President Benigno S. Aquino III’s Speech at the gathering of friends at Club Filipino
Cory C. Aquino Kalayaan Hall, Club Filipino, Greenhills, San Juan City
14 Apr 2016
 
Si Gary Valenciano daw nandito, sabi ko sa kanya, “Handa na ako Gary. Handa na ako’y ipakilala ikaw, habang makiki-duet is Mar Roxas sayo.” Hindi ko gagamitin yung teleprompter at saka iikot-ikot ako. Sana walang mahilo dito habang umiikot tayo.

Inisip ko nga kung ano ba dapat ang pag-usapan natin ngayong araw na ito. Siguro maganda ang kasabihan ng mga Tagalog, sinasabi nila, “Para malaman ang paroroonan, tingnan ang pinanggalingan.” Kanina, sabi ni Leni alam na niyo ang kuwento niya. Baka oras namang magkuwento ako.

Palagay ko, sa lahat sa atin ditong politiko, meron ba sa ating pumasok ditong, “Gusto kong maging congressman, gusto kong maging mayor dahil gusto kong ma-interview ng media”? Wala ho siguro. Lahat tayo, lalo na noong nag-uumpisa, parati nating iniisip, “Meron akong maiiambag e. Meron akong maitutulong dito sa mga kababayan ko. Merong mga mali dito sa lipunang iniikutan ko. Puwede kong baguhin yan.” Tama ho ba? At tulad ko ho siguro, marami rin kayong frustration along the way.

Galing ho akong Tarlac kamakailan. Meron ho kaming bayan sa Tarlac sa second district, ang ngalan ay Gerona. Yung Gerona po, may bumabagtas, yung Tarlac River. Merong western portion tapos yung center ng Gerona. Pag tag-init, dry na dry yung Tarlac River. Talagang parang iniisip mo alaala yung river, walang katubig-tubig yun. Tawiran ng tao yung riverbed. Pag tag-ulan naman, rumaragasa yung tubig. Pagragasa ng tubig, nahahati yung Gerona. Yung taga-Gerona sa western, iikot ng bayan ng Sta. Ignacia—ibang distrito na po yon—pupunta nang Tarlac City para makapunta sa sentro.

Noong ako unang naupo, talagang ang ambisyon, sana meron kaming tulay na maski tag-ulan puwede naming tawiran. At bilang kinatawan lang, ipinaglaban natin yan.

Sabi ng Pangulo noong 1998—noong una kong pagtakbo bilang congressman, kakatapos lang ng Asian Financial Crisis—walang pondo. Lahat ng departamentong pupuntahan mo, walang pondo, walang pondo, walang pondo. Noong panahon na yun, meron nang PDAF. Tinanong ko sa DPWH, “Puwede ba i-commit ko sa inyo ang buong PDAF ko dito sa term ko?” Tatlong taon worth ng PDAF para maitayo yung tulay. Sagot sa akin ng DPWH, wala raw sistema na puwedeng installment plan. Kailangang kumpleto.

Ano ang problema? Taon-taon, tag-ulan, raragasa yung ilog, sisirain yung pampang. Taon-taon, palawak nang palawak yung kailangan lagyan ng tulay. Para bang pag nakahanap ka ng pondo, nilalayo yung finish line. Madaling salita: Maliwanag na kailangan nila—may karapatan naman sila siguro maging manatiling isang bayan—pero parang walang magawang paraan.

Bakit ko ikinuwento po? Yung pangalan po ng bridge, Tagumbao Bridge sa kasalukyan. Na-inaugurate na po yan, natapos noong 2014, 600 lineal meters yan. [Palakpakan] At kung makita niyo yung tawa nang nasa western barangay—talaga ho, parang yung Gerona medyo progresibo nang dinatnan natin. Yung western talagang napag-iwanan. Ngayon, hindi lang nakonekta na yung Gerona nang buo, nagiging alternatib pa pag dadaan ka ng Tarlac papuntang ng Pangsainan. Nadagdagan natin yung ating puwedeng daluyan.

Bigyan ko kayo ng isang halimbawa pa: Sa Batasan, nagkataon ho may lumapit. Sabi sa akin, “Hindi ho namin kayo congressman. Hindi ho namin mahanap yung congressman namin, pero baka puwede namin ikonsulta yung problema namin sa inyo.” Sabi ko, “Ano ho ba problema?” “Wala ho kaming pamasahe para makauwi.” Alam niyo sa Batasan, di ba, pag nandoon ka sa 5th floor o sa 6th floor, kung minsan nakikita mo yung seminar ng mga professional na may problema.

