INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
DZRB / Anchored by Rey Sampang
03 April 2016
 
SEC. COLOMA: Magandang umaga sa iyo, Rey, at sa lahat ng ating tagasubaybay.

SAMPANG: Muli po, Secretary, maraming salamat sa pagpapaunlak pa rin po ninyo sa ating programa dito sa Radyo ng Bayan. Pero before anything else, Secretary, mayroon po ba kayong opening statement para po sa ating mga kababayan?

SEC. COLOMA: Baka iyong ating nais na ipahayag ay masasakop na rin ng mga tanong ng ating mga kagawad ng Malacañang Press Corps. Puwede sigurong sa tanong muna tayo at saka na lang tayo magdadagdag ng iba pang kinauukulang pahayag, Rey.

SAMPANG: Opo. Okay, Secretary, diretso na po ako doon sa mga katanungan mula po sa ating Malacañang Press Corps. Ang una pong katanungan: Maku-confirm daw po ba ng Palasyo iyong mga reports na na-cease o nahuli ng Abu Sayyaf Group itong isang Malaysian fishing boat, at kinidnap po iyong mga Malaysian nationals na sakay nito?

SEC. COLOMA: Wala pa po tayong kumpirmadong ulat hinggil sa insidenteng iyan. Hinihintay natin ang beripikasyon mula sa ating Department of Foreign Affairs at sa iba pang mga awtoridad. Hintayin na lang po natin, at kung mayroon tayong maiuulat ay ipapamahagi natin ito sa lalong madaling panahon.

SAMPANG: Opo, noted po, Secretary. Now, for the second question: Iyon daw pong reaction ng Palasyo, Secretary, sa statements ng critics, particularly ng UNA, na ito raw pong Kidapawan tragedy na nai-report na po’t lumabas na po sa mga telebisyon at pahayagan ay mag-iiwan daw po ng “dark and bitter legacy” sa administrasyong Aquino?
SEC. COLOMA: Mainam at naitanong iyan sapagka’t dapat maunawaan ng ating mga kababayan ang buong kaganapan hinggil sa usaping iyan. Unang-una, doon sa isyu ng El Niño. Simula pa noong Agosto 2015, naglunsad na ang pambansang pamahalaan ng isang kumprehensibong programa para maibsan ang pinsalang dulot ng El Niño.

Sa isang Cabinet meeting, Rey, ay pinag-utos ni Pangulong Aquino ang pagtatatag ng isang Cabinet task force hinggil sa bagay na iyan. At tatlong mahalagang aspeto ang masinsing tinututukan hanggang sa kasalukuyan: Una, iyong pagkakaroon ng sapat na pagkain o food security; ikalawa, iyong pagkakaroon ng sapat na tubig para sa pag-inom at pagsasaka; at ikatlo, ang kahandaan ng mga pamayanan sa anumang kalamidad sa antas ng barangay sa pamamagitan ng organisasyon ng NDRRMC. Ito ay noon pang Agosto 2015, Rey. At sa lahat ng pagkakataon ay masinsing tinutukan ng pamahalaan sa lahat ng mga lalawigang apektado nitong El Niño sa buong bansa ang sitwasyon. Kung wala tayong nabalitaang krisis o kalamidad na sumiklab sa iba’t ibang lugar siguro ito ay dahil na rin sa ginawang maagap na pagtugon ng ating pamahalaan.

Mayroon pong itinatag na Cabinet task group, iyong isa nga diyan ay iyong Food Security Council; iyong ikalawa naman ay hinggil doon sa tubig ‘no, iyong National Water Resources Board, at ang naging coordinator nito ay iyong NEDA. At mayroong ulat ang NEDA na isinusumite sa Pangulo on a regular basis – ang pinakahuling ulat nila bago naganap ito ay noong March 18. At ayon nga sa ulat ng NEDA, ang mga tinutukoy na mga departamento at ahensiya ay ginawa ang mga nararapat kasama na iyong extensive cloud seeding para madagdagan ang ulan, iyong pagpapamahagi ng mga planting materials para ipalit doon sa mga nasalanta at ito iyong mga tinatawag na “drought-resistant crops”. Nagsagawa rin ng mga small water impounding projects at iba pang imprastruktura dahil humina nga ang daloy ng tubig mula doon sa mga regular na irrigation channels.

At bukod dito, iyon namang Department of Social Welfare and Development ay nagtaguyod ng mga cash-for-work program, at kasama na sa mga tinutukang lugar ay ang North Cotabato at iyong Kidapawan City at iyong kabuuan ng Region XII pati na iyong kalapit na ARMM na mayroong kumprehensibong ulat hinggil diyan, Rey. Kaya masyadong simplistiko iyong mga pahayag na lumabas na para bang kung ano iyong hinihingi ng ating mga kababayan ay hindi ito pinagkaloob. Kasinungalingan po iyan dahil kumprehensibo, malawak ang programa na ipinatupad at patuloy pang ipinatutupad ng ating pamahalaan. Nanlilinlang po iyong mga nagsasabing hindi umaksyon ang pamahalaan dahil simula pa noong Agosto 2015, masinsing tinututukan ang sitwasyon sa El Niño ng lahat ng mga tinutukoy na ahensiya ng ating pamahalaan. Kaya dapat ay maisiwalat natin ang katotohanang iyan, Rey.

