President Benigno S. Aquino III’s Speech at the meeting with local leaders and the community in Makati
Makati Coliseum, 81 Mascardo St. Brgy. Lapaz, Makati City
08 April 2016
 
Yung dalawang nauna sa aking nagsalita, nagpakilala. Kaya pabayaan na rin po ninyo akong magpakilala sa inyo: Ako po si Noynoy Aquino, paboritong anak na lalaki nina Ninoy at Cory Aquino. Hindi ho ako ang bunso sa amin. Nasa gitna po ako ng aking mga kapatid. Lamang ako kay Kris ng ilang taon. Kita naman ninyo sa hitsura namin, di nagkakalayo. Konting taon lang iyon. Nabibilang sa halos dalawang kamay.

Kanina pa ho tayo dito, pinapakinggan ang lahat ng nauna sa atin. Bilangin ko lang ho kung ilan ang pahina ng talumpating ito at baka magalit kayo sa akin kung masyadong mahaba. Nagtagumpay po kami ngayong araw na ito: Apat at kalahating pahina lang ang talumpating ito.

Mga kababayan, malapit na po ang halalan; pipiliin ng taumbayan ang ating kapalit. Batid naman ho ng lahat na mabigat ang trabaho ng Pangulo. May isa po akong talumpati, nabanggit ko na nga ho, ang trabaho ng Pangulo, parang nanonood ka ng 200 channels ng TV nang sabay-sabay. Habang pinapanood mo, parating may darating na tinatanong kung ano ang nangyayari sa bawat isang channel na ito, at dapat nalalaman mo ang nangyayaring kasalukuyan, yung dating nangyari bago yung kasalukuyan, at yung mangyayari pagkatapos ng pinapanood ninyo. At pag nagkamali ka, hindi ka na patatawarin kung bakit hindi mo nakita o naisip ang susunod na mangyayari.

Alam po niyo, noong dumating tayo, mga 10 milyong kababayan natin nasa labas ng bansa, pati kaganapan sa ibayong-dagat kailangan alam natin kung ano ang nangyayari. Pag may nangyari sa ibang lugar, ang unang tanong kaagad: May Pilipino bang nadamay diyan? Alam ninyo, noong nagkagulo sa Ukraine, sa totoo lang ho, nagulat ako na pati sa Kiev sa Ukraine, mayroong 180 Pilipinong doon po nagtatrabaho at nakatira. Pag tayo tinanong siguro: Puwede bang magtaas ng kamay ang sinumang makapagtuturo kung nasaan ang Ukraine sa mapa sa gym pong ito, meron bang makakaturo? Merong Pilipino doon na 180.

Sa totoo lang po, lahat ng gustong kumausap sa akin, ipinipilit natin maiskedyul lahat para makausap. Hindi ko naman ho puwedeng mapulong lahat nang sabay-sabay; wala ho tayong mapapala pag sabay-sabay nag-uusap, di ho ba? Kako, sana ganoon din tayo pagdating sa problema. Kung puwede sana, yung mga problema na dumarating na kailangang harapin ng isang Pangulo, kung pupuwede, maiskedyul din para hindi naman sunod-sunod. Sabi ko, parang hindi naman “sunod-sunod” ang tama. Ang tamang description ng problemang kailangang harapin ng isang Pangulo, “patong-patong.”

Para mas maunawaan ninyo, bigyan ko kayo ng isang halimbawa, dalawang araw lang po sa buhay ko: Noong Biyernes po, Abril 1, last week lang po, nagkaroon tayo ng mahabang security meeting. Tinalakay namin ang pag-hijack ng Abu Sayyaf sa tugboat na lulan ang sampung Indonesians na kinidnap. Habang tinatalakay, nalaman na rin po natin na diumano, nagkidnap din ang sinasabing mga Abu Sayyaf ng mga Malaysian. Doon naman po sa Malaysia ginawa ang pananalakay na ito.

