PCO USEC. CASTRO: Mapagpalang araw, Pilipinas.
Sa kabila ng masamang panahon na nararanasan ng buong bansa, patuloy si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pag-monitor ng sitwasyon ng ating mga kababayan na naapektuhan ng bagyo at pagbaha. Upang siguraduhin ang kaligtasan at kapakanan ng mga nasalanta, ipinag-utos ng Pangulo sa mga ahensiya na gawing prayoridad ang pagresponde sa mga stranded na mga binahang komunidad at mga evacuees. Ayon sa Pangulo, kailangang paigtingin at palawakin pa ang ongoing clearing and relief operations para siguruhin na walang kababayan natin ang maiiwan sa panahon ng kalamidad.
[VTR]
Ipinag-utos ni Pangulong Marcos Jr. sa mga ahensiya ng pamahalaan, maging sa lahat ng government personnel na itigil ang lahat ng SONA-related preparations at unahin ang pagtulong sa mga komunidad na apektado ng baha. Bunsod ito ng mga ulat na natanggap ng Pangulo na may mga government personnel na nagkakabit ng SONA materials sa halip na asikasuhin ang kalagayan ng taumbayan.
Alam po nating lahat na ang utos ng Pangulo ay magtrabaho tayo para sa taumbayan at iyan naman ang ginagawa ng mga kawani ng gobyerno. Kapuri-puri po kayo pero hindi po ito napapanahon na unahin ito kaysa sa kaligtasan ninyo at kaligtasan ng mga mamamayan. Agarang ipinag-utos ng Pangulo sa DPWH na ihinto ang operations nito at sa halip ay ibaling ang atensiyon sa immediate response katulong ang iba pang ahensiya ng pamahalaan. Klaro ang gusto ng Pangulo – ituon ang lahat ng kakayahan at available resources ng gobyerno upang tiyakin na ligtas at nasa maayos na kalagayan ang lahat ng apektado ng malawakang pag-ulan at pagbaha.
At mayroon po tayong babasahin na announcement at statement po from the Executive Secretary:
“The President is dismayed by reports that government personnel are putting up SONA-related materials in public areas while many communities are battling heavy flooding. Let me be clear: All SONA-related preparations are hereby ordered immediately suspended. The Department of Public Works and Highways along with all concerned agencies must put full attention and exclusive focus on flood response and relief operations. The President’s directive is to focus all efforts on ensuring the safety and welfare of the Filipino people especially during times of crisis. All government agencies are expected to act accordingly.”
Ngayong araw ay makakasama natin ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang magbigay ng ulat tungkol sa kani-kanilang operasyon ukol sa bagyo. makakasama natin si Engr. Christopher Perez, Chief Weather Forecasting Section ng DOST-PAGASA para bigyan tayo ng ulat tungkol sa lagay ng panahon na maaasahan natin sa mga susunod na araw. Magandang araw po, Sir Christopher.
[TECHNICAL PROBLEM]
Okay. Unahin muna po natin si—okay! Nandito naman—unahin po muna natin si Secretary Vince Dizon para sa ulat mula sa DOTr tungkol sa mass transportation at commuters. Good afternoon, Sec. Vince.
DOTR SEC. DIZON: Magandang hapon, Usec. Claire. Magandang hapon po sa lahat ng ating mga kasama sa gobyerno.
PCO USEC. CASTRO: Yes, Sec. Vince, ano po iyong ulat natin ngayon?
DOTR SEC. DIZON: Opo. So, ano po ‘no, ayon sa utos na rin ng Pangulo, kahapon po dahil sa napakabigat na bugso ng ulat at dahil na rin po sa suspension ng trabaho at ng klase noong lunchtime yesterday, tayo po ay nag-order ng libreng sakay sa lahat ng ating riles – sa MRT 3, LRT 1, LRT 2 para po maibsan ang hirap ng mga kababayan nating pauwi dahil sa suspensiyon ng trabaho at ng klase.
Tayo din po ay nag-utos ng mga iba’t ibang asset ng DOTr, nangunguna na po ang Philippine Coast Guard, ang Philippine Ports Authority, ang LTO, ang LTFRB, kasama na rin po ng iba pang mga ahensiya tulad ng Office of the President at ng ating Armed Forces at Kapulisan, marami pong mga bus at truck na dineploy po natin sa iba’t ibang ruta sa Metro Manila para po sunduin ang mga na-stranded na ating mga kababayan.
Iyon pong mga bus at truck na iyon ay tuluy-tuloy nating dineploy ngayong araw dahil po tuluy-tuloy pa rin po ang pagbuhos ng ulan at sa kasalukuyan po ay bumibiyahe po ang ating mga iba’t ibang mga truck, iba’t ibang mga bus. Lahat po ng asset natin na puwedeng mai-deploy ay dineploy na po natin at nagpapasalamat din po tayo sa ibang ahensiya tulad ng MMDA, ng Armed Forces of the Philippines, ng PNP, ng Office of the President at lahat po ng iba’t ibang ahensiya na tumutulong dito sa [garbled]. Libu-libo na rin pong mga kababayan natin ang naiuwi nang safe at naiwas po dito sa napakabigat na buhos ng ulan. So tuluy-tuloy po tayo, Usec. Claire, dito; hangga’t hindi gumanda ang panahon ay tuluy-tuloy po tayo.
Ikalawa po, gusto ko din pong i-report ayon na rin sa utos ng Pangulo—nagpapasalamat po pala tayo sa MMDA dahil sila po ay tumutulong sa atin ano sa pag-clear noong mga debris natin sa mga drainage ‘no. Ang San Miguel Corporation po na in-charge sa construction ng MRT 7 at sila rin po ang gumawa ng Skyway ay dinulog na po nila ang mga panawagan na ayusin itong mga nakakadagdag sa pagbaha dahil sa mga bara sa mga drainage o sa pagbagsak ng tubig mula sa Skyway. Binibilisan na po nila ang pag-address dito sa mga problemang ito ngayong araw at tuluy-tuloy po iyan hangga’t ma-address ito.
So ano po ‘no, tuluy-tuloy po tayo at ngayon nga po ay nandito po ako sa mga terminal natin ng bus para naman siguruhin na iyong mga bumibiyahe nating mga kababayan papuntang probinsiya, lalong-lalo na papunta ng norte kung saan mabigat din ang epekto ng bagyo at malakas din ang ulan ay safe and sound po sila. So, tuluy-tuloy po tayo dito sa DOTr. Salamat po sa lahat ng ahensiya at mag-ingat po tayong lahat.
PCO USEC. CASTRO: Maraming salamat, Sec. Vince. Kasama rin po natin si DSWD Secretary Rex Gatchalian para bigyan tayo ng report sa relief operations and preparations sa mga area na pinakanaapektuhan ng bagyo. Sec. Rex?
DSWD SEC. GATCHALIAN: Magandang hapon, Usec. Claire. Magandang hapon sa inyong lahat.
Una, sa huli naming talaan, gusto kong i-report na mayroon na tayong 490,418 na affected families kung saan ang 14,191 families ang ngayon ay nakatira sa mga iba’t ibang evacuation centers natin. Mayroon tayong tumatakbo na around 500 na evacuation centers na nakabukas nationwide.
Nag-utos ang ating Pangulo na sa ganitong mga panahon, siguraduhin na ang ating mga pamilya na apektado ay may sapat na pagkain at walang nagugutom. Sa katunayan, Usec. Claire, as we speak, 92,590 na family food packs na ang na-release ng DSWD mula nang nagsimula ang Bagyong Crising hanggang sa ngayon na may mga low pressure area at tuluy-tuloy pa ho tayo.
Alam naman natin na ang first line of response ay ang mga local government units pero alam din natin na limited ang kanilang mga capacity. Alinsunod sa utos ng ating Pangulo, sinisigurado ng DSWD na ready tayo sumuporta sa ating mga local government units para mabigyan nang tuluy-tuloy na pagkain ang ating mga affected families lalong-lalo na ang nakatira sa loob ng evacuation center.
Bago tumama ang Bagyong Crising tulad ng napaulat last Friday, ang national stockpile natin o ang stockpile ng mga family food packs na nakaimbak sa mahigit—kulang-kulang isanlibo na warehouse sa buong bansa ay binibilang natin sa three million na family food packs at tuluy-tuloy pa rin tayo sa pag-produce – hindi ibig sabihin na dahil may three million na tayo sa bodega ay tumigil na tayo. Sa katunayan, ang ating repacking center sa Pasay at sa Cebu, tuluy-tuloy ang production na nakaka-produce sila ng tigtu-twenty thousand kada araw para masigurado natin na makasunod tayo sa instruction ng ating Pangulo na walang pamilyang Pilipino na apektado ang magugutom. Maraming salamat, Usec. Claire.
PCO USEC. CASTRO: Maraming salamat, Sec. Rex.
Nandito rin po si MMDA Chairman Romando Artes para magbigay ng situation report sa flood monitoring at clearing operations sa mga komunidad at lansangan sa apektado ng baha. Magandang araw po, Chair Artes.
