June 27, 2016 – President Benigno S. Aquino III’s Speech at the Testimonial Parade and Review in Honor of His Excellency Benigno S. Aquino III
President Benigno S. Aquino III’s Speech at the Testimonial Parade and Review in Honor of His Excellency Benigno S. Aquino III |
AFP General Headquarters (GHQ), Grandstand Camp General Emilio Aquinaldo, Quezon City |
27 June 2016 |
Ito na ang huling pagharap ko sa inyo bilang inyong Commander in Chief. Siyempre, hindi natin maiiwasang balikan ang ating mga pinagdaanan at pinagsamahan. Kung naaalala niyo, noong magsimula tayo, ang sabi natin: Puwede na muling mangarap. At sa mga nagdaang taon, sama-sama nating binago ang imahen ng AFP: Mula sa hukbong matagal nang napabayaan at naging pugad ng katiwalian, pinatibay natin ang inyong hanay upang maging mas moderno at mas malakas ang kakayahang maglingkod sa mamamayang Pilipino, ang ating mga Boss. Talagang malayo na nga ang narating natin sa ating pagtahak sa Daang Matuwid. Naaalala ko, noong ako’y nasa Kongreso pa, dumalo ako sa isang hearing kung saan tinatalakay ang pagbili ng C130. Ang malungkot na katotohanan noon: Ni segunda mano ay wala tayong pambili. Ngayon, kita naman po ninyo, meron na tayong apat, at may isa pang paparating. Nitong nakaraang buwan, dumating na ang BRP Tarlac, ang pinakamalaki nating barko. Sa kauna-unahang pagkakataon, mayroon tayong sasakyang pandagat na puwedeng magsilbing ospital at command center ng pamahalaan sa panahon ng sakuna. Sa nagdaang anim na taon, para sa inyong modernisasyon, nakapaglaan na tayo ng 65.89 bilyong piso at nakapagkumpleto ng 70 proyekto. Malayong-malayo ito sa 45 kabuuang bilang ng proyektong naipatupad sa nagdaang tatlong administrasyon, na nagkakahalagang 31.75 bilyong piso. Sa madaling salita po, nadoble natin ang pondo: one-third, o isang-ikatlo lang po ang panahong inabot, ang panahong ating inabutan, kung iku-kumpara sa labing-walong taon ng mga naunang administrasyon. Paano po natin nagawa ito? Sa bawat hakbang natin, ang lagi nating tanong: Ano ba ang magiging pakinabang ng sambayanan? Kung ang sagot ay wala, o kung nakita nating hindi naman nasasagad ang benepisyo sa ating mga kababayan, ipinatigil natin; pinalitan ng mga programa at inisyatiba kung saan ang bawat pisong gugugulin ay magtataas sa antas ng kanilang kalagayan. Ang atin pong mantra: Good governance is good economics. Noong kampanya, nakita natin ang bisa nito. May dinaanan tayong bagong gawang kalsada sa Talisay patungong Bacolod. Ito ay para makonekta ang kanilang airport sa komunidad. Noon, hindi nadadaanan at di napapansin ang lugar ng Talisay. Ngayon, dahil nga po sa kalsada, nagsulputan na ang iba’t ibang establisimyento doon tulad ng mga tirahan, tindahan, mga pabrika, opisina at iba pang mga gusali. Dulo nito: Dahil sa paghahatid natin ng kailangang serbisyo, tumaas ang antas ng pamumuhay ng mga kababayan natin doon, at ito po ay umpisa pa lang. Ngayon, ganitong diwa rin ang ginawa natin sa ating unipormadong hanay. Sa tamang pamamahala, at tamang paglalaan ng pondo, naging makasaysayan ang modernisasyon ninyo. Yung ilang mga dating pinapangarap lang natin, tangan na natin ngayon. Ang maganda pa: Hindi lang kayo tumatanggap ng biyaya mula sa estado; sinusuklian ninyo ito ng karampatang serbisyo. Sa huli, nagiging virtuous cycle po ito; nagtutulungan ang lahat, at sa dulo, Pilipino ang panalo. Dahil sa ambag ng bawat isa sa inyo, nakatatak na ngayon sa sambayanang Pilipino ang unipormadong hanay na talagang masasandalan at maasahan, lalo na sa mga panahon ng pangangailangan. