President Benigno S. Aquino III’s Speech at the meeting with local leaders and the community in Iba Zambales
Zambales Sports Complex Gymnasium, Zone 6, Iba, Zambales
05 April 2016
 
Aba ay, maupo tayong lahat. Kayo Boss ko, dapat nakaupo ang Boss. Ako na lang ho ang tatayo.

Dito sa kanan ko ho pala, Secretary Janette Garin, kanina ko pa ho kasama dun sa ating lahat na health projects dito po sa Zambales; si Mel Sarmiento, kalihim ng DILG, nandito rin po; batiin ko rin po si Leni Robredo, kakatapos lang natin narinig, ang ating susunod na Pangalawang Pangulo ng Republika ng Pilipinas; ‘yung ating mga kandidato, kanina po narinig niyo si Frank, amongst others; si Ina nandito pa; si Cris Paez nandito rin po;siyempre hulihin ko ho ‘yung pinakadapat na banggitin ko ‘no, pero Mayor Rundy Ebdane, maliwanag naman pong mas malapit po ako sa edad kay Rundy kaysa kay Governor; kapwa ko kawaning naglilingkod sa pamahalaan, mga minamahal ko pong kababayan dito sa Zambales, talaga pong napakainit ng tanggap niyo sa akin: Maraming-maraming salamat po.

Yung akin hong writer, nagdedesisyon pa kung ibibigay sa akin yung talumpati ko o hindi. Napansin ko, wala dito yung talumpati ko eh. Malapit na ho yan, pero baka akalain naman nila walang masabi.

Teka muna, alam ho niyo, yung, di ba, kadalasan pinapakilala tayo sa iba’t-ibang lugar. Sa Zambales ho kasi, palagay ko pang—yung maliban ‘yung nakapunta tayong Subic—pang-apat na beses ko po sa Zambales. Yung naalala ko, unang-una palagay ko kasama ko po si Governor Ebdane nun, bumisita ang Mommy after ‘nung Pinatubo at talagang nakita natin ‘yung kung paano—kami sa Tarlac, hindi naman ho napuwera sa Pinatubo, hindi ba? Pero dito, talagang lahat ng lugar, parang tinabunan nang katakot-takot na, ‘yung ashfall at saka yung buhangin at sa totoo lang ho, ano, para bang ‘yung tao ho mga panahong ‘yun, nakita ko palaban. Hindi bumigay ang kalooban maski na pumutok nga ‘yung Pinatubo. (crowd cheering/ applause) May dumating ho sigurong mas sikat sa atin diyan. Okey ho. So, pati ako, curious ho ako, sino kaya ang dumating?

Anyway po, hindi, pero, alam niyo, isang hindi ko makalimutan ho kasing eksena nun, ‘yung tao, kuwento ko nga ho sa inyo: palaban. Talagang nakakakita tayo titindig at titindig pang muli. Pero ‘yung isa hong talagang kumbaga talagang tumatak sa aking kaisipan, may nakita po akong kalabaw, at ‘yung kalabaw po— hindi ba natabunan nga lahat ng damo, walang kinain at mga matagal-tagal nang walang kinakain. At palagay ko ho ano, dun ang first time at palagay ko, only time akong nakakitang isang kalabaw na lumalabas ‘yung buto sa tagiliran dahil wala nga hong kinakain. Tapos, nakatingin, parang tumitingin sa tao at talagang awang-awa ka sa itsura nitong kalabaw na ito na dahil ‘yung tao, ‘di ba, tinutulungan ng gobyerno, itong kalabaw na ‘to, maski gusto mo man lang mapakain, wala kang makukuha sa lahat ng paligid na maipakain sa kanya dahil tinabunan nga ‘nung lahat ng lava flow na ‘yan.

Ngayon, bakit ko ho inumpisahan dun? Dahil talagang kakaibang-kakaiba na po ngayon. Kanina ho, naikot natin itong buong Iba at ang klarong-klaro ho talagang napakasigla ng ekonomiya niyo. Parang napakaraming mga shopping center tayong nakita dito, mga mall, at kung ano-anong binibenta’t puno ng tao at tila… ‘Yung isa hong nadaan ng tindahan eh hindi lang mga salbabida, ‘yung mga ganun para sa pagpunta sa beach ‘no. ‘Yung isa naman isang katerbang mga sasakyan na pambata. Sabi ko, baka matagal-tagal na ako hindi nagpunta ng mall, hindi ako nakakita ng ganun pero isipin niyo ‘no, may merkado sa Zambales na palagay ko hindi ganung kamumurang mga sasakyan na ‘to. So, ulit, tila tanda ‘nung gaano kalaki ang, gaano kahusay ang pagtakbo ng ekonomiya niyo.

