PCO USEC. CASTRO: Magandang araw, Malacañang Press Corps.
Bagong tax reform na naglalayong palakasin ang financial security ng mga Pilipino, epektibo na. Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang bell ringing ceremony bilang pagsalubong sa mas maraming economic opportunities para sa lahat.
Nilalayon ng Capital Markets Efficiency Promotion Act na baguhin ang pananaw ng ordinaryong mamamayan sa pag-invest at pagpapalago ng kanilang pondo. Ibinaba sa 0.1% ang stock investment tax mula 0.6% at tinanggal na rin ang documentary stamp tax sa mutual at unit investment funds para mabawasan ang bayarin ng mga nais mag-invest. Ginawa rin ito upang maengganyo pa ang mga Pilipinong palaguin ang kanilang pera sa stocks exchange. Bukod dito, ginawa ring 20% ang final tax rates sa interest income upang padaliin ang compliance at gawing mas simple ang pagbabayad nito. May incentives din ang mga kumpaniya na tumutulong sa mga empleyado na magbayad ng kanilang retirement kagaya ng 50% deduction sa actual contributions.
Tinatayang nasa 25 billion pesos ang magiging net revenue mula sa bagong tax reform na siya namang gagamiting pondo para sa mga mahahalagang proyekto ng gobyerno kagaya ng kalsada, paaralan, mga ospital, at iba pang social safety net programs.
Kumpiyansa ang Pangulo na magdadala ng ginhawa ang batas na ito para sa mga ordinaryong Pilipinong gustong paunlarin pa ang kanilang sarili. Diin ng Pangulo, nais ng pamahalaan na alisin ang mga balakid at palawakin pa ang oportunidad ng mga Pilipino sa pag-unlad.
[VTR]
PCO USEC. CASTRO: Kahapon ay binigyang parangal ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang 43 outstanding farmers and fisherfolk sa 50th Gawad Saka awarding ceremony sa Nueva Ecija.
Sa isang mensahe, sinabi ng Pangulo na hindi matatawaran ang kahalagahan ng ating mga magsasaka gayung hindi lang pamilya nila ang kanilang pinapakain kung hindi ang buong bansa kaya kaagapay rin sila ng Pangulo sa Benteng Bigas Mayroon Na Program.
Nakadaupang-palad din ng Pangulo ang awardees sa isang pagpupulong kung saan malugod niyang sinagot ang mga katanungan ng mga farmers and fisherfolk. Tiniyak ni Pangulong Marcos Jr. ang suporta ng gobyerno para sa mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng mga proyektong pang-agrikultura.
Malinaw ang mensahe ng Pangulo sa ating farmers and fisherfolk: Katuwang ninyo ang gobyerno mula pagbili ng punla hanggang panahon ng ani.
[VTR]
PCO USEC. CASTRO: Kapakanan ng magsasaka at agrikultura, patuloy ang pag-unlad sa Nueva Ecija.
Pinangunahan ni Pangulong Marcos Jr. ang turnover ng 16 mobile soil laboratory (MSL) sa mga magsasaka upang pataasin pa ang kalidad ng kanilang pananim. Gamit ang MSL, kaya nang suriin ng mga farmers ang lupang kanilang sinasaka para alamin kung anong sustansiya ang kailangan nito para sa mas masaganang ani.
Layunin ng MSL distribution program na palawigin pa ang kaalaman ng ating mga magsasaka bilang paghahanda sa mga hamon na dala ng climate change, soil degradation at food insecurity.
Bukod sa mobile soil laboratories, pinangunahan din ni Pangulong Marcos Jr. ang inagurasyon ng rice processing system (RPS) at ang turnover ng dagdag na farming machineries. Gamit ang RPS, mas magiging efficient na ang pagproseso ng palay. Kung noon ay 58 sacks of rice lang ang kayang i-produce mula sa 100 sacks of palay, ngayon ay puwede nang umabot sa 65 sacks ang yield nito.
Makakaasa ang ating mga farmers sa mas magandang harvest yield at mas malaking kita mula sa makabagong teknolohiya sa pagsasaka. Makikinabang din ang mga 17 farmers’ cooperatives mula sa Nueva Ecija sa mga bagong tractors at harvesters na kaloob ng administrasyon.