Tinalakay din po namin noong araw na iyon, darating ang Foreign Minister ng Indonesia, para alamin kung ano ang nangyari sa kanilang mga kababayan. Gusto nating mapanatili ang napakagandang ugnayan sa larangan ng Pilipinas at saka ng Indonesia. At para nga ho masagad ang pagpunta ng kanilang Foreign Minister, tayo po’y tumungo ng Cavite, at sa Villamor Airbase na po kami nag-usap ng Foreign Minister ng Indonesia para maabisuhan sila sa lahat ng pangyayari ukol sa gusto nating pagbawi dito sa mga kababayan nila.

Pagkatapos na pagkatapos ng meeting na iyan, tumungo tayo sa Cavite para pasinayaan ang isang building galing sa PAGCOR at isa naman ho galing sa budget para sa Cavite po, doon sa bayan ng Carmona. Tumungo sa Kawit, sa pagpupulong sa ating mga kasamahan at konting kampanya.

Pauwi kami pabalik ng Maynila, nabanggit sa atin ni DILG Secretary Mel Sarmiento na kinabukasan, patungo siya sa Kidapawan. Ako naman po’y nagtanong, “Ano ang gagawin mo sa Kidapawan?” Sa totoo lang po, doon ko lang narinig sa unang pagkakataon na meron palang nangharang ng highway sa Kidapawan at nagkaroon ng violent dispersal.

Alam niyo, talagang 24/7, 365 days ang trabaho ko, at paminsan-minsan, nagrereklamo rin ang katawan ko. Nung gabing iyon, trinangkaso ako bigla. Kinailangang magpahinga—naka-sweater ako, balot na balot, walang aircon o electric fan. Pinilit nating matulog, sabay nagkakonti pang problema kinabukasan, pati ating sikmura. At talaga naman pong pinayuhan ng doktor, kailangang magpahinga raw maski konti. Nagpahinga po tayo ng Sabado na rin, kung tutuusin.

Noong Sabado na ring iyon, bago tayo makapagpahinga, nangyari naman yung problema sa NAIA kung saan nawala ang kuryente nang limang oras. Linggo ho, medyo nanumbalik nang konti ang ating lakas, tinawagan natin ang Executive Secretary (ES), at sabi ko, “Jojo, magtawag ka nga ng lahat ng kinauukulan—DILG, kapulisan, pati DSWD, at iba pang mga ahensya—para sa nangyari sa Kidapawan. Gusto ko ring malaman ang nangyari sa airport.” Linggo po iyon nang nagpapatawag ako ng meeting. Sabi po ni ES, “Hanapin kong lahat kung handa na silang magsalita.” Ako po’y sa totoo lang, nakokonsensya. Linggo na lang ang pahinga ng ating mga kasama, pero talagang atat na atat akong umpisahang iresolba lahat ng pangyayaring ito. Bumalik si ES sa akin, ang sabi, “Boss, kung pupuwede, Lunes na lang tayo magpulong. Hindi pa handa lahat ng ating kausap na mag-briefing sa iyo.” Sabi ko, “Alam mo naman, pare, ang ugali ko. Hindi ako mapapakali hanggang hindi natin binibigyan ng lahat ng solusyon ang lahat ng problemang nangyari.” Pero kung hindi sila handa, walang mangyayari sa pagpupulong, matatagalan pa yung pagkukunan ng datos, Lunes na kami nag-usap.

Mga kababayan, dalawang araw lang po iyan. Anim na taon ang ibinigay ninyo sa akin, kayo na ang mag-isip. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, meron kayong patong-patong na problemang kailangang talakayin, tapos kadalasan pa, yung mga naririnig mo, puro mga batikos sa iyo. Tama ho ba?

Ang punto ko lang po: Talagang hindi madaling maging Pangulo ng Republika ng Pilipinas, o Pangulo maski saan mang lugar. Sa kabila nito, sinasagad natin ang bawat pagkakataong makapaglingkod sa sambayanang Pilipino. Kahit sino naman siguro, magagalak, kapag ang pinaghihirapan mo, may pinatutunguhan. Sa pagtahak natin sa Daang Matuwid, ito po ang naging resulta ng ating mga inisyatiba—atin, kasama po kayo doon; kayo po ang nag-inisyatiba nito—para sa Makati:

Tanggap natin: Mayaman ang Makati bilang isang lungsod, pero tinulungan natin kayo sa inyong mga kalsada at flood control projects. Mula 2011 hanggang 2016, naglaan tayo ng P3.19 billion para sa inyong imprastruktura. Malayong-malayo yan sa P786.39 milyong inilaan ng ating pinalitan mula 2005 hanggang 2010.

