Press Briefing

Malacañang Press Briefing of Palace Press Officer and PCO Undersecretary Claire Castro


Event PCO Press Briefing with MPC July 11, 2025
Location New Executive Building, Malacañang, Manila

PCO USEC. CASTRO: Magandang araw, Malacañang Press Corps.

Malaking hakbang sa serbisyong pangkalusugan. Lubos ang kagalakan at nag-uumapaw ang pasasalamat ng ilan nating mga kababayan sa malaking hakbang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa larangan ng medical services sa bansa.

Ipinaaabot ni San Vicente, Camarines Norte Mayor Mariano “Bong” Palma ang pasasalamat kay Pangulong Marcos Jr. dahil sa pinagkaloob sa kanila na ambulansiya. Ayon kay Mayor Palma, makatutulong ang kanilang natanggap na ambulansiya upang mas palakasin pa ang lokal na sistema ng pangkalusugan at dalhin ang agarang serbisyong medikal nang mas malapit para sa taumbayan. Dagdag pa ni mayor, isa itong life-saving gift sa mga San Vicenteños.

Sinang-ayunan din ni General Tinio Vice Mayor Melvin Pascual ang pasasalamat ng lokal na pamahalaan kay Pangulong Marcos Jr. sa inisyatibong nagsusulong na pagtibayin pa ang health services doon. Personal ding nagpasalamat si Mayor Admiral Abu kay Pangulong Marcos Jr. sa patuloy na suporta ng administrasyon. Nagpasalamat din si Romblon Governor Trina Firmalo-Fabic kay Pangulong Marcos Jr.

Namahagi si Pangulong Marcos Jr. ng 387 na ambulansiya noong Miyerkules sa Quirino Grandstand. Kabilang sa mga nakatanggap ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol at Cordillera Administrative Region. Aabot naman sa 123 ambulances ang ipamamahagi sa Eastern Visayas at 105 sa Mindanao. Sa Bagong Pilipinas, mas maaayos ang serbisyong medikal, mas maaayos ang serbisyo sa tao.

[VTR]

Anti-Conflict of Interest Memorandum na isinulong ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno. Nilalayon ng nasabing polisiya na paigtingin ang good governance at transparency sa ahensiya, ito’y sa pamamagitan ng pagbabawal sa kahit sinong empleyado ng Bureau of Customs (BOC) na magkaroon ng business or financial interest sa Customs brokerage operations.

Dagdag ng bagong talagang commissioner, ipinag-utos ng Pangulo na panahon na upang itigil ang sistemang nagbibigay-daan sa korapsiyon at ibang hindi magagandang gawain sa loob ng ahensiya. Giit ni Commissioner Nepomuceno na gagawing prayoridad ng bureau ang kapakanan ng bayan at hindi ang pansariling interes ng iilan.

Ayon sa memorandum, lahat ng BOC personnel ay kailangang magsumite ng verified affidavit sa opisina ng commissioner na naglalahad ng detalye ukol sa family relationship by consanguinity or affinity within the fourth civil degree sa kahit sinong indibidwal na konektado sa Customs brokerage system or business. Ang hakbang na ito ay pagpapatupad sa adbokasiya ni Pangulong Marcos Jr. na patatagin ang transparency at good governance sa bansa.

[VTR]

Para sa mas mabilis at ligtas na pagbabayad sa mga pamilihan at pampublikong sasakyan, nadagdagan ng 180 LGUs ang nag-adopt ng Paleng-QR Ph Program na naglalayong gawing cashless ang pagbabayad ng mga local transactions. Puwede nang gamiting pambayad ang QR Ph app sa piling pamilihan gaya ng sari-sari stores at mga public transport tulad ng tricycle. Ang Paleng-QR Ph Program ay isang joint initiative sa pagitan ng DILG at Bangko Sentral ng Pilipinas na nagsusulong ng convenient, safe and fast payment system sa buong bansa.

Sa 180 LGUs na nakilahok sa programa, lima ay mula sa NCR, 127 naman ay mula sa Luzon, 33 ay mula sa Visayas at 50 naman sa Mindanao. Nagbibigay naman ng technical assistance ang DILG sa mga LGU na gustong sumali sa programa para i-promote ang cashless system sa bansa, dahil ang nais ni Pangulong Marcos Jr., gawing mas ligtas at mas madali ang pagbabayad ng bawat mamamayang Pilipino.

[VTR]

At maaari na po tayong tumanggap ng inyong mga katanungan.

CHRISTIAN YOSORES/RADYO630: Good morning po, Usec. May we know po iyong status noong National Polytechnic University Bill? May mga reports po online na, that the bill has already lapsed into law dahil hindi raw po napirmahan ng Pangulo. Can you confirm this po?