MMDA CHAIRMAN ARTES: Magandang hapon po, Usec. Claire, at sa ating mga tagapanood.
As of 11 A.M., sa buong Kamaynilaan within 24 hours ay mahigit limandaan po ang naging pagbaha, incidents ng pagbaha sa iba’t ibang areas. As of 11 A.M. naman po, nabawasan na rin po ito ng up to 273 na lamang; iba-iba po ang degree ng lalim ng tubig, mayroong gutter deep at mayroon din naman pong malalalim; mahigit dalawandaan naman na po iyong humupa o nawalan na ng tubig.
Alinsunod po sa kautusan ng ating Pangulo, tayo po ay nag-prepare at walang tigil sa pagtatrabaho para ma-ensure po na handa ang ahensiya na tumugon sa hamon na dala po nitong hangin at ulan, habagat.
Mayroon po tayong 500 personnel, six buses, two military trucks, two rubber boats at four aluminum boats at mahigit 500 po na rescue personnel na nakaantabay at ready for deployment. And as we speak, iyon pong aming search and rescue boats at military trucks ay papunta po ng Malabon para po tumulong sa paglilikas dahil nagkaroon na po sila ng preemptive evacuation sa mga oras na ito.
Tayo po ay nakikipag-coordinate din kay Sec. Vince Dizon regarding po sa libreng sakay kung sakaling mayroon pong mai-stranded tayong mga kababayan. Kahapon po ay nag-deploy kami ng mga sasakyan, buses and military trucks, para po maitawid ang ating mga kababayan particularly sa Commonwealth papunta po ng Fairview.
Gusto ko rin pong magpasalamat kay Sec. Vince, agad po siyang tumugon doon sa ating mga concerns regarding po sa Skyway at sa MRT 7 para po mawala o mabawasan iyong paglalim ng tubig sa ibang areas na naaapektuhan po ng construction ng Skyway at MRT 7.
Tuluy-tuloy naman po iyong mga de-clogging activities natin. Kanina po, noong humupa ang baha sa may Araneta Avenue, ito po, sa Araneta Avenue, nag-iwan po iyan ng napakaraming basura sa kalsada, agad po itong nalinis ng MMDA para po madaanan nang maayos ito. At kung sakali pong umulan muli at magbaha, hindi na po ito mauwi sa ating mga pangunahing lansangan.
Iyong atin naman pong 71 pumping stations, lahat po ay gumagana ng full capacity. Iyon nga lamang po, medyo nakakabawas po sa efficiency ng ating mga pumping stations iyon pong mga basura. Kanina pong umaga, iyong sa isa lamang po naming pumping station ay may nakuha kaming sofa, ref at malalaking tipak ng kahoy na mukha pong itinapon sa mga daluyan ng tubig. Ito pong mga ganitong klaseng basura ay nakakaapekto po sa efficiency ng ating mga pumping stations. Kaya po kami, Usec. Claire, ay nananawagan sa ating mga kababayan na sana po ay linisin po natin ang ating mga paligid at huwag po tayong magtapon ng basura sa mga daluyan po ng tubig.
Iyon lamang po, Usec. Claire, at magandang umaga.
PCO USEC. CASTRO: Maraming salamat, Chair Artes.
At para naman po magbigay ng ulat tungkol sa nationwide emergency response at public safety, makakasama natin si OCD Assistant Secretary Raffy Alejandro. Good afternoon, Asec. Raffy.
OCD ASEC. ALEJANDRO IV: Usec. Claire, good afternoon po. Kami naman po sa OCD ay naka-red alert ngayon. Buong NDRRMC ay naka-full alert kaya lahat po ng mga ahensiya ay naka-ready. We have around 15,057 SRR units from the Armed Forces of the Philippines – ang Coast Guard ay halos limanlibo; sa PNP ay 817; and ang Bureau of Fire Protection natin ay 26,773 SRR units. Kasama po natin diyan ang ating DPWH na mayroon pong naka-ready na clearing teams na umaabot ng 5,706 teams. And then, kasama natin sa logistics iyong DSWD na tinutulungan natin mapadala nang mas mabilis iyong kanilang mga relief items or mga food packs sa mga nangangailangan po.
So, we are ready to provide air support and transportation support. So, mayroon po tayong naka-standby na 1,600 trucks from the different armed units or uniformed services kasama na rin diyan iyong ating nine fixed-winger crafts and 28 rotary helicopters.
So, naka-ready po kami, naka-activate po ang ating inter-agency coordination cell dito sa Camp Aguinaldo. At kanina po ay nag-meeting kasama si Secretary Remulla, at naghahanda tayo ngayon para sa parating na low pressure—o nandito na iyong habagat na tuluy-tuloy nating nararanasan since Tuesday last week.
So, kami po ay nakahanda. Iyon po ay tugon sa kautusan ng ating Pangulo na dapat po ay ready kami, ready tayo na magbigay ng tulong at magbigay ng mga ayuda doon sa mga LGUs na nangangailangan po.
PCO USEC. CASTRO: Maraming salamat, Asec. Raffy.
Para naman sa ulat tungkol sa epekto ng bagyo sa irrigation systems at water level sa mga dam, makakasama natin si Ma’am Josephine Salazar, Deputy Administrator ng National Irrigation Administration. Magandang araw po, Ma’am Josephine.
NIA DEPUTY ADMINISTRATOR SALAZAR: Magandang hapon, Usec. Claire. Magandang hapon po sa ating lahat.
This is the partial report of damages in dams’ status report. Sa pangkalahatan po, sa CAR, Region I, Region II, Region III, sa UPRIIS area, Region IV-A, Region IV-B, Region V and Region VI, a total of 31,172.23 hectares po iyong naapektuhan sa atin. And the number of farmers affected is 23,385; for the estimated cost of damages to crop, the amount is 339.3 million.
Doon naman po sa mga infrastructure natin ay nagkakahalaga po ng 636 million under level one, and under level two is 229 million, total of 866 million.
As to the status of dams po, ang operated po ng NIA na dam ay ang Magat at ang Pantabangan. Sa Magat po, kaninang alas otso ng umaga, ang elevation po natin is 184.42 and nag-increase po tayo ng .64; and for Pantabangan ay 194.11, nag-increase din po tayo ng .6 meters.
For Angat Dam and San Roque, ito po ay being managed by NPC. So, nasa normal level pa rin po tayo. Hindi po tayo nag-i-spill dito sa mga dam na ito.
Now, for the Bustos Dam update, so kanina pong alas onse ng umaga, ang elevation po ng ating Bustos ay 15.63 meters. So, ang dumadaan pong tubig dito, ang discharge natin is 308 cms. So, nag-attribute po dito iyong pagri-release po ng Ipo Dam kahapon ng around 323.46 meters plus iyong mga local [inaudible] po natin na nanggagaling sa Bayabas at Matictic. So, ang pinakamalaking tubig po na dumaan sa atin sa Bustos ay around 46o cms.
So, lahat po ng … karamihan po ng ating dam dito sa Region III ay nasa spilling level. So, ito po ay ilan lamang sa mga dam natin, ito po ay ang Gumain Dam sa Floridablanca. So, ang current level po niya kaninang alas siyete ng umaga is 2.3; ang spilling level lang po natin is 2.1.
For the Tarlac Diversion Dam, ito po ay nasa Tarlac City. So, ang current water level po natin dito ay nasa 6.5; ang spilling level po natin ay 4.5.
Sa atin po sa NIA, lahat po ng mga protocol natin ay sinusunod natin before po the onset ng ating…pagpasok po ng ating bagyo ay sinasara na po natin ang ating mga intake gates para po ma-safeguard natin iyong ating mga standing crop ng ating mga magsasaka. At the same time, our dam safety group in every region is 24/7 po ang monitoring natin and then we have a command center at Central Office to monitor all the status of the dam nationwide.
Iyon lang po at magandang hapon po sa ating lahat.
PCO USEC. CASTRO: Maraming salamat, Ma’am Josephine. Ngayon po ay may mga katanungan po tayo na ibibigay at ibabato sa ating mga opisyales po ng gobyerno. Unang-una po, sa OCD po: Alin po bang mga lugar ang lubhang nasalanta ng bagyo at ano ang naging aksiyon ng pamahalaan sa mga lugar na ito? At ilan po ang mga nasa evacuation centers kung mayroon po kayong detalye patungkol dito?
OCD ASEC. ALEJANDRO IV: Yes, ma’am. Ngayong umaga po we are operating 277 evacuation centers but based po sa update ng ating DSWD umabot po ito ng halos 500. So, we have around 17,000 persons inside and then another 65,000 outside evacuation centers.
So, ang talagang areas na nagrabehan po dito ay ang Metro Manila and then the Provinces of Bulacan, Pampanga, Cavite, Batangas, Rizal and then ito hanggang bukas po Pangasinan, Tarlac and of course iyong NIR (Negros Island Region) natin medyo nagrabehan din plus iyong Panay Island – kasi since Thursday pa last week ay inuulan na po sila, so, tuluy-tuloy po iyan hanggang today. And then ang forecast natin ay tuluy-tuloy ang pag-ulan hanggang Thursday or Friday po.
