Maraming salamat, Secretary Ted Herbosa, na ating Kalihim ng DOH. [Please take your seats.]
Dr. Mercado ng PhilHealth na siyang namumuno at nagpapatakbo nitong ating bagong programa; si Secretary Benny Laguesma ng DOLE ay nag-uusap kami, excited siya kasi ang malaking sektor na matutulungan nitong bagong program ana YAKAP ay ang ating mga manggagawa. [applause]
Kaya nakakatuwa naman at talagang iyon ang aming mga habol na matulungan. At Secretary Deck Go na tumulong sa atin, together of course with PhilHealth and DOH, na buoin itong bagong programa na ito.
At nandito rin ang ating kaibigan, ang former – what do I address you at: secretary or senator? Ha? Basta ang ating kaibigan, former secretary, former senator Mar Roxas. [applause] At ang lahat ng mga nakikilahok dito sa ating bagong programa.
Ang katotohanan hindi naman talaga ito bagong programa. Ngunit ito’y dating programa na pinalawak namin nang husto. Dahil po sa aming karanasan ang nangyayari bakit masyadong mataas ang mortality rate kung tawagin sa malalaking ospital, sa regional hospital, sa mga provincial hospital, eh pagka ‘yung pasyente ba’t ang daming namamatay? Nagtatanong kami. Ang sagot sa amin simple lang: dahil napakalayo ng ating malalaking ospital doon sa kanilang pinanggagalingan at kaya napakahirap makapunta.
Kahit na may kaunting nararamdaman ay sabi hindi na bale dahil napakalayo. Kailangan ko maghanap ng mag-aalaga ng mga bata. Kailangan ko mag-off sa trabaho. Magbabayad ako ng pamasahe. Lahat-lahat.
Kaya namin sabi pagdating dito sa amin, sa ospital, malala na masyado ang karamdaman nila. Wala na kaming magawa. Basta inaalagaan na lang – ang tawag sa mga doktor, make comfortable na lang. Kaya paano natin maiiwasan ‘yun?
Dahil kailangan ibaba ang healthcare natin na hindi lamang sa malalaking ospital, kung hindi sa mga maliliit na mga clinic, maliliit – ang tawag natin dati RHU, ‘yung rural health unit.
Ngunit hindi talaga masyadong nalalagyan ng doktor at saka ng nurse, at saka midwife ‘yung mga RHU natin. Kaya hindi natuloy ‘yung programang ‘yun nang mabuti.
Kaya ito ngayon ang aming ginagawa. Dahil ang karamihan – siguro mga 80, 85 porsiyento reklamo ng may nararamdaman ay simple lamang, hindi naman kumplikado. Titingnan lang ng doktor, mabibigyan lang ng gamot. Sasabihin magpahinga ka nang kaunti bago ka papasok ulit.
Eh kayang-kaya ‘yun sa hindi kailangan pumunta pa sa regional hospital, sa tertiary care hospital, sa provincial hospital, eh kaya naman doon sa mas maliliit.
Kaya ito ‘yung aming ginawa. Binaba natin ang serbisyo ng healthcare natin para mas malapit doon sa pinanggagalingan ng ating mga magiging pasyente at hindi na kailangan magpa-confine sa malalaking ospital. Kaya maaayos na ‘yung problema nila.
Kaya ‘yan ang aming – ‘yan ang layunin talaga nitong ating YAKAP program. Karagdagan pa doon, marami tayong ginawa. Nagdagdag tayo ng mga testing kagaya nang naipaliwanag ng ating mga – ‘yung mga tagapagsalita kanina ay marami na – 13 laboratory tests, six na cancer-screening, kabilang na rin ang mammogram, liver ultrasound, low-dose chest CT scan, colonoscopy.
At pati na ‘yung gamot – binawasan natin – hindi, dinagdagan natin ang mga gamot mula sa 54 na gamot, naging 75 na gamot na covered ngayon ng PhilHealth. [applause]
Kaya ‘yan ay mga – malaki ang maitutulong natin sa ating mga kababayan. At mas malaki na ang coverage. Kasama din diyan… Ang malaking reklamo dati sa PhilHealth ay napakahaba ng mga pila at naghihintay masyado ‘yung mga tao para makuha nila ‘yung kanilang claim.
Ngayon, talagang pinupursige namin na mag-digitalize ang PhilHealth para hindi na kinakamay ang mga registration, ang mga konsultasyon. Eh ngayon ay nagagawa na online. Hangga’t lahat – ‘yung mga registration puwede ng online.