PCO USEC. CASTRO: Ang sinasabi pong bill ay na-veto ng Pangulo dahil nagkaroon po ng direktiba noon pa pong 2016 na dapat magkaroon ng assessment. At sa ngayon po, lumalabas na hindi po nagkaroon ng compliance para sa assessment ng nasabing paaralan. At mananatili naman po ang Pangulo at umaasa siya na ang PUP po ay magkakaroon din po ng national university status kapag po na-comply po nila lahat ng mga requirements.

CHRISTIAN YOSORES/RADYO630: One follow up lang po. May information po ba kung ano iyong mga particular na hindi na-meet ng PUP po para ma-grant sa kanila iyong status?

PCO USEC. CASTRO: Sa ating nabigay na mga impormasyon, hindi po dinetalye kung ano po ito pero ito po’y naaayon din po sa pag-aaral at pag-reassess po sa mga nagawa po ng nasabing paaralan.

MARIZ UMALI/GMA NEWS: Good morning, ma’am. Ma’am, since the issue on the missing sabungeros has already become a matter of national interest, what is the Palace position on the sudden recovery of the bones near the lake? Does Malacañang view this development as a breakthrough in the case and what actions or directives if any will be taken following this discovery?

PCO USEC. CASTRO: Sa Pangulo po, dapat po talaga ay mas alamin pa kung ito pong mga natagpuan ay talagang may kinalaman po sa nasabing kaso ng mga missing sabungeros. At kung ito po ay mapapatunayang talagang konektado, ito’y nagpapakita lamang na ang Pangulo at ang kasalukuyang administrasyon ay tutulong upang makamtam ang hustisya para sa mga biktima. At hindi po ito pababayaan, hindi po magkakaroon ng coverup, tuluy-tuloy pa rin po ang pag-iimbestiga – iyan po ang nais ng Pangulo.

MARIZ UMALI/GMA NEWS: On another topic, Undersecretary. May we get the Palace reaction on civil society groups and even health groups expressing deep alarm? As a matter of fact, some opposed the appointment of the new PCO Secretary Dave Gomez being a longtime executive in the tobacco industry.

PCO USEC. CASTRO: Ah, siguro po na mas maganda po na mismong si Secretary Dave Gomez ang sumagot ng patungkol po diyan.

MARIZ UMALI/GMA NEWS: Pero hindi maaapektuhan ang Pangulo?

PCO USEC. CASTRO: Sa ngayon po, dahil siya naman po iyong na-appoint, malamang ay hindi naman po apektado ang ating Pangulo. Pero sabi nga natin, lahat naman po ng mga heads of the agencies, cabinet secretaries laging on notice.

MARICEL HALILI/TV5: Good morning, Usec. Usec., Secretary of State Rubio mentioned that they look forward to hosting the visit of President Bongbong Marcos in Washington in a few days. Can you confirm this, Usec., sa July 22 yata?

PCO USEC. CASTRO: Sa ngayon po, ang magbibigay po ng detalye patungkol po diyan ay ang DFA. Titingnan ko lang po kung mayroong bagong update po sa atin. Okay, mas gugustuhin ko po na ang magbigay po ng statement ay ang DFA pero hindi po natin ito dini-deny. Pero mas maganda po na DFA po ang magbigay sa inyo ng detalye.

MARICEL HALILI/TV5: Pero, ma’am, pahabol baka lang mayroon lang tayong nakuhang info if ano iyong mga possible na agenda ni PBBM sa pagbisita doon. Of course, he will talk to US President Donald Trump pero ang mainit kasing isyu ngayon ay iyong about sa tariff.

PCO USEC. CASTRO: Okay, pina-finalize po kasi iyong detalye. At sinabi ko nga po, kinu-confirm po, hindi ko po dini-deny, kinu-confirm po ang pagbisita po ng ating Pangulo sa US, July 20 to 22 – confirmed. Pero po ano iyong detalye na pag-uusapan, ang DFA na po ang magbibigay sa inyo.

MARIZ UMALI/GMA NEWS: Ma’am, isa pa po ha. Regarding the issue naman po tungkol doon sa … si Senator Cayetano po kasi, he has filed a resolution urging the Senate to call on the government to pursue the interim release of former President Rodrigo Duterte including negotiations with the International Criminal Court for his possible house arrest. I understand you have no control over ICC but iyong sinasabi po niya na the possibility of negotiations with the International Criminal Court or a similar arrangement at the Philippine embassy in The Hague, Netherlands, na parang possible house arrest in The Hague, Netherlands embassy. Does Malacañang intend to study, just study, and act on this resolution?

PCO USEC. CASTRO: Nagsalita na po ang ating SOJ Boying Remulla patungkol po sa interim release. At kung may ganiyan pong mga suggestions mula kay Senator Alan Cayetano, noted.