PCO USEC. CASTRO: So, masisiguro naman po natin ang kaligtasan ng ating mga kababayan?
OCD ASEC. ALEJANDRO IV: Yes, ma’am. We are ready po with all the agencies na miyembro ng NDRRMC na naka-red alert po. Ready po ang ating mga search and rescue teams, iyong ating mga transportation, iyong ating mga relief goods from DSWD, medical teams from DOH and of course iyong ating mga strategic transport from the Armed Forces ay nakahanda po at iyong buong OCD ay naka-red alert kasama ang mga 44 other member agencies.
PCO USEC. CASTRO: May panawagan po ba kayo, Asec. Raffy, sa mga kababayan natin na hindi sumusunod sa mga kautusan kung kinakailangan silang i-evacuate?
OCD ASEC. ALEJANDRO IV: Opo. Ito po ang panawagan naming: Makinig tayo. Sabi po ng ating Pangulo, sumunod po tayo sa mga babala, sa mga abiso na binibigay ng ating mga authorities. Kung may kailangan pong panawagan na mag-preemptive evacuation, sumunod po tayo. Nakahanda po ang gobyerno na magbigay ayuda or tulong – nandiyan po ang ating DSWD, ang ating DOH, ang ating Armed Forces na handang tumulong at magbigay suporta sa ating mga local government units.
PCO USEC. CASTRO: Maraming salamat, Asec. Raffy. At of course, alam natin na priority din po ng Pangulo ang kalusugan ng bawat mamamayan. Tanong po natin sa DOH, ano po ba ang intervention ngayon ng government upang masiguro na ligtas na sa anumang sakit ang ating mga kababayan lalung-lalo na po iyong mga nasa evacuation centers at iyong mga nabaha po?
DOH ASEC. DOMINGO: Opo, Usec. Claire. Magandang hapon po ‘no. Sa utos po ng ating Pangulo, mayroon na po tayong 31 na milyong pisong halaga ng mga emergency medicines and logistics na naka-preposition at malamang ginagamit na po sa mga local government units sa Ilocos, Cagayan Valley, CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas, Central Visayas at Northern Mindanao.
At dagdag pa po diyan, Usec. Claire, mayroon pang nakaantabay na 180 million na mga emergency medicines and logistics – hindi pa natin dini-deploy pero kapag kailangan po ay ating papakawalan. Ano po ang mga kasama dito? Iyong tinatawag po namin na CAMPOLAS: Cotrimoxazole, Amoxicillin – dalawang mga common antibiotic; mayroon pong Mefenamic Acid – pain reliever; Paracetamol – pampaalis ng lagnat; Oresol – laban sa diarrhea; Lagundi – laban sa ubo at sipon; at iyong skin ointment – laban sa mga skin diseases katulad ng alipunga na nangyayari po ngayon dahil marami nga pong tubig. Mayroon din pong mga hygiene kits, mga drinking water containers at mga chlorine tablets para huwag tayong uminom ng kontaminadong tubig at mayroon ding breastfeeding kits para sa ating mga nanay.
Tuloy rin po, Usec. Claire, iyong pag-ikot ng mga DOH and local government doctors sa lahat po ng evacuation centers sa utos na rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Usec.
PCO USEC. CASTRO: Yes. Asec., ano po ang puwede nating sabihin sa mga kababayan natin para pangalagaan din nila ang kanilang kalusugan?
DOH ASEC. DOMINGO: Opo. Sa ngayon po, mahalaga po iyong anunsiyo ng ating kasamahan na si Asec. sa ating OCD ‘no – kapag sinabi ho talagang ‘evacuate’. Marami ho kasing mga peligro sa kalusugan na maiiwasan kung tayo po ay malilikas bago pa man dumating ito halimbawa, iyong pagkalunod – kapag mayroon ho tayong baha at bago pa man dumating iyong baha, kapag sinabi ng OCD ng LGU “Evacuate,” iwas na po tayo para hindi tayo kailangan saklolohan dahil nalulunod tayo; ikalawa po, iyon pong ating tubig pakuluan natin palagi kung wala tayong chlorine tablets, dalawang minuto ho para hindi kontaminado at safe ang iinumin; at ikatlo, kung tayo man po ay napalusong sa baha, kasama na po ang ating mga kasamahan sa gobyerno, ang mga rescuers, nandito po ang DOH at ang mga LGU doctors, puwede ho namin kayong resetahan ng ating prophylaxis para hindi tayo magkaroon ng leptospirosis. Ang sintomas ng lepto, Usec., hindi lumalabas iyan in the next few days, mga two weeks later pa ho. Pero kung mabibigyan tayo ng gamot agad-agad, hindi po lalabas iyon. Usec.?
PCO USEC. CASTRO: Yes, Asec., anong puwede nilang maranasan para sabihin nila, “Uy, mukhang may lepto na ako.”? So, ano po iyong nararanasan nila?
DOH ASEC. DOMINGO: Sa simula po, Usec., maaaring wala pero kung after mga two weeks, ang nangyayari po diyan ay mayroong lagnat, sumasakit po iyong kalamnan, iyong mga kasu-kasuan, iyong kalamnan natin. Puwede rin pong magkaroon ng paninilaw ng balat at saka ng mata; nag-iiba po ang kulay ng dumi.
Ang mga tinatamaan ho kasi ng lepto ay iyong bato, iyong kidneys kaya madalas nada-dialysis; puwede rin iyong ating baga; puwede rin iyong ating puso; at kung malala po ay pati iyong utak, Usec., puwedeng tamaan, puwede pong ma-ICU ang isang pasyente. Kaya pati po iyong ating mga kasamahan sa MMDA, iyong mga nagki-clearing operations, magbota ho kasi iyong burak na natuyo po kahit wala nang tubig iyan, puwedeng mayroon pa ho iyang mga mikrobyo ng leptospirosis. Nandito po ang DOH para sa inyo.
PCO USEC. CASTRO: Asec. Albert, isa pa po. Ang tanong natin, kapag let’s say ikaw ay lumusong sa baha, let’s say may sugat ka at mukhang maaapektuhan ka ng lepto, kailangan na ba agad pumunta sa clinic, sa ospital, sa doktor para makahingi ng gamot kahit wala pa po silang nararanasan na sintomas?
DOH ASEC. DOMINGO: Opo, tama po iyon, Usec. Kahit wala pa ho tayong nararamdaman na sintomas basta ho dumaplis sa balat natin iyong tubig-baha. Ang ginagamit nga ho naming pahintulad iyon pong tubig-baha parang tubig ho iyan ng inidoro – kung tayo nga po ay mapahawak doon, naghuhugas kaagad tayo so soap and water kaagad tapos kumunsulta ho tayo kasi iyong gamot puwede naman hong ibigay nang libre sa ating mga government health center para huwag po tayong mauwi sa leptospirosis.
PCO USEC. CASTRO: Sa ngayon po, sa pag-iikot po ninyo, ano po iyong mga kondisyon na po ng mga evacuees natin?
DOH ASEC. DOMINGO: Ang kondisyon po natin, katatapos lang po ng rounds ni Secretary Ted Herbosa sa Marikina, nagpunta po siya at tutuloy po iyan sa mga ibang evacuation centers. Nakikita po namin na ang karaniwang sakit po ngayon ay ang ubo at saka sipon dala na rin po ng pabagu-bago na panahon. Mabuti nga po at umaaraw na – welcome po iyan pero alam po natin nagkakaroon ng iritasyon sa ating lalamunan at maaaring mayroon din pong mga sintomas tulad ng ubo at sipon na mayroon tayong mga virus. Huwag pong mag-alala, hindi po iyan delikado basta tayo po ay naghuhugas ng kamay at nagsusuot ng face mask kung kailangan, kung may sintomas, maiiwasan po iyan.
PCO USEC. CASTRO: Salamat po, Asec. Albert, ng DOH.
DOH ASEC. DOMINGO: Salamat po.
PCO USEC. CASTRO: Punta naman tayo sa DSWD. Sec. Rex, mukha pong napasubok na po at napasabak na po ang ating automated repacking machine. Mukhang talaga pong napakinabangan mas lalo po ngayong araw.
DSWD SEC. GATCHALIAN: Tama iyan, Usec. Claire. Alam ninyo, kung dati-rati noong mano-mano iyong repacking natin or semi-automated, nakaka-produce lang kami ng 8,000 to 10,000, ngayon ay nagdoble natin iyong capacity natin all the way to 20,000. Kaya nga mabilis na nakakapagresponde tayo at ngayon may mga pumapasok na request mula sa mga local government units para sa kanilang mga constituents, tuluy-tuloy po nating pina-process iyan.
PCO USEC. CASTRO: So, ngayon po, Sec. Rex, sapat na po ba iyong bilang ng mga prepositioned food packs sa mga biktima po?
