INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
DZRB / Balita at Panayam by Alan Allanigue
14 April 2016
ALAN: Secretary Coloma, sir, ang Pangulong Aquino po ay bumisita mismo sa wake ng mga sundalo na namatay diyan po sa sagupaan sa Basilan at kasunod po nito ano hong dagdag na mga developments na maaring maihayag na ninyo sa ating mga tagasubaybay, Secretary Coloma, sir?

SEC. COLOMA: Patuloy pa ring tinutugis ng ating Sandatahang Lakas ang mga outlaw group na nariyan sa Basilan. Batid natin na ito iyong mga naghahasik ng kaguluhan at ligalig sa pamamagitan ng mga aktibidad katulad ng kidnap for ransom at iyong mga nakakalap nilang salapi mula sa extortion iyon din ang nagiging patuloy nilang suporta sa kanilang mga illegal na aktibidad. Kaya’t malakas ang determinasyon ng ating pamahalaan na bigyan na ng tuldok ang kanilang mga gawain para matapos ang kanilang paghahasik ng lagim at ligalig sa ating mga mamamayan.

ALAN: Opo. At to this end, Sec., ang koordinasyon po ng iba’t-ibang mga operating units diyan po sa Basilan and nearby areas kumusta naman po, sir?

SEC. COLOMA: Maayos naman ang pakikipag-ugnayan ang ating Sandatahang Lakas at ng ating Pambansang Kapulisan. Nais ko lang magbigay ng dagdag na paliwanag, Alan.

ALAN: Opo, please.

SEC. COLOMA: Kung maalala natin kailan lang ay nagpasinaya ang ating Pangulo ng isang mahalagang proyekto pang-imprastruktura, iyong Basilan Circumferential Road. Kung tutunghayan kasi natin itong island province of Basilan, marami po dati na mga bayan at lungsod nito ay kumbaga ay watak-watak — mahirap magkaroon ng connectivity sa pagitan ng mga bayan dahil iyong mahabang kalsada nila higit sa kalahati nito ay hindi pa tapos. At simula nung 2012 ay tinapos ng administrasyong iyong concrete paving nitong Basilan Circumferential Road, dahil island nga iyong ating tinutukoy, Alan. Dati ay halos apat na oras ang gugugulin para malibot o marating ang lahat ng bayan sa Basilan. Kalahati na lang iyong oras ngayon, dalawang oras na lamang. At iyong distansiya o iyong travel time between towns on, sa pagitan ng mga bayan, ay umikli dahil gumanda ang kalsada. Bukod pa riyan ay merong ginagawa ngayon, ang tawag naman ay ‘Transcentral Road Project.’ Kung iyong circumferential ay nasa paligid ng isla; iyong transcentral ay nasa gitna. Dahil ayon kay ARMM Governor Mujiv Hataman, na taga-Basilan, merong bulubunduking lugar sa gitna na humahadlang din sa maayos na pagdaloy ng mga sasakyan at ng mga tao. Kaya’t kapag natapos itong Transcentral Road Project ay lalo pang iinam ang daloy ng tao at kalakal at progreso sa Basilan.

Noon ngang nagpasinaya ang ating Pangulo nito, merong dalawang nagbigay ng testimonya. Iyong isa ay pubic school teacher at ang sabi niya napakalaking ginhawa sa kanila ito, no. At napakalaking pagbabago sa kanilang buhay. Dahil ngayon ay malaya na silang nakapapaglakbay. Dati mismong mga guro ay dinudukot, kini-kidnap at nagiging—napapasangkot ‘no dito sa mga hindi mainam na ginagawa ng mga bandido. Ngunit ngayon, dahil sa kalsadang maayos, ay panatag na ang kanilang kalooban, napawi na iyong kanilang takot. Iyong isa namang Barangay Captain ang kanyang sinabi ay maganda na ang daloy ng tao at negosyo. Dati walang gustong mag-negosyo doon sa kanilang lugar ngayon dahil maayos ang kalsada ay napawi na rin iyong ligalig o agam-agam sa ating mga mamamayan at sila ay nakakapamuhay ng matiwasay.

Ano ang implikasyon nito, Alan? Kung dati ay parang malaking kagubatan ang ating tinutukoy ay nabuksan na at naging maaliwalas na ito. At dahil dito lumiit na iyong lugar na kung saan puwedeng mag-operate ang Abu Sayyaf at iba pang mga grupo. Kumbaga ay nakukubkub na sila sa iilang mga lugar at doon na sila ngayon naiipon at dahil doon ay nagkakaroon ng engagement sa ating mga tropang pampamahalaan. Dapat maunawan ng ating mga kababayan na ganyan ang pangyayari. Hindi lang naman ito basta sumiklab, patuloy na itong nangyayari. Pero may bagong kaganapan diyan: iyong pagdating ng progreso — iyong pagkumpleto ng imprastruktura — pinaliit natin iyong lugar na kung saan puwedeng maghasik pa ng ligalig. Iyan ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng labanan, iyong firefight. Pero iyong ginagawa ng pamahalaan ay hindi nalilimita sa paglaban sa kanila sa pamamagitan ng armas; iyong higit na pinagtutuunan ng pansin ay iyong pagsasa-ayos sa kabuhayan ng ating mga kababayan para na rin sa kanilang magandang kinabukasan.

ALAN: Opo at considering malaking pera din ang ibinibuhos ng pamahalaan dito sa ganitong mga uri ng proyekt0 gaya ng binabanggit ninyo sa Basilan at sa iba pang panig ng bansa para kumbaga ay hindi nasasabi nung mga kababayan natin na ang mga infrastructure ay nakasentro sa mga urban areas lang gaya ng Metro Manila kung hindi nariyan din iyan sa iba’t-ibang mga lugar para higit na mapagdugtong-dugtong, ika nga, ang ating archipelago, Sec. Sonny, hindi po ba?

SEC. COLOMA: Tama iyan, Alan ‘no. At mahalaga kasi nga iyong imprastruktura para sa kabuhayan. Mahalaga iyan para maging maayos ang daloy ng tao at ng mga kalakal, maging masinsin iyong pakikipag-ugnayan ng ating mga mamamayan sa iba’t-ibang mga komunidad at iyan iyong naghahatid ng kaunlaran. At kapag may kaunlaran, may kapanatagan at katahimikan sa ating mga komunidad.

ALAN: Opo. Well, Secretary Coloma, salamat po ng marami, sir, for the updates mula po diyan sa Palasyo, sir.

SEC. COLOMA: Maraming salamat. Magandang umaga, Alan

SOURCE: NIB-Transcription