President Benigno S. Aquino III’s Speech at the meeting with the local leaders and the community in Kawit, Cavite
Aguinaldo Shrine, Brgy. Kaingin, Kawit Cavite
01 April 2016
 
Noong araw, dumating ang Martial Law, bawal magtipon ang tao. Pag lumampas ng tatlo ang nagtipon, “illegal assembly.” Dumating ang panahon na nagkaroon ng eleksyon maski papaano. Pero noong pinaslang ang tatay, doon tila medyo marami nang nagrarally. Isa sa mga unang rally po noong 1984 ay sa Cebu.

Noong 1984, mayroong isang Senador sa Cebu na dumating sa rally nang late. Pagdating ho niya, ang dinatnan niyang tao sa plaza, tatatlo. Sabi niya sa emcee, “Magsasalita pa ba ako, tatatlo na lang ang nandito?” Sabi sa kanya ng emcee, “Alam ho niya, baka kayo na lang ang hinihintay. Hindi pa natin nakumbinsi ang tatlong ito. Subukan kaya ninyo.”

Kunyari may nakita kayong tatlong taong gustong kausapin, ano ang gagawin ninyo? Pupunta kayo sa entablado o lalapitan na lang ninyo? Eh siya ho, matagal nang hindi nakatangan ng mic. Sumampa ng entablado, nagtalumpati para kausapin yung tatlong tao sa plaza.

Kalagitnaan ng talumpati, tumayo yung isa. Lingon siya sa emcee, “Sir, mukhang nakumbinsi ninyo. Ituloy ninyo, dalawa na lang.” [Tawanan] Matatapos na yung talumpati niya, tumayo naman yung isa. Eh di isa na lang yung tao sa plaza na kausap niya. Sabi niya, “Paano to?” “Sir, lahat ng kumausap hindi nakumbinsi iyan. Kayo lang pala ang hinihintay. Pakituloy ninyo. Pag nakuha natin ang huling yan, siyento porsyento na tayo.”

Natapos ho yung talumpati, hindi naman siya iniwanan. Nilapitan niya, sabi niya, “Brad, kumbinsido ka na ba?” Sagot sa kanya, “Ser, bago pa kayo dumating, kumbinsido na ako.” “Talaga?” “Oho. Ako ho ang nagpahiram ng sound system na ginagamit ninyo.[Tawanan] Ngayon na natapos na kayo, kung puwede, ililigpit ko na ho. Uuwi na ako eh.”

Bakit problema ko ngayon yan? Kasi nakita ko nga itong si ate eh. Magkasama na tayo noong 2010 pa. Baka pati noong 2007, kasama rin kita. Baka pati nanay ko kasama ka rin! Paano mo kukumbinsihin yung kumbinsido? Iyon ang problema. Susubukan pa rin natin. Baka matulungan kayong turuan yung wala dito na hindi pa kumbinsido. Iyon ang trabaho natin ngayon.

Kung hindi lang makulimlim ngayon, imbis na magtalumpati, kumanta na lang ako. Galing kaming Dasmariñas kasi. Nakita ko yung isang flood control project natin doon. Eh ginagawa pa. Makulimlim, kumanta ako, bahain yung ginagawa nating flood control project, saka na lang. Tutal naman, hindi dumating yung El Niño dito sa Luzon nang matindi.

Sa Cavite, mayroon tayong pinasinayaan dito, ang pangalan: Ternate-Nasugbu Road. Maganda naman. Ang problema doon, anim na kilometro lang yon. Gaano katagal ginawa yung anim na kilometrong kalsadang iyon? Konti lang naman: dalawang dekada. Yung batang ipinanganak noong inumpisahan yung kalsadang iyon, naggraduate na ng college noong natapos iyon. At ang masaki ho, kasama iyon sa ipinagawa namin pero hindi kami ang nangako noon. Bakit naman kailangang gawing ganyang kahaba? Iyon ang dinatnan natin.