Mga kapatid ‘no, ‘yung kadalasan noong araw ‘pag umiikot tayo sa isang lugar, may mga lugar hanggang ‘tong araw na ito ‘no, pagdaan ko po sa convoy, may magsasabing ‘Uy, si, si, si.’ Hanggang makaalis ako, biglang maririnig ko na lang ho at medyo malayo, ‘sino na nga ba ‘yun?’ Okey, ‘pag sinuwerte naman ako, lalo na ‘nung araw, papakilala ako, “anak ni Ninoy.” Tapos ‘nung nawala na ang tatay ko, naging “anak ni Cory.” Pagkatapos ‘nun “anak ni Ninoy at ni Cory.” Sumunod namang pagpapakilala sa akin, sasabihin, “kapatid ni Kris.” Tapos ‘pag ano…Alam niyo, okay lang ho sa akin lahat ‘yun eh, basta magkakilala lang ho tayo. Ang problema ko lang ho, parati na lang nakakalimutan ‘yung pinakaimportanteng pagpapakilala. Sabi ko dapat ‘pag pinakilala niyo ako ng ganyan, sabihin niyo “paboritong anak na lalaki ni Ninoy at Cory.” Lalo na po ‘yung mga nasa kaliwa, dinaanan ko kanina papunta dito, ‘no. Importante po ‘yun, ‘yun walang kaduda-duda ako po, ako po talaga ang paboritong anak na lalaki nila. Pagtinanong niyo bakit? Apat na babae po ang kapatid ko. Kaya sigurado po tayo, paboritong anak na lalaki: Ako po ‘yun.

Anyway po, sa lahat nga po ng ito talagang nalulugod tayo.Patapos na po ang ating termino, iyong pinagkaloob sa ating mandato, 86 days na lang po, bababa na ako sa puwesto. Sabi nga nila, hindi na po kailangang, ‘di ba, hindi na kailangan may sumipsip pa. Pero ito nga pong mainit ninyong pagtanggap sa lahat ng napuntahan nating lugar ngayon dito sa Iba, mga taong nasa kalsada sa ilalim ng init ng araw, tanda po siguro ‘yung parang pagbati ho nila sa akin, akala ko naligaw ako, napunta ako sa Tarlac eh. Ganun kainit ang pagtanggap, talagang parang itinuturing niyo akong isa sa inyo at para sa akin po, mukhang tanda po siguro ito ng pagtanaw ninyo sa ating mga napagtulungang tagumpay dito po sa Zambales at doon nga po ulit, maraming-maraming salamat sa inyo, sa pagkakataon at sa nagawa po natin lahat.

Malamang ito na po ‘yung huling beses nating pagpunta dito, kaya hayaan po ninyo sana ako mag-report, mag-report sa inyong lahat ng ilan sa mga napagtulung-tulungan natin para sa inyong minamahal na lalawigan.

Dito po, inilaan ng ating sinundan ‘yung budget na ibinigay sa imprastruktura ‘nung ating pinalitan mula 2005 hanggang 2010: nagkahalaga ng 2.19 billion pesos. Tayo naman po mula 2011 hanggang 2016, ang inilagay nating infrastructure sa highways pa lang ho, yung highways, bridges, roads: 6.05 billion pesos. Maliwanag pong napakalayo. Kasama po diyan, nakumpleto na po’yung Gapan-San Fernando-Olongapo Road Project Phase 2. Matatapos na po ‘yung Olongapo-Bugallon Road at ‘yung Dampay Salaza Access Road. Lalo na ‘yung nasa kaliwa na dumadaan dun, ‘pag hindi natuloy po ‘yan, sasamahan ko kayo magreklamo kay Babes Singson ‘pag hindi natapos. Pero lahat ho ng ipinangako ni Babes Singson, normally, ahead imbes na late.

Sa halos anim na taon po, nagpaayos at nagpagawa na tayo ng mahigit 18,000 kilometro ng national roads at 107,000 lineal meters na mga tulay. Alam po ng butihing Governor Ebdane na malaki-laki po ‘yan dahil dati rin po siyang kalihim naman ng Public Works and Highways.Para suportahan ang ating mga magsasaka, mula 2011 hanggang 2016, naglaan tayo ng 230 million pesos, pagpapagawa ng mgafarm-to-market roads, at 362.95 million pesos para naman sa sistema ng irigasyon.

Again, mula 2011 hanggang 2015, nagpagawa tayo ng production post-harvest facilities na nagkakahalagang 57 million pesos. Nasa 22.83 million pesos naman ang inilaan natin sa pagpapaunlad ng inyong Subic Fish Port, na target pong matapos ngayong Oktubre. Siyempre po, iba na ang magi-inaugurate niyan, tayo po ay magbabasa na lang sa diyaryo at papanoorin sa TV ang inauguration, pero asahan niyo, buo ang ngiti natin ‘pag natapos na po ang project na ‘yan.