Ayon sa Pangulo, nararapat lamang na suportahan ang ating farmers dahil sa pag-asang tinatanim nila ay para sa ikauunlad ng bayan. Dahil sa Bagong Pilipinas, may ginhawa sa modernong pagsasaka.
[VTR]
PCO USEC. CASTRO: Maaari na po tayong tumanggap ng inyong katanungan.
EDEN SANTOS/NET25: Usec., good afternoon po. Kumustahin ko po ulit kung mayroon na po bang tugon o aksyon ang gobyerno sa panukalang magpatupad po ng price ceiling sa fresh meat na kaya raw po ng mga consumers para mapasunod naman iyong pagbaba po ng presyo ng baboy sa farmgate?
PCO USEC. CASTRO: Supposed to be ay makakasama po sana natin si Sec. Kiko today, kaya lang nagbago ang ating schedule. Pero ipinangako niya po na lahat ng ganiyang katanungan ay sasagutin po itong linggong ito, marahil po ay sa Huwebes. So, ilaan ninyo lamang po ang tanong na iyan kay Secretary Kiko.
EDEN SANTOS/NET25: Isang tanong lang po doon sa CMEPA – follow-up lang po – na pinangunahan po kanina ng Pangulo. Doon po sa tax investment na binawasan, papaano po ba ito, iyong mga simpleng mamamayan lang po, paano po sila makakapag-invest dito?
PCO USEC. CASTRO: Maaari po silang turuan ng mas nakakaalam dito. Hindi po tayo ganoon kaalam pagdating sa stock exchange. So, mayroon po itong nagtuturo sa inyo, mayroon rin pong mga brokers dito para po kayo ay maturuan.
MARICAR SARGAN/BRIGADA: Good afternoon po, Usec. Some US lawmakers po are proposing to build an ammunition production and storage facility diyan po sa Subic, Zambales. And si Secretary Gibo Teodoro, nagpahayag na rin po ng pagiging bukas sa ideyang ito. Pero si Pangulong Marcos po kaya, bukas din po ba siya sa ganitong proposal.
PCO USEC. CASTRO: Since wala pa naman pong formal offer patungkol po dito, mas maganda po siguro bago natin hilingin ang tugon ng ating Pangulo ay mas magandang mailatag sana sa kaniya kung ano ang mga detalye dito. Ang Pangulo naman po ay doon lagi sa makakabuti sa ating bansa at makakabuti sa taumbayan.
ANALY SOBERANO. BOMBO RADYO: Usec., good afternoon. Nagbukas na po ang 20TH Congress and magsisimula na rin po after ng SONA iyong budget deliberation. Si House Speaker Martin Romualdez at iba pang mga lawmakers are backing the calls to institutionalize a transparent budget process by opening bicameral deliberations to the public. Ano po ba iyong comment dito ng Palasyo?
PCO USEC. CASTRO: We respect the independence of the Congress pero kapag po ang pinag-usapan ay pagsasapubliko ng anumang transaksiyon patungkol sa gobyerno, mas maganda po talaga na maging transparent ang bawat galaw ng taumbayan.
ANNE SOBERANO. BOMBO RADYO: Thank you, Usec.
ANNA BAJO/GMA NEWS ONLINE: Good afternoon, Usec. Ma’am, yesterday Ariel Nepomuceno took his oath as the new BOC Commissioner. Ma’am, may we just get the reason why Bienvenido Rubio was replaced?
PCO USEC. CASTRO: Katulad ng ating sinasabi, ang Pangulo ang nais po talaga ay makapagbigay nang mas magandang serbisyo ang bawat heads of agencies, ang bawat leader na nasasakupan ng ating Pangulo. Hindi lamang po isa ang pinalitan, anim po kasama po ang Commissioner sa napalitan – may mga collectors, may deputy commissioners and directors – anim po lahat sila sa Bureau of Customs. So, ang tanging gusto ng Pangulo ay maging tapat sa bansa, labanan ang smuggling at siyempre po maging transparent sa koleksiyon ng revenues.
ANNA BAJO/GMA NEWS ONLINE: Pero, ma’am, what does it say po sa performance ni Commissioner Rubio? Was the President not satisfied with his leadership po?