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, ipinapamalas ninyo ang diwa at tunay na ibig-sabihin ng salitang “dedikasyon.” Gaano man kahirap ang tungkulin, anumang kagamitan ang hawak ninyo, ni minsan, hindi ako nakarinig sa inyo ng palusot o pagdadahilan. Bagkus, lagi ninyo itong taas-noong hinaharap, at sinasagad ang inyong kakayahan para magampanan ang trabaho. Kaya naman po, sa ngalan ng bawat kababayan nating naisalba, natulungan, o napanatag ninyo ang loob: Maraming, maraming salamat. Sa kabila ng mga napagtagumpayan natin, tiwala akong hindi kayo magiging kampante. Mayroon ngan pong isang kaisipan at ang sabi: “If you do not grow, you stagnate; and after that, you deteriorate.” Halimbawa na lang, sa isang sagupaan. Pag natalo ang isang hanay, responsibilidad ng pinuno na pag-aralan ang nangyari. Saan ba tayo nagkamali? Ito ang kailangan nating iwasto. Saan ba tayo nagkulang? Ito naman ang kailangan nating punuan. Ang magaling na pinuno, tinitingnan ang nagtapos nang laban, pero nakahanda na’t nakatutok para sa darating pang mga laban. Balikan natin ang naging misyon sa Ayungin Shoal. Nagkaroon ng pagtatangkang harangin ang paghahatid ng mga kinakailangang supply ng ating mga marino na nakadestino sa BRP Sierra Madre. Alam naman natin, ang katunggali nating bansa sa West Philippine Sea, lamang na lamang sa kagamitan. Nag-isip ngayon ang ating Hukbong Pangdagat: Paano natin magagawa ang misyon? Ginamitan nila ito ng tinatawag na seamanship. Idinaan nila ang ating fishing vessels sa mababaw na bahagi ng dagat, kaya di nakadikit ang mga modernong sasakyang-pandagat ng katunggali. Dulo nito: Mission accomplished—tagumpay ang paghahatid natin ng supply sa BRP Sierra Madre. Ganitong tapang at paninindigan, diskarte at inobasyon ang di dapat mawala sa ating kaisipan. Di pwedeng maging de-kahon, walang imahinasyon, at kapos sa inspirasyon ang pagtutupad ng ating tungkulin. Kapag naging kampante tayo, puwede tayong manalo ngayon, puwede tayong magtagumpay bukas; pero yung kalabang ating natatalo, garantisado, hahanap din nang hahanap ng paraang manalo. Ang panawagan sa atin: Bawat misyon na inyong haharapin, nawa’y pag-aralan ito nang husto, anumang larangan o ranggo ninyo, upang magbukas ng panibagong mga pagsipat at pag-unawa. Alalahanin ninyo na anuman ang kalagayan ng ating mga sistema, maaring pagandahin pa ito lalo. Kailangan ding mapanatili at mapaunlad ang kultura ng malaya at makatotohanang komunikasyon sa loob ng mga hanay. Di puwede na kung ano lang ang gustong marinig ng nasa taas, ay yun na lang ang sasabihin ng nasa ibaba. Kailangan parating makatotohanan ang sinasabi. Kasabay ng mariing pagpapatupad ng command hierarchy at chain of command, kailangang mahikayat ang bawat isa sa pag-aambag ng mga panibagong ideya. Sa ganitong paraan, higit pang mapahusay ang ating serbisyo. Ang panahong ito ay panahon din ng pasasalamat. Nais ko pong kilalanin ang liderato ng ating Sandatahang Lakas mula nang magsimula tayo, hanggang sa puntong ito. Siyempre, kay Secretary Voltz Gazmin, na nanguna para maitaguyod ang kultura ng mahusay, masusi, at matibay na ugnayan sa pagitan ng mga opisyal at kawal ng ating mga hukbo at ng ating gobyerno. Alam po ninyo, noong siya po ay aking hinirang, ang sabi niya