Iyong tungkol naman sa kaguluhan doon sa mass action, sinisiyasat na ito ‘no. Tayo po ay nakikidalamhati doon sa mga kaanak ng mga nasaktan, sa panig man ng mga nagkikilos-protesta at maging sa ating mga kapulisan – batid natin na halos isandaan ‘no. Ang eksaktong figure ng PNP ay 99 sa kanilang hanay ang nagtamo ng sugat; mayroon pang dalawang seriously wounded na may mga head injuries. Samakatuwid, Rey, ay sila din mismo ay tumanggap ng matinding mga pagkasugat dahil doon sa naganap sa Kidapawan. Kaya kalabisan din iyong mga gumagamit ng mga mararahas na kataga hinggil diyan na natutunghayan natin sa ating mga pahayagan dahil maging ang ating mga kapatid na pulis na nag-aalaga sa katahimikan at kaayusan sa lugar na iyan ay nasaktan din at tumanggap din ng sugat.

At ang isa pa, ang kaganapang ito ay nasa isang major highway ‘no, iyong Cotabato-Davao Highway, at halos apat na araw na itong hindi madaanan. At mauunawaan naman natin na matindi ang epekto ng ganiyang pagkasara ng isang major highway sa daloy ng mga tao, sasakyan at mga kalakal para sa mainam na daloy ng kabuhayan at ekonomiya sa mga lalawigang sakop ng lugar na iyan. Kaya dapat ding unawain natin iyong konteksto ng kaganapan. Iyong mga lokal na awtoridad sa pangunguna ng Gobernador ng North Cotabato ay ilang beses na nag-anyaya na magkaroon ng dayalogo nguni’t hindi naman dumalo sa mga nakatakdang dayalogo ang mga inaanyayahan.

Ang isa pang mahalagang napag-alaman natin hinggil dito, Rey, ay iyong pagkasangkot ng maraming pangkat – maraming mga lumahok diyan – na hindi naman galing mismo doon sa lugar na iyon. Ibig sabihin ay mayroong nagmobilisa sa kanila galing pa sa mga malalayong lugar; at nakita naman doon sa kanilang mga paraphernalia, iyong mga placards, iyong mga kagamitan nila, kung anu-anong iyong mga organisasyon ang kanilang kinakatawan. At makikita din doon sa kanilang mga slogan na binabandila doon sa pagkilos nila na napakalayo sa El Niño iyong mga isinisigaw nilang mga adbokasiya at wala namang kinalaman doon sa usaping dapat ay tinatalakay doon. Kaya hindi lang iilan ang nagtatanong na kung bakit ganiyan ang napansin diyan at baka maaaring ginagamit ng mga nais magsamantala sa sitwasyon ang okasyong ito upang lumikha lamang ng propaganda at upang linlangin ang ating mga mamamayan. Tamang-tamang naganap din ito sa kasagsagan ng kampanyang pang-eleksiyon. Dapat na maging mapanuri ang ating mga mamamayan at kilatising maigi ang mga pahayag ng mga nagsasalita sapagka’t maaaring mapagnilayan ito at makita natin na marami din sa mga naririnig ay tila mga tangka upang linlangin ang ating mga mamamayan at maghasik ng kasinungalingan at ng disimpormasyon.

Iyon lamang ang masasabi natin sa kasalukuyan, hinihintay natin iyong kumprehensibong ulat. Iyong Commission on Human Rights ay nagsasagawa na ng isang pagsisiyasat din hinggil dito. Kailangang maunawaan ng ating mga kababayan na ito ay isang kaganapang hindi naman natin nais maganap at hindi rin dapat ito maging okasyon upang tayo ay linlangin at lokohin ng mga nais maghasik ng kasinungalingan.

SAMPANG: Secretary Coloma, mayroon pong isang na-interview na supposed to be kalahok doon sa Kidapawan, tinatanong kung bakit daw po nandoon siya, at mukha ang sagot ay bibigyan daw po sila ng bigas. Parang ganoon iyong notion na ibinigay o tinanim sa isip po ng mga sumali sa protesta na may libreng bigas. Pero sinasabi po ng local government ng North Cotabato, malinaw na sinasabing wala silang sinasabing mamimigay sila ng bigas, ano ho.

SEC. COLOMA: Isa din iyan sa mga naipahayag ni Secretary Proceso Alcala ‘no. Isa rin iyan sa mga nakalap nating impormasyon, iyong pagbibigay nga ng maling ekspektasyon o iyong panlilinlang hinggil sa bagay na iyan ‘no. Dapat talaga tayong magnilay at alamin natin kung ano ang buong background ng kaganapan. At iyong mga nakalap nating impormasyon ay dahil nagsagawa ang ating DSWD ng stress debriefing na tinatawag. Ito ay normal na ginagawa ng DSWD kapag mayroong kritikal o traumatic na insidenteng nagaganap, kinakausap iyong mga lumahok para makapagbigay sila ng kanilang aktuwal at first hand na karanasan hinggil doon sa mga naganap. At isa nga iyan doon sa mga nakalap natin na impormasyon na maaaring maraming mga lumahok doon ay binigyan ng mali at mapanlinlang na impormasyon.