Sa ating National Greening Program, ‘yung pagbabalik ng ating mga kagubatan: 7.19 milyong binhi na ang naitanim sa halos 12,000 ektarya sa Zambales. Siyempre ‘pag tumubo na po ‘tong mga punong ‘to, talagang isipin niyo ang Zambales na marami na naman pong kagubatan. Sa buong bansa po, target ng National Greening Program, 1.5 billion na binhi at maitanim sa 1.5 milyong ektarya. Sa kasalukuyan po, nalikha na nito: 3.18 na milyong trabaho.

Sa Training for Work Scholarship Program, 9,631 na ang graduates dito sa Zambales mula 2010 hanggang 2015. Bahagi po sila ng 9 million course graduates ng TESDA sa atin pong bansa. Kung dati, ang placement rate ng TESDA scholars, 28.5%; ngayon po 72 percent na ang placement rate. Ano po ‘yung placement rate? Ibig sabihin niyan, nag-graduate ka sa programa ng TESDA, nakahanap ka ng trabaho sa loob ng anim na buwan. At dati nga ho: 28 percent, ngayon: 72 percent na ang nakakahanap. Kung nauna ho sa akin si Joel o kung narinig niyo si Joel, kadalasan sinasabi niya, pagtapos ko raw ho dito sa trabahong ito, mag-apply ako ng scholarship sa TESDA dahil kadalasan po, ‘yung mga graduate nila, doble ang sweldo sa Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Kaya malamang ‘pag after one year, dun nga ho, sasamahan ko na siyang… hihingi ako ng scholarship dun para mayroon naman akong mas magandang trabaho.

Sa Zambales po ‘no, larangan naman ng kuryente, ang sabi po ng NEA sa atin, National Electrification Administration, itinala noong 2011: 87 sitio niyo walang kuryente, nitong Marso po natapos na: 100 percent energized na po lahat ng nailista noong 2011. Sa buong bansa po, kabilang ‘yan sa 32,441 na sitiong natukoy sa imbentaryo noong 2011 na ngayon po, may kuryente na.

Ang atin pong Pantawid Pamilyang Pilipino Program: 4.6 million na kabahayan ang masasaklaw na ng programa ng bansa mula sa hindi mang umabot na 800,000 na kabahayan noong panahon na ating dinatnan,2010. Alam ho niyo, nagulat nga ako ‘yung dating miyembro ng 4Ps dito sa Zambales: 1,111. Sabi ko paano kaya nahanap ‘yung numerong ganun na 1-1-1-1? Para bang, ewan ko kung pwede itaya sa lotto ‘yun, parang ganun ho eh. ‘Yung sa amin hong numero base sa Listahanan kung saan nilista ang pinaka mga nangangailangan. Siyentipikong metodolohiya ho para matukoy kung sino ang pinaka may kailangan at ‘yun ang tinulungan. Gaya po ng nabanggit natin, ilan lang yan po sa napagtagumpayan natin sa Daang Matuwid. Simple naman po ang ginawa natin: pinairal natin ang isang gobyerno na talagang tinutupad ang kanyang mandato at ang mandatong ‘yan, paglingkuran at arugain ang ating mga Boss: ang sambayanan.

Ngayon po, ang mga repormang ating nagawa sa Daang Matuwid, batid nating lahat, puwede po sanang nagawa na noon, pero hindi nga po nangyari.Halimbawa po, nagkaroon po tayo ng turnover ng mga bagong firetrucks at patrol jeeps sa ating mga LGU kahapon lang, at makikita ninyo po ang malaking pagbabago. Inulat po sa atin ni Secretary Mel: ‘Yung atin pong sinundan, dahil nga sumunod nga po tayo sa kanya, nauna siya, natural po na ‘yung gastusin nila noon dapat mas mura dahil, ‘di ba, ang sabi nila ang bilihin raw tumataas, dapat mas mataas sa atin. Pero ang totoo po nito, merong klase ng fire truck ang kapasidad ay 1,000 gallons, binili po nila ‘yung mga truck raw po nila at ang huling delivery ‘nung 2010: 9 million pesos kada fire truck. Sa atin naman po ‘yung huling mga idineliver kahapon, 1,000 gallons rin at mas matindi ang kakayahan, ang halaga po hindi 9 million, ang halaga: 6 million pesos. Idiin ko lang po ‘yun ha. Nung araw ang fire truck nila: 9 million, ngayon fire truck natin: 6 million.

At ang sabi pa nga ho sa atin, dati raw ho truck nilagyan ng bomba pang-agrikultura,’yun ang taga-bomba ng tubig pag may sunog. ‘Yung sa atin ho, totohanang fire truck. Pagdating po sa kapasidad, talagang angat na angat din po ang binili natin. ‘Yun pong kapasidad nito sa pagbobomba ng tubig, kaya po ‘nung makina, kaya pong magbomba ng tubig sabay habang tumatakbo. At hindi po ito tipong nakalambitin—‘yung sasakyan pa ho natin, ngayon, merongcompartment para doon sa firemen na pito ang laman. Dati po palagay ko, lahat tayo nakakita ng imahe ng bumbero nakalambitin sa fire truck. Tama po ba? At idadaan na lang niya sa pagdadasal na habang tumutugon sila sa isang sakuna, hindi sila maging damay sa sakuna.

