Interview

Interview with Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar by Angelo Palmones (DZRH – Pangunahing Balita)


PALMONES:  Secretary, maayong buntag.

SEC. ANDANAR:  Maayong buntag, Congressman Angelo.

PALMONES:  Belated happy birthday ha.

SEC. ANDANAR:  Salamat, Congressman—

PALMONES:  Happy 42nd birthday. Teka muna ang sabi sa Congress Cha-cha is dead. Ano iyong ipino-push po natin na Cha-cha?

SEC. ANDANAR:  Ang sagot ko po diyan, Cha-cha is just on a power nap.

PALMONES:  Nagpa-power nap. So, ibig sabihin—ano ang ibig sabihin kapag nagpa-power nap?

SEC. ANDANAR:  Ibig sabihin nagpa-power nap, eh nag-iipon lang ng lakas para pag gising niya ay tuluy-tuloy na ang ating kampanya dito sa pederalismo or Charter Change. But we respect of course the opinion or our lawmakers kung iyon po ang sinasabi nila. Ang mahalaga po dito, Congressman, ay maintindihan ng mga kababayan natin ang kahalagahan ng pederalismo sa kani-kanilang mga lugar, mga rehiyon.

PALMONES:  Pero hindi na ninyo tinitingnan, hindi ninyo inaasahan na ito ay mapagtitibay before the midterm elections?

SEC. ANDANAR:  Ang aking goal po dito at ang goal po ng inter-agency ay madala doon sa publiko, doon sa masa ang ibig sabihin ng pederalismo at kung bakit maayos ito. Pero pagdating po doon sa schedule, kung kailan ito maipapasa, we are basing it on the… the speed of how we can make people understand pederalismo.

Kasi alam mo naman, Congressman Angelo, sa dulo nito ay ang mga kababayan pa rin natin ang magdedesisyon at magsasabi sa kanilang mga Congressman at sa ating mga senador kung bakit kailangan itong Charter Change, kung bakit kailangan ang pederalismo.

PALMONES:  Pero kadalasan kasi, lalung-lalo na pagka after the midterm elections, nagkakaroon na ng duda ang pagpapasa ng isang Cha-cha o ng pagbabago ng Saligang Batas. Hindi kaya mas mahirapan, mas tumindi ang hurdle, kapag ito ay after ng midterm election isusulong, Secretary?

SEC. ANDANAR:  Tama po kayo, Congressman Angelo. Eh kasi number one, ay nagdududa; number two, ang ating mga kababayan, ang ating mga pulitiko ay nakasilip na rin doon sa 2022, sa susunod na Presidente.

PALMONES:  Precisely.

SEC. ANDANAR:  Usually iyon ang nangyayari. At ang pagdududa kasi ng mga kababayan natin ay baka ma-extend itong current President, baka mabigyan pa ng isang termino. Pero ang Presidente na mismo ang nagsabi na kapag ito ay pumasa, itong Charter Change o itong pederalismo ay bababa siya sa puwesto. So, I don’t think parehas ang ating environment ngayon at environment nung mga nakaraang administrasyon. Sa palagay ko iyong mga pagbabago, iyong mga polisiya, iyong reporma na nagawa ngayong administrasyon ay napakadami and kung titingnan po natin ang popularity ng ating Presidente ay nasa 80 porsiyento pa rin sa mga oras na ito.

PALMONES:  Nakausap n’yo na ba itong sinasabi ni Justice Puno, na siyang lead ng ConCom, na mga factotums sa elite business group na siyang humaharang dito sa sinusulong na pagbabago ng Saligang Batas. Will there be initiative to reach out to these factotums, Secretary Andanar?