Tinutukan din natin ang serbisyong panlipunan. Ang bilang ng TWSP scholars—programa po ng TESDA— sa Makati na natulungan, nasa halos 30,000 Pilipino na po. Pinalawak natin ang Philhealth, kaya nasa 713,133 na taga-Makati ang suportado natin. [Palakpakan]

Kanina po, napakinggan natin ang isang benepisyaryo ng 4Ps. Sa Pantawid Pamilya, ang dinatnan natin sa Makati noong 2010 na miyembro ng 4Ps ay marami, zero. Wala ho palang miyembro ang Makati noong 2010. Ngayon po, meron na tayong 4,229 kabahayang natutulungan.

Dahil po sa ating pag-aambagan, sa atin nga naitala ang record low pagdating sa poverty incidence sa buong bansa simula noong 2009, ang pinakamababang unemployment rate sa loob ng isang dekada at ang pinakamababang annual average hunger rate sa loob ng 11 taon.

Bakit natin ginagawa lahat ito? Ang panata kasi namin sa Daang Matuwid: Walang maiiwan, at talagang di hamak na mas maganda ang iiwan natin kaysa noong ating dinatnan.

Siyempre, ang nasa laylayan, tinutulungan natin sa pag-aaral, sinisugurong nabibigyan ng kakayahan para makapasok sa mas magagandang trabaho. Sinigurado na rin nating parami nang parami ang trabahong mapapasukan dahil kung nakapag-aral ka, nakapagsanay ka, may kakayahan ka, pero wala namang mapasukan, e di wala ring silbi.

Kung ikaw ay may karamdaman, baka meron ka nang trabaho, gumaganda na ang sitwasyon, pero dumating ang isang mabigat na karamdaman at “bahala na si Batman” ang nangyari sayo, balik na naman tayo sa pamumuhay sa ilalim ng poverty line. Kaya po, pati ang maysakit, suportado ng Estado. Dito ko nga naalala yung video na napanood ko ng isang nanay na may anak na na-dengue, na para mabayaran ang utang sa ospital—at ito po ay tunay na buhay—siya po ay umutang para makabayad doon sa sinisingil ng ospital. Yung utang, para mabayaran niya, umutang siya ulit. Umutang nang pangatlo para bayaran yung pangalawa. Para talagang wala na siyang nakita kundi kaliwa’t kanang utang. Sa mga susunod na araw, makikita ninyo ang bidyong ito. Ngayon, kung talagang qualified at nangangailangan ka, meron po tayong tinatawag na “No Balance Billing” para sa ospital, kung saan tinutugunan ng PhilHealth at ng Estado ang pangangailangan mo.

Itong mga benepisyaryo ng Daang Matuwid, totohanan magsalita. Madalas pag nakakausap ko sila, ang sabi nila sa atin: Salamat. Sagot ko naman po: Bakit kayo nagpapasalamat sa akin? Kayo ang nagsimula ng pagbabago. Kayo ang nagsanib ng lakas para bigyan tayo ng pagkakataong baguhin ang kuwento ng ating bansa.

Palagay ko po, hindi lang ako ang nag-iisa na paminsan-minsa’y nagdadasal: Sana, lahat ng kandidato, totohanin nila lahat ng pagsasalita nila. Halimbawa, yung dating mayor dito, [palakpakan] ang bansag sa atin “palpak at manhid.” Tanong ko, kaya ba ng palpak at manhid na gawing Asia’s Rising Tiger ang dating Sick Man of Asia? Kaya ba ng palpak yung modernization na ginagawa natin para sa ating Sandatahang Lakas, kapulisan, pati mga bumbero? Palpak at manhid din ba ang libreng pagpapagamot ng pinakamahirap na 40 porsyento ng ating populasyon, at ang papalapit na pag-abot natin sa 4.6 milyong kabahayan dahil sa Pantawid Pamilya?