Bigyan ko pa ho kayo ng isang halimbawa ng ating pinagdaanan. Dito po sa inyo sa Zambales, nandito ang Hanjin, kompanyang malaki sa shipbuilding. Napakalaki nga po ng tulong ng kumpanyang ito sa bansa. Ang trabaho pong naitala ay nasa 28,462 na katao. Sa buong mundo na raw po, pang-apat na tayo sa pinakamalaking shipbuilding nations. Tandaan lang na tayo po ay world class sa larangan ng pagbubuo ng mga barko.

Sa kabila rin po nito, kapag po naririnig natin ang kompanyang Hanjin, hindi ko po rin maiwasan na maalala muli ang mga nangyari noong panahon nung ating sinundan lalo na ‘nung tayo ay bago upo at nalaman natin ang mga suliranin. Isa po sa suliranin dito ay binigyan ng incentive plan itong apat na kompanya sa limang lugar kung saan sinabi ng ating pinalitan, ‘yung kuryente raw hindi tataas— permanente ang kuryente, ang pinakamababa 10 years, may umabot na 15 years, meron rin pong 25 years. Ano ang ibig sabihin po ‘nun? ‘Yungibinigay na insentibo, isa sa mga kompanya ‘yung Hanjin, magtayo ka dito, gagarantiyahan namin na hindi tataas ang kuryente mo. Parang ang gandang pakinggan, tayong lahat siguro na kumukonsumo ng elektrisidad, magandang sabihin sa atin na hindi tataas ang kuryente pero tumataas ho eh, bakit? Merong bahagi po ng ating tinatawag na energy mix, 42 percent, inaangkat natin. Iyong inaangkat natin wala tayong kontrol sa presyo, wala tayong kontrol sa presyo nung gagastusin mo, paano mo masasabing mapapanatili mo ‘yung presyo ng pagbenta mo? Tama ho ba? Okey. Ang resulta po niyan, nung kakaupo po natin, tinataya magbabayad tayong lahat ng 42 billion pesos para—ulitin ko ho ha—42 bilyong piso para tumutoo diyan sa pangakong hindi dapat ginawang pangako. Naayos po natin iyan. Nakatawad tayo ng malaki diyan, nakahanap ng solusyon para hindi tayo masira sa ating salita bilang isang bansa.

Ngayon po, bakit natin binabanggit ito? Siyempre malapit na po ang eleksyon, marami pong nanliligaw. Kung ikukumpara po natin, hindi ba, lahat tayo siguro may dumaan sa buhay natin na meron tayong nagiging crush? Inisip natin ang ganda sana ma-date ito. Noong nakilala natin nang masinsinan, nag-isip tayo, mukhang okay tayo mag-date pero mahirap yata na ipakilala kita sa nanay at tatay ko. Tama ho ba? Hindi lahat siyempre pasado yun. Okey.

May isa nga pong—sorry ho—may isa pong kandidato, lahat ng sinasabi po at pinapangako, tila nakadepende kung sino ang kausap. Halimbawa: meron ho siyang sinabi magpapatayo raw ng ospital sa bawat bayan na nabasa ko kamakailan. At ang tanong: Alam kaya niya ang ibig sabihin niyan? Ano kaya ang bawat bayan? ‘Yung munisipyo po kasi sa Pilipinas nasa 1,400 eh. Kayo na ho ang magkuwenta ng kung magkano ang halaga ng 1,400 hospitals. Pero ‘yung pagpapatayo ng ospital, medyo simple ‘yun. Ang mabigat ho doon yung sweldo ng doktor, ng nurse, ng med-tech, ‘yung gamot na gagamitin, lahat ‘nung…‘yung kuryenteng gagastusan, etcetera. Tapos i-multiply natin ulit sa 1,400 plus na munisipyo. Ngayon ang tanong, kung may budget ka, hahatiin mo dun sa lahat ng munisipyo o kung magkakatabi naman ‘yung munisipyo hindi masyado malaki ang biyahe, hindi kaya mas magandang isang ospital na kumpletong-kumpleto sa lahat: kasangkapan, tauhan, kagamitan, ‘yung kakailanganin at diyan mo ibuhos dahil mapupuntahan naman ng lahat na bayan. Imbes na hati-hatiin mo ‘yung kakayahan niya. Siyempre, ang magiging lehitimong tanong: Noon naisip mo ‘yan, parang ang gandang pakingganngayon, pero kaya bang talagang gawin iyan? At kung hindi napag-aralan nang husto, handa ka na ba talaga?

