April 04, 2016 – President Benigno S. Aquino III’s Speech at the Turnover of 135 units of BFP fire trucks and 144 PNP patrol jeeps
President Benigno S. Aquino III’s Speech at the Turnover of 135 units of BFP fire trucks and 144 PNP patrol jeeps |
Quezon City Memorial Circle, Quezon City |
04 April 2016 |
Ngayong umaga, nagtitipon po tayo para sa isa na namang pagpapatotoo: Iiwan nating mas maganda at mas panatag ang Pilipinas kaysa ating dinatnan. Sa pangunguna ng ating Department of the Interior and Local Government, malugod nating ipinagkakaloob ang 135 fire trucks at 144 patrol jeeps sa iba’t ibang lungsod at munisipalidad sa kalakhang bansa.
Di naman lingid sa inyong kaalaman: Masalimuot ang dinatnan nating sitwasyon ng Bureau of Fire Protection. Dahil sa pagpapabaya ng ating sinundan at paglihis sa interes ng taumbayan, tila nakaligtaan ang mga pangangailangan ng inyong ahensya. Kulang na nga ang fire trucks, karamihan pa sa mga tangan natin, lumang-luma at kakarag-karag. Siyempre, dulot nito, palyadong serbisyo na higit na nailalapit sa peligro ang ating mga Boss, pati na ang ating mga bumbero. Kaya po, nang maupo tayo sa puwesto, agad nating inaksyunan ito. Sa pangunguna noon ng namayapa nating DILG Secretary Jesse Robredo, sa pagtutuloy ng maaasahan at mabuting pamamahala ni Sec. Mar Roxas, at ngayon, ni Sec. Mel Sarmiento: Talagang pinag-aralan natin ang problema, hinanapan at pinaglaanan ito ng sapat na pondo, at pinadaan sa bidding at tamang proseso. Ngayon po, malinaw ang resulta: Mula Hulyo 2010 hanggang Disyembre 2015, sumatotal po, 561 fire truck na ang na-procure natin sa halagang P4.25 bilyon. Dahil dito, lahat ng lungsod sa buong Pilipinas, mayroon nang di bababa sa isang fire truck; sa 1,489 namang munisipalidad sa bansa, pagkatapos nating maihandog ang mga bagong sasakyang ito, 1,194 na ang magkakaroon ng bagong fire truck. Ngayong taon, layon pa nating makakuha ng dagdag na 369 na fire truck. 293 dito, para punuan ang kakulangan sa mga munisipalidad; 76 naman ang para sa mga lungsod at pangunahing munisipalidad ng bawat probinsya, kung saan maipagkakaloob natin ang Rosenbauer brand ng firetruck, o ang itinuturing na Mercedes Benz ng mga fire truck. Ang tanong: Anong pagbabago ba ang dala nitong mga bago nating fire trucks? Una, ang water tank nito, gawa sa stainless steel, at may kapasidad na magkarga ng 3,800 liters ng tubig, na lampas sa minimum requirement na 3,785.41 liters—o nabanggit nga sa akin kanina ni Bistek—the equivalent of 1,000 gallons. Ang water monitor, pinaunlad din: abot na sa hanggang 12 palapag ng gusali ang tubig na kaya nitong ibuga. At kung dati, desabit ang ilang bumbero sa truck at takaw disgrasya, ngayon, may cabin na ito na kasya ang hanggang 7 bumbero, at nagawa pa nilang naka-aircon pa. Ang pinakamahalaga: Ang response time mula sa oras na mapagbigyang alam ang sunog na dati’y inaabot ng 12 minuto, ngayon, nakakalahati na natin sa 6 na minuto. Tandaan lang po natin na noong araw, may labindalawang iyon sandaling umandar at tumakbo yung mismong sasakyan. Pag hindi ho umandar, pag itinulak, siyempre mas matagal bago umabot ang ating fire truck. Naaalala ko rin po ang isang kuwento, noong tayo’y nasa Kongreso pa. Kausap natin ang mga bumbero, tayo mismo ang naging saksi sa pagpatay nila sa sunog. Nakita namin ang napakakapal na usok. Yung atin daw pong mga bumbero, kapag rumeresponde, para maitaboy ang usok [mula sa apoy], binubugahan na lang ng tubig. Alam naman po natin, ang tao, hangin ang hinihinga, at hindi po usok. Kaya po, tinutukan na rin natin ang mga kinakailangang kasangkapan ng ating mga bumbero. Mula 2011 hanggang 2015, nakabili at nakapaghandog na tayo ng personnel protective equipment sa BFP, sa halagang P208.38 million. Kasama po rito ang 636 na self-contained breathing apparatus, 2,861 coats and trousers, 5,106 na helmet, 4,835 gloves, at 5,597 na mga bota. Parehong diwa rin ang isinagawa natin para paunlarin ang ating Philippine National Police. Kung dati, “kawawang cowboy” ang turing sa ating mga pulis dahil sa mga luma’t siraing patrol jeeps, ngayon, may bago at dekalidad nang mga sasakyan o “workhorse” na kanilang katuwang sa 24/7 na pagpapatrolya. Ang seating capacity po nito, 12 katao; kaya nitong tumawid sa mga ilog at baha; at kayang magmaneobra sa iba’t ibang road conditions. Kada unit, dumaan sa maigting na pagsusuri, at