Tayo po, tumututok sa pangangailangan ng iba. Kayo na po ang testigo, hindi lang po pag birthday lang. Di natin dinadaan sa cake ang pagpapakita na mahal natin ang ating mga Boss. Tutal, napag-uusapan natin ang cake, buti na lang ang mayor ninyo ngayon ay si Kid Peña, [palakpakan] kasi yung birthday cakes dito, umasenso na raw—pina-bidding niya at sinusuplay ng isang kilalang brand. Tama ho ba? Ang maganda rito, kilala na nga ang brand, mas mura pa ang cake. Ikumpara niyo sa dati na di na nga kilala ang supplier, e mas mahal pa ang cake. Kung nagtataka kayo, wag niyo pong tanungin sa akin ang sagot dahil ako rin po ay nagtataka kung bakit mas mahal yung non-branded sa branded. Sa cake na lang po, umasenso na kayo kay Kid Peña. Marami pa ho yatang ibang larangang puwedeng umasenso.

Itong malakas na bumanat sa ating kandidato, 2014 pa lang, may alegasyon na pala ng katiwalian. Ako lang ba ang nag-aabang ng malinaw na sagot mula sa taong ito, na isa sa mga naghahangad na maging Pangulo ng Pilipinas?

Alam niyo, 30 years na po ang paglipas ng EDSA. Noong panahong yun, ang kaibigan nating si Jojo Binay—na kandidato ngayon, na maraming sinasabi tungkol sa akin—alam kong malinaw sa kanya ang tama. Thirty years ago, kami ang magkasama na nagsasabing mali ang dilim ng diktadurya, kailangan itong labanan, pati buhay natin, isinugal.

Dito sa Makati, unang araw ng EDSA Revolution, magkasama kami; dito namin nadatnan at nalaman ang balita tungkol sa nangyayaring People Power Revolution. Dito namin pinasalamatan ang mga naaping nagbantay ng balota noong snap elections. Naaalala ko po kaming dalawa: May naglabas ng radyo, ang tawag noong araw ay boombox, na napapakinggan namin si Fidel Ramos at si Juan Ponce Enrile. Lahat ng kasama namin sa pagtitipon, nagtinginan, nagtawanan. Talagang paniwala nila, tapos na ang Martial Law. Kaming dalawa ho ni Jojo Binay, nagkatinginan dahil alam namin “Heto na. Dadamputin na tayong dalawa. Makukulong na tayo dito sa islang tabi ng Corregidor at bahala na talaga si Batman sa atin.

Sa mga sandaling iyon, lumapit ako sa kanya at nagpaalam. Sabi ko, “Pare, ang nanay ko nasa Cebu. May mga kapatid ako na nasa bahay sa Times. Kailangan kong ilagay sila sa maayos na kondisyon. Ang sabi po niya sa akin, “Ihahatid na kita.” At hinatid nga po ako. At talaga namang napalapit tayo sa kanya noong mga panahong iyon dahil inuna po niya ang kapakanan namin bago sa kanya. Thirty years ako po, napakaliwanag niyon: Kapwa muna bago sarili.

Totoo: Noon, magkasanggang-magkasangga tayo; tutol tayo sa diktadurya, at handang isugal ang ating buhay para sa kapwa. Diyan nagsimulang lumalim ang aming pagsasama. Napakalinaw noong mga panahong iyon kung sino si Jejomar Binay. Ngayon, ang tanong: Saan na kaya napunta ang nakilala kong Jejomar Binay noon?

Halimbawa na lang, ang sabi mo: Ang 4Ps, gagawin mong 5Ps. Sabi raw ho, habang ginagawa niyang 5Ps, babawasan niya ang buwis. Noong narinig ko po iyan, ang sabi ko, “Ang galing mo naman.” Lahat ho ng maybahay sa bulwagang ito, pag sinabihan kayo ng mister ninyong “Sa susunod na buwan, babawasan ko ang budget mo.” Titingin yung asawa. “At habang binabawasan ko ang budget mo, kailangang dadagdagan mo ang mabibili mo.” Magkakasundo ho kaya ang mag-asawang iyan? Kaya siguro sinabi ng isang anak mo, iimbestigahan niya ang 4Ps, dahil dapat ay 5Ps. Kaya kapag ating inisip ang lahat ng kanyang sinabi, hindi naman siya dapat magalit sa akin. Nakakatanda siya sa akin nang malaki. Kuya, ano ba talaga?