DSWD SEC. GATCHALIAN: Usec. Claire, tulad ng nasabi ko, we have close to three million bago tumama si Crising at hindi tayo tumigil – ibig sabihin, may three million na nakaimbak nationwide, sapat na sapat iyon. Right now, ang pending request na lang sa amin ay mga nasa 40,000. We’ve already catered to almost 100,000; tulad ng nabanggit ko kanina 95,000 na iyong na-service natin na mga request para sa kanilang mga constituent mula sa mga local government units. May natitira na lang na mga 40,000 at as we speak right now, pini-pickup na nila, puwede na nilang kunin iyon mula sa repacking center natin.
Pero siyempre, Usec. Claire, tulad ng sinabi kanina ng mga reports ay mukhang masama pa rin ang panahon sa mga darating na araw, hindi rin tayo tumitigil sa pagri-repack, talagang pinag-iigting natin, pinabibilis natin kasi ang instruction ng ating Pangulo, laging handa dapat ang DSWD rumesponde. Hindi tayo nag-aantay na maubusan tayo ng supply bago lang tayo magri-repack.
PCO USEC. CASTRO: Sec. Rex, itanong lang natin, papaano ba nila makukuha itong mga food packs na ito mula sa centers po natin?
DSWD SEC. GATCHALIAN: Magandang tanong iyan, Usec. Claire. Kung matatandaan natin sa Local Government Code, ang first line of defense or ang rumeresponde ay ang local government units – ang mga city hall natin, provincial governments, municipal governments. Ngayon, alam naman natin na bagama’t may resources itong mga local government units natin, hindi sapat minsan, kasi may maliliit tayong local government units. Diyan pumapasok ang DSWD, ino-augment natin o dinadagdagan natin iyong maaaring maging kakulangan ng mga local government units sa pagtugon sa mga pangangailangan ng kanilang mga constituents.
So, kung ang tanong, paano makakakuha? Makipag-ugnayan po kayo sa inyong mga local government units kasi mayroon silang sariling goods at dinadagdagan naman iyon ng DSWD. Inuuna natin siyempre iyong mga nasa evacuation center. Pero katulad ng nabanggit ko kanina, bagama’t nasa mga 15,000 lang iyong bilang ng pamilya sa evacuation center, pero nakapaglabas na tayo ng 95,000 na mga relief packs. Ibig sabihin, iyong ibang local government units katulad nung nakita ko kahapon sa Bulacan ay binabahay-bahay na nila iyong mga food packs lalung-lalo na sa mga areas na sumabay iyong high tide at iyong tubig-ulan kasi napakataas na ng tubig. So, may mga second floor naman iyong mga bahay, nandoon na sila, so dinadala na lang sa kanila ng kanilang mga local government units.
PCO USEC. CASTRO: So, in other words, mas mabilis po ngayon ang pagbibigay natin ng tulong sa ating mga kababayan?
DSWD SEC. GATCHALIAN: Yes, Usec. Claire. Sa katunayan, tulad ng sinabi ni Asec. Albert, katulad ng DOH, hindi pa man tumatama si Crising, noong nararamdaman na iyong habagat sa Negros Island Region, sa Region VI, sa Region VII, rumeresponde na tayo.
Usec. Claire, ang utos ng ating Pangulo, kailangan laging omnipresent o laging nandoon sa mga lokalidad ang DSWD. So, marami tayong warehouses nationwide, kulang-kulang isanlibo iyan. So, iyong three million na family food packs na napaulat last Friday, hindi iyan natatagpuan sa isa o dalawang lugar; nakakalat iyan sa isanlibong warehouses. Hanggang sa pinakaliblib na mga pook sa ating bansa, mayroon tayong mga warehouses sa pakikipagtulungan sa mga local government units.
Ang tawag nga sa programa na iyan, programa ng ating Pangulo ay “Buong Bansa, Handa”. Handa tayo every day, 365 days a year; hindi tayo nagri-repack lang kung nandiyan na iyong bagyo.
PCO USEC. CASTRO: Maliban po sa food packs, ano pa po ba iyong maaaring ibigay ng DSWD para sa mga nasalanta ng bagyo at nabaha po?
DSWD SEC. GATCHALIAN: Sa mga evacuation center natin, sinasabayan natin iyong food packs ng sleeping kits kasi alam naman natin doon sila mamamalagi so kailangan, maski papaano, komportable sila. Nandoon din iyong hygiene packs natin kasi alam naman natin na nabasa iyong kanilang mga gamit, so iyong isusuot nila sa araw na iyon. At may cooking kits rin tayo na ibinibigay kasi may mga community kitchen na sini-set-up sa mga evacuation center.
Pero bukod diyan, Usec. Claire, mayroong dalawang innovation na sinimulan lamang nitong administrasyon ng ating Pangulo Ferdinand R. Marcos Jr. Una, may binibigay na rin tayo na ready-to-eat box natin. Ano ang ibig sabihin? Kasi hindi ba, pagkalikas sa kanila, siyempre pagdating sa evacuation center, kadalasan, hindi pa nasi-set up iyong community kitchen, so importante na may makain kaagad ang pamilya. So, doon sa ready-to-eat box kapag binuksan mo, nandoon na iyong mga high-protein cookies, iyong mga luto na na pagkain at easy-to-open cans at mayroon na doong mga kubyertos sa loob ng ready-to-eat box. So, habang sini-set up pa iyong kitchen, may nakakain na iyong pamilya.
Pero bukod pa diyan, mayroon din tayong water purifying or filtration na mga mekanismo. Iyan iyong nakita ninyo na ininuman namin ni Presidente, ni President Marcos noong isang araw, noong Friday. Napaulat na uminom kami galing sa isang balde na may filter, tama iyon. Itong produkto na ito naman, binibigay natin sa mga evacuation center na may kakulangan sa tubig. Self-filtration na siya. Kahit galing sa tubig-ulan, kahit galing ang tubig sa gutter, katulad noong ininom namin ni Presidente noong isang araw, galing sa rainwater gutter iyon, eh na-filtrate at makakainom.
Actually, ang produkto na iyan, matagal na sa merkado iyan sa iba’t ibang bansa, ngayon lang na-introduce sa ating bansa on a large scale. At para sa kapanatagan ng loob ng lahat, iyong tubig na iyon lagi naming pinapa-test rin sa DOH, sa FDA para masigurado na malinis at kaayaaya iyong tubig na iniinom. Pero ang Pangulo na natin mismo ang uminom last Friday mula doon sa water filtration system na iyon.
PCO USEC. CASTRO: Napakagandang balita niyan, Sec. Rex. Pero ngayon, since tayo po talaga ay nagpapamigay ng mga ayuda sa mga kababayan natin na nasalanta ng bagyo at baha, baka po mayroon po kayong mensahe sa mga LGU officials natin patungkol po sa pagbibigay ng mga ayudang ito kasi baka po iyong iba ay nagagamit pa sa pamumulitika?
DSWD SEC. GATCHALIAN: Sa ating mga local government units, ako galing ako sa hanay ninyo, mataas ang aking pananalig na alam natin na ang prayoridad natin ay ang kapakanan ng ating mga kababayan. Naniniwala ako na sa pakikipagtulungan sa inyo, mabilis na makakarating ang ating mga relief pack para sa lahat ng mga nangangailangan. Sa DSWD, wala kaming pinipili dahil bawat buhay ay mahalaga at nananalig kami na ganoon rin ang opinyon ninyo, ganoon rin ang inyong pananaw.
Sa ganitong mga panahon, ang bawat buhay ay mahalaga; walang pinipili, lahat tinutulungan. At ang DSWD, handang umagapay sa pangangailangan ng inyong mga constituent, magsabi lang kayo sa amin.
PCO USEC. CASTRO: Sa mga kababayan po natin, ano naman po iyong maibibigay ninyong assurance para sa kanilang ikagiginhawa kahit po nasasalanta sila ng bagyo at baha?
DSWD SEC. GATCHALIAN: Sa ating mga kababayan, tulad ng sinabi ni Asec. Raffy ng OCD, una, makinig po tayo sa ating mga local officials kapag sinabing kailangan nating lumikas, kailangan nating mag-preemptive evacuation. Importante iyon. Alam ko na sa isipan ninyo ay medyo hindi tayo komportable sa loob ng mga evacuation center, tama naman iyon, pero sisiguraduhin ng DSWD na makikipagtulungan kami sa inyong mga lokal na pamahalaan para masigurado na ang inyong mga pangangailangan sa loob ng evacuation center ay nagagampanan – pagkain, tutulugan, mga gamit panluto o mga hygiene kits.
Sa ating mga kababayan, importante na sumunod tayo sa ating mga lokal na pamahalaan at ina-assure kayo ng DSWD na ang inyong pamahalaang nasyonal ay nakatutok para sa inyong mga pangangailangan. Ang instruksyon ng ating Pangulo, ang utos ng ating Pangulo sa ganitong mga panahon, walang pamilyang apektado ang hindi nakakakain nang maayos, dahil bawat buhay ay mahalaga.
PCO USEC. CASTRO: Maraming salamat, Sec. Rex. And punta po tayo sa NIA, kay Deputy Administrator Josephine Salazar. Ma’am Josephine, sa pag-release po ng tubig mula sa dam, tanong natin, papaano po ba naabisuhan ang ating mga kababayan na sila ay maaapektuhan sa pagri-release ng tubig ng dam?
