US$65 to US$68 per barrel ang presyo ng krudo, world market, global market price so hindi po agad ito mati-trigger. Pero tandaan po natin, kung anuman po ang maitutulong sa kakayanan at naaayon sa batas natin at sa rules, hindi naman po ito ipagkakait ng pamahalaan.
ALVIN BALTAZAR/RADYO PILIPINAS: Usec., happy birthday po.
PCO USEC. CASTRO: Thank you.
ALVIN BALTAZAR/RADYO PILIPINAS: Usec., the other day po, sinagot ni Vice President Sara iyong pagkaka-tag sa kaniya as pro-China, stating that she is not for any country at all. Sabi niya, we need to maintain and level up our relations with all countries hindi lang sa China. Reaksiyon po dito ng Palasyo?
PCO USEC. CASTRO: Ang Pangulo po ay taas-noo at ipinagmamalaki na siya ay pro-Philippines. Sinabi niya na he will not yield even an inch of our territory. Ang tunay na Pilipino, umaawit ng Lupang Hinirang na may dangal; sinasambit ang mga katagang, “Ang mamatay nang dahil sa iyo.” Sabi nga po ni Dr. Jose Rizal, “Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay masahol pa sa hayop at malansang isda.” Paano pa kaya ang isang Pilipino at isang lider na umaming hindi mahal ang kaniyang sariling bansa, ano kaya ang kanilang amoy? Iyon lang po.
HARLEY VALBUENA/PTV4: Happy birthday, Usec. Claire.
PCO USEC. CASTRO: Thank you.
HARLEY VALBUENA/PTV4: Ma’am, your reaction lang po on VP Sara’s statement saying na makaluma raw po ang PNP because of focusing on police visibility in streets rather than using modern technology such as drones, CCTVs among others?
PCO USEC. CASTRO: Actually, nadinig nga po natin iyan, at kinuha ko na rin po talaga ang reaksiyon ni PNP Chief natin, si General Torre. At ito po ang kaniyang mensahe sa ating Bise Presidente, “We appreciate the Vice President’s insight on how we, the PNP, should do our policing so we can be there whenever we are needed by the community. First, we have already incorporated technologies such as drones and CCTVs in our operations. These have enabled us to build a strong foundation for our quick response. Second, the Vice President is welcome to come and visit us, and we are more than happy to show her how important the deployment of our policemen in key areas in our quick response team. Lastly, we respect everyone’s opinion on how the PNP should do their job. Of course, we are willing to listen to the opinions which are credible and make sense.”
So, ayon dito sa ating PNP Chief, makinig po tayo ng opinyon sa mga taong may sense.
TUESDAY NIU/DZBB: Happy birthday, ma’am.
PCO USEC. CASTRO: Thank you.
TUESDAY NIU/DZBB: May mga nakita po kami sa social media about some reorganization sa PCO. Mayroon po bang latest directive ang Presidente para sa mga bagong tinanggap na courtesy resignations, for example, iyong kay Secretary Jay Ruiz na diumano, mayroon na raw pong ipapalit sa kaniya. How true is this, ma’am?
PCO USEC. CASTRO: Wala pa pong nakakarating sa akin. Secretary Jay remains to be the acting secretary of PCO. So, kung may mga ugong-ugong, wala pong nakakarating sa amin.
Balik tayo sa balita pangkalusugan: Opisyal nang sinimulan ng Philippine General Hospital ang pagpapatayo ng isang 16-story pediatric and adult specialty center. Layunin ng pasilidad na palawakin pa ang specialized health care para sa sambayanang Pilipino.
Ayon sa PGH, magkakaroon ng 450 beds, makabagong pediatric emergency at operating rooms, intensive care units at out-patient clinics ang pasilidad. Tinatayang aabot sa 675.5 million pesos ang halaga ng nasabing gusali at matatapos ito sa taong 2027.
Ang specialty center na ito ay simbolo ng pagpapahalaga ng pamahalaan sa pagpapahatid ng quality public health care sa sambayanan.
[VTR]
PCO USEC. CASTRO: At bago tayo magtapos: Alyansa ng Pilipinas at Amerika, pagtitibayin ng gagawing flagship rail project. Matagumpay ang naging pakikipagtulungan ng Pilipinas sa Amerika para i-develop ang Subic-Clark-Manila-Batangas (SCMB) Railway na magdurugtong sa tatlong major ports ng bansa, kabilang ang Subic Bay. Kasado na ang funding mula sa US Trade and Development Agency para sa 155-kilometer railway project. Layon ng proyekto na palakasin pa ang trade at economic development sa buong Pilipinas.
Pinirmahan ni Transportation Secretary Vince Dizon at USTDA Acting Director Thomas Hardy ang beneficiary agreement upang gawing opisyal ang proyekto sa pagitan ng dalawang bansa. Kabilang ang legal, institutional at technical planning sa paghahanda para sa sinasabing major railway project.
Nakikitang magiging solusyon ang SCMB Railway sa pag-decentralize ng port activity at pagbawas sa port congestion. Diumano ay posible rin itong gamitin sa passenger transport sa hinaharap.
[VTR]
PCO USEC. CASTRO: At dito na po nagtatapos ang ating press briefing. Magandang umaga para sa Bagong Pilipinas.
###