SAMPANG: Iyon lang ho talaga, Sec., ang nakakalungkot doon eh, iyong sasamantalahin ng ibang grupo iyong ganitong klaseng sitwasyon. Ilalagay pa nila sa bingid ng alanganin, masasaktan pa … iyon nga po may namatay pa, tapos para lang sa kanilang personal na interes; hindi naman po talaga sa interes ng mga kababayan natin sa Kidapawan.

SEC. COLOMA: Ang mahalaga dito, Rey, ay iyong pag-alam natin sa katotohanan at iyong pag-focus natin sa isyung pinag-uusapan. Kung ang isyu ay El Niño, bukas ang record ng ating pamahalaan – lahat ng mga ahensiya ng pamahalaan ay tumutok, patuloy na tumututok sa sitwasyon; ginagawa ang mga nararapat na gawin. At sa awa rin naman ng Panginoon ay nakaraos tayo doon sa mga nakaraang buwan, at naririto na tayo doon sa pinakahuling yugto ng ating El Niño crisis, Rey. At dahil nga ang direktiba ni Pangulong Aquino, dapat iyong tugon ng pamahalaan ay para doon sa worst conditions. Ibig sabihin, hindi po tayo nagpatumpik-tumpik; ang talagang tinugunan ay iyong pinakamalalang sitwasyon, nag-focus po doon sa mga lalawigan na nagtamo ng pinakamalaking pinsala doon sa mga pananim at doon sa tinatawag na drought na tatlong buwan na sunud-sunod na kundisyon ng tagtuyot. At ang pangalawang prayoridad naman ay doon sa mga lalawigan na tinamaan naman nung tinatawag na dry spell. Kaya mismong iyong pagresponde ng pamahalaan ay isang calibrated at targeted response na talagang nag-focus para maging epektibo ang mga solusyon na ihaharap doon sa hamon ng El Niño, Rey.

SAMPANG: Sec., dadako na po ako sa iba pang mga katanungan, ano po. Mayroon pa hong isang tanong dito mula sa Malacañang Press Corps. Puwede raw po bang ikumpirma ng Palasyo ito pong mga ulat mula sa Reuters na magpapatuloy ang Estados Unidos sa kanilang mga sea patrols diyan po sa West Philippine Sea?

SEC. COLOMA: Doon sa tanong pa lamang, Rey, doon sa English version ng tanong na natanggap natin: Can the Palace confirm reports from Reuters that the US will continue patrols? ‘Di ba ganiyan din naman iyong naitanong mo sa ngayon. Eh iyon pong ulat ng Reuters ay patungkol sa aksyon ng US government. Wala naman po tayong batayan para magkumpirma niyan dahil iyan po ay aksyon ng gobyerno ng Estados Unidos, at hindi ng ating gobyerno.

SAMPANG: Okay, malinaw pong kasagutan ano po. So it’s a move ng US government, ano ho?

SEC. COLOMA: Ganoon nga, Rey.

SAMPANG: Sec., isa pang katanungan, one final question mula po sa ating Malacañang Press Corps. Ano po raw bang tulong na maibibigay ng pamahalaang Pilipinas sa siyam na mangingisda na nahuli habang naglalayag sa karagatan ng Eritrea?

SEC. COLOMA: Patuloy ang sinasagawang beripikasyon ng ating pamahalaan sa nasabing ulat. Ayon sa DFA, habang naghahanda tayo para sa panayam na ito, wala pa silang natatanggap na opisyal na impormasyon mula sa ating embahada sa Riyadh hinggil sa nasabing insidente, bagama’t naiulat na ito ng mga wire services. Ganunpaman, nakahanda ang ating embahada na bigyan ng kaukalang tulong ang mga Pilipinong nangangailangan ng tulong diyan sa mga ganiyang sitwasyon, Rey. Doon sa mga natunghayan nating ulat, ang sinasaad doon ay galing sa Saudi Arabia iyong mga nangingisda na nahuli doon sa … habang naglalayag sa karagatan ng Eritrea. Kaya’t hinihintay po natin iyong beripikasyon mula sa DFA na ibabatay din naman nila sa ulat ng ating embahada sa Riyadh.

SAMPANG: Maraming salamat po, Secretary. That’s the last question mula po sa ating mga kasamahaan sa Malacañang Press Corps. Mayroon pa ho ba kayong nais na idagdag, Secretary? Any more clarification po?

SEC. COLOMA: Palagay ko’y sapat na iyong ating napagtalakayan, Rey, para sa araw na ito. Maraming salamat at magandang umaga po sa inyong lahat.

SOURCE: NIB-Transcription