Siyempre kung magpapatingin ka, pupunta ka – magpapatingin ka sa doktor, pero lahat ng record mo online na. Kaya pagka nabigyan kayo ng prescription ay hindi niyo kailangan kunin doon din sa ospital kung saan mo nakuha ‘yung prescription.
Kung saan ang malapit na PhilHealth accredited na pharmacy, doon na lang kayo kukuha. Mayroon kayong ibibigay na – bibigyan kayo ng QR code. At ‘yung QR code na ‘yun basta ipakita ninyo doon sa lugar na ‘yun, makukuha niyo na ‘yung gamot. Kaya kasama ‘yung digitalization diyan.
Lahat po ito ay mga natutunan nating leksyon noong nakaraang pandemya. At nakita natin noong panahon ng COVID, nakita natin kung ano ‘yung pagkukulang ng ating healthcare system, kung ano ‘yung mga kailangan patibayin, ano ‘yung magandang nangyari.
Kaya ito ‘yung aming ginawa. At para pinababa – pinalalapit natin ang healthcare system natin sa taong-bayan para naman, unang-una, sila ay magpapatingin kaagad kapag sila ay may nararamdaman, at bukod pa doon, makakatulong pa tayo kung sakali man kailangan silang magpagamot ay tutulungan natin sila, tinutulungan natin sila para pagpamura ng gamot para bayaran na ng insurance, ng PhilHealth ‘yung mga gamot, at saka ‘yung mga ibang tests, at ‘yung mga ibang serbisyo.
Lahat po ‘yan ay sa aming layunin na talagang pagandahin ang healthcare system natin dito sa Pilipinas. At sa palagay ko, dito ipagpatuloy ng YAKAP na programa ay mararamdaman ng taumbayan na ang pamahalaan ay nandito at ginagawa ang lahat, at ginagamit lahat ng kakayahan ng buong pamahalaan upang tulungan kayo, lalong-lalo na kapag kayo ay may sakit.
Hindi ko makalimutan ang payo sa akin ng aking ama. At sinasabi niya sa akin: alalahanin mo ang – ‘yung healthcare system natin, sabi niya, dahil kahit gaano ka kayaman, kahit gaano ka kasikat, kapagka ikaw ay may sakit, hindi mo mararamdaman ang inyong naging pagsikat, inyong naging pagyaman. Hindi mo mae-enjoy ang pagsama sa inyong pamilya at lahat ito ay mas mahalaga sa yaman, mas mahalaga sa sikat.
Kaya ‘yan po ang binibigyan namin ng prayoridad ang ating mga kababayan na sila ay maging healthy, sila ay may malalapitan at may tutulong kapag sila man ay magkaroon ng karamdaman.
Tulungan niyo po kami. Ang isa pang bagay na kailangan natin talagang tugunan, kailangan malaman ng tao na mayroong ganito. Kung minsan gumagawa kami ng programa na maganda ngunit walang nag-a-avail dahil hindi nila alam.
At kung alam man nila, hindi nila alam kung paano gagawin, saan sila pupunta, o ano ‘yung website na pupuntahan nila, ano ‘yung eGov app. Kaya gagamitin po natin lahat ng pasilidad ng pamahalaan upang ipaalam sa taong-bayan na may ganitong klaseng programa at ganito ang pag-avail kung ano ‘yung pangangailangan ninyo.
Kaya po i-download niyo na po ‘yung eGov Super App dahil pagna-download po ninyo, lahat po ito – halos lahat kasi kailangan magpatingin sa doktor. Pero lahat ‘yung registration hanggang sa pagkuha sa parmasya ng inyong gamit, lahat ay magagawa na na online pagka nasa inyo na ‘yung eGov app para mas madali naman.
Hindi na kayo bibiyahe mula sa inyong tinitirhan hanggang sa malalayong mga capital city, sa malalaking regional center. Doon na lang po kayo.
Kaya ito po ay para mas madali, mas madaling mag-avail lahat ng ating mga kababayan dito sa ating bagong serbisyo na ito, dito sa ating bagong programa na ito.
Kaya po sana ay ipagpatuloy ninyo na paramihin ang ating mga YAKAP program areas at ito po ay mararamdaman po ng taong-bayan. At wala nang mas mahalaga sa ating lahat kung hindi ang maging healthy, maging masigla; at hindi lamang para sa atin, kung hindi pati para sa ating mga pamilya.
Maraming salamat po. Magandang umaga po sa inyo. [applause]
— END —