NIA DEP. ADMINISTRATOR SALAZAR: Usec. Claire, nandito na po ang aming Administrator Eddie Guillen, siya na po ang sasagot ng mga katanungan.
NIA ADMINISTRATOR GUILLEN: Usec. Claire, mayroon po tayong protocol po diyan. By the way, naimbag nga malem. Una po, of course, katulong natin ang ating mga local government unit po diyan sa pagpapasabi po sa ating mga kababayan iyong ating schedule na mag-open ng ating mga gates. And, of course, dito sa social media ng NIA, at ang totoo po niyan, mayroon na rin po tayong radio station dito sa NIA para makatulong din po.
Ang kagandahan po, kung narinig natin iyong report kanina, iyong ating mga high dams, iyong malalaking dams natin ay malayo pa po bago mapuno. Ang umaapaw lamang po ay itong ating mga diversion dams kasi mabababa lang po itong mga ito.
PCO USEC. CASTRO: Admin. Eddie, ang tanong lang natin: Kanina po ay mayroon na pong na-release na mga tubig, anu-ano po iyong mga lugar na naapektuhan po nito para po maramdaman nila at malaman nila na talaga pong kailangang mag-release ng tubig at talagang ang epekto nito ay medyo tataas iyong tubig sa kanilang lugar?
NIA ADMINISTRATOR GUILLEN: Ang atin pong high dams under ng NIA ay hindi po nagri-release ng tubig. Ang nag-release lamang po ay itong Ipo Dam natin. Ito po iyong pinagkukunan natin ng tubig na inumin sa Metro Manila. On top ng Ipo Dam kasi nandiyan din iyong Angat. Pero kung napansin natin, ang Angat ay hindi pa nagri-release ano po. Ang maapektuhan po diyan is iyong Bulacan area, lahat po kasi ng niri-release ng mga dams na ito ay dadaan lamang sa ating Bustos Dam. Mangyari po iyong Bustos Dam ay isa ring diversion dam so wala po siyang kakayahang mag-imbak ng maraming tubig; hindi siya reservoir type kaya iri-release lamang po niya. So, itong Bulacan area po ang nanganganib kapag nagri-release po itong Ipo at saka iyong Angat Dam.
PCO USEC. CASTRO: So, kapag ganito po ang mangyayari, mga ilang oras po bago ninyo i-release? Ilang oras ang binibigay ninyo sa taumbayan para malaman nila na magri-release po kayo ng tubig?
NIA ADMINISTRATOR GUILLEN: Mayroon pong protocol iyan na sinusundan natin with Angat and Ipo Dam. So, at least mga two to three hours, alam na po nila. But dito po sa NIA, Usec. Claire, ang totoo po niyan two weeks prior, mayroon kasing ginagamit ang NIA ngayon, itong ating advance weather forecasting system na may AI technology. Two weeks napi-predict na po namin kung magri-release kami ng tubig o hindi dito sa ating malalaking dams, dito sa Magat and Pantabangan.
So, ganoon po ang sistema ng NIA. At ito pong mga private like San Roque, itong Angat and itong Ipo, mga ilang oras din po ang binibigay sa atin at nakikipag-ugnayan din po sila direkta sa LGUs.
PCO USEC. CASTRO: Sir, ang tanong din natin, para na rin po sa mga kababayan natin: Bakit nga ba kailangang mag-release ng tubig mula sa dam?
NIA ADMINISTRATOR ENGR. GUILLEN: Of course, iyong structural integrity po kasi ng ating mga dams ano po, mayroon spilling level po iyan eh, at kapag inabot na po iyong spilling level ay talaga pong magri-release na po ang ating mga dams. Pero ang maganda po sa ating mga high dams ay ang releases natin diyan bago pa lang dumating iyong bagyo, nagri-release na po tayo diyan. So, like in the case of Magat for example po, ang regular po lang ng flow ng ilog diyan ay mga nasa 100 or less than 100 CMS. Pero po sa kalakasan po ng bagyo ay nagri-release po iyan ng from 8,000 to 12,000 CMS, ganoon po. Talagang mala-delubyo ang dating po niyan. Pero sa tulong po ng ating mga high dams, kapag kalakasan po ng ulan, iyon po ang time na nako-contain natin iyong rumaragasang tubig at nagri-release ulit tayo kapag tapos na po iyong tag-ulan para bawas po sa peligro ng baha.
Kaya iyon po ang gusto ng ating Pangulo ‘di po ba, na magtayo ng mga reservoir-type dams para makontrol natin iyong baha. May kasabihan po tayo, Usec. Claire, na anything that you cannot control, you cannot manage. So, ang best flood-control project talaga is iyong ating mga high dams para ma-manage natin ang tubig ba at, of course, iyong irigasyon natin.
PCO USEC. CASTRO: So, in other words, sir, kung sinasabi ninyo po na two to three hours bago mag-release ng tubig ay pinapaabiso ninyo na po, so most probably alam din po ito ng mga LGU officials?
NIA ADMINISTRATOR ENGR. GUILLEN: Yes, Usec. Claire. In fact, again, iyong ating mga LGU officials, alam din po itong mga ito. Pero gaya po ng nasabi ko po sa inyo, itong systems na under po ng NIA like Pantabangan, iyong malalaki po ha, Pantabangan, Magat at ngayon iyong sa ating Jalaur Dam ay mas malayo pa po ang ating abiso sa kanila. Ang pinakamaigsi po na abiso natin sa kanila around mga four days to one week, ganoon po tayo kasigurado sa ating forecaster system sa NIA.
Pero iyong mga private kasi natin na dams ay mas maigsi po iyong bigay nila ng forecasting, iyong warning lalo na po dito sa Ipo Dam dahil iyong Ipo dalawa po ang panggagalingan ng tubig niyan eh, iyong Angat at saka Ipo River. So, hindi nila talaga halos ma-predict ang bagsak ng tubig diyan kaya mas maigsi po iyong pagpapasabi nila ng abiso.
PCO USEC. CASTRO: So, in other words din po, mas maganda rin pong makipag-ugnayan ang LGU officials sa NIA kapag po magri-release ng tubig para maabisuhan din nila iyong kanilang mga constituents?
NIA ADMINISTRATOR ENGR. GUILLEN: Yes po, may existing protocol po kami diyan, Usec. Claire. Nakaano na po iyon, automatic na po iyon, standard operating procedure na po natin iyong pakikipag-uugnayan natin with LGUs at saka iyong ating pagsasabi sa ating social media, sa ating mga platforms para po masabihan ang ating mga constituents sa baba. Lalo na po dito ngayon may, again, may radio station na po ang NIA under ng PBS, so mas maganda na po iyong ating warning system ngayon.
PCO USEC. CASTRO: Okay po. At ano po iyong mga mensahe sa ating mga kababayan kapag po magpapa-release ng tubig o sa mga ganitong klaseng mga sitwasyon po?
NIA ADMINISTRATOR ENGR. GUILLEN: Alam ninyo po, of course, ang lagi nating sinasabi sa ating mga kababayan, lalo dito sa may Bulacan area ano po. Alam ninyo, Usec. Claire, medyo talagang kumplikado ang sitwasyon diyan ‘no dahil affected din sila nitong mga high tide ganiyan. So, ang pinakamagandang ahensiya talaga para sa more na pakikipag-ugnayan sa ating mga kababayan ay itong LGUs din. So, pinapaigting po natin ang ating ugnayan sa ating LGUs para po mas magandang matugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan.
PCO USEC. CASTRO: Maraming salamat po Admin Eddie Guillen ng NIA.
At bago po tayo pumunta sa MMDA, muli po nating makakasama si Engineer Christopher Perez, Chief Weather Forecasting Section ng DOST-PAGASA para bigyan tayo ng ulat tungkol sa lagay ng panahon na maaasahan natin sa mga susunod na araw pa. Good afternoon, sir.
PAGASA ENGR. PEREZ: Good afternoon, ma’am, at saka sa mga kasama po natin. So, please allow me, magsi-share lang po ako ng aking presentation for the update.
So, para po sa kaalaman ng ating mga kababayan ay patuloy po tayong nagmo-monitor, hindi lamang sa habagat kung hindi maging sa dalawang low pressure na may potential ngang maging bagyo this week. So, unahin po muna natin iyong monitoring ng ating weather system. So makikita po natin sa ating image na may actually tatlong weather system or low pressure na binabantayan ng PAGASA; iyong isa po nasa labas ng ating area of responsibility sa layong 2,850 kilometers silangan ng Eastern Visayas habang iyong dalawa sa PAR – unahin po natin iyong mas malapit – nasa layong 225 kilometers east-south-east ng Basco, Batanes, samantalang ito naman pong isa ay nasa layong 1,140 kilometers east of Central Luzon.
Ngayon, kung makikita po natin sa ating legend, ito pong mas malayo ay mas mataas ang potential na maging bagyo within the 24-hour period; ito namang orange ay posibleng maging bagyo beyond the 24 hours period, kumbaga ang priority natin na talagang mas malaki ang tsansa itong pula. Kaya pinapayuhan po natin ang lahat na mag-monitor sa mga posibleng tropical cyclone bulletin na ipapalabas ng PAGASA, either mamayang alas-singko ng hapon o mamayang alas onse ng gabi or bukas ng madaling araw.
