Statement

Message of PCO Undersecretary and Palace Press



Good news po tayo ngayong araw na ito. Dahil sa pagpupursige ng ating Pangulo ay napatanggal na po ang ating bansa sa Financial Action Task Force grey list.

Ano po ba ang ibig sabihin nito? Nakita po ng Financial Action Task Force or FATF ang naging pagtatrabaho ng administrasyong Marcos na magampanan ang obligasyon para matanggal o mabawasan ang mga gawaing nauugnay sa money laundering at pagpopondo sa terorismo.

Ano po ba itong FATF? Isa itong independienteng organisasyon na binubuo ng 39 na miyembro na nagtatakda ng mga international na pamantayan upang labanan ang money laundering at ang propaganda ng terorismo.

May mga bansa po na nailalagay sa black list or grey list. Kapag black list, ibig sabihin ay may significant strategic shortcomings, o sobrang kakulangan upang sugpuin ang money laundering at terrorist financing.

At kapag nasa grey list, ito ang mga bansang actively working with FATF para ma-improve ang anti-money laundering processes at kailangan na magawa ang mga action plans at rekomendasyon sa natatakdang panahon para mai-alis sa grey list.

Naipasok tayo sa grey list noong Hunyo 2021, sa pamumuno ni dating pangulong Duterte dahil sa una, kakulangan sa regulatory supervision ng gambling operations. Tandaan natin, namayagpag ang mga POGO noon.

Pangalawa, weaknesses in the implementation of targeted financial sanctions na kahit may nababalitang anomalya sa mga transaksyon lalo na noong panahon ng pandemya ay mukhang pinababayaan lamang.

At pangatlo, delays in the implementation of Anti-Terrorism Act of 2020 na kahit na napakalaki ng intel at confidential funds noon.

Nailagay nga tayo sa grey list noong 2021 matapos matukoy ng international watchdog na 18 na kakulangan na dapat matugunan ng gobyerno para labanan ang money laundering at terrorism financing sa bansa.

Pero dahil ipinag-utos ng ating Pangulo through the Executive Order No. 33 na kumilos agad-agad upang matanggal ang ating bansa sa grey list, nakita ng FATF ang improvements ng Pilipinas patungkol sa money laundering and terror financing controls.

Napakalaking accomplishment po ito ng ating Pangulo na matanggal nga ang bansa sa grey list. Kapagka po ang bansa ay nailista sa grey list, mahihirapan po ang ating mga OFW sa kanilang mga remittances. Pati na po ang transaksyong financial ng bawat isa o ng bansa ay maari pong hindi payagan. Mahihirapan din po tayo makakuha ng foreign investors.

Kaya dahil natanggal po tayo sa grey list, hindi na po tayo mahihirapan lalong lalo na ang ating mga OFW na magpadala ng kanilang remittances dahil maiiwasan na po ang pagbabayad ng napakalaking fees. At madali na rin po sa atin ang mag-engganyo ng mga foreign investors.

Kakayanin natin lalo na ng Pangulo na linisin ang mga kalat na naiwan sa atin ng nakaraang administrasyon.

Ipanalangin natin na mapanatili natin na hindi tayo muling mapasama sa grey list o black list ng FATF. Hindi titigil ang ating Pangulo na maisaayos at mapigil ang mga gawaing may kinalaman sa money laundering at terrorist financing.

Maraming salamat, para sa Bagong Pilipinas.

—END—