Press Briefing

Malacañang Press Briefing of Palace Press Officer and PCO Undersecretary Claire Castro


Event PCO Press Briefing with MPC
Location New Executive Building, Malacañang, Manila

PCO USEC. CASTRO: Magandang araw, Malacañang Press Corps.

Benteng Bigas Mayroon Na sa palengke. Tumungo si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Zapote Public Market para pangunahan ang official launch ng Benteng Bigas Mayroon Na sa mga pampublikong pamilihan. Alinsunod ito sa pangako ng Pangulo na palawakin pa ang sakop ng 20 pesos rice program ng administrasyon.

Diin ng Pangulo, hangad ng gobyerno na magkaroon ng sapat na pagkain sa hapag kainan ng bawat Pilipino. Mula noong nagsimula ang 20 pesos rice rollout noong Mayo, nakakabili na ng mura at dekalidad na bigas ang mga senior citizens, solo parents, PWDs at ang mga miyembro ng 4Ps. Ngayon naman ay sisimulan na ang rice rollout sa mga public market para mas marami pang kababayan natin ang makinabang dito.

Upang mapanatag ang ating mga magsasaka, siniguro ng Pangulo na hindi bababa ang kanilang kita dahil may pondo ang gobyerno para dito. Pinapalakas din ng 20 pesos rice program ang suporta sa partner farmers dahil puwedeng nang direktang magbenta sa merkado, wala nang middle men at mababawasan pa ang post-harvest losses.

Inatasan naman ng Pangulo ang mga ahensiya ng gobyerno na palawigin, patatagin at palawakin pa ang sakop ng 20 pesos rice program. Itutuloy ng DA ang nasimulan na ugnayan sa mga LGUs para mas marami pang palengke ang makapagbenta ng dekalidad at abot-kayang bigas.

Magbibigay naman ang DSWD ng listahan ng mga lugar kung saan maraming kababayan natin ang makikinabang sa rice rollout, lalo na ang vulnerable sectors.

Sisiguruhin naman ng DILG na maayos ang pagsumite ng accomplishment reports ng mga LGU ukol sa pagpapatupad ng programa.

[VTR]

PCO USEC. CASTRO: Mga nakaharang na sasakyan sa fire station sa Makati, inaksiyunan ng DILG.

Serbisyo publiko ang unahin, hindi ang sarili – iyan ang babala ng DILG sa mga kawani ng gobyerno. Ito’y matapos ma-relieve sa puwesto ang ilang opisyal ng Makati Fire Station nang nakitang nakaharang ang kanilang mga pribadong sasakyan sa fire truck bay ng nasabing istasyon. Kasunod ito sa isinagawang surprise inspection ni DILG Secretary Jonvic Remulla upang siguruhin na maayos at malayang makakadaan ang mga emergency vehicles kapag kinakailangan. Alinsunod ito sa utos ng Pangulo na pagandahin pa ang performance ng lahat ng opisina ng gobyerno sa buong bansa. Bawal ang patulug-tulog sa serbisyo, lahat dapat ay nagtatrabaho.

Ayon kay Secretary Remulla, kapabayaan ang ginawang ito ng mga opisyal ng Makati Fire Station. Dagdag ng kalihim na buhay ang nakataya kung maaantala ang pagresponde ng mga bumbero at ambulansiya dahil sa mga nakahambalang na sasakyan.

[VTR]

PCO USEC. CASTRO: At maaari na po akong tumanggap ng inyong mga katanungan.

TRISTAN NODALO/NEWSWATCH PLUS: Hi! Good morning, Usec. Usec., nakarating na po ba kay Pangulong Marcos iyong desisyon ng China to sanction former Senator Francis Tolentino po dahil sa kaniyang naging stance over the West Philippine Sea issue?

PCO USEC. CASTRO: Ito naman po talaga ay naibalita, pero iyang katanungan po na iyan ay ibibigay po natin sa DFA, kung ano po ang kanilang magiging tugon.