PCO USEC. CASTRO: Hindi po natin masasabi iyan at kung anuman po ang naging dahilan ng ating Pangulo, malamang po ito ay patungkol pa rin para sa ikakaganda ng serbisyo sa taumbayan.
ANNA BAJO/GMA NEWS ONLINE: Ma’am, may we just get the President’s marching orders kay Commissioner Nepomuceno and sino po kaya iyong papalit sa kaniya sa iniwan niyang post sa OCD?
PCO USEC. CASTRO: Hindi pa po sa akin naibigay iyong detalye patungkol diyan. Pero ang marching order unang-una po ay dapat proteksyunan po, strengthen iyong border protection at labanan nga po ang smuggling at nagsisimula na po ang pamahalaan sa paglaban, sa mas matinding laban sa smuggling.
ANNA BAJO/GMA NEWS ONLINE: Thank you, ma’am.
IVAN MAYRINA/GMA INTEGRATED NEWS: Sa survey po na isinagawa ng OCTA Research lumabas na mas nakararaming Pilipino ang pabor na bumalik ang Pilipinas sa ICC. Is this something that will further the President’s openness to rejoin in the ICC or will it create a sense of insurgency for the country to rejoin the ICC?
PCO USEC. CASTRO: Sa ngayon po ay hindi pa po natin napag-uusapan iyan, hindi pa po nababanggit ng Pangulo, pero iyong mga ganitong sentimyento po ng ating mga kababayan ay dinidinig naman po ng ating Pangulo. So, tingnan na lamang po natin sa mga susunod na araw kung ano po ang magiging saloobin ng Pangulo sa pag-rejoin sa ICC.
IVAN MAYRINA/GMA INTEGRATED NEWS: Last week or over the weekend, hindi ho naitago ni VP Sara ang kaniyang should I say exasperation sa palitan po ninyo ng kuru-kuro tungkol sa kung ano ba ang personal at official trip. In her words I quote her, “Iyan iyong example ko sa inyo na bobo talaga. Kapag gumagamit ka ng pera ng gobyerno, official business iyan, kailangan mo mag-report; kapag personal siya, walang gamit ng pera ng gobyerno, hindi mo kailangang mag-report. So, ganoon lang iyan kasimple na kailangan ko pang i-explain,” may buntong-hininga pa po sa dulo. Would you like to respond?
PCO USEC. CASTRO: Ang kakulangan po sa kaalaman sa batas, sa ethical standards ay hindi po maikukubli sa pagmumura o pang-iinsulto. Simple lang naman po: Bakasyon o trabaho? Siya naman po ang nagbanggit na trabaho, nagtatrabaho not on a holiday. So, kapag nagtrabaho, dala ang posisyon, dala ang bandera ng Pilipinas, may official functions.
Ayon na rin sa RA 6713, public office is a public trust. So, dapat ipaalam ano ang naging magandang resulta sa pagtatrabaho. Kung walang mai-report baka, baka walang natrabaho.
Ang Pangulo, focused sa trabaho. Kapag po siya man ay umaalis ng bansa, may dalang magandang balita, may magandang naging relasyon sa iba’t ibang leaders. Isa dito ay ang pagsagip sa buhay ni Mary Jane Veloso dahil sa magandang relasyon sa Indonesia; ang pagpapauwi/pagpapabalik ng dating mambabatas na si Arnulfo Teves; pati na po ang mabilis na pagpapabalik kay Alice Guo; at sa Japan, inaangat ang turismo ng Pilipinas – iyan po ang trabaho na dapat ipagmalaki kung talagang nagtrabaho.
KATRINA DOMINGO/ABS-CBN: Good afternoon, Undersecretary. Ma’am, just a follow-up question first on the BOC appointment. Does this mean that the former Commissioner and the six other officials who were removed from their post were tagged in anomalies within the agency?
PCO USEC. CASTRO: We cannot say that. The only purpose of the President is there is a continuing performance evaluation, everybody is on notice; everybody is on probation. We have to work better for the country and for our fellowmen, Filipino people.
KATRINA DOMINGO/ABS-CBN: Okay, ma’am. Justice Secretary Jesus Crispin Remulla said yesterday in an interview na he has already relayed to the President his intentions to apply for the Ombudsman post which will be vacated by mid this month. Ano po iyong naging response ng Pangulo doon sa pagsabi ni Justice Secretary Remulla na he wants to vacate the DOJ to transfer to the Ombudsman?