Monday po ako hiningan, susunod na araw pagtapos ng session, nagkita na naman kami. Sabi sa akin—binigyan ko kasi noong naunang araw. Kako, “Magkano at saan ba kayo nauwi?” Di ko na sasabihin kung anong probinsya siya galing. Baka naman mainsulto ang ating mga colleague. Susunod na araw, nagkita na naman kami. Sabi sa akin, “Nakakahiya naman ho, baka puwede lumapit ho ulit sa inyo.” Kako, “Ano ho ba problema?” “Wala ho kaming pamasahe.” Puwede ba ang pulitikong sumimangot? Hindi. Ngiti ka lang. “O sige po,” kako, “ito.” Bunot ka na naman.

Dumating yung Wednesday, huling araw ng session—hindi ako nagbibiro, nangyari ho talaga ito—ito na naman sila. [Tawanan] Kabilaang dulo ho ng plenary nakita ko, tapos sabi ko, “Ito na naman.” Tapos lumilingon ako, “Nasaan ba yung kongresista nila dito?” Siyempre frustrated na rin tayo, na gusto mo namang makatulong, pero parang feeling mo naman—tao rin naman tayo—nauto-uto na yata tayo masyado nito.

Noong pag-abot ko po ng pangatlong araw na pamasahe niya, sabi ko, “Brad, kung pupuwede, magpapayo lang ako sayo.” “Ano po yun?” “Bukas, kung wala ka namang sadya, wag ka na lang umalis ng bahay. [Tawanan] Para hindi mo na problemahin yung pag-uwi.” Awa ng Diyos, nagkaintindihan na kami, hindi na ako binalikan pagkatapos noon.

Nagkaroon na rin ako ng suki sa Batasan. Nakikita ko pa yung mukha niya ngayon e. [Tawanan] Sa totoo lang ho, e di parokyano ko na sa Batasan, hindi ko naman talaga constituent. Noong naging senador po ako, sinundan ako sa Senado. Sabi ko, “Nay, nagawi ka dito.” “Pag-alis po ninyo wala na kaming malapitan e.”

Hindi pa ho natapos doon; eventually, sa Times. Pag weekend, sa Times po ako pinupuntahan. At saka hindi na ho nagsasabi ng problema, ngingiti na lang. “Sige ho,” kako. Pero hindi naman masama. Kung makakatulong ka, bakit hindi. Sana makatulong kang permanente.

Pero ilan ho sa atin ang nilapitan ng ating mga constituent? Baka sinabing kailangang magpaopera, nabigyan natin ng ilang daang piso, pero alam nating ang layo doon sa kailangan niya. Baka nabigyan natin ng libo pero bitin pa rin sa kailangan niya. Baka bibili ng gamot, bahagya lang ng gamot na kailangan niya ang kaya nating itulong.

Lahat tayo napag-isip: Wala kayang paraan para kaya na niyang sarilinin ang problema, kaya na niyang iresolba ang problema niya? Wala ba tayong magagawa na makumpleto natin ang tulong sa kanya? Di ho ba, inambisyon natin lahat yan.

Balik tayo sa distrito ko noong araw: Masuwerte na akong magkaroon kada taon ng 14 kilometers na puwedeng i-pave. 14 kilometers divided by 159 barangays, wala man lang akong mapangakuan ng isang kilometro, ipinaglalaban na iyon. Eskwelahan: Yung mga kasabay ko mula noong 11th, 12th, 13th Congress—umamin naman kayo—na kapag meron tayong walo o sampung klasrum sa distrito, pag nakaisang dosena ka, ang galing mo at na-produce mo taon-taon. Ang laking bagay na. At kung minsan napapag-isip ka: Nakadala ka ng labindalawang klasrum na bago, ilan naman yung kailangan pang palitan, puwede pa doon sa kulang?

Lahat tayo nag-aambisyon. Kung minsan, may iba talagang napapagod na. Para bang may problema, magbigay ka ng solusyon na buo, lipat ka ng ibang problema, mabigyan mo ng solusyon, diyan medyo gaganahan ka. Pero pag parating bitin ang solusyon, imbis na nababawasan yung problemang dinatnan mo, tumatabla lang o kung minsan ay nauulanan ka pa ng problema. Parang dinadaganan ka ng problemang di matapos-tapos. Ilan sa atin ang nagsasabing “Nakakapagod na”? “Di ko naman makukumpleto itong trabahong to”? “Hindi ko yata matutupad yung inambisyon kong talagang magbibigay ako ng pagbabago dito sa komunidad namin”? “Baka may ibang mas may kaya”? At yan ang pinagdaanan natin nang pagkatagal-tagal na panahon.