Meron pa po ho, isang kandidato naman, ibang kandidato ang sabi niya, “yang 4Ps na ‘yan, hindi ko lang itutuloy, gagawin ko pang 5Ps.” At habang ginagawa kong 5Ps ‘yan, babawasan ko rin ang buwis. Marami hong kababaihan nandito, palagay ko kung maybahay kayo, ‘pag kayo ho, dumating ang asawa niyo at sinabi sa inyo: susunod na buwan babawasan ko ang budget mo at habang binabawasan ko yung budget mo ha, dapat padamihin mo ‘yung bibilhin mo dun sa bawas na budget. Ilan ho kayang maybahay dito ang sasang-ayon na pwede iyan? Kung meron ho, pakitaas ang kamay, gagawin ko ho kayong DBM ko. Mas konti, mas maraming magagawa. At masakit pa nga ho niyan, anak pa niya mismo ang nagsabi dapat imbestigahan ‘yang 4Ps, ngayon gagawin niyang 5Ps. So, palagay ko ho, pwede nating itanong: “Kuya, ano ba talaga ang gusto mong mangyari pag ikaw naging Pangulo?”

Meron naman pong isa, ang sabi niya bigyan lang siya ng tatlo hanggang anim na buwan, sosolusyonan niya ang krimen sa buong bansa at pag hindi niya nagawa: magre-resign. Alam niyo, napag-isip lang ako, ‘di ba ‘pag ikaw tumakbo, parang inalok mo ang sarili mo at ‘pag nanalo ka, may kontrata kayo ng taumbayan. ‘Yung kontrata, sabi nga nung mga nakakatanda sa atin, parang kasalan na rin ‘yan eh. Hindi parang kanin na mainit, nung napaso ka, iluluwa mo. Kapag nandiyan ka, ipinangako mo lulutasin mo, aba hanggang maubos ka, hindi ba, tuparin mo ang pangako mo.

Sa atin po: paniniwala natin, maayos magdesisyon ang Pilipino. Tiwala tayo sa mga pinunong magpapatuloy sa daang matuwid. Isa nga po diyan, umpisahan ko muna sa ating butihing kaibigan si—ang tawag ko ho, si Ka Jun—ang ating butihing Governor Jun Ebdane. Alam ho ninyo nagkakilala kami, 1987 siguro ‘no? ‘86? ‘86 November. Tatanungin niyo, bakit alam na alam ko ‘yun? ‘Yun ho kasi ‘yung Manila Hotel crisis eh. Si Governor Ebdane, ‘nung mga panahong ‘yun, Philippine Constabulary, hindi katulad ngayon. Ngayon ho, palangiting tao; noong araw ho, naka-tiger look parati iyan. Sa totoo lang ho ano, mahaba ang pinagdaanan, hindi kalabisang sabihin na nung mga panahon na mga may coup d’ etat laban sa nanay ko, isa sa naging matinding haligi kaya hindi nagtagumpay ‘yang mga coup d’ etat na iyan ay si Jun Ebdane.

Sabi ng mga magulang ko ho kasi: hindi pwedeng mag-endorso ka na para bang, hindi ba?May joke ho nung araw sa Kongreso eh, ‘yung pirma raw ng kongresista ehbasta may nagpapirma, pirma nang pirma. Importante ho, turo ng mga magulang ko, pag ikaw may ini-endorso kang tao, kailangan kaya mong garantiyahin. Sa haba ho ng pinagdaanan rin namin, papunta na pala tayong three decades. Kasi 1986, hindi 14. Ay sorry, three decades na pala tayo. Sa Nobyembre ho pala, tatlong dekada na kaming magkakilala pero ‘nung nagkakilala ho kami, ano palang ako ‘nun, liwanagin natin, medyo kakalampas sa pagiging teenager. Siya po, graduate ng PMA. Pero, anyway, punto ho nito, kung isi-simple natin, paano ba ang pagkakilala ko kay Jun Ebdane? Simpleng-simple lang eh, ‘pag nagsalita, palagay ko ‘ni minsan ho, wala pa akong narinig na hindi totoo sa kanyang bibig sa loob ng tatlong dekada. Hindi ko ho masasabing naging parehong perpekto ang pananaw namin sa lahat ng bagay, pero isang bagay ho ang kaya kong panindigan sa inyo, ‘pag nagsalita, totoo ang lalabas sa bibig ni Jun Ebdane, kaya naman po may kumpiyansa ako, pakiusap sa inyo na talaga naman pong dapat ibalik natin sa Kapitolyo: Hermogenes Ebdane.

Pag-usapan ko naman po, meron hong isang, may isang rally tayong napuntahan at siguro ito yung talagang buod ng gusto kong sabihin sa inyo pong lahat eh. Meron po akong napakinggan isang ale na isang miyembro po ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Napakinggan ko po siya sa Pampanga. Sabi po niya, ang kuwento po ng buhay niya, meron silang pitong anak. Meron siyang asawa, nilayasan siya. Para bang bahala ka na sa pitong anak natin. Ang kwento po niya, dahil sa 4Ps o ‘yung Pantawid Pamilyang Pilipino Program, ‘yung tatlo sa pitong anak niya, nakatapos na po ng high school at naging permanente na ang trabaho. Dati raw po, ang pinagkakakitaan lang niya patinda-tinda. Pagkaintindi ko po, pag may nagsabing pantinda-tinda, ibig sabihin ‘nun, hindi man araw-araw nakakatinda o may tinitinda, paminsan-minsan may tinitinda.