Ang ginawa naman ng Daang Matuwid, nationwide po, nasa 18,000 kilometers na tayo ng kalsada, 107,000 lineal meters ng tulay. Wala pa diyan yung PPP. Di ba yung MCX ginagamit na ninyo ngayon? Yung CALAX, paparating na. Lahat ng mga tren, ng LRT 1… dalawa ho yan. Tapos meron pang integrated bus terminal… transport terminal… iyon din, parating na. Iyung train natin na malaki, yung rail system, magmumula ng Malolos papuntang Tutuban, papunta ng Calamba, papunta ng Bicol. Panibago na hong tren iyan. Hindi pa ho natin magagamit next year iyan, pero yung funding po nito na pakiusap natin sa Hapon—at yung bansang Hapon po ay mabait sa atin talaga—imbis na ibigay sa ating installment plan, ibibigay sa atin yung utang na concessional nang one [tranch], minsanan, para talagang maliwanag na maumpisahan at matapos na ang tren na yan. Siyempre, yung susunod na parte ho niyan na hindi ko naman masasaklaw, papunta naman sa amin sa Norte. Pero yung una muna ay Malolos, Tutuban, Calamba, at papuntang Bicol.

Ang 4Ps na programa, lumabas yung survey na sinabing apat kada limang Pilipino ay iboboto ang magpapatuloy [nito]. Nakita natin lahat yon, di ba? Kinabukasan, “Lahat kami magpapatuloy niyan!” Tama o mali? Pero mag-internet ho kayo—sa 2013 lalo na. Ano na yung pinagsasabi ng mga kalaban noong araw? “Dapat programa yan: may umpisa, may hangganan… Dapat ihinto… Dapat imbestigahan… Ang laki ng ginagastos.” Ang dami mong batikos. Magugulat ho kayo pag nag-internet search kayo, lahat ng bumabatikos ang “magpapatuloy” ng 4Ps ngayon. kayo na ang nagsabi, meron pang 5Ps.

Narinig ko ring sinabi ng taong binabanggit mo, “4Ps, gagawin kong 5Ps, habang binabawasan ko ang buwis ninyo at pinalalaki ang programa.” Dito karamihan ay kababaihan. Malamang meron ditong maybahay. Aba, tatatlo lang ang maybahay dito. Ngayon ho, pag umuwi ang mister ninyo at sinabing “Simula sa susunod na buwan, babawasan ko ang budget mo. At pagbawas ko ng budget mo, dagdagan mo ang binibili mo.” Pakitanong kay 5Ps.

Kami ho sa Daang Matuwid, importanteng totoo ang pinagsasasabi mo. Noong 2010, baka naalala ninyo, sabi ko hindi ako magtataas ng buwis. Kunin muna ang buwis na nandiyan na sa batas. At iyon po ang ginawa natin. At iyang buwis na yan, iyan ang may responsibilidad sa 18,000 kilometers na kalsadang nagawa natin; 107,000 lineal meters ng tulay; 4.6 million na miyembro ng 4Ps program—hindi ho 5Ps ha; 93 million na PhilHealth beneficiaries. Ang haba ho ng listahan, nandito nga ho at 1 ½ pages.

Wala ho akong lugar sa buong Pilipinas na hindi ko puwedeng puntahan dahil hindi ako nagkulang kanino man. Talagang tumotoo tayo na pagbaba natin sa puwesto—90 days na lang po ang natitira—ay talagang masasabi kong ang layo ng inabot natin mula sa ating dinatnan.

Ang buhay ng pulitiko raw kasi, pag pinakiusapan ka nang siyam na beses, napagbigyan mo, masaya yung tao. Pag humirit ng pansampung hindi mo kayang ibigay, ang naalala lang ay yung ikasampu. Yung siyam na maganda, di na naalala iyon. Hindi natin maiwasan: Uupo ako, gagawa ka ng desisyon na mabigat, may matutuwa, may magagalit. Hindi naman puwedeng lahat parating natutuwa sayo. Hindi naman siguro parati ring lahat galit sayo. Paano kaya tayo pag natapos?

Kahapon nasa Laguna ako, may lumapit sa akin na ale. Ang sabi niya sa akin, “Panalo ka na!” Sabi ko, “Siguro kamukha ko si Mar Roxas kaya thank you po!” Papasok ho doon eh yung bata naman—kasi dalawa sila, isang may edad, isang bata. Sabi ng bata, “Mar Roxas, kamusta ka?” “Ito. Mabuhay!” [Tawanan] Kailangan ho ng tulong ni Mar, kailangan ho ng tulong ni Leni.

Pag-isipan po natin: Yung pinalitan ko, siyam at kalahating taong nakaupo sa puwesto. Yung ginawa natin sa anim na taon, puwede naman sigurong ginawa noong siyam at kalahating taon. Baka naman puwede ko nang itawad yung kalahating taon, gawin na nating sampung taon. Yung sampung taon na iyon, maski may K to 12 na sila noon, patapos na yung bata noong nag-umpisa yung termino niya. At nasaan na kaya yung mas may edad? Paano kaya kung sineryoso nila yung sa TESDA?