Pero ngayon po, ano ba ang sitwasyon natin? Balikan ko na lang ho ang Tarlac: Dati, walo, sampu, isang dosena sa distrito. Dati, 8,000 lang kasi ang klasrum na kayang suportahan ng national budget. Ngayon po, sa tulong ninyong lahat, sa tulong ng ating mga kababayan, 185,000 classrooms ang na-provide natin.

Ang 699 meters na Tagumbao Bridge na imposible noong araw, bahagi lang ng 107,000 lineal meters ng tulay na ipinagawa na natin sa buong bansa. [Palakpakan] Yung hindi natin matulungang ipagamot, 93 million na ang miyembro ng PhilHealth. [Palakpakan] Iyang Pantawid Pamilya na tinutuligsa ng marami at inaangkin na ngayon ng lahat, [palakpakan] nag-umpisa tayong wala man lang 800,000 na kabahayan. Hindi pa maliwanag kung paano naisama doon. May mga probinsya pa tulad ng Cavite, Batangas, na zero—walang tinulungan. 4.6 million na kabahayan na ang tinutulungan natin ngayon.

Kanina ho yata nakita ninyo yung bidyo, nakalimutan ko nga lang yung pangalan ng babae. Ang asawa niya, kailangang umalis ng bahay nila para magtrabaho. Ang iniiwan sa maybahay, P20 for four weeks. Ipinakita sa bidyo, kumukuha ng mga shell, para may iulam. Hindi ho binanggit yung kanin—ilang kilo ba ang kayang mabili ng bente pesos? Bitin. Divided by four weeks. Ngayon, eight weeks na pong nandoon sa programa. Napagpatapos na sa kolehiyo ang anak, may isa pang anak na nag-aaral ng kolehiyo, may sarili nang negosyong buy and sell raw ng appliances, at talagang nakatindig na dahil nabigyan natin ng livelihood program.

Kayo, sa lahat ng distrito ninyo, sa lahat ng bayan ninyo, meron kayong makukuhang mga magte-testify kung ano ang pagbabagong nangyari sa kanila. At uulitin ko: Ilan sa atin ang nakapag-isip na makakatulong tayo ng milyon-milyon? Na mababago natin ang hitsura ng ating bansa?

Dagdagan ko pa ho: Noong araw po, sa Lanao del Sur, bayan ng Wao, at Bumbaran, pag dadalawin ang governor, walong oras ang biyahe, dahil dadaan pa siya ng Cagayan de Oro, Iligan, Bukidnon, para makarating sa magkalayong bayan na ito. Nabuksan na raw yung mga kalsadang kailangan, susunod ay ipapasemento. Ang biyaheng walong oras, isang oras kalahati ngayon.

Ulitin ko lang ho: 18,000 kilometers of national roads na po ang naipatayo. Maraming tourism roads ang di pa pala kasama sa 18,000. Yung tourism road, madali sa turista na makapunta, tulad ng whale watching. Madaling nang puntahan ngayon, dumadagsa ang mga turista, may hanapbuhay ang mga kababayan natin doon, naaalagaan pa ang environment. Iyan po—lahat ng binabanggit ko sa inyo—Daang Matuwid.

Dagdagan ko pa po: Noong tayo’y nag-uumpisa, nakikipagtungo sa ibang bansa, mga lider ng ibang bansa, parang bang mga unang beses ng pagpupulong ko sa ibang mga lider, pag kinausap ko parang damang-dama kong pinagtitiyagaan lang tayong kausapin. Parang obligado [lang] silang kausapin [tayo]. Ngayon naman ho, dumating ang isang punto—di ko na babanggitin kung anong bansa dito sa ASEAN, isa sa pinakamayamang bansa ng ASEAN—nagkaroon ng public forum. Ang sabi sa akin, “President Aquino, your GDP grew by… Ours grew by…” Sa atin at that time, parang 6 percent plus, sa kanila 1 percent plus. “What is your secret?” Sa totoo lang ho, sa loob-loob ko, “Bakit ko naman ise-share sa inyo? [Tawanan] Ngayon pa lang kami nakakabawi-bawi.” Pero diplomatiko ako. Sabi ko, “We copied your example.” Sa totoo lang ho, talagang tinitingnan na tayo ngayong partner ng maraming bansa.