TRISTAN NODALO/NEWSWATCH PLUS: But as a follow-up lang po, ma’am. Given this move by the Chinese government, parang nagbibigay rin po ba ito, does it send a chilling effect to Filipino officials who are very vocal when it comes to the South China Sea/West Philippine Sea issue kung puwede pala itong gawin ng China sa kanila?

PCO USEC. CASTRO: Kung anuman po ang naging dahilan ng China sa pag-ban kay Senator Tolentino, kanila po itong desisyon. Pero ang bawat Pilipino, ang tunay na Pilipino at ang mga Pilipino na pro-Philippines, hindi nila ito mapapatahimik at hindi nila ito mapagbabawalan na ipagtanggol kung anuman ang karapatan natin sa ating bansa at sa ating maritime rights. Ang sabi nga ng Pangulo, we will not yield even an inch of our territory to a foreign power.

TRISTAN NODALO/NEWSWATCH PLUS: Last follow-up na lang po on this matter. Pero wala pong balak si Pangulong Marcos to summon Chinese Ambassador Huang Xilian or Chinese officials to relay iyong naging concern natin on this decision?

PCO USEC. CASTRO: Sa ngayon po ay wala pong nasasabi ang ating Pangulo patungkol diyan.

CHRISTIAN YOSORES/DZMM: Good morning po, Usec. Nakarating na po ba kay Pangulo iyong mga recent developments po doon sa kaso ng missing sabungero after po lumutang iyong witness na si Alyas Totoy? Base po sa reports, may ilang pulis daw na dawit doon sa pagdukot at pagkamatay ng mga sabungero. Ano po ang direktiba ng Pangulo sa mga nag-iimbestiga po tungkol dito?

PCO USEC. CASTRO: Ipagpatuloy po ang pag-iimbestiga, ng malalimang pag-iimbestiga para malaman kung sino ba talaga ang sangkot dito at mapanagot ang dapat mapanagot.

Ayon nga rin po sa DOJ ay mayroon pong apat na witnesses na maaaring tumulong, pero kailangan pa nilang i-evaluate ang mga testimony nila para malaman kung sino iyong puwedeng maging state witness. At kailangan po talaga nila, maliban sa testimoniya ay magkaroon po ng ibang mga ebidensiya tulad ng mga larawan/pictures, videos, kung mayroon man, para mas makatulong po sa pagresolba ng kasong ito.

CHRISTIAN YOSORES/DZMM: One follow-up lang po. May mensahe po ba ang Palasyo sa hudikatura after din pong may lumabas na report na sinasabing masyadong makapangyarihan iyong mastermind and can influence even the Supreme Court?

PCO USEC. CASTRO: Naniniwala po tayo sa integridad ng ating korte, at ito ay masusolusyunan na naaayon sa batas at naaayon sa rule of law.

SAM MEDENILLA/BUSINESS MIRROR: Good morning, ma’am. Magpa-follow up lang po kami regarding po doon sa negotiations ng Philippines with the US regarding sa US reciprocal tariffs.

PCO USEC. CASTRO: Sa ngayon po, sabi po ay ongoing pa rin ang negosasyon at hindi pa rin po kami makakapagbigay ng anumang detalye patungkol po dito. Pero asahan po natin kung anuman po ang magiging solusyon dito or rather resolusyon dito, ito po ay para po sa ikabubuti ng ating bayan.

SAM MEDENILLA/BUSINESS MIRROR: Follow-up lang po. Bale prepared po iyong government sa either scenario, kung iri-retain or itataas or ibababa sa tatlong scenario kung sakali?

 PCO USEC. CASTRO: Anu’t anuman po ang mangyari dito, kailangan po ang bansa ay handa, kaya po ang Pangulo natin, ang economic team ay lagi pong pinag-aaralan ang mga patungkol dito.

CLEIZL PARDILLA/PTV: Good morning po. Former Presidential Spokesperson Harry Roque recounts the pain of leaving the country and being separated from his children. At ang sabi niya pa po ay I was forced to leave under the circumstances at hindi raw niya po mapapatawad ang Marcos administration.

