Statement

Hinggil sa Estriktong Hakbang sa Social Distancing upang Harapin ang COVID-19



Matapos ang masusing pagsusuri ng Tanggapan ng Pangulo sa mga direktiba at panuntunang inihanda ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases, si Kalihim Tagapagpaganap Salvador C Medialdea, sa atas ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ay nag-isyu ng Memorandum para sa mga punò ng kagawaran, ahensiya, tanggapan at instrumentalidad ng pamahalaan, government-owned or controlled corporations, government financial institutions, at state universities and colleges, at pati na ang mga lokal na yunit ng pamahalaan.

Nilalaman ng Memorandum ang mga emergency ngunit pansamantalang direktiba at panuntunan na siyang pangunahing tutugon sa pagkalat ng sakít na coronavirus (COVID-19) sa bansa.

Ang mga estriktong hakbang sa social distancing, na ipatutupad sa National Capital Region (NCR), mulang 15 Marso 2020 hanggang 14 Abril 2020, ay ang sumusunod:

1. Ipinagbabawal ang mga malawakang pagtitipon gaya ng panonood sa sinehan, konsiyerto, gawaing pampalakasan at iba pang gawaing panlibangan, asamblea ng mga komunidad, at di-mahalagang pagtitipong pantrabaho. Maaaring ipagpatuloy ang mga mahalagang pulong pantrabaho at gawaing panrelihiyon hangga’t napananatili sa kabuoan ng gawain ang estriktong social distancing, na inilalarawan bílang estriktong pagpapanatili ng hindi bababâ sa isang (1) metrong radius sa pagitan ng mga kalahok.

2. Ang mga Lokal na Yunit ng Pamahalaan (LGUs) ay susunod sa atas ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) at Kagawaran ng Interyor at Lokal na Pamahalaan (DILG) sa pagpapatupad ng pangkalahatang community quarantine sa kanilang mga saklaw na lugar.

Para sa layuning ito, ang pangkalahatang community quarantine ay kondisyong nililimitahan ang paggalaw ng mga tao sa mga batayang pangangailangan at trabaho; at mayroong mga uniformed personnel at quarantine officer sa mga border point.

Kung gayon, sang-ayon sa iba pang pagbabago na maaaring ibigay ng IATF, lahat ng lugar na nasa pangkalahatang community quarantine ay magpapatupad ng sumusunod:

a. Higpitan ang di-mahalagang pagpások ng mga tao sa contained area, lalo na ang mga táong high-risk sa pagiging infected (i.e. 60 taóng gulang pataas), immunocompromised o may co-morbidities at mga buntis), maliban kung (1) mga health worker, (2) awtorisadong opisyal ng pamahalaan, (3) naglalakbay para sa dahilang medikal o humanitarian, (4) mga nagtatransit para sa biyahe sa labas ng bansa, (5) mga táong nagbibigay ng mga batayang serbisyo at public utility, at (6) mahalagang skeletal workforce; at

b. Pigilan ang hindi mahalagang paglabas ng mga tao sa contained na lugar, maliban sa (1) mga health worker, (2)awtorisadong opisyal ng gobyerno, (3) naglalakbay dahil sa dahilang medikal o humanitarian, at (4) mga binigyan ng permisong pumasok ayon sa mga nakalistang probisyon, sa pasubaling lahat ng táong umaalis ng contained community ay kailangang masuri para sa mga sintomas (lagnat, kahirapan sa paghinga, diarrhea) sa mga exit checkpoint kung saan (1) may kaukulang sertipikasyon na ibibigay ang competent health authority (DOH, Provincial/City/Municipal Health Officer), (2) health authority na nag-endoso ng papalabas na tao sa tatanggap na LGU, (3) ang mga aalis na tao ay sasailalim sa 14 na araw na home-based quarantine, at (4) ang LGU ay magbabantay sa pagpapatupad ng home-based quarantine.

Gayunman, kung hinihingi ng pagkakataon, maaaring magbigay ng direktiba ang DOH at DILG sa isang LGU na magpatupad ng enhanced community quarantine, na nangangahulugang estriktong home quarantine sa lahat ng sambahayan, sususpendihin ang transportasyon, pangangasiwaan ang probisyon ng pagkain at mahalagang serbisyong pangkalusugan, at dadamihan ang mga uniformed personnel na magpapatupad ng quarantine.

4. Alternatibong paraan ng pagtatrabaho, kabilang ngunit hindi limitado sa, work from home, compressed work week, staggered working hours, at pagbuo ng skeletal workforces, na ipatutupad sa Sangay Ehekutibo. Lahat ng miyembro ng PNP, AFP, PCG at health at emergency frontline services ay inaatasan na ipagpatuloy ang full operation. Ang mga sangay Lehislatibo at Hudikatura at independent constitutional bodies ay hinihimok na magpatupad ng katulad na patakaran.

5. Hinggil sa restriksiyon sa paglalakbay sa lupa, domestikong himpapawid, at dagat patungo o mula NCR, probisyonal itong pinahihintulutan para sa lahat ng manggagawa, employed man o self-employed.

6. Lahat ng papaalis na pasahero ay papayagang dumaan sa NCR. Para rito, kailangang magpakita sa mga checkpoint ng patunay ng kumpirmadong international travel itinerary, na nakatakdang umalis sa loob ng 12 oras mula sa pagpasok.

7. Hindi ititigil ang pagbiyahe sa mga kargo, saanman nanggaling o tutungo.

8. Ang suspensiyon ng lahat ng klase at gawain sa mga paaralan sa lahat ng antas sa NCR ay mananatili hanggang 14 April 2020.

Bukod sa kasalukuyang restriksiyon sa biyahe na itinakda mula at tungo sa China, kabílang ang Special Administrative Regions nito, ilang bahagi ng South Korea, ang mga papasók na manlalakbay mulang Iran at Italy (maliban sa mga mamamayang Filipino, kasáma ang kanilang banyagang asawa at mga anak, kung mayroon, at nagtataglay ng Permanent Resident Visa o 9(e) Diplomatic Visa na inisyu ng Pamahalaan ng Filipinas) ay kinakailangang magpakita ng medical certificate na inisyu ng mapagtitiwalaang awtoridad medikal sa loob ng apatnapu’t walong (48) oras bago ang pag-alis na nagpapatunay na negatibo sila sa COVID-19.

Bílang karagdagan, pinapayagan ang DOH na magbigay ng exemption, batay sa dahilang humanitarian, sa mga papalabas na manlalakbay na tutungo sa mga lugar na kasalukuyang may travel restrictions.

Idinidiin ng Palasyo na lahat ng ipinatutupad ay sasailalim sa regular na ribyu ng Pangulo at ng IATF upang matiyak na mako-contain ang virus at mapupuksa nang hindi lubhang maaabala ang mga mamamayan sa pagpapatuloy ng kanilang pang-araw-araw na búhay.

Ang kopya ng Memorandum na may komprehensibong listahan ng mga direktiba at mga kaugnay na panuntunan ay ilalabas ng Malacanang.

Gaya ng lagi niyang ginagawa, ang Pangulo ay puspusang naglilingkod sa sambayanang Filipino para sa kapakanan at kalusugan ng publiko.

Salvador S. Panelo
Chief Presidential Legal Counsel
& Presidential Spokesperson