Naalala naman ninyo ang kuwento ni Mel Sarmiento. Nagpunta siya bilang mayor [sa ibang bansa], ire-represent ang Pilipinas. Dumating ang taga-Japan, “From Japan! Please, welcome!” Dumating ang taga-Singapore, “From Singapore! Welcome!” Nakita yung passport ni Mel, “From the Philippines… Purpose of visit?” Tapos sabi pa raw sa kanya, “Proof that you are here to attend an international conference.” Buti raw may dala-dala siyang sulat.

Nagdala pa siya ng calling card, isandaang piraso. Pagbalik niya, 101 yata yung calling card niya. Pag nalaman daw na Philippines, ayaw daw lapitan ng ibang mga mayor sa ibang bansa. Baka raw mahingan ng ambulansya at saka fire truck. Noon po iyon. Ngayon, si Mel namimigay ng fire truck, patrol vehicles.

Si Cesar Purisima, nag-attend din ng isang conference. Nagkumpol-kumpol yung mga grupo, may mga mesa, may mga silya. Si Cesar Purisima raw, nag-iisa doon sa atin. Finally noong hapon, matatapos na yung breakout session, may lumapit. Sabi ni Cesar, “Sa wakas, may kakausap na sa akin.” Sabi sa kanya, “Can I borrow this chair?” Noon iyon. Ngayon, ilang taon naging best Finance Minister si Cesar Purisima? Doon nagmumula yung dating Sick Man of Asia, ngayon, Asia’s Rising Tiger.

Mga kasama, hindi naman ako ang kandidato. Malabo namang ako ang mahabang magsalita dito. Ngayon, kung imbitahan ako ni Gary Valenciano mamaya, tatawagin ko si Mar.

Ito ho siguro ang simpleng-simpleng gusto kong iwan sa inyong lahat: Tingnan natin kung saan tayo nanggaling. Ilang taon, ilang dekadang inisip nating “Iyan ang tadhana ng Pilipino. Hindi na magbabago yan.” At ngayon, ipinakita natin, “Ang laki ng pagbabago kung maayos ang pamamahala.”

Bakit ang daming infrastructure na nagawa? Simple lang ang sagot: Di namin ninakaw.

Tingnan ninyo ang Sitio Electrification Program, 32,600 mahigit na sitio ang napakuryentehan natin. Ang target, 32,400—nadagdagan pa ng 200 plus. Tinanong ko ngayon ang ating NEA Administrator, “Bakit may nadagda?” “Meron hong hindi naniwala. Hindi nagpalista noong 2011. Ngayon ho na nakakabitan na lahat ng kapaligid nila, ‘Teka, kami rin!’” Idinaan sa proseso. Pati yung napakahirap idikit sa grid dahil napakaliblib na lugar, napakamahal ng kawad, ng poste, para maidikit sila, sila raw pupunta sa renewable. Solar energy naman ang next na ginagawa sa kasalukuyan at bini-bid out.

Kanina, sinasabi sa atin ni Zeny Maranan na dapat walang bolahan dito, walang pagsisinungaling. Merong iba sa inyo, ngayon ko lang nakasama, pero talaga naman hong wala tayong probinsya o bayang pinabayaan o iniwan. Simple lang: May pangangailangan ba ang komunidad na iyan? Pag ang sagot, “oo,” gawin natin. E di ginawa po natin. Ang ginawa natin, hindi pa-cute, hindi pampapogi. Ang sabi ko nga sa inyo, okay na sa aking pogi na ako sa nanay ko. Pero kailangan ng taumbayan. Matino yung proyekto, yung investment ng Estado may pakinabang.

Nasaan tayo ngayon? Mayroon tayong mga di matatapos na mga proyektong talagang malaki. For instance, yung sa Laguna Lake: ang problema ay baha. Both sides—western at eastern side. Inisip natin yung Laguna Lake na ring road dike. Pakinabang: makokontrol yung flood, mabubuksan yung mga lugar na mahirap puntahan ngayon, magkakaroon ng oportunidad.

Saan tayo humantong? Umabot na tayong may bidding, pero kinlose [close] na nga natin yang bidding na yan. Maiintindihan natin ang mga negosyante, PPP Project ito e. Yung kailangan nating imprastruktura, magbabayad ang pribadong sektor, may ibabayad pa sa atin.