MARIZ UMALI/GMA NEWS: Hahayaan na lang po ang Department of Justice to do its work? Hindi na po makikialam ang Malacañang on this matter?

PCO USEC. CASTRO: Sa mabibigay ko lang po ngayon – noted.

KENNETH PACIENTE/PTV: Hi, Usec. Good morning po. Usec., unmodified opinion po ang nakuha ng OVP from COA para sa fiscal year 2024 in spite of allegations of misuse of confidential funds. However, the COA clarified that an unmodified opinion does not necessarily mean that there were no misstatements found during the audit. Ano po ang reaction dito ng Palasyo?

PCO USEC. CASTRO: Okay, liwanagin po natin ang unmodified opinion na ibinibigay po ng COA para po hindi masyadong maguluhan ang ordinaryong Pilipino. Kapag sinabi po kasing unmodified opinion, it pertains only to the financial statement presentation. So, ibig sabihin, sumunod lang po sa financial reporting framework, kumbaga iyong format, kung ano iyong laman, nagbalanse. Pero hindi po ito nagpapatunay na walang anomalya. Iba po iyong tama ang pag-report at iba iyong tama ang paggamit ng pondo.

Kung sinasabing may continuing commitment ang OVP dahil dito sa unmodified opinion for transparency, accountability, judicious use of funds, as well as compliance with principles of good governance. Tandaan po natin, iyong opinyon na iyon ay hindi po patungkol sa compliance and performance audits. Kung nagkaroon man po ng unmodified opinion ang COA for three years in a row sa OVP, hindi po nangangahulugan na walang iregularidad sa paggamit ng pondo dahil iba po ang pag-audit sa paggamit, ito nga po iyong compliance and performance audits. So, ang ibig sabihin, iyong level of compliance with regard to the laws, rules and regulations, at kung ito ba ay nababase sa principles of efficiency and effectiveness, hindi po siya ang covered ng unmodified opinion ng COA. Dahil kahit po nagkaroon ng unmodified opinion ang COA sa OVP since 2022, mayroon pa rin pong notice of disallowance sa halagang 73 million pesos sa confidential funds; mayroon din pong notice of disallowance or na-flag ang 164 million ng OVP for the 2023 confidential funds; at mayroon pa rin pong na-flag sa PagbaBAGo Campaign at Negosyo Ta ‘Day. At sa ating pagkakaalam, nabanggit din naman po ng OVP na mayroon pa pong flag for 2024 dito sa report ng COA para sa OVP.

So, muli, sabihin lang po natin, tama ang pagkaka-report, balanse, pero kung ginamit nang tama, iba pong isyu iyon.

KENNETH PACIENTE/PTV: Usec., another question lang po. Doon po sa statement ng OVP spokesperson, ang sabi po niya: “Hindi ibig sabihin na personal trip ay nasa bakasyon. Just because she is there does not mean all the staff will no longer work. There are competent and able people in the OVP who can do their jobs without her.” Ano po ang—

PCO USEC. CASTRO: Okay, kapag sinabi po nating personal trip, on leave. Kapag on leave, wala pong ginagawang official functions, so papaano po ba makakategorya iyon? So, in other words, kapag personal trips, walang ginagawang functions so parang bakasyon. Okay?

And sinabi rin po ng OVP na marami silang competent staff to do the job while the Vice President is out of the country, so ipagpunyagi po natin ang mga competent na staff ng OVP. Kahit na wala ang Bise Presidente sa bansa at on leave, nakakapagtrabaho ang ibang empleyado ng OVP. Okay po?

No internet data, no problem kasi ang Wi-Fi, libre na. Marami na ang nakikinabang ngayon sa libreng Wi-Fi sa Tacloban City ilang araw matapos na ilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Lunes ang Phases two and three ng national fiber backbone sa Leyte.

Walang pagsidlan ng tuwa ang mga estudyante dahil sa mas madili at mas mabilis na ang pag-comply ng kanilang mga school requirements dahil sa libreng Wi-Fi ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr.

Malaking tulong din ito para sa mga tricycle drivers, street vendors at ilang mga residente na umaasa sa ginhawa na naidudulot ng libreng Wi-Fi sa kanilang pang-araw-araw na gawain, sa trabaho man o bilang libangan.

Target ngayon ng Marcos administration na palawakin pa ang programa sa Cagayan Valley, Calabarzon, Bicol, Eastern Visayas at Mindanao upang mapalakas ang internet access sa mahigit 600 government offices. Mapapakinabangan ito ng halos 17 milyong Pilipino. Ang resulta: Mas abot-kaya at mas mabilis na koneksiyon. Sa Bagong Pilipinas, ang lahat ay konektado.

[VTR]

PCO USEC. CASTRO: At dito na po nagtatapos ang ating press briefing. Magandang araw para sa Bagong Pilipinas.

 

###