PCO USEC. CASTRO: Wala pa pong nababanggit ang Pangulo kasi wala pa rin pong shortlist na natatanggap ang Pangulo. So, hintayin na lang po natin kung ano po ang magiging pasya sa tamang panahon.
KATRINA DOMINGO/ABS-CBN: But does Remulla have the blessing of the President to vacate the DOJ?
PCO USEC. CASTRO: Iyan po naman ay kaniyang pagpapasya, ni SOJ Boying Remulla. So, hanggang ngayon ay wala pa naman po, hindi pa po nababakante ang Department of Justice. So, hintayin na lang po natin.
KATRINA DOMINGO/ABS-CBN: Last follow up question. Meaning, ma’am, hindi pa nagpa-prepare din ng backup shortlist ang Pangulo with regard to the possible replacement of Remulla should he be accepted by the JBC?
PCO USEC. CASTRO: Opo. As of now, wala pa po tayong nakukuhang detalye kasi wala pa rin pong short notice para po sa posisyon ng Ombudsman.
KATRINA DOMINGO/ABS-CBN: Salamat po.
JEAN MANGALUZ/PHILSTAR.COM: Good afternoon. So, the DBM is set to submit the proposed 2026 budget to Congress this month. So, what can we expect especially since very controversial iyong budget natin for this year?
PCO USEC. CASTRO: Lagi naman po ang Pangulo, sabi nga po natin, kung ano ang makakabuti sa mamamayan at para sa bansa. So, ngayon po patungkol po sa PhilHealth funds, ito po ay isinumite pa lang, so pag-aaralan po ito.
Tandaan po natin: Muli, ang gusto po ng Pangulo ay mapaganda ang buhay ng bawat Pilipino, maging mas magaan at mabigyan ng magandang serbisyong medikal at pangkalusugan.
JEAN MANGALUZ/PHILSTAR.COM: One quick follow up. So, intact po iyong PhilHealth funds in the 2026 budget sa proposed version?
PCO USEC. CASTRO: Sorry po, hindi ko po nakita. Tatanungin ko po ang Pangulo. Hindi ko po nakita as of now.
LETH NARCISO/DZRH: Good afternoon, Usec. Sabi po ng LWUA natapos na iyong imbestigasyon nila kaugnay ng mga reklamo sa PrimeWater. Naisumite na po ba ang resulta ng imbestigasyon sa Malacañang at nabasa na ba ni Pangulong Marcos?
PCO USEC. CASTRO: Opo. Nakatanggap na rin po tayo siguro, nakalimutan ko lang pong dalhin, ipapakita ko po sana sa inyo. Isang folder po siya, ang report, at dalawang boxes ng balikbayan boxes. Ganoon karami.
So, nabigyan po tayo ng kopya kahapon at nabigyan na rin po ang Office of the President, at ito po ay aaralin. Asahan ninyo po na mabilisan pong aaralin ito para sa mga consumers po ng PrimeWater.
LETH NARCISO/DZRH: Pagkatapos pong maaral, ano po kaya ang susunod na hakbang?
PCO USEC. CASTRO: Definitely, gagawa po tayo ng legal na aksiyon. Aksiyon na naaayon sa batas at walang masasagasaan, pero dapat para sa taumbayan.
ADRIAN HALILI/BUSINESS WORLD: Hello, ma’am. Can we have the Palace’s reaction on the 50 pesos wage hike in NCR? And will the President support a legislated wage hike in the 20th Congress given that senators and congressmen have already filed bills on it?
PCO USEC. CASTRO: Noon pa po natin sinasabi, gumagawa po talaga ng programa ang Pangulong Marcos Jr. para sa ikagagaan ng buhay ng bawat manggagawang Pilipino. Nandiyan po ang mga job fairs kung saan nakapagbigay na po tayo mula 2022 hanggang kasalukuyang May 1 ng 170,000 na trabaho para sa ating mga kababayan.