So, itong dalawang weather systems na ito kung mapapansin natin, may ulap pa rin tayo na enhanced habagat, iyan po iyong dahilan kung kaya’t malayo na iyong nakaraang bagyo. Pero mayroon pa rin tayong habagat episode dahil patuloy ngang pinag-iibayo nitong dalawang potential na tropical cyclone.
Ngayon, dahil nga sa mga pag-uulan na naranasan na sa Metro Manila kaninang alas onse ng umaga, may nakataas tayong orange rainfall warning dito sa lalawigan ng Zambales, Bataan, Bulacan, Pampanga, Metro Manila, Cavite, Batangas at Rizal. Samantala yellow rainfall warning naman sa Tarlac, Nueva Ecija at Laguna.
Kapag may orange na rainfall warning po tayo, ibig sabihin nandiyan pa rin iyong banta ng mga pagbaha ‘no dahil nakikita naman po natin during the past few days ay talagang matinding pag-ulan, may mga bahagi ng kalsada pa rin po tayo hindi lamang dito sa Metro Manila kung hindi maging sa karatig-lalawigan na binabaha pa rin at patuloy pa rin pong posibleng bahain ng mga pag-ulan nga na sa mga susunod na oras at araw dahil sa inaasahan nating patuloy na pag-iral ng habagat.
Samantala, dito naman sa inisyu ng Visayas PRSD (PAGASA Regional Services Division), we have—iyong flooding is possible dito nga sa may Occidental Mindoro. SAmantala may mga pag-ulan dito sa Palawan at ilang bahagi nga ng Iloilo, Guimaras, Capiz, Aklan and Antique.
Sa may bandang Northern Luzon naman, mayroon tayong nakataas na yellow rainfall warning sa ilang bayan sa Pangasinan, makikita po natin dito.
So, ang ating naman pong mga rainfall warning ay ina-update natin every three hours depende po iyan sa namo-monitor natin at ina-anticipate nating pag-ulan over the next three hours.
So, para po sa karagdagang impormasyon with regards to the localized rainfall warning ay nandito po ang QR code ng ating iba’t ibang regional services division dahil para po sa kaalaman ng lahat, iyong localized rainfall at thunderstorm advisory ay iniisyu po ng ating mga PAGASA Regional Service Division.
Samantala, bakit tayo nagbibigay ng mga rainfall warning? Pinakikita ko naman po dito iyong mga naging pag-ulan during the last three days at makikita po natin, simula po noong July 19 hanggang July 21, makikita nga natin halos ang naging concentration ng pag-ulan ay sa nakakaraming bahagi po ng Luzon, in particular over the western section of Luzon and part of Visayas and Mindanao makikita natin.
Pero iyong pattern, iyong mas maraming pag-ulan ay makikita po natin common with the three-day observation ay halos nasa western section ng Luzon. So, inaasahan po natin na patuloy pa ring uulanin iyong mga ilang lugar sa Luzon dahil nga sa patuloy na pag-iral ng habagat at posibleng pag-intensify ng dalawang binabantayan nating low pressure into tropical cyclone kung kaya’t nagpalabas po tayo ng weather advisory.
Ang ating weather advisory naman po ay patungkol sa ulan na dala ng mga weather system na nakakaapekto sa ating bansa. So, kung titingnan natin iyong inaasahang ulan ngayong araw hanggang bukas ng tanghali ay halos nandito pa rin sa mga lalawigan nga sa western section ng Luzon, ilang bahagi ng Visayas at maging sa ilang bahagi ng Southern Luzon area. Iyong kulay pula po, more than 200 millimeters of rain; iyong orange naman is 100 to 200 millimeters of rain; and iyong yellow 50 to 100 millimeters of rain.
Gaya nga ng nabanggit kanina, may mga ilang araw na rin tayong pag-ulan, may mga lugar na binaha at mayroon po, lalung-lalo na doon sa mga malapit sa paanan ng bundok nandiyan pa rin ang banta ng mga biglaang pagguho ng lupa dahil kahit sabihin natin mahina sa katamtaman na pag-ulan, kung ilang araw na pong nababad iyong lugar ninyo sa pag-ulan ay posibleng malambot na iyong mga bahaging kalupaan.
Samantala, pagdating naman ng bukas ng tanghali hanggang sa darating na Huwebes ng tanghali, makikita pa rin natin iyong rainfall pattern ay halos karaniwang nandoon pa rin sa mga lugar na sa kasalukuyan nga ay naaapektuhan pa rin ng habagat. At pagdating po ng Huwebes ng tanghali hanggang Biyernes ng tanghali, nandiyan pa rin iyong significant amount of rain sa western section nga ng Luzon at ilang bahagi ng Western Visayas.
Kaya’t patuloy pa rin po iyong paalala natin na bagama’t wala na tayong bagyo, nandiyan pa rin iyong pinag-ibayong habagat at iyong dalawang low pressure, posibleng maging bagyo na siyang magpapaibayo pa muli ng habagat sa susunod na dalawa hanggang tatlong araw. We’re expecting cloudy skies, scattered monsoon rains over most parts of Luzon over the western section hanggang sa darating na Biyernes.
Samantala, sa pagmo-monitor naman po natin ng ating mga water reservoir: Dito sa Angat during the last 24 hours, nagkaroon tayo ng pagtaas ng lebel ng tubig at wala naman pong sa ngayon gate na nakabukas: pero itong may bandang La Mesa ano kasi spillover lang po ito so every time na talagang aapaw iyong tubig ay automatic na magbubuhos lang siya or mag-i-spillover; Ipo Dam naman po ay nagkaroon din ng—or bahagyang bumaba actually kung makikita natin – from 100.54 meters naging 100.28 na lamang.
Sa iba pang water reservoirs na binabantayan natin, mapapansin po natin na may mga bumaba, bahagyang bumaba gaya po ng Ambuklao-Binga at mayroon namang mga tumaas gaya po ng San Roque at Pantabangan. Same as to the Magat Dam, tumaas po nang bahagya at itong sa may bandang Caliraya.
Samantala, iyon nga po iyong paalala natin ‘no, posible po tayong magpalabas ng update regarding the low-pressure kung magiging bagyo ito, it’s either ngayong hapon or mamayang gabi kaya antabayanan po nating lahat iyong update na iyan at iyong patuloy nating monitoring nga sa ulan na dala ng umiiral na habagat.
Iyan po muna latest dito sa PAGASA Forecasting Center po.
PCO USEC. CASTRO: Yes. Engr. Christopher, tanong natin: Ano po ba iyong maipapayo ninyo sa ating mga kababayan na patuloy pa rin po ang pag-ulan at mayroon nga po tayong inaantabayanan na low pressure, dalawang low pressure po?
ENGR. CHRIS PEREZ: Well, gaya nga po ng nabanggit ko, ma’am, babalikan natin – the last three days talagang matitinding pag-ulan ang naranasan sa mga lalawigan ng Luzon, karaniwan iyong mga nasa kanlurang bahagi including Metro Manila po iyan. At dito nga, pinakikita natin na over the next three days posibleng almost the same areas ang posible pa ring makaranas ng pag-ulan kaya’t hangga’t maaari po ay maging alerto sa posibleng pagbaha lalong-lalo na sa mga nakatira sa mababang lugar; iyong pag-apaw ng ilog, iyong mga coastal communities sa gilid ng ilog, as much as possible makipag-ugnayan sa kanilang local government at saka local disaster risk reduction managing officers para sa patuloy na disaster preparedness and mitigation measures; at iyong mga kababayan po natin na malapit po sa paanan ng bundok ganoon din po, makipag-ugnayan sa kanilang local government lalong-lalo na kung ilang araw nang umuulan sa inyong lugar. Bagama’t baka wala pa kayong nararanasan na pagguho ng lupa pero sa mga susunod na araw ay uulan pa po kaya’t maging alerto pa rin po sa mga posibleng pagguho ng lupa.
At iyon nga po, iyong paalala rin natin na may binabantayan din po tayong low pressure na posibleng maging bagyo, antabayanan din po ng ating mga kababayan iyong latest news, weather update na mula po sa PAGASA.
PCO USEC. CASTRO: Maraming salamat, Engr. Christopher. Balik po muna tayo kay Asec. Raffy, OCD. May tanong po mula kay Pia Gutierrez ng ABS-CBN: Ano po ba ang maaari nating contingency measures in case ng inclement weather during the SONA?
OCD ASEC. ALEJANDRO: Opo. Of course, we will depend on the protocol ng Congress po if they will suspend iyong SONA. But kami po, with our NCR, we are closely coordinating with the PNP po na magkaroon tayo ng orderly conduct ng flow ng mga pupunta sa SONA. So, kami po, ang mga areas na surrounding Congress ay hinahanda pa rin natin in case na magkaroon ng hindi magandang weather. So, in the event po na magkaroon ng suspension ng work or classes, tuluy-tuloy pa rin naman ang ating mga emergency responders na naka-standby in case na kailangan ng assistance during the SONA po.