Hindi ho siguro iba ‘yung problemang iyan sa marami pa nating mga kababayan na paano ba arugain ‘yung mga anak kung wala kang tiyak na trabaho? Kung wala kang tiyak na pagkakakitaan? So sabi po niya, ulitin ko, dahil sa 4Ps, tatlo nakatapos sa mga anak niya at ngayon permanente na ang trabaho. Kung saka-sakali ho at ito ang tanong ko sa lahat, dumating itong aleng ‘to at humarap sa atin at palagay ko dito sa Zambales, meron ding parehong kuwento. Sasabihin niya siguro sa atin: Alam niyo, una, salamat. Hindi man niyo siguro alam, ang laki na nang itinulong niyo sa amin, sa pamilya namin. Hindi man niyo ako kakilala, baka hindi man niyo naramdaman nakiambag kayo, totoong nakiambag kayo, itong tatlong anak ko, ‘di hamak mas maganda na ang buhay nila dahil sa pagtulong niyo.

Meron pa akong apat na anak. Kung tayong lahat dito ang tatanungin: Kayo ho ba, ngayon na talaga namang klarong nakakatulong na kayo, ngayon ho ba susugal pa ba natin ‘yung sitwasyon na kung saan ‘yung susunod namang apat na anak ko, pwede na ring maaruga, pwede na ring matulungan. Tayo ba’y magpapalit pa ng landas na tinatahak natin? Pwede ho ba niyo akong pagbigyan, na itong nangyayaring tulong na ito na hindi pabigat sa inyo ay pwede pang mapagpatuloy?

Ngayon ho, marami ng pagbabago nangyari po sa ating bansa. At ako, pinayuhan makailang beses, tutal magreretiro na raw ho ako eh, dapat manahimik na lang ako, huwag na akong gumawa ng kalaban. Pag wala akong inendorso, lahat kaibigan ko. At, ‘di ba, sino naman ang taong gustong maghanap ng away? Sino naman ang taong gustong magkaroon ng tinatawag sa Ingles na conflict? Pero babalikan ko ho, tulad noong 2009 at mga ibang pagkakataon pa sa buhay ko, parati kong naaalala ‘yung turo ng mga magulang ko at sabi nila sa akin, lalo na siguro ang nanay ko ang pinakamagandang nagsabi: Kung saka-sakali raw ‘nung tinatawag siya ‘nung snap election na tumakbo. Sabi niya, bakit siya nag-desisyon na tumakbo? Sabi po niya, at ipa-paraphrase ko, ililipat ko, isasalin ko sa Tagalog, ‘kung alam niyang may kaya siyang gawin at hindi niya ginawa at pagkatapos ‘noon ‘yung sitwasyong malala lalo pang lumala, palagay raw ho niya hindi niya kayang mabuhay pang muli.’ Para bang sa English po: I cannot live with myself. At ganun rin ho ako, nung ako’y unang minumungkahi nang 2010, sabi ko: Sandali lang, gusto niyo akong tumakbo bilang Pangulo, kung manalo ako diyan, akin lahat ng problemang tinutulan at ‘pag hindi ko naresolba ng isang araw or dalawang araw o isang linggo, galit kayong lahat sa akin. Parang ang bigat naman nito, tinutulan ko, ako ang kailangang lumutas tapos baka ang laking tsansa pang hindi kayo matuwa. Kaya nga ho kanina, iyong sa pagsalubong niyo sa akin, patapos na tayo, 86 days na lang, talagang sabi ko, mukha namang nakita niyo talaga ‘yung kaya nating abutin, ‘yung kaya nating pagtulung-tulungan, ‘yung kaya nating baguhin ang kasaysayan at istorya ng ating minamahal na Inang Bayan.

Ngayon ho, sabi nga ho ng iba, babalikan ko lang ‘yung kaninang kwento ko sa inyo, panahon ng kampanya, marami hong ligawan, maraming manliligaw, lahat sila pagandahan ng sinasabi, pagandahan ng kilos, pagandahan ng ad, pagandahan ng kaliwa’t kanan para makuha ‘yung matamis na ‘oo’ niyo. At tulad man ng, hindi lang naman ako siguro dito ang kaisa-isang taong lumigaw na. Kayo ho, palagay ko lumigaw na,’yung iba nagtagumpay pa, nahanap ‘yung tunay na kabiyak niyo. Meron ho tayong mga niligawan pero siyempre ‘yung isang pinakasalan, natatangi at ‘yun nga ho ang kailangan nating pagdesisyunan. So ngayon po, kami ho sa samahan namin, hindi kami nangangako maliban sa isang bagay: Itutuloy natin ang mga nangyayari sa ating bansa. Lahat ng pagbabago, lahat ng pagbabalik sa tamang landas, itutuloy natin. ‘Yun lang ho: simpleng-simpleng pangako.