Mga kasama, alam po ninyo, may nagsabi na sa akin: Maging praktikal na lang daw ako. Wag ka nang mag-endorso, wag ka nang pumabor kahit kanino, at hindi rin madadagdagan ang kaaway mo. Ang akin naman po, kapag ginawa ko yan, tumotoo ba ako sa salita ko sa inyo? Bilang Ama ng Bayan, malinaw sa akin, tungkulin kong maging gabay sa inyo at sa buong sambayanan.

Para klarong-klaro po, bigyan ko kayo ng isang halimbawa tulad ng halimbawang ginamit. Ano ba ang ipinaglalaban natin sa kasalukuyan? Nagpunta kami ng Pampanga, nakausap namin ang isang ina. Ito ina po, ang sabi niya sa amin ay pito ang anak niya, iniwan siya ng mister niya. Sabi niya, ang pinag-hahanapbuhayan po niya ay “nagtitinda-tinda.”

Pag pinakinggan po natin ang “nagtitinda-tinda,” paminsan-minsan nagtitinda, kung minsan hindi nakakatinda. Iyon ang pinagkukuhaan ng kabuhayan. Kung hindi siya nakakatinda, paano yung pitong anak niya?

Sabi po niya, dahil sa 4Ps, napagtapos na niya ang tatlo sa pito niyang anak. At ang tatlo pong iyan, mayroon nang permanenteng trabaho sa kasalukuyan.

Kung itong maybahay na ito, dumating sa entabladong ito, kinausap tayong lahat, sinabi yung kuwento niya, “Kayo, baka di man ninyo alam, natulungan na ninyo ang tatlo sa pito kong anak. Sila, nakakatindig na sa sariling mga paa. Walang pabigat sa inyo. Hindi kayo hiningian na bumunot ni piso sa bulsa ninyo, at nakatulong na kayo. Mayroon pa akong apat na anak na umaasang ituloy niyo ang kasalukuyang pagbabagong nangyayari, para naman dumating ang puntong hindi na kami pabigat kanino man. Nakatindig kami sa sarili naming mga paa.” Pag tayo ho, pinuntahan tayo, tinayuan tayo diyan, tinanong tayo, “Kayo ba kaya ninyong isugal ang maganda nang pagbabagong nangyayari sa amin? Sana naman po, dinamayan na ninyo kami, ituloy na ninyo ang pagdamay ninyo sa amin para tuluyan na talagang makatindig kami sa sarili naming mga paa. Dapat ho, ituloy natin itong Daang Matuwid.”

Mga Boss, panahon na nga ng kampanya, at lahat ay magaganda ang sinasabi. Ang tanong: Magagawa ba nila ang matatamis nilang pangako? Naalala ko nga po: Noong 1965, nabasa ho natin ito, ang sabi ni Ginoong Marcos, “I will make this country great again.” Alam naman natin ang naging resulta after 21 years in office. Yung pinalitan ko naman po, ang dami ring ipinangako. Alam na rin ninyo ang nangyari. Tila kabaliktaran ng binitiwan niyang mga salita.

Tunay nga po: Ang darating na halalan sa ikasiyam ng Mayo, ang halalan pong iyan, isang referendum. Ano ba ang gusto ninyo: ang ginawa nila, o ang ginawa natin? Kayo ang Boss, at kayo ang masusunod. Ang akin po: Napakaganda na ng ating nasimulan. Babalik pa ba tayo sa madilim na nakaraan? Mananalangin na lang ba ulit tayo at sasabihing “Sana, makatsamba ulit at umayos ang sitwasyon”? Tapos, ipaglalaban ulit ang pagbalik ng tiwala ng lahat sa gobyerno. E hindi naman natin kailangang isugal.

Malinaw po: Hindi na natin kailangan iyan ngayon, dahil sa kasalukuyan po, mayroon tayong Mar Roxas at Leni Robredo.Maayos ho bang kaisipan ang susugal tayo sa “baka”—baka ituloy ang pinagsikapan natin ngi ba; baka di mambola ang mga ibang ito; baka tototoo sa mga ipinangako. Bakit tayo aasa sa “baka” kung meron na tayong sigurado?