Yung TESDA po nila, ang pinakamataas na placement rate yata na ipinakita sa akin… Ano yung placement rate? Nagtraining ka sa TESDA, sa loob ng anim na buwan, ilan ang nakapasok ng trabaho? Noong panahon nila, 28 percent. Panahon ho natin, 72 percent. “Nagpatraining ako sa TESDA…” tapos quiet, medyo kabahan ka. “Nagpatraining kami sa TESDA at ito ang napalang trabaho…”

Kumpletuhin na natin: Ano ba ang kailangan ng merkadong mga kakayahan? Iyon ang naituro ng TESDA. Pag naggraduate yung tao, may papasukang trabaho. Eh kung ginawa niya sa 10 years, noong umpisa ng kanyang termino, nasaan na kaya [tayo]?

Yung ginagastos natin na pantraining ng papasok sa BPO, isang taon pa lang na nagtrabaho yung naggraduate doon, bayad na sa buwis—lampas yung binayad niya sa buwis doon sa ginastos ng bansa para mapag-aral siya. Ibig sabihin po noon, pagbayad niya ng buwis, may panibago na naman tayong puwedeng tulungan. Manganganak nang manganganak. At siyempre, hindi naman isang taon lang magtatrabaho ang mga yan. Tatlumpung taong buwis, baka puwede nating sabihing “Binigyan natin ang isa ng pagkakataon, tatlumpu ang makikinabang, minimum.”

Ipapaliwanag ko sa inyo ang isang narinig kong salaysay: Nasa Pampanga ho kami, meron yung mga benepisyaryo ng programa natin, tumayo sa entablado, ikinuwento yung kanilang naranasan. Yung isa pong tumayo ay ina, pito ang anak. Unang-unang bukas ng bibig niya, sabi niya, “Ako po’y isang ina, pito ang anak ko. Iniwanan ako ng asawa ko at ang ikinabubuhay po namin ay patinda-tinda.” Ngayon, ako po’y Kapampangan, baka ako’y nagkakamali sa pagkakaintindi. Yung patinda-tinda, ibig sabihin noon, kung minsan nakakatinda, kung minsan hindi. Bubuhayin ang mo pitong anak mo na parang patsamba-tsamba.

Sabi niya, “Dahil sa 4Ps po, yung tatlong anak [ko], napatapos na ng high school. Yung tatlong anak na natapos ng high school—yung isa high school equivalency—lahat may trabaho nang permanente.” So lahat po kadamay niya sa pag-aalaga pa ng apat na natitira. At sabi nga ho niya, “Kung hindi dahil sa 4Ps, hindi ko ho nagawa ito.”

Siguro yung ipinaglalaban natin, simpleng-simple: Kunyari ho, yang nanay na yan, sa iba pang sitwasyon ay tumayo sa entabladong ito at sinabi sa ating lahat, “Alam po niyo, ang laki na ng itinulong niyo sa pamilya namin. Tatlo sa pitong anak ko, nakakakain na nang sarili at nakatayo na sa sariling mga paa.” At baka hindi niyo nararamdaman o baka hindi niyo alam na nakatulong kayo, dahil yung buwis niyo ginamit naming pantustos dito sa 4Ps.

Kadalasan kapag hinihingan tayo ng tulong, may nanlilimos, bunot. Sabi ni Mel Sarmiento, sa kanya sa Samar noong mayor siya, pag nagpatawag ng meeting yung PTA, uuwi yung bata, sasabihin sa magulang, “Patay! Tatay, ambagan na naman.” Di ba everytime na tutulong tayo, maski papaano, bunot. Dito, hindi tayo diretsuhang bumunot, nagbayad tayo ng tamang buwis, nakatulong tayo hindi lang ng nanay sa Pampanga—4.6 milyon na kabahayan na ang tinutulungan natin itong taon ngayon. Mga 23 milyong katao yan.

Tinulungan mo. Ano ba ang kondisyon ng 4Ps? Manatili ang anak mo sa pag-aaral; pag natapos mag-aral, may dagdag na kakayahan, mas madaling maempleyo. Tama ho ba? Puwede pa nating iexpand yan dahil lumalaki nang lumalaki yung ekonomiya natin, lumalakas ang resources ng gobyerno, may mga scholarship program na sa college para rin doon sa 4Ps na benepisyaryo, puwede natin palawakin yun. Pero hindi ko na ho magagawa yan—90 days na lang po ako.