PCO USEC. CASTRO: Ayaw ko na po sanang sagutin ito eh pero kinakailangan po dahil baka po ito ay tumimo sa utak ng ating mga kababayan at sabihing may katotohanan.

Unang-una po mukhang isinisisi pa po niya ang naging kalagayan niya at ang kinahinatnan niya kay Pangulo at sa administrasyon. Unang-unang tanong: Ano po ba ang kaniyang pruweba? Kuwentong walang kuwenta; kuwentong barbero.

Una po, hindi naman po niya yata kasama ang Pangulo nang siya ay nakipag-deal sa Whirlwind at sa Lucky South 99. Hindi rin po niya kasama ang Pangulo nang siya ay naglakad ng permit or license ng Lucky South 99. Hindi rin po yata niya kasama ang Pangulo nang ito ay magbukas ng isang joint account kasama si AR Dela Cerna. Hindi rin po niya kasama ang Pangulo nang siya mismo ang nagboluntaryo ng mga facts at mga dokumentong kaniyang ikinuwento sa QuadComm, sa House of Representatives. Lahat pong ito ay boluntaryong galing sa kaniya; lahat ng kuwento niya sa Quad Comm, sa House of Representatives ay galing sa kaniya. Sinabi niyang mayroon siyang SALN, mayroon siyang BIR records, mayroon siyang mga extrajudicial settlement ng kaniyang auntie at mayroon din siyang mga dokumento patungkol sa contract of trust with a certain Atty. Percival. Lahat ng ito ay wala ang Pangulo sa kaniyang tabi. So, paano niyang isisisi ito sa Pangulo at sa administrasyon?

So, sa mga ganitong klaseng obstructionist, sana po ay ihinto nila at maging tunay na Pilipino.

IVY REYES/BILYONARYO NEWS CHANNEL: Good morning po, Usec. Sa pag-open ng 20th Congress finile [file] po ni Senator Gatchalian iyong three-year college degree. Tatanong ko lang po na since President Marcos is against the K-to-12 na po, na hindi effective iyong K-to-12 like he said, ano po ang masasabi ng Palasyo dito?

PCO USEC. CASTRO: Okay. Gusto po nating liwanagin ito: Hindi po niya sinasabi na tutol siya sa K-to-12. Ang sinabi lang po niya ay hindi naging epektibo agad dahil hindi nai-prepare ang mga ahensiya para dito. At ngayon po sa pamamagitan din po ni Secretary Angara, ini-improve po ito. Pero ayon po sa ating Pangulo, hangga’t nandiyan po ang batas para sa K-to-12 ito po ay susuportahan at palalawigin at pag-iibayuhin nang maayos para sa ating mga estudyante.

So, hindi naman po siya tutol talaga sa K-to-12; aayusin po ngayon. Pero kung ano po ang magiging batas, iyon din po ang susundin. Pero sa ngayon na nandidiyan po ang batas, ito po ay bibigyan po ng halaga at palalawigin at pagagandahin pa po.

MARIZ UMALI/GMA INTEGRATED NEWS: Good morning po. This is not a follow up. Magtatanong lang po sana ako tungkol doon sa isinumite ng LWUA na reports sa Malacañang because before sinabi po nila na nakapagsumite na po sila ng kanila pong findings and recommendations. Maaari po bang ilahad kung ano po ba ang naging laman at ano po ba iyong mga rekomendasyon at pananagutan?

PCO USEC. CASTRO: Okay. Kakatanggap pa lang natin. Sabi ko, ako ay nagkaroon ng kopya – isang folder at dalawang boxes; isipin ninyo po iyong isang balikbayan box – dalawa noon. Okay? So, magkakaroon po ng meeting sa Friday para po pag-usapan kung ano po ang dapat na maging solusyon para dito.