Iyong pangako ng samahang ito, ulitin ko rin ho: hindi pangakong galing sa ere, pangakong may pruweba nang ipinakita sa inyo sa loob ng anim na taon. Tandaan na natin, noong 2010, bago ‘noon, dyaryo, TV parating may istorya, gaano karaming Pilipino ang lumilikas sa Pilipinas? Ngayon po ang istorya natin, nagbabalikan na ang mga kakabayan nating OFW at ‘yun naman ang dapat mangyari. Pero babalikan ko nga ho. Sino ba dapat ang piliin natin dito? Nabanggit ko na. Pakiusap ko, suriin niyo lahat ng sinasabi ng lahat ng magkatunggali at palagay ko, isa rin ang mapuntahan ninyong kongklusyon tulad ‘nung aking kongklusyon. Tinanong ko ho lahat ng mga kandidato: Bakit ako nagdesisyon na makialam pa, imbes na manahimik lang? Dahil ayoko hong masayang lahat ng ginawa natin sa loob ng anim na taon. Ayoko ko hong bumalik tayo at maniwala tayo na ‘yung trahedya natin ‘nung lumipas ay ‘yun ang fate ng Pilipino, yun po ang tadhana ng Pilipino. Hindi ho. Ito pong nangyayari ngayon ang paniwala ko umpisa ng tunay na tadhana ng Pilipino. Sino ho ang magpapatuloy nito? Eh sa akin ho ang pananaw ko, walang iba ‘yan kundi si Mar Roxas. At tanungin niyo marahil… Suriin natin, tatanungin niyo: Bakit si Mar Roxas? Hindi ba kasama natin simula’t-simula sa pagtahak dito sa Daang Matuwid?

Marami ho diyan baka mas sikat sa kanya, mas kilala niyo dahil kada may pagkakataon, takbo doon sa may sakuna, photo opportunity nag-abot ng isang relief goods, nasa isip pa natin. Hindi magaling magsalita, kung minsan magaling magsalita pero napakadaldal, siksik nang siksik sa lahat ng isyu kaya kaagad nasa atin. Si Mar Roxas ibahin natin, si Mar Roxas ho trabaho nang trabaho. Tumototoo sa kanyang pangako. Noong nangyari ‘yung sa Zamboanga, ako ba ang nauna doon? Hindi ho, siya ang nauna at saka ang Kalihim ng National Defense. Dumating ang Yolanda, nandun rin ho siya. Kailan sila dumating? Bago pa ni Yolanda. Kailan sila umalis? Mga linggo ho ang pinag-usapan hanggang naisaayos na lalo na ‘yung Leyte. Zamboanga hindi iniwanan hanggang nahupa na ‘yung mga lusob ng rogue MNLF. Paulit-ulit ho, napakaraming ganyang salaysay, may kakayahan ba si Mar? Parating may nagsasabi, iboto niyo ako, magkakaroon tayong bagong trabaho. Si Mar, ano ang pruweba? Siya ho ang nag-isip ‘nung BPO na industry, ‘yung call centers na dalhin sa Pilipinas. Nasaan na po ‘yung BPO na inumpisahan niya? This year ho, inaasahan natin 1.3 million na ang empleyado ng BPO sector. Magkano itinulong sa ekonomiya: 25 bllion dollars. Ulitin ko po ha, 25 bilion dollars ang dinala sa atin pong ekonomiya na mistula tuloy mga miyembro ng BPOsila rin daw po ay parang OFW sa Pilipinas na nagtatrabaho at hindi sa labas.

Siguro ang pinakadahilan, kaming lahat ho, wala naman kaming pinagyayabang. Hindi kami nagnakaw kaya kaya naming bumili ng lahat ng ad sa TV. Pero palagay ko po, may pruweba naman kung saan tayo nagpunta. Lahat ng nagawa natin, bakit lumawak ang PhilHealth? Bakit mas maraming kalsada? Bakit lumakas ang TESDA? Lahat po niyan dahil sa matinong pamamahala. Hindi ho papogi pero totoong kayod araw-araw para maisagad ang oportunidad ng lahat ng Pilipino. ‘Yan po ang Daang Matuwid.