sa akin, “Puwede bang isang taon lang ako o dalawang taon?” Pasensya ka na Secretary Gazmin, nakalimutan ko iyong usapan nating iyon; three days to go na lang, isagad mo na. Kay Lt. Gen. Glorioso Miranda, pati na sa mga nauna nating Chief of Staff; at sa lahat ng ating service commanders. Maraming salamat sa pagiging huwaran ninyong mga pinuno. Pinarangalan din natin ngayon ang 32nd Infantry Batallion. Noong pumutok ang Zamboanga Siege, sila po ay kasalukuyang dapat na natretraining doon. Bigla na lang sila ang itinalagang humarang sa masasamang balak ng rogue MNLF forces, at nag-stabilize ng sitwasyon, habang pinapapasok ang iba pa nating units. Sa kasalukuyan, pati sa engkwentro ngayon laban sa Abu Sayaff Group, sila na naman ang pumopronta. Sabihin mang ordinaryong Infantry Batallion sila, kita naman nating lahat, talagang masigasig nilang tinutugis ang mga kalaban ng lipunan. Sasamantalahin ko na rin po ang pagkakataong ito para pasalamatan ang ating PSG, sa pangunguna ni Rear Admiral Raul Ubando. Alam niyo na rin ito: Unang linggo niya bilang bagong hepe ng PSG, napasabak na siya sa Zamboanga Siege. Pagkatapos, sumunod pa ang lindol sa Cebu at Bohol sa sunod na buwan; pagkatapos naman po noon, baka kulang pa ang aksyon niya, sinamahan na rin ng bagyong Yolanda. Isama pa diyan ang pagbisita ng mahal na Santo Papa at Pangulong Obama, pati na ang naglalakihang pagtitipon dito, tulad ng APEC at ng World Economic Forum. Matingkad talaga ang alaala ko sa nangyaring krisis sa Zamboanga. Noong mga panahong iyon, kailangan nating iangat ang morale ng ating mga kababayan. Sabi ko po sa kanya, tutuloy tayo sa stadium kung saan nandoon ang mga napilitang lumikas. Pero ang sabi po niya, bilang Group Commander ng PSG: “Sir, di natin na-panel yan. Di natin alam kung sino ang nandiyan, at nasa mortar range din yan ng ating kalaban iyang lugar na iyan.” Ang tugon ko naman: “Kailangan nating mag-‘lead from the front.’ Bilang pangulo kailangang mapuntahan natin ang anumang bahagi ng bansa. Kailangan tayo ng ating mga kababayan. Gawin mo ang kaya mong gawin. Bahala na ang Diyos sa atin at sa hindi natin kaya.” Ang tanging sagot sa akin ni Group: “Yes, sir.” At nakita niyo naman: Talagang nagpakitang-gilas ang ating Group Commander, at ang buong PSG, kaya naman naging matiwasay at matagumpay ang operasyon nating iyon sa Zamboanga. Kaya naman, sa mga bumubuo ng PSG: Sa bawat hakbang sa Daang Matuwid, naging panatag ang loob ko, dahil nariyan kayo at laging nagpapamalas ng propesyunalismo, at maayos na pakikipag-ugnayan sa atin pong security forces. Sa inyong lahat: Maraming, maraming salamat. Kinikilala rin natin ngayon ang ilan sa aking mga aide-de-camp. Siguro, ang iniisip ng iba, ang sarap ng buhay maging aide ng Pangulo. Ang di po alam ng marami, sila ang katapat at unang tagasalo ng stress, at pati na minsan, ng init ng ating ulo. Pag may nangyari sa gitna ng gabi, tulad na lamang noong Arab Spring, ang dami nating kinailangan niyang ihabilin. At sino ang nandoon? At ating pong aid-de-camp. Anong nangyari? Ginicing ng alas-dos, binigyan ng pison na dapat matapos ng ika-pito’t kalahati ng umaga. Lahat ng ating mga tanong, inilista, iniintindi ng mabuti para maipasa sa mga kalihim na kailangan nating makausap para maayos ang problema ng mga kababayan natin sa gitnang silangan. Sa mga sandaling iyan, ang aking assistant at mga aide ang aking katuwang at inaasahan. Alam