Ang punto ho nito, simpleng simple lang: Kayo na ang nagsabi, malaki ba ang pinagbago ng Pilipinas simula noong 2010 o hindi? Lahat ba ng nangyayaring ito, kung maliwanag na malaki ang pinagbago, tanong dito… Sabi ho kasi noong isang araw, may meeting kami, marami na raw tayong kababayan na kumbaga noong 2010—bumalik rin tayo sa internet, tumingin tayo sa diyaryo noong araw, at kayo palagay ko, may mga kaibigan kayo… Six years ago, pag nag-uusapan, baka kadalasan mababasa natin sa diyaryo: Dami ng Pilipinong lumilikas sa Pilipinas, nawalan na ng pag-asa. Ngayon ho nagbabalikan na. Hindi ko rin ho sinasabing marami nang bumalik; mga 600,000 ang estimate na mga OFWs nating bumalik na.

Pero ang punto ho nito: May mga kababayan raw tayo na sabi nila, “Maski sino magpatuloy niyan, nakabuwelo na tayo, hindi na tayo puwedeng umatras pa.” Naniniwala ho ba tayo na ganoon ang sitwasyon? Na maski sino ang piliin nating pinuno, matutuloy-tuloy ang nangyayari? Paano ho kung manhid? Paano kung nambobolang harap-harapan? Paano ho kung hindi man natin masabing nambobola pero hindi natin alam ang sinasabi?

Yung isa ho kasi, sabi niya, “Tatakbo ako, hindi ako tatakbo. Tatakbo ako, hindi ako tatakbo. Napilit akong tumakbo. Pag ako naging Pangulo niyo, aayusin ko itong problemang ito. Pag hindi ko naayos nang anim na buwan, magre-resign ako.” Yung kasabihan sa Tagalog: Ang kasalan, hindi pareho ng kaning mainit na iluluwa pag napaso. Dito ho, parang ikinasal ka sa bayan. Hindi naman tayo puwedeng may kontratang parang prenuptial agreement. Di ba lahat ng tumatakbo, nagboboluntaryo? Wala namang pinipilit na “Tumayo ka diyan! Mag-file ka ng Certificate of Candidacy mo! Tumakbo ka.” Hindi ho, kusa.

Ako, noong pumunta sa inyo, ano ba ang pangako sa inyo? Iiwanan kong di hamak na mas maganda sa dinatnan ko. Ibig sabihin po noon, sa anim na taon, masaya ang panahon, malungkot ang panahon, nakaka-uplift, nakaka-dismay, nakaka-frustrate, sa hirap at sa ginhawa, walang bitawan. Meron tayong kontrata eh. Pero pag tumatakbo ka pa lang, nagsasabi ka na pag ganito, resign ako; pag ganyan, resign ako; pag ganoon, resign ako. Sandali lang, boss. Gusto mo ba o ayaw mo? Pakiliwanag naman, kuya. Tama ho ba? Makatwiran na tanong yon.

Punta muna natin si Leni Robredo. Marinig ninyo si Leni, makausap ninyo si Leni, makita ninyo litrato ni Leni, sa pagtingin pa lang sa kanila, sino kaya sa kanila ang puwedeng mapagkatiwalaan na tumatakbong Vice President? Picture pa lang, lamang na si Leni. Pero pag narinig niyo magsalita, talaga namang buong-buo ang loob niyo. Naiiba yata talaga ito.

Alam niyo, talagang matatag na tao si Leni—huwag ko nang babanggitin lahat ng pinagdaanan niya. Pero ang punto lang ho nito: Napilitan siya sa distrito niya—namatay si Jesse ng Agosto. Setyembre, siyempre pagbaba ng luksa, lahat noon nasa Setyembre. Oktubre, tapos na yung 40 days, baka puwede nang ituloy mo yung serbisyo ni Jesse. Marami na sigurong maybahay, “Tatlong anak ang pinalalaki ko, wala na yung asawa ko, bakit naman kailangan ako pa ang magpatuloy niyan? Baka puwede namang bumalik muna ng konting normalcy yung aming buhay.”

Pero nakita na kailangan siya. Nasabi rin niya na kung may magagawa ka, tinalikuran mo, sumamama yung sitwasyon, kasalanan mo. Kabahagi natin siya doon, pareho ng paniniwala, at tumakbo. Noong 2013, mas madali di hamak magreeleksyon. Siya ang incumbent eh. Tapos pinakiusapan na naman namin, “Kailangan natin ng talagang matinding kandidato bilang Pangalawang Pangulo o Bise Presidente.”