Ang panata po nina Mar at Leni: Itutuloy ang Daang Matuwid. Bakit tayo maniniwala sa kanila? E klarong-klaro po: Kasama natin silang bumuo at bumagtas sa landas na ito. Kasama natin silang sumalo ng lahat ng batikos, pasakit, at pahirap. Pareho kami ng pinagmumulan na ito ang tamang gawin, na talagang dapat damayan, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan.

Kita niyo naman po: Sa huling survey, mas mataas pa ang numero natin ngayon—ang akin pong personal—kumpara noong nahalal ako. Patunay nito na kayo pa rin ang aking lakas; kayo pa rin ang gumagawa ng pagbabago; kayo ang nagsimula at magpapatuloy ng lahat ng ito.

Sa totoo lang, pumasok tayo sa kampanya na kulang sa pondo at kagamitan. Kita niyo naman, ultimong damit ng partido, wala ho yatang nagkapareho, iba-iba ang disenyo. Ang pareho lang po natin, pare-pareho tayong nakadilaw. Bakit ho? Hindi kami nagnakaw para makabili ng maraming t-shirt na ipamigay sa inyo.Pero ito ho, bago. Kasi noong isang araw ho, 2010 ko pa ginamit. Buti na lang mahusay ang nag-aalaga sa akin sa bahay na naitago niya yung 2010 na ginagamit ko po.

Inaambag namin ang kaya namin, at nakikiambag ang sumusuporta sa amin. Sa simula’t simula po, nasa likod namin ang sambayanan, dahil tumotoo kami sa sambayanan. Iyan ang aming malinaw na ipinaglalalaban.

Mga kasama, doon na nga po tayo sa maliwanag na ipaglalaban ang sambayanang Pilipino: Si Mar Roxas at si Leni Robredo.

Marami tayong nakausap, at paulit-ulit: Tama na yung nagawa mo. Puwede nang manahimik ka na. Hindi lang manahimik sa pulitika, manahimik—alam na ninyo—sa ibang bagay. Ang punto lang ho, simpleng-simple: Mayroon naman akong obligasyon sa inyo. Mahirap talagang magpaalam, minsan malungkot. Pero ang importante sa akin, pag nagpaalam na ako sa inyo, nagretiro na po tayo, nasa maayos kayong kundisyon.

Simula’t simula po, wala akong sinabing “Ako ang pinakamagaling. Ako ang pinakamatalino. Ako ang pinakaperpektong tao.” Hindi ho. Simula’t simula, ang parating sinasabi namin, mula pa panahon ng tatay ko, ng nanay ko, “Ang lakas namin, kayo.” Kaya nga ho “People Power” ang pinag-uusapan. Tinuruan ako ng mga magulang kong muli, “The Filipino is worth dying for.” Sabi ng nanay ko, “The Filipino is worth living for.” Ako, idinagdag ko naman po yung “fighting for.”

Dito po, ang nangyayari sa atin ngayon, tayo ang lumikha. May mga pinanggalingan tayong madilim na yugto ng ating kasaysayan. Walang dahilan na bumalik tayo sa kadilimang iyan dahil ang lakas naman ho talaga ay nasa inyong mga kamay. Gamitin natin nang tama. Wag tayong maligaw. Wag tayong madaan sa magagandang salita. Alam namin ang totoo. Ipaglaban natin ang totoo. Ipaglaban natin, lalo na, ang susunod na salinlahing umaasa sa ating lahat.

Alam ninyo, si Jillian kanina, medyo nagmamadali noong sabi niya, ang nanay niya ang gumawa ng homework niya. Hindi ho. Ang tumutulong sa kanya, yung nanay niya. Dahil hindi ninyo naitatanong, itong si Jillian, nasa medyo ordinaryong eskwelahan, Philippine Science High School lang. [Kaya pagdating ng panahon, tuturuan niya ako ng higher Math.

Mga kasama, baka hindi na po tayo makabalik bago dumating ang ikasiyam ng Mayo. Tinuruan akong sumandal sa sambayanan, tulad ng dati, sumasandal po ako sa inyo dahil sa inyo talaga ang lakas na ating pinagkukunan para ipaglaban ang lahat.

Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.