At dahil na rin nagkaroon din po ng 27 billion US dollar investment, nakapag-create na rin po ng 350,000 na jobs nationwide. At kung nagbigay po ngayon ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board ng P50 na wage hike, iyan po ang na-evaluate na maaaring ibigay sa ating mga manggagawa para maibsan po ang kahit kaunting hirap na lumalabas po ito ay ₱1,300 per month.
At sa lahat po ng kakayanin ng administrasyon at sa pakikipag-usap sa lahat ng stakeholders – mga manggagawa, mga negosyante, mga investors – lahat po ito ay pakikinggan para na rin a kabutihan ng lahat, hindi lamang para sa manggagawa, hindi lang para sa mga investors o sa mga negosyante, para po sa lahat.
ADRIAN HALILI/BUSINESS WORLD: On the legislated wage hike, ma’am, will the President support it, ma’am?
PCO USEC. CASTRO: Muli, pag-aaralan ito kung kakayanin ba talaga kasi kung magdudulot naman ito ng lay-off dahil hindi kakayanin ng karamihang maliliit na mga negosyante, mas marami pong mahihirapang mga manggagawa dahil baka mawalan sila ng trabaho. Kaya po, itong lahat ng ito ay pag-aaralan para sa ikabubuti po ng lahat.
Good news pa po para sa ating mga drivers: Bukod sa oil price rollback, magkakaroon din ng fuel discounts para sa mga motorista ayon sa Department of Energy. Bunsod ito ng patuloy na pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. Ayon sa DOE, mula ngayong araw ay bababa ng P1.70 ang gasolina, P2.20 ang diesel at P2.30 naman ang kerosene.
Samantala, nine oil companies na ang nangakong magbibigay ng fuel discount sa mga motorista, kabilang ang mga PUV, TNVS at mga non-PUV drivers. Alinsunod ito sa panawagan ng Pangulo na magkaisa ang gobyerno at private sector para tulungan ang taumbayan na salagin ang epekto ng pabago-bagong oil prices sa world market.
Makakaasa ang PUVs and non-PUVs sa fuel discounts mula sa Petron, Shell, Caltex, Seaoil, Phoenix, PTT, Jetti, Clean fuel at Petrogas. May discount naman mula sa Shell, Seaoil at Phoenix para sa mga TNVS drivers.
[VTR]
Isa pang magandang balita: Anim na shipping containers na naglalaman ng smuggled agricultural products, nasabat. Pinangunahan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel ang inspection ng mga shipping containers na may lamang smuggled agricultural products sa Port of Manila. Alinsunod ito sa direktiba ng Pangulo na paigtingin pa ang kampanya kontra smugglers at mga illegal na produktong sumisira sa ekonomiya at kalusugan ng bansa. Tinatayang nasa ₱34 million ang halaga ng nasabat na mga illegal items. Kabilang sa mga naharang ng DA ay mga misdeclared frozen fish at red and white onions.
Naging matagumpay ang operasyon laban sa smuggling dahil sa mabisang koordinasyon sa pagitan ng DA, Bureau of Customs, DOH at FDA.
[VTR]
At bago po tayo magtapos: Anim na Pinoy seafarers ng MV Hirman Star na dalawang buwan nang na-stranded sa kanilang barko, sinagip. Nasagip na ang anim na OFWs sa pangunguna ng DMW at OWWA. Dalawang buwang na-stranded ang mga nasabing crew members dahil sa un-seaworthiness ng kanilang vessel na nakadaong sa karagatan ng Loboc, Iloilo.
Dumulog din ang mga seafarers na tatlong buwan nang hindi naibibigay ang kanilang suweldo at mga benepisyo, kaya agad namang inaksiyunan ng DMW ang nasabing reklamo. At ayon nga kay DMW Secretary Hans Cacdac, alinsunod sa direktiba ng Pangulo, naresolba po ito.
Matapos ma-rescue, nakatanggap ng ₱100,000 pesos na financial assistance ang mga nasagip na seafarers, mula sa DMW at OWWA. Nilalakad na rin ng DMW at OWWA ang transportation ng mga OFW pauwi sa kani-kanilang mga bayan.
[VTR]
Okay, uulitin ko po: ₱100,000 financial assistance. Baka hanapin sa akin iyong sumobra. Okay, maraming salamat. At dito na po nagtatapos ang ating press briefing. Magandang araw para sa Bagong Pilipinas.
###