SEC. ANDANAR:  Of course magkakaroon po tayo ng mga initiatives, itong ating mga consultation. Because tandaan po natin, Congressman at mga kababayan, itong draft  federal constitution ay draft pa lamang ito, hindi pa ito pinal, kumbaga  ito iyong ipinasa  kay Pangulo ng ating ConCom at ito naman ay pinasa ng Pangulo sa congressmen at mga senador. And sa dulo nito, ang mga kababayan pa rin natin ang puwedeng magsabi sa kanilang congressman, ‘Congressman Bonifacio kailangan lagyan natin ng amendment itong clause na ito sa economic provision.’ Kayo pa rin ang magdedesisyon, mga kababayan kung ano ang gusto ninyong ilagay doon. So, your pressure to your congressman, your pressure to your senators; your will, will be followed at the end of the day.

So, isa rin sa mga kakausapin natin ay iyong mga interest groups na binabanggit mo, Congressman, tulad ng mga negosyante—

PALMONES:  Ano ba ang timetable talaga ng roll out ng kampanya for Cha-cha?

SEC. ANDANAR:  The time table, it should start by next week. By Friday next week, meron po tayong gagawin na—may plano po tayo na magkaroon ng forum dito po sa PCOO, dito po sa may Presidential Press Briefing Room sa Malacañang, pero inaayos pa natin iyong schedule. Tapos ang—uulitin ko po, ang magka-craft ng message is DILG. Ang magpapakete nito para maging commercial, para lumabas sa TV, sa radio, sa diyaryo, social media ay PCOO. Ang magpapaliwanag nito lahat ay kasama iyong mga miyembro ng speaker’s bureau who will be coming from the ConCom also at inter-agency at iba pang mga interesado o mga volunteers na gustong sumali. And those volunteers who want to join should reach out to us, go to DILG sapagkat meron po tayong trainors’ training program. Walang excluded dito, Angelo, lahat kasama. Kung gusto mong sumama, puwede kang sumama, basta sumailalim ka doon sa trainors’ training program.

PALMONES:  Kasi iyong mga mediamen natin sa Visayas naghihintay talaga, inaantay nila kung paano sila makatutulong din para ma-educate iyong ating mga kababayan and they are even willing to write it in a language na mas maiintindihan ng ating mga kababayan sa Visayas at Mindanao.

SEC. ANDANAR:  Tama ka, Angelo, Visayas and Mindanao, in fact iyong aking ina-announce nga sa Mindanao ay magkakaroon ng media training sa federalism para maintindihan and at the same time media consultation din, we will also do that with you, Congressman, sa Visayas, para malaman natin sa PCOO kung ano iyong mga strategies that would fit a specific region or a specific province; kasi alam natin iba’t-iba ang pangangailangan ng probinsya, iba’t-iba ang approach.

In Caraga halimbawa, sa amin, madaling i-explain ang federalism, sasabihin lang namin na nakalagay doon sa federal constitution na hindi bababa sa 50% ang mining revenues ng probinsya, oh di wala na, hands down panalo na ang pederalismo doon. Kasi sa Mining Act 2% lang ang matatanggap ng LGU; ngayon 50% na.

PALMONES:   Sec, last point. May hirit iyong pito yata na mga opisyal ng PCOO, mag-resign na daw si Usec. Mocha. Anong posisyon mo rito?

SEC. ANDANAR:  Marami pong nagtatanong ng question na iyan sa akin, pero ngayon lang po ako magsasalita tungkol diyan.

Alam n’yo po iyong lumalabas na mga reports na may sumulat, na sumulat daw itong mga opisyales sa ating Executive Secretary. Alam ninyo ang sulat na iyan ay hindi pa nakakarating sa mesa ko, kung meron mang sulat na iyan. Usually kasi kapag nagsusulat ang isang Undersecretary o Asec sa ES, sa Executive Secretary, ay merong copy furnished iyong aking opisina. Hindi ko pa nakikita iyong sulat na iyan at hindi ko pa rin po nakakausap si Executive Secretary Bingbong Medialdea tungkol sa sulat na iyan.

So, I will report to you, Angelo, once na nakausap ko po si Executive Secretary.

PALMONES:  Sec. maraming salamat; magandang umaga po.

SEC. ANDANAR:  Mabuhay ka Congressman Angelo Palmones at mabuhay po ang DZRH.

###

SOURCE: PCOO – NIB (News and Information Bureau)

Resource