Huwag nating kalimutan: Hindi spare tire yung Bise Presidente. Oras na may nangyari sa Presidente, kailangang kasinggaling, kailangan parehong direksyon, kailangan kasindunong, kasinghusay ng Presidente yung Bise Presidente dahil biglang baka isang araw, mapasa bigla lahat sa kanya. Ngayon, hindi puwedeng “O sige, ibalato ko na lang yung Vice President kay kumpare ko.” Hindi. Kung gaano kaseryoso tayo sa Presidente mamili, seryosohin din natin yung Vice President.

Bakit si Mar? Nabanggit na kanina yung BPO Center. Baka naman may nagsasabing “Ihalal niyo ako, bibigyan ko kayo ng trabaho.” Si Mar ginawa na. Secretary siya ng DTI, Trade and Industry. Nakita niyang kaya natin itong mga call center at ibang BPO industry. Inumpisahan niya. Ngayon, ang diretsuhang nagtatrabaho sa call center—last year pa pala, lumapas na ng 1 milyon na katao—this year, 1.3 milyon ang inaasahan na diretsang magtatrabaho.

Diretso? Ano ba ang ibig sabihin noon? Meron bang hindi diretso? Yung call center, nasa building. Si building may 7-11, may kainan, may transportasyon na kailangan sa kanila, yung nagtatrabaho sa building, naglilinis—tinatayang mga tatlo hanggang apat na tao, bawat isang puwesto sa BPO, nalilikhang trabaho. Yung 1.3 milyon, parang makalimang milyon na dagdag na trabaho. At hindi lang siya Metro Manila, kalat na kalat na po yan sa buong bansa. At ang itutulong sa ekonomiya natin: $25 billion. Dagdag ho sa ekonomiyang iikot sa atin, tumutulong palaguin tayo.

Si Mar ho, maganda sanang sabihin, “Ako ang Pangulo. Siya ang Kalihim ko, isang mahusay na tagasunod.” Pero sa totoo lang ho, ang daming pagkakataon na may krisis, imbis na nauna ako, si Mar ang nauna. Sample: Zamboanga. Mga apat na araw siyang nauna sa akin doon. Yolanda: Wala pa si Yolanda, sinalubong niya doon. Yung ibang opisyal doon wala, yung lokal. Si Mar, Kalihim ng Local Government, nandoon, kasama ang Secretary ng National Defense. Lindol sa Bohol at Cebu: nandoon. May bagyong humagupit sa atin last year, sarado na yung mga kalye, bagsak yung troso, bagsak yung puno, kailangan niyang ikutin nang makita ang sitwasyon sa lugar kung saan tumama yung bagyo, sumakay ng motorsiklo. Nabasa ba ninyo sa dyaryo, narinig ninyo sa tv o sa radyo na umikot si Mar para tingnan ang kalagayan ng kababayan natin? Palagay ko ang nakita niyo: Si Mar, sumemplang ang motorsiklo.

Palagay ko, kayo na ang magtetestigo. Hindi ito ang tao na tayo nang tayo at parating papogi. Basta, alam niyo na, pag may maganda, siksik doon sa litrato. Pag may problema, “Wala akong kinalaman diyan.” Kaya mahirap, mahirap magpaalam sa inyo. Gusto ko sanang sabihin, “Sana tapos na ang lahat ng kailangan nating gawin.” Pero alam niyo naman kung saan tayo nagmula at marami pa talaga ang kailangan gawin. Yung mga tren na binabanggit ko nga ho sa inyo, natapos na natin yung pagreresolba ng mga batas na nagsasalu-salungat, yung paghahanap ng pondo, yung paggawa ng disenyo—ang haba na ho ng proseso, pero yung magpapatuloy ho niyan ay yung susunod.

Ang buod ng gusto kong mensahe sa inyo—at pag kinausap natin ang iba nating kababayan, pakitanong lang ito… Balik tayo: Dumating yung nanay na taga-Pampanga. Sumampa sa entablado—baka dito sa Cavite, meron ding ganong sitwasyon. Tapos sinabi sa ating lahat, “Alam po niyo, hindi man niyo batid, nakatulong na kayo sa akin dahil yung dating pitong anak ko na hindi namin malaman kung saan ang kakainin namin, tatlo na ang kadamay kong nagtatrabaho at tumutulong sa apat na kapatid nila.”