Bakit humantong na hindi natuloy-tuloy ang bidding? Simple lang naman ho: Ang pambayad natin, may mga ire-reclaim na lupa. Yung reclaimed na lupa, hinihintay naman ang katiyakan ng mga negosyante na ibabayad nga sa kanila. So kailangan ng proklamasyon na “Alienable and Disposable”. Pero hindi ko naman puwedeng iisyu yung proklamasyon dahil ire-reclaim pa lang yung lupa. Wala pang lupang puwedeng i-dispose. So magpapalit na ho tayo—77 days na lang ako. Pag natapos yon, baka makalimutang may babayaran sa kanila. So ang sabi nila, “Hintayin na lang namin yung susunod na administrasyon para maliwanag.”

Isa pang proyekto: Ililipat natin ang National Bilibid sa inyo. Bakit natin ililipat doon? Sobrang congested ng Muntinlupa. Lahat ng solusyon na ginawa, band-aid. Kulang ng pasilidad—”Dito may kapraso pa, dagdagan natin diyan.” Palagay ko, pag naghanap tayo ng masterplan ng Bilibid, at ikumpara natin sa actual, maski kasinggaling na inhenyero tulad ni Babes Singson, mahihilo.

Yung mga kasintanda ko, naalala ninyo yung sineng “Escape from New York”? Ano yung konsepto doon? Lahat ng kriminal buong New York, pinader, iniwan diyan, bahala na kayo sa buhay ninyo. To a degree—hindi naman to the same degree—yung Bilibid parang ganon. Pagdating sa oblo, parang sarili nilang komunidad. Kulang ng espasyo, kulang ng kulungan, kulang ng makabagong pamamaraan.

Yung plano dito, talagang bagong pasilidad na tatama sa ratio ng living space at dami ng preso. Tama yung kulungan, tama yung makokontrol, mao-observe, mamomonitor, lahat ng mga preso. Payag na yung komunidad na Nueva Ecija. Matatapos na po yung buong proseso, pero ang pinakamasakit niyan, pag natapos yung documentation, lahat ng kailangang gawin, aabot po ng June 29. Pag pinirmahan ko yon, midnight deal. Pag hindi ko pinirmahan yon, magdadasal tayo. Yung susunod sa atin, sana iimplement itong solusyon sa Bilibid.

Ano ho ba ang problema? May drugs na nakukuha. Mukhang may sindikato pang nasa labas, pumasok sa loob, tuloy ang pagiging sindikato nila. Hirap tayong ikontrol. Twenty-nine times nang nire-raid ng BuCor officials, hanggang ngayon may nakukuha pa rin. Talagang ganon e. Para bang pinabayaan na lang na lumaki nang lumaki ang problema. May solusyon tayo. Pagdating ng June 29, tapos na po ang eleksyon, pag si Mar Roxas ang naupo, sigurado akong ipagpapatuloy niya iyan kaya puwede nang hindi ko pirmahan yan.

Ang pinakabuod—at ito siguro ang pinakamatinding pakiusap ko sa lahat—ang layo na ng inabot natin dahil sa pagtahak sa Daang Matuwid. Hindi tayo nakakasigurado, pag humiwalay tayo kay Mar at Leni, na pareho ang pananaw ng papalit sa kanila. Hindi tayo sigurado sa kakayahan, sa eksperyensiya, at saan ba nagmumula, saan ba ang tutok? Babalik ba tayo sa tutok sa sarili o itutuloy yung tutok sa kapwa?

Ano ba ang sinasabi ng mga survey? Para sa akin, sino ba ang gustong bumalik sa sitwasyon na yung nasa laylayan ng lipunan, sasabihin na lang, “Ganoon talaga ang buhay e. Walang umiintindi sa amin. Walang tumutulong sa amin.” Tayong lahat tumutulong sa kanila, buong Pilipinas tumutulong sa kanila. Hindi man tayo nabibigatan sa pagsulong sa kanila, ginagawa natin yung tama. Hindi yung tumutulong tayo na napakain natin nang isang beses ngayon, tumutulong tayo na talagang kaya na nilang pakainin ang sarili nila at ipagamot ang sarili nila araw-araw.