So, makakaasa po lalung-lalo na iyong mga consumers po ng PrimeWater na hindi po ito tinutulugan ng gobyerno, ng pamahalaan dahil aaralin po namin ito. Para sa inyo po ito.

MARIZ UMALI/GMA INTEGRATED NEWS: Ma’am, just a follow up, mayroon na po bang bilang kung ilang LGUs iyong gustong kumalas na sa PrimeWater dahil doon sa kanila pong klase ng serbisyo?

PCO USEC. CASTRO: Mostly probably Friday pa natin ito malalaman dahil nag-start na po ako sa folder at mayroon po tayong ibang nabasa na malamang ay hindi pa po ninyo alam; saka ko na po iri-report.

MARIZ UMALI/GMA INTEGRATED NEWS: And one last, may I just take this opportunity. Ma’am, I understand na sinabi ninyo po na ipaubaya na natin sa DFA iyong tungkol po doon sa reaksiyon ng China doon sa ginawa po kay Senator Francis Tolentino. Pero nakikita ninyo po bang paglabag ito sa diplomatic protocol – iyong ganitong pagsa-sanction nila sa isang dating opisyal ng pamahalaan because of his stand on the issue on West Philippine Sea and the tension on the West Philippine Sea?

PCO USEC. CASTRO: Since pag-uusapan po natin ay isang foreign policy at ito po ay may kinalaman sa ibang bansa, mas nanaisin ko po na ang DFA po ang sumagot para dito.

MARIZ UMALI/GMA INTEGRATED NEWS: Sige po. Marami pong salamat.

TUESDAY NIU/DZBB: Hindi, ma’am. Sa ngayon po ay may dalawang low pressure area po sa loob at labas ng bansa, panay na rin po ang pag-ulan at mga bagyo. Mahalaga po ang papel ng Office of Civil Defense sa ganitong mga pagkakataon. Mayroon na po bang naitalaga na kapalit iyong dati nating OCD Administrator Ariel Nepomuceno para mag-oversee po doon sa mahalagang papel ng OCD?

PCO USEC. CASTRO: Opo. Mayroon pong naitalaga na OIC, ito po ay si Assistant Secretary Rafaelito Alejandro IV. Siya po ang OIC ngayon sa Office of the Civil Defense.

TUESDAY NIY/DZBB: Iyon lang po. Thank you.

PCO USEC. CASTRO: Okay, thank you. Police visibility strategy, pinatunayang hindi makaluma. Batid ang epekto ng pinaigting na police visibility at quick response time ng PNP nang madakip ang isang snatcher sa loob ng tatlong minute matapos manghablot ng cellphone. Nagbunga ang quick response time ayon sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr. na siya namang pinatupad ni PNP Chief Nicolas Torre III.

Ayon sa report ng PNP, na-intercept agad ng mga rumespondeng pulis ang suspek ilang sandali lang matapos manghablot ng cellphone. Na-recover sa snatcher ang cellphone ng biktima, mga gambling paraphernalia at isang pen gun na ginamit diumano sa panghuholdap.

Sa ibang balita ay ni-relieve ni PNP Chief Nicolas Torre III ang isang chief of police sa Rizal dahil sa mabagal na aksiyon nito sa isang theft case. Napag-alaman ng pulisya na pinauwi lang ang mga tauhan ng nasabing opisyal ang isang negosyante matapos nitong magreklamo ng kaso ng pagnanakaw.

Binigyang-diin ng PNP Chief na walang puwang ang tamad at pabagal-bagal na kilos sa hanay ng kapulisan. Ang mabilis na aksiyon na ito ay patunay na dedikasyon ng pulisya na magbigay ng kongkretong solusyon sa paglilingkod sa taumbayan.

[VTR]

PCO USEC. CASTRO: Muli, patunay ito na ang police visibility ay hindi pang-70’s or pang-80’s lamang. Kailangan ito, ginagamit ito sa buong mundo.

At dito na po nagtatapos ang ating press briefing. Magandang araw para sa Bagong Pilipinas.

 

###