PCO USEC. CASTRO: Salamat po, Asec. Raffy. Okay, punta na po tayo kay MMDA Chair Don Artes. Sir, ang tanong… ito po ay tanong mula kay Leth Narciso ng DZRH: Paano po iyong NCAP sa ganitong sitwasyon? May areas po ba na may baha/obstruction, hindi kita iyong mga signages at may mga sirang ilaw po kung saka-sakali?
MMDA CHAIRMAN ARTES: Unang-una po, Usec. Claire, during mga ganito pong panahon, although hindi namin sinu-suspend iyong NCAP pero may manual validation po tayo. So, halos lahat po ng possible validations ay ini-invalidate naman po natin lalong-lalo na po iyong sa may bahang portions na hindi natin nakikita iyong signages, definitely wala pong huli na mangyayari. Siyempre po, iba na po iyong situation like kanina may aksidente po na kitang-kita naman po sa CCTV na napaka-reckless ng pagkakamaneho noon pong naaksidenteng vehicle at may isa pa pong naaksidente. So, case-to-case basis iyan pero generally kapag ganito pong panahon, halos suspended po ang NCAP implementation po natin.
PCO USEC. CASTRO: Pati po ba iyong number coding, Chair?
MMDA CHAIRMAN ARTES: Yes po. Nag-declare po tayo, Usec. Claire, kahapon pa na suspended po iyong number coding.
PCO USEC. CASTRO: Salamat po. Ang tanong po pala na iyon ay galing kay Richbon ng Tribune. At ito po iyong kay Leth Narciso-Reyes: Nirireklamo ng Manila LGU ang mga sirang pumping stations kaya daw mabilis tumaas ang tubig at medyo mabagal ang pag-subside ng tubig. So, nakita ninyo po ba, Chair Don Artes, kung saan hindi gumagana iyong mga pumping stations dito sa Manila?
MMDA CHAIRMAN ARTES: Well, iyon pong partikular na inirireklamo or nabanggit ni Mayor Isko Moreno na pumping station po na hindi gumagana ay iyon pong sa Sunog Apog na pumping station na kasalukuyan po ay niri-repair ng DPWH. Hindi pa po iyan nai-turnover sa amin dahil po may ginagawa nga po or niri-repair or niri-rehab ng DPWH.
So, iyan po ang kaniya pong binabanggit so ipa-follow up natin iyong status po ng pagri-rehab niyan para po magamit kaagad dahil tama po siya, iyan po iyong makakasalubong doon sa tubig na nanggagaling Quezon City pababa po ng España through the Blumetritt drainage system at iyan po supposedly iyong magpa-pump ng tubig palabas po para po hindi na umabot dito po sa España area.
So, follow up po namin iyan, Usec. Claire, para po matapos kaagad at alamin po namin iyong status ng rehab sa DPWH po.
PCO USEC. CASTRO: Opo. Baka po mayroon din po kayong update kasi alam ko po ginagawa din po iyong pumping station sa Navotas, ito po ba ay mayroon na kayong update? Yes po.
MMDA CHAIRMAN ARTES: Iyong Navigational Gate, iyan din po ay kinukumpuni ng contractor po ng DPWH. Originally ang target po niyan July 8 pero nakitaan po ng microcracks iyong link arm po – iyon po ang mechanism na nag-aangat nitong floodgate para maisara or mabuksan po siya. Then nag-set na naman po ng target ng July 21 which is kahapon pero hindi na naman po umabot. I-follow up lang po namin sa contractor para po matapos kaagad dahil kailangang-kailangan po iyan dahil kapag hindi po siya gumagana, nakakapasok po iyong tubig sa Malabon at sa Navotas during high tide.
So, minamadali naman po iyan, tinutulungan po namin ang DPWH pati iyong contractor. From time-to-time pinatatawag po namin iyong foreign consultant na katulong na gumawa niyan originally para nga po mabigyan ng payo iyon pong gumagawa para po matapos kaagad. Ayaw lang naman po naming madaliin at dahil niri-request po ng contractor nga na gusto nila gawang-gawa bago po simulan na i-operate. So, i-follow up po namin, mag-coordinate din po kami sa DPWH regarding sa Navotas Navigational Gate po.
PCO USEC. CASTRO: Saka nabanggit po ninyo kanina, Chair Artes, na isa sa cause kung bakit hindi dumadaloy ng tama iyong tubig, dahil ang dami pong basura. Sabi po ninyo may sofa pa?
MMDA CHAIRMAN ARTES: Opo, puwede po nating ipakita sa inyo iyong sofa, may ref, may sofa at iba’t iba pa pong materyales na naanod po dala po ng tubig-baha. Kapag bumomba po iyong ating pumps, nahihigop po siya kasama ng tubig na nagpapabagal po ng pagsipsip ng tubig para mailabas nga po dito sa kalupaan papunta po sa mga major waterways natin.
So, makikita po ninyo talaga na isa po sa reason na nagkakaroon po ng baha ay iyon pong mga basura, antiquated na po iyong ating mga drainage system, medyo maliliit na, nakita naman po natin iyong volume ng ulan lately, medyo hindi na po kayang i-convey. Iyan po iyong sofa, makikita po ninyo, mayroon din pong ref diyan at iba’t iba pa pong klase ng basura. Again, maliliit na po iyong ating drainage system, antiquated na siya, more than 50 years old, tapos po nababarahan pa po ng ganitong klaseng mga basura, talaga pong mahihirapang mailabas po iyong tubig at mapahupa iyong baha.
So, kami po ay nananawagan sa ating mga kababayan, sana po magkaroon tayo ng disiplina, regarding po sa pagtatapon ng basura.
PCO USEC. CASTRO: So, in other words, Chair Artes, hindi lang ito trabaho ng gobyerno para maiwasan natin iyong pagtaas ng tubig, kapag may ganitong klaseng mga bagyo kung hindi dapat pati mga kababayan natin ay tumutulong para maiwasan ang ganitong klaseng sitwasyon.
MMDA CHAIRMAN ARTES: Opo. Sa akin pong palagay, ang pagbabaha po ay hindi lamang po responsibilidad ng pamahalaan, dapat po magtulung-tulong tayo, hindi po natin kaya na tayo lang, kailangan din po ng partisipasyon ng bawat isa. Lalung-lalo na po sa pagtatapon ng basura.
Mayroon po tayong na-identify, Usec. Claire, na 49 areas na mga lansangan na kapag po tumataas ang tubig, alam na po namin na nababarahan ng basura. Ito naman po ay regular naming nililinis, it’s just that, kapag po umulan, iyong tubig po ay may dalang basura na kapag naipon po sa mga kanal, iyon po iyong nagiging dahilan para mabarahan iyong tubig at tumaas po iyong lebel. Like kahapon, amin pong na-observe doon po sa White Plains sa may Camp Aguinaldo, dumadami po iyong tubig, halos lagpas na po ng gutter. Ang ginawa po ng ating mga tauhan, dahil may mga naka-assign na doon ay sinundot iyong kanal, hinango iyong mga basura at kaagad po nawala po iyong tubig sa lansangan. So, doon po natin makikita na kung wala po iyong basura, hindi na po dapat nagkaroon ng baha doon sa lugar.
Again, 49 areas po iyong na-identify natin na ganito na may naka-assign po tayong tao, dalawang shifts para lang po abangan iyong basura at maalis para hindi po tumaas iyong tubig.
PCO USEC. CASTRO: Hindi po ba, MMDA Chair, na obligasyon din ito ng LGU na dapat sa lugar nila, walang ganito kadaming basura na hindi nahahakot?
MMDA CHAIRMAN ARTES: Well, ang mga LGUs naman po, in fairness to them, Usec. Claire, ay regular iyong paghakot ng basura, may schedule po iyan at hindi po nila pinababayaan. It’s just that, mayroon pa rin pong matitigas ang ulo na naglalabas sa hindi tamang oras, sa tamang araw o sa tamang lugar at kalimitan po, Usec. Claire, ang pinagtatapunan po nila waterways at isinasabay po nila sa agos ng tubig-ulan iyon pong pagtatapon nila dito sa mga waterways para matangay po by purpose at huwag po doon sa tapat nila maipon iyong basura. Kaya po iyan ay nahihigop po ng ating mga pumping stations at nakakabara po sa ating operasyon.
So, again, iyong mga LGUs naman po ay talaga naman pong masinop, it’s just that marami po tayong kababayan na instead na kaunting effort lang, para nga po itapon ng tama iyong kanilang basura ay mas pinipili na ihagis po sa mga waterways itong mga basura po na ito.
PCO USEC. CASTRO: Oo nga po, natatandaan ko, may mga taong nagtatapon ng basura nila sa ibabaw ng tren habang tumatakbo iyong tren, hindi po ba?
MMDA CHAIRMAN ARTES: Before po, yes.