ho ninyo, maliban na nga doon sa pagpapaliwanag sa akin kung paano magbasa ng ating mga mapa, lalo na sa mga grid coordinates, aral ng mga symbolo ng ating mga puwersa, lalo na sa kasalukuyang operasiyon sa sulu, talaga naman pong ibinahagi nila ang kanilang pinagsanayan. Sila na rin po ang nagbibigay sa atin ng pananaw, hindi po ng pinakamatataas na rangko, pero hinahabol na rin ho doon pa sa pinakamababang rangko para malaman natin ang estado ng palaisipan at kaisipan ng ating buong hanay. Alam ho ninyo, ultimo kung minsan pati ayos ng barong, at kung magulo po ang natitira nating buhok, kailangan din nilang asikasuhin. Kung patong-patong ang iniisip ko, sila rin ang karamay ko. Sana po pagkatapos nito, pag sila ay nagpapahinga, kasama ng kanilag mga asawa at mahal sa buhay, baka hanapin po nila iyong patong-patong na problema, pag nanood ng TV, sabay-sabay na channel ang panoorin, wala hong makaintindi sa kanilang pinapanood. Sa akin nga po, totoong nagkaroon ng sistemang may aide ang Pangulo, para tulungan sa trabaho ang nakaupo. Pero naniniwala rin po ako: Sinasanay din sila kung paano magdesisyon ang mga nasa taas nila at kung paano maglatag ng mga solusyon, para pagdating ng panahon, talagang hubog na hubog na sila sa serbisyo. Kaya naman, sa lahat aking mga aide: Binabati ko kayo, at muli, maraming salamat sa inyo. Mga kasama, bago natin tahakin ang Daang Matuwid, ang inyong dedikasyon at ideyalismo ang ginamit ninyong pampuno sa inyong mga kakulangan sa kagamitan. Ngayong ilang araw na lang ang natitira sa aking termino, sa layo ng narating natin ay hindi ko maiwasan ang mapangiti kapag naiisip kong mas malayo pa ang kaya ninyong marating matapos ng ako ay magretiro. Kagaya nga ng lagi kong sinasabi: Simula pa lang ang lahat ng ito. Kung meron man akong iiwanan sa inyong habilin, ito ay huwag niyo sanang kalilimutan ang laging itinatanong natin sa tuwing nalalagay tayo sa isang sangandaan: Paano ito nakakatulong sa sambayanang Pilipino? Kapag ang nasagot ninyo dito ay oo, malamang, nasa tama kayo. Mga kasama, alam naman ninyo: Noong panahon ng Martial Law, ginamit ng diktador ang Sandatahang Lakas sa kanyang pang-aabuso sa ating mga kababayan. Halos isang dekadang naging hiwalay ang inyong hanay sa karaniwang mamamayan. Pasesnsya na po kayo, hindi ho halos isang dekada: lampas ng isang dekada po ang nangyari. Parang isang reunion ang nangyari noong EDSA People Power Revolution. At ngayon, di na maitatangging tunay na kayong katuwang at tagapagtanggol ng ating mga Boss, ang sambayanang Pilipino. Harinawa ay manatiling kaisa ng sambayanan ang ating sandatahang lakas. Tiwala ako: Sa patnubay ng Poong Maykapal, sa ating patuloy na pagtotoo sa ating mga Boss, at sa matibay nating paninindigan sa ating bandila, ay makapag-iiwan tayo sa susunod na henerasyon ng mas ligtas, mas matatag, at mas maunlad na Pilipinas. Sa pagtatapos po: dito natin nadarama kung gaano ka-kapos ang pagsasabi lang ng maraming maramig salamat po sa inyong lahat. Palagay ko po talagang kinakatawan ko ang buong sambayanang Pilipino na damang dama nila lahat ng sakripisyo, lahat ng pinagdaanan ninyo para sa kanilang kapakanan. At iyan pong pagkabatid ng ating mga kababayan, tandaan ninyo: iyan na rin po ang magpapatuloy ng kung paano nila kakalinganin ang talagang kumalinga sa kanila. Mabuhay ang ating Sandatahang Lakas at maraming salamat. Magandang hapon po sa inyong lahat. |