lahat, sumusunod sa pamantayang kinakailangan ng PNP. Mula Mayo 2015 hanggang Marso 2016, nakapagdeliver na tayo ng sumatotal na 1,490 patrol jeeps; saklaw na nito ang lahat ng municipal police stations sa buong bansa, kabilang pa ang dating munisipalidad na General Trias, na ngayon ay lungsod na. Oras naman na maihatid na natin ang dagdag pang 144 patrol jeeps na nai-turnover natin ngayong umaga sa lahat ng mga lungsod sa buong bansa, sa unang pagkakataon, lahat na ng police stations sa bawat lungsod at munisipalidad sa buong bansa, magkakaroon na ng di bababa sa isang patrol jeep. Sa Daang Matuwid, pinaunlad din natin ang “Shoot, Scoot, and Communicate” para sa ating kapulisan. Nitong 2013, naipagkaloob na natin ang 74,879 units ng Glock 17 9mm pistol sa ating kapulisan. Bukod sa mga patrol jeep, nariyan din ang inyong dagdag na kagamitan tulad ng 247 na 4×4 personnel carrier at 69 light transport vehicles, 1,095 motorcycles, at 12,949 handheld radios. Bukod sa mga iyan, pinaunlad din natin ang inyong mga sistema para mas estratehiko ninyong malabanan ang krimen. Meron na nga kayong modernong Integrated Ballistics Identification System, pati na ang Automated Fingerprint Identification System. Dito naman sa NCR, ipinapatupad ninyo ang Closed-Circuit Television Project, para bantayan ang matatawag na crime-prone areas. Ang gusto ko pong idiin sa lahat ng ito: Kita ang layo ng ating narating para sa BFP at PNP dito sa Daang Matuwid. Paano nga naman natin aasahang magagawa ninyo ang inyong trabaho, kung lagi ninyong kailangang diskartehan ang inyong pangangailangan? Tapos na nga po yung panahong “Bahala kayo sa buhay ninyo.” Ngayon, talagang binibigyang lakas na kayo ng gobyerno para tuparin ang inyong mandato. Totoo: Ang bumberong dating niririsko ang sariling buhay, meron nang mga kinakailagang kagamitan para mailigtas ang ibang buhay; ang pulis naman, talagang umaangat ang kakayahan para mapanatili ang katiwasayan sa mga pamayanan. Di naman natin mararating ang araw na ito, kundi dahil sa pakikipagkapit-bisig ng DILG, BFP, at PNP, pati na ang ating mga lokal na pamahalaan. Sa inyong lahat, sa ngalan ng bawat Pilipinong inyong higit na mapaglilingkuran: Maraming-maraming salamat. Ang lahat naman po ng inisyatibang ito sa Daang Matuwid, nakasandig sa malawakan nating estratehiya upang bigyang lakas ang ating mga kawal at lingkod-bayan. Sa mga karagdagang sasakyang tangan ninyo, inaasahang higit pa ninyong magagampanan ang mandatong pangalagaan ang kapakanan at kaligtasan ng sambayanan. Mga Boss, ito po ang Daang Matuwid: Walang shortcut, walang tongpats, walang bara-bara; ang pagtugon natin sa problema ng lipunan: tukoy, pinag-aralan, sumusunod sa tamang proseso’t sistema, at higit sa lahat, nakatuon lang sa kapakanan ng taumbayan. Sa loob lang ng higit limang taon, naitaguyod na natin sa ating unipormadong hanay ang kultura kung saan sa tuwing isusuot ninyo ang inyong uniporme, sa tuwing gagamitin ninyo ang inyong mga bagong kagamitan at sasakay sa inyong mga modernong sasakyan, buong-loob at buong-lakas ninyong pagsisilbihan ang bayan, dahil mulat kayong kabilang kayo sa isang lipunang handa ring pangalagaan ang inyong kapakanan. Narito na nga tayo sa panahon kung saan taas-noo ninyong masasabi sa sambayanan: “Bumbero ako; pulis ako; naglilingkod ako sa kapwa Pilipino.” Mga kasama, simula pa lang ito. Ituloy natin ang pinagsisikapan nating pagbabago. Bago po tayo magtapos, para linawanagin lang po natin—at baka may nagtatanong—kung bakit nga umabot na mas matanda sa amin ni Bistek yung mga fire truck. Alam po ninyo, yung atin daw sinundan, namili ng 100 unit ng fire truck. Ang halaga po ng 1,000 gallon na fire truck, P9.8 million bawat isa. Iyon po ay sa 2010. Yung atin pong kasalukuyan na 1,000 gallon na fire truck, ang halaga po nito ngayon ay P6 million. Baka ho ipaliwanag nila, yung dating mga fire truck nila, merong mga makinang debomba na pang-agrikultura. Siguro dual purpose: pampatay-sunog at saka pandilig sa ating agriculture lands kaya mas mahal yung sa kanila. Kayo na ho ang humusga. Ulitin ko lang ho: Pakiusap natin sa ating kapulisan at Bureau of Fire Protection, nakita naman po ninyo ang kalinga ng Estado, ng sambayanan, ipakita naman natin sa serbisyo, para lalo pang maibigay ang mga dagdag pa ninyong pangangailangan. Magandang araw po. Maraming salamat sa inyong lahat. |