PCO USEC. CASTRO: Ang tanong naman po ni Chloe Hufana ng Business World, MMDA Chair: May mga infrastructure projects po ba nakaka-cause ng pagbabaha at kung mayroon po, ano po kaya iyong iba ninyong masa-cite na project?
MMDA CHAIRMAN ARTES: Mayroon po, iyon pong sa Commonwealth, ordinarily, hindi naman po nagbabaha, mga a month ago, na-observe po namin, nagkaroon po ng malalim na tubig at kahapon po ay naulit na naman. Noon pong nag-[inaudible] inspection tayo kasama ang DOTr, DPWH, local government unit ng Quezon City at ganundin po iyon pong contractor or may-ari ng MRT 7, nakita po natin na iyong isa pong major drainage system sa Commonwealth Avenue ay naharangan po ng isang poste. Halos 1/3 na lang po yata or 1/4 ang gumagana doon sa drainage system po na iyon, dahil nabarahan po ng isang poste.
Ganundin po iyong mga lagusan ng tubig mula sa kalsada papasok po sa drainage system, may mga ganoon po na nabarahan na rin po ng construction materials. Agad naman po tayong nakipag-ugnayan kay Sec. Vince Dizon, at naiulat nga po na inaayos na po ng MRT 7 iyon pong nabarahan na drainage na iyon. At ganundin po, ini-report din po namin kay Sec. Vince at inaaksyunan na iyong mga skyways po natin, iyong downspout po nila ay hindi po nakadugtong sa mga drainage system at inihuhulog lamang po sa kalsada na sa tingin po namin ay nakaka-contribute din po sa pagkakaroon ng tubig sa ating mga lansangan.
PCO USEC. CASTRO: Isang tanong pa po. Sa ngayon po ba, ano po ang masasabi ninyo, mas mabilis po bang mag-subside iyong tubig-baha o nagkakaproblema pa rin tayo dahil sa mga basura?
MMDA CHAIRMAN ARTES: Well, sa ngayon po, dahil gumagana naman po iyong 71 pumping stations natin at full capacity, mabilis naman po humuhupa iyong baha. Like po kahapon o ngayong araw na ito as soon as tumigil po iyong ulan, halos majority po ng mga bahang areas ay nawawalan po ng tubig. Kanina nga po, as of 11 A.M., from 500-plus areas ay naging 273 na lang at sa tingin ko po dahil nga po dahil medyo tumigil ang ulan, mas nabawasan pa po itong mga areas na may tubig sa ngayon. So, masasabi ko naman po na mabilis, iyon lamang po again mas mabilis pa po sana ito kung wala pong mga bara iyong lagusan po natin ng tubig.
PCO USEC. CASTRO: Maraming, maraming salamat po, MMDA Chair Don Artes. Maraming salamat. At bago po tayo magtapos, baka po may nais na ihabilin ang ating mga public officials na kasama po natin ngayon sa ating mga kababayan. Unahin po natin nakikita ko po dito si NIA Admin. Eddie Guillen.
NIA ADMIN. GUILLEN: Hi, Usec. Claire. Ang masasabi ko lamang po dito sa ating mga bagong bayaning magsasaka ay nakahanda palagi ang NIA na tumulong sa inyo lalo na po kapag ganitong may mga calamities. Ang pinagpapasalamat po namin, Usec. Claire, is iyong mga equipment po na nai-turnover sa atin ng ating Pangulo ay malaking tulong po para sa pagpapaayos namin nang mas mabilis ang pagde-declog natin sa ating mga irrigation canals. At asahan po ninyo iyong ating mga naapektuhang mga magsasaka ay patuloy ang ugnayan namin ng Department of Agriculture para mabigyan po kayo ng mga kailangan ninyong mga seeds para makapagtanim po ulit o kung hindi naman makakaabot iyong ating mga high value crops para matulungan po kayo.
Ang bilin po ng ating Pangulo ay talagang tutukan po ang pangangailangan ng ating mga magsasaka. So, kami po lahat ay nagtulung-tulong para po mas maganda ang serbisyong darating po sa inyo.
PCO USEC. CASTRO: Maraming salamat po. At puntahan po natin si Asec. Alejandro ng OCD.
OCD ASEC. ALEJANDRO IV: Yes, Usec. Claire. Ang panawagan lang po namin tulad po ng panawagan ng ating Pangulo sa lahat po ng mga LGUs, sa ating mga kababayan: Sumunod po tayo sa mga abiso. Kami po ay nakahanda – nakahanda po ang buong gobyerno na tumugon sa mga pangangailangan, kami po ay naka-ready kasama ang DSWD, DOH, ang ating Armed Forces, ang PNP, lahat po ng 44 member agencies ng NDRRMC ay ready po para dito sa ating mga weather disturbances po.
PCO USEC. CASTRO: Salamat po. At puntahan naman po natin si Asec. Albert Domingo ng DOH.
DOH ASEC. DOMINGO: Salamat po, Usec. Claire. Ang buong lakas po ng gobyerno sa pangunguna ni Pangulong Marcos Jr. ay nandirito kasama po ang Department of Health. Mag-ingat po tayo; kapag may abiso po sa evacuation, lumikas na po; ang atin pong tubig ay pakuluan natin ng dalawang minuto para siguradong hindi kontaminado; kung tayo po ay mabaha, tayo po ay kumunsulta kahit walang sintomas para maiwasan ang leptospirosis; patuloy po na ruronda ang mga doktor at nurse at health worker ng DOH at ng mga LGUs sa utos na rin ng ating Pangulo at ni Secretary Ted Herbosa para mabantayan ang kalusugan ng ating bayan. Salamat po.
PCO USEC. CASTRO: Salamat po. At puntahan po natin si engineer Christopher Perez ng DOST-PAGASA.
ENGINEER CHRIS PEREZ: Maraming salamat po, Usec. Claire. Ganoon po ang paalala natin ‘no, kasama po ang lahat ng partner agencies natin sa disaster preparedness and mitigation, panawagan po natin sa ating mga kababayan na sundin ang kanilang LGU at saka local DRR officials in terms of disaster preparedness and mitigation lalung-lalo na may ongoing habagat tayo at may paparating po tayong bagyo.
Manatili pong nakatutok sa latest update ng PAGASA at as much as possible, ang i-share po natin ay ang tama at angkop na impormasyon galing po sa mga authorities in terms of that particular information. Maraming salamat po.
PCO USEC. CASTRO: At puntahan po natin si MMDA Chair Don Artes.
MMDA CHAIRMAN ARTES: Usec. Claire, pursuant po sa instruction ng ating Pangulo, ang MMDA po ay nagprepara at patuloy na nagtatrabaho para po paghandaan at aksyunan iyong mga problema po na dulot po ng pagbaha gawa ng hanging habagat. Kami naman po ay nakaantabay sa kahit anong mangyari. Kami po ay nakikipagtulungan sa ating mga lokal na pamahalaan, in fact, iyong atin pong search and rescue team ay nasa Malabon ngayon para po tumulong sa paglilikas at ganundin po sa pagdi-distribute ng relief goods.
So, kami po ay nakahanda sa anuman pong posibleng mangyari at asahan po ninyo na ang inyong MMDA ay nandito po para umagapay po sa lahat po ng nangangailangan.
PCO USEC. CASTRO: Salamat po. At puntahan natin si DSWD Sec. Rex Gatchalian.
DSWD SEC. GATCHALIAN: Maraming salamat, Usec. Claire. Sa ating mga kababayan, alinsunod sa utos ng ating Pangulo, sinisigurado po ng DSWD na may sapat na pagkain ang mga apektadong pamilya lalung-lalo na iyong mga nasa evacuation center. Huwag ho kayong mag-alala, mayroon ho tayong naka-preposition na tatlong milyon na family food packs sa isang libo na warehouse at malalapit iyang mga warehouse sa inyo.
Huwag ho kayong mag-alala, handang-handa ho ang DSWD sa utos ng ating Pangulo na tumugon sa inyong mga pangangailangan sa mga darating na araw kung maapektuhan tayo nitong mga sunud-sunod na habagat.
PCO USEC. CASTRO: Maraming, maraming salamat, Sec. Rex. At muli, maraming salamat sa mga nakasama po natin dito sa press briefing.
Isang panawagan mula kay Pangulong Marcos Jr. sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan: “Gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya upang pagsilbihan ang mamamayang Pilipino. Bilang mga kawani ng gobyerno, kayo ay responsibilidad na dapat isapuso at gampanan. Ngayon ang panahon upang ipamalas sa sambayanan kung bakit kayo tinaguriang public servants. Magkaisa at magbayanihan tayo para tiyakin na ligtas at nasa maayos ang kalagayan ng ating mga kapuwa Pilipino.”
Para naman sa ating mga kababayan: Hindi po kayo nag-iisa. Nasaan man kayo ay darating po ang tulong dahil patuloy ang koordinasyon at unified response mula sa mga ahensiya ng gobyerno.
Sa gabay ng Maykapal, nawa’y manatiling ligtas ang lahat sa kabila ng masamang panahon na ating nararanasan. At dito na po nagtatapos ang ating briefing. Magandang araw para sa matatag at nagkakaisang Bagong Pilipinas.
— END —