Pero balikan ko yung survey. Ang sinasabi sa atin ng survey, medyo confused yung mga tao. To varying degrees, ang sinasabi ng lahat ng oposisyon natin, itutuloy nila. Alam naman nating “Teka muna, noong ginagawa ba namin ito, kakampi namin kayo? O pinapahirapan ninyo kami?” Ano ba ang totoo? Yung pinapahirapan ninyo kami, o tutulungan ninyo kami? O itutuloy ninyo? Babalik tayo: Kailangan iklaro natin sa lahat ng kababayan natin. Hindi puwedeng isugal to. Hindi kailangang isugal na bumalik tayo sa dati, na baka magkaroon ng tsamba down the line, somewhere in the future na mauulit natin ang nangyaring ito. Puwede naman nating palakihin pa, palawakin pa yung nangyayari nang pagbabago sa ating lipunan, pero hindi mangyayari yon kung tatamad-tamad tayo, kung pababayaan nating yung puro bola ang umiral. Kailangang buuin natin ang lahat ng Pilipinong makita—ipakita na iisa lang ang tambalang talagang totohanang itutuloy ang atin pong pinagsimulan. Siyempre, walang iba yan kundi si Mar at si Leni.

77 days na lang, samantalahin ko na ang pagkakataon, magpapaalam lang ako sa inyo pong lahat. Kung dumating ang punto na nagkamali tayo at kailangan na namang manindigan para ipaglaban ang tama, palagay ko ho, kung nandito pa ako, bakit hindi ako sasama sa inyo? Bakit ako hindi ang iharap ninyo sa bala ng kanyon? Okay lang ho sa akin yan. Pero ang punto: Bakit natin kailangang isugal na magkakaroon ng ganong pagkakataon? Lahat ng duda natin sa ating kalaban, bakit natin bibigyan ng pagkakataong maging totoo? Yung ating pinaka-kinakakabahan. Ang kailangan lang naman dito ay magsipag tayo lalo.

Ulitin ko: Parating ang lahat ng ginagawa natin, para sa salinlahi, susunod na henerasyon. Nasa bahay ko po ngayon, kasama ko ang dalawang pamangkin ko, si Joshua at saka si Bimby. Si Bimby, talagang maliit na maliit na bata pa. Minsan pag napapagod ako, tinitingnan ko lang sila. Lahat ba ng dinaanan ko, gusto kong daanan nila? Palagay ko, lahat ng hirap na dinaanan nating nakakaunang henerasyon, wala siguro sa ating magsasabing “Sana daanan din ninyo.” Lalo na kung mahal natin. At puwedeng hindi nga nila daanan. Pero babalik ulit doon: Gaano ba tayo kasipag sa paglaban para sa tama? Gaano kasigasig ba nating gagawin ang dapat nating gawin?

Kayo pang lahat dito, mga lider, pulitiko, sektor. Kayo ang tinitingala ng inyong mga kababayan; tinitingnan ang payo. Tapos tayo biglang magwawalang-kibo, “bahala na kayo, okay lang sakin.” Aba, hindi ho tayo lider non. Baka tayo yung una sa kaladkarin ng ihip ng hangin. Nakakahiya naman ho yata yon.

May panganib—may panganib na dadaanin tayo sa pagandahan ng ads, sa paggamit ng social media para ma-confuse ang kababayan, para magkaroon sila ng puwang para makapasok. Tayo naman, ang trabaho natin ay sabihin ang totoo, para maging tama naman ang desisyon ng ating mga kababayan, at manigurado tayo na yung nangyayari ngayon, totohanang umpisa pa lang, at magkakatotoo yung sinasabi nating “You ain’t seen nothing yet.” Ang sarap naman ng palakpak ninyo, baka hindi tayo matapos dito.

Mga kasama, alam niyo, ako po ay pinayuhan—yung mga tradisyonal na pulitiko ang sasabihin sayo, “Maging praktikal ka na lang, quiet ka na lang, friend of everybody.” Pero pag naging “friend of everybody” ako, feeling ko “friend of nobody.” Lalo na sa mga Boss kong sambayanang Pilipino na pinangakuan kong dadalhin sa mas magandang panahon.

Huling-huli na lang ho talaga: Lahat ng nagawa natin, walang nag-ambisyon noong nag-umpisa tayo na kayang magawa ito. Pero nagawa na natin. Yung nagawa natin ngayon, siyempre, tumataas ang kumpiyansa nating ang lalong mas matayog pang pangarap, lalong kakayanin natin. Pero—iyon ang mabigat—kailangan natin ng pinuno na itutuloy ang ginagawa na natin, yung hindi tayo iyu-u-turn.

Sa inyo pong pahintulot, ipakikilala ko po ang susunod na magiging Pangulo ng Republika ng Pilipinas, walang iba kundi si Mar Roxas.