Iyong mga kalaban ho,sisimplehan ko na lang medyo mahaba na ho akong nagsalita pasensiya na kayo. Sinamantala ko na ‘yung last opportunity ko sa inyo. ‘Yung mga kalaban po, lahat ng kaya nilang gawin: mangako. Tayo ho palagay ko, may pruweba na. So ‘yun lang ang tanong eh. Dito tayo sa alam na natin ang nagawa at kaya pang gawin o dun ba tayo sa kabila na ‘baka’? Baka ituloy, baka totoo ‘yung sinasabi, baka, ‘di ba? Ang dami hong ‘baka’ doon eh. At babalikan ko lang nga ho, sa akin pagboto ko titingnan ko‘yung imahen nung nanay na nagpapalaki ng pitong bata. Kaya ko bang isugal ‘yung kinabukasan ‘nung natitira pa niyang apat na anak na hindi pa nakakatanggap ‘nung oportunidad mapaganda ang buhay nila? Kaya ko bang isugal ‘yung kalusugan ‘nung 93 million na kasalukuyang miyembro ng PhilHealth dahil iibahin na naman ang direksyon? Marami hong “baka” baka gaganda sila. Dito ho kay Mar Roxas, ako po kaya kong sabihin sa inyo, garantisado at siguradong itutuloy niya ang Daang Matuwid.

Si Leni Robredo naman po, ibinoto natin si Mar hindi natin isinama si Leni, mamaya diyan, saan na naman tayo maliligaw? Simpleng-simple lang po eh, ‘yung Pangalawang Pangulo ng Republika kasing-importanteng kwalipikasyon ng Pangulo dahil isang iglap, ‘di ba, isang sandali pwedeng mawala ‘yung Pangulo, kailangan kung gusto natin—’yun ang desisyon eh, itutuloy ba ang Daang Matuwid? Referendum po ito, o ititigil natin? Iboto niyo si Mar, isama niyo si Leni, sigurado ho tayong tuloy-tuloy ang nangyayari. Siyempre isama niyo si Jun Ebdane. Baka maghanap ho tayo ng paano natin dadalhin lahat pa ‘nung dapat ibang dalhin?

Alam niyo kanina, itong Governor niyo talagang napakasipag na tao ‘to. ‘Di ginagawa na nga ho ‘yung mga bagong dagdag sa President Magsaysay Memorial Hospital. Habang ginagawa, sabi niya: kulang. Kako, ‘yan ang masipag talaga, hindi pa natin natatapos, kulang na naman. Eh gusto ba niyong sasabihing sobra na walang nakapasok. Alam niyo kasi dati sabi sa atin,lahat raw ho ng barangay sa Pilipinas, may kuryente na. O ‘di iniisip natin, aba, buong Pilipinas may kuryente na. Eh nakita naman niyo ‘yung inulat ko sa inyo kanina, 32,000 ‘yung sitio na wala dahil ang sabi raw ho pala, kapag naikabit ‘yung sa barangay hall, may kuryente na ‘yung barangay, binulong na lang ‘yung hall. Hindi pala ‘yung buong barangay. At ang masakit ho ‘yung 32,000 kulang-kulang ho 36,000 na ‘yan ha,’yung iba ho hindi ikinonek sa grid, mga solar power at ibang renewable ang ginawa.

Pasensiya na ho kayo, talagang napakatagal ko hong nagsalita. Unang-una ho, nagpapasalamat ako sa inyong lahat at paalam ko na rin po ulit sa inyong lahat ‘to na pinilit ho natin lahat ng magagawa natin para maging totoo sa sinabi ko sa inyong iiwan ko ‘di hamak na mas maganda kaysa sa dinatnan ko dahil pinagtiwalaan niyo tayo at talagang nagkaroon ako ng honor na mamuno sa isang salinlahi, sa isang lahi na kasingdakila po ng Pilipino.

Wala ho tayong hindi pwedeng maabot basta tayo po’y nagkakaisa at talagang magdesisyon tayo na maayos, ‘di ho ba? Na suriin lahat ng nangangako pero siyempre ho babalikan ko, alam niyo, baka sabihin naman niyo ikakasal na ako kaya parati kong pinag-uusapan ‘yung pagkakakasal ha? Yun, ambisyon ko pa rin ho, pero sa totoo lang ho, pagboto natin, hindi kasalan habang-buhay pero may kasalan ng anim na taon, ‘di ba? ‘Pag tama ang desisyon, araw-araw na bumangon tayo nakangiti, tama ho ba? ‘Pag mali ang desisyon, araw-araw ayaw na nating bumangon, ‘di ba? Dahil ano na naman kaya ang problemang bagong gagawin? So, ulitin ko ho, napakahalaga eh, klaro ho siguro ‘yan. Hindi ‘yung sige anim na taon lang. Hindi ho. Anim na taon natin ginawa, anong pagbabago ang nangyari sa Pilipinas? Kung may nangyari ho,eh sabihin natin siguro: ituloy ang Daang Matuwid. Kung wala naman hong nangyaring pagbabago, kung sumama ang kondisyon niyo, aba, sisantehin ho niyo kami. Karapatan niyo ‘yan. Pakiusap ko lang ho, gamitin natin ‘yung karapatan, ‘yung kapangyarihan para talaga naman pong pagtulungan natin lalong isagad ang oportunidad sa bawat Pilipino. At sa pagpapaalam po, hayaan ninyo ipakilala ko sa inyo ang susunod, sa inyong pahintulot, na Pangulo ng Republika ng Pilipinas, walang iba po kung hindi si Mar Roxas.