Kunyari ho, tumuntong siya dito at sinabi sa ating lahat, “Natulungan na ho niyo kami. Ngayon ho ba na nakakaangat-angat na kami, iiwan niyo kami?” Kayo ho ba, isusugal niyo na totohanang ipagpapatuloy itong programang ito? O ngayon na umasa na kaming sa wakas may solusyon na kami, iiwan na naman niyo kami dahil hininto ng ibang grupo? Malaki hong pondo ang ginagastos diyan. Kailangan handa ka na pondohan yan, na alam mong pag natapos ng high school—K to 12, matagal-tagal na panahon yon—doon pa lang talaga natin mararamdaman yung biyaya.

Alam niyo, noong bago pa lang akong tumatakbo, yung pinalitan kong kongresista sa amin, ang style po niya kailangan may ipagmalaki. Gumawa ng waiting shed. Ang problema, wala pa yung kalsada, nauna na yung waiting shed. [Tawanan] Pag sinabing gumawa ng kalsada, harap ng bahay ng kapitan namin ng barangay, hindi ho kalsada ang tawag doon, parking lot. Yung barangay service vehicle, eksakto yung semento. May paradahan—at hindi two lanes—kung ano yung lapat at haba ng barangay service vehicle, ganoon kahaba at lapad yung semento. Sa kabila, wala—dirt road. Pag nakaharap na sa isang direksyon, doon lang talaga may kalsada. Iyan yung isip ng gagawa nang 20 years para sa Ternate-Nasugbu road.

Iba na ho ang baitang, nakakaangat na tayo ngayon. Na puwede naman natin garantiyahan na yung nangyayari ngayon, hindi lang magtutuloy-tuloy, pero lalong lalakas pa.

Ako po, matinding pakiusap po sa inyo: Pagdating ng ikasiyam ng Mayo, pare-pareho ang boto natin. Kaya ko bang mag-isa? Klaro hong hindi. Kailangan ko ang bawat isa sa inyo tulad ng dati. Mula noong umpisa, pinagmamalaki natin: Kasama namin ang sambayanan na siyang Boss namin. Isanib ninyo ang lakas ninyo sa amin, at talaga naman, huhubugin natin ang isang kinabukasan na pare-pareho tayong nakangiti. Sana ho hindi naman sa 2022 ay nagkamali tayo sa 2016. Lahat tayo nakatingin sa baba. At kinakanta natin “Bakit nagkaganito?” At mangyayari ho yan kung nagpabaya tayo.

Pag pinabayaan natin yung mga maiingay na nagsasalita, baka may makumbinsing alanganin. “Mukhang sila talaga.” Kailangan makipagsabayan tayo. Yun ho ang demokrasya: palitan ng pananaw. At kung tama yung mensahe natin, tayo ang sasamahan. Pero uulitin ko: Kaya ko ba mag-isa? Kaya ni Boy Blue mag-isa? Kaya ni Manong Del? Hindi ho. Kaya ni Aika, ni Paolo, ni Mar, ni Leni? Siyempre wala ho. Ang lakas natin, parating nagsisimula dahil nagbuklod-buklod tayo, tumutungo tayo, naghahakbang tayo sa tamang landas. Yan po ang Tuwid na Daan.

Ngayon, siguraduhin niyong miyembro kayo ng PhilHealth. Hindi natin tiyak kung kailan magkaka-honeymoon. [Tawanan] Importante, imentena natin ang kalusugan natin. Pero seryoso, talagang halos lahat ng pagsampa ko sa entablado sa mga araw na ito, nagpapaalam na rin ho tayo. 90 days na lang ho. At siyempre, importante sa akin na lahat ng pinaghirapan natin, lahat ng binayaran natin ng pawis, luha, dugo, maging permanente na pagbabago ito. Itinulak ko po sa makakaya natin sa tulong niyo ang puwede nating gawin. Ulitin ko: Sobrang dapa tayo noong tayo’y tumuntong. Nag-aalala nga ako na baka mainip kayo sa pagbabago, ipagtabuyan niyo ako. Pero nakita ko nga si Ate kaya touched na touched ako—kumpleto sa ribbon at sa baller. Pero noong 2007, wala pa kaming baller, kaya talaga namang kayo ang susi pa rin. Tayong lahat ang gumawa nito. Tayong lahat ang magpapatuloy nito. Huwag po natin talagang pabayaan ang bansa. Tulungan nating sagad-sagad si Mar at si Leni, sampu ng ating mga kasamahan sa Daang Matuwid.

Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.