President Benigno S. Aquino III’s Speech at the 68th Commencement Exercises of the Manuel L. Quezon University (MLQU)
Harbour Garden Tent, Sofitel Philippines Plaza, Manila
20 Apr 2016
 
Liliwanagin ko lang po sa umpisa ng ating talumpati na matagal ko na pong kaibigan ang inyong Chairman, papunta na kaming tatlong dekadang magkaibigan.Pero ang kailangan ho nating tandaan doon, hindi ho kami magkaparehong henerasyon. Siya ho kasi ay may senior citizen card na, ako’y matagal-tagal pa.

At dahil sa okasyon pong ito, nagpapasalamat ako, si Linda Baldoz na talaga naman pong napakagaling na kalihim ng Labor and Employment. [Palakpakan] Unang natuklasan ko, alumnus pala niyo, pangalawang natuklasan ko, after 6 years ho halos na nagtatrabaho kami, abogado pala. Ngayon ko lang nalaman, pero ang galing talaga ni Linda Baldoz dahil sa kasalukuyan, nakanood lang po tayo, 17 strike lang po ang naganap sa anim na taon sa buong bansa dahil sa sipag, tiyaga, at galing ni Linda Baldoz.

Marami ho siyang ginagawa na marathon session para maresolba kung anuman ang gusot. Ibig sabihin po noon, hanggang hindi naaayos ang gusot at nagkasundo ang magkabilang panig, hindi niya tinatantanan. Madalas po natatapos yung kanilang—conciliation meeting ba ang tawag—ng 5 o’clock ng umaga. At pagkatapos po noon, nagrereport na po siya sa akin. Kaya kung minsan ho, kasama na rin po sa kanyang benefits ang hindi matulog.

Tuwing dadalo po ako ng mga okasyon ng graduation, nakikita ko ang mga mukha ng magsisipagtapos, parang may bumabalot na isang tanong. Pangunahin po, o maraming tanong, pangunahin sa mga tanong nila, “Gaano katagal kaya magsasalita itong mamang ito? [Tawanan] Meron kaming handaan na baka lumamig.” At nasabi ko nga sa inyong chairman, “Chairman, parang wala akong nakitang handaan dito, ibig sabihin noon, kanya-kanya tayong meryenda tapos nito.”

Pero mas importante po, siyempre sa pagtatapos, parang dinadaanan natin—pagbabalik-tanaw natin—ang pinagdaanan at iniisip rin natin ang kinabukasan. Siguro ho, magandang umpisahan ko muna doon sa napaalala sa ating ibinaba sa atin ni Pangulong Manuel L. Quezon. Mamaya ko na ho babalikan.

Noong ako po’y mag-aaral pa, noong nag-graduate ako ng grade school, one year after idineklara ang Martial Law, ang tatay ko nakakulong, hindi puwedeng dumalo sa aking graduation. Noong ako po naman ay nag-graduate ng high school, Martial Law pa rin, ang tatay ko pa rin nakakulong, hindi pa rin pupuwedeng dumalaw, sumama sa amin doon sa graduation ceremony. Dumating po yung graduation ko ng college, Martial Law pa rin, at noong panahon pong iyon, napagbigyan ang tatay kong magpagamot sa Amerika sa kanyang heart bypass operation. Ngayon po, noong panahong noon, hindi naman malayang bumiyahe ang Pilipino kung saan niya gusto, kailangan niya ng tinatawag na “exit visa.” Pinagkalooban tayo exit visa. Nag-aalala ang aking ina na baka mabawi itong exit visang ito, sabi niya sa akin, “Sa lalong madaling panahon, kailangang umalis ka na ng Pilipinas.”

Mga apat o limang araw tapos ng aming graduation ceremony, ako po ay pinabiyahe na patungong Estados Unidos, kaya pati ako rin ho, hindi na kasama doon sa aming graduation march. Yun po ang tadhana ng henerasyon namin. At siguro ho, maganda naman tingnan natin, ano ang kasalukuyang sitwasyon ng atin pong Inang Bansa.

Unang-una po, nagpapasalamat tayo sa karangalan na iginawad niyo sa akin bilang Doctor of Public Administration Honoris Causa. Madalas po, Doctor of Law, Doctor of Humanities, at Economics ang naibibigay sa akin. Sa pagkakaloob po niyo ng kauna-unahang beses ng Doctor of Public Administration, naisip kong idiin, ano nga ba ang ibig sabihin ng Good Governance? Siguro ho, magandang daanan natin kung ano ang mga na-accomplish in 6 years.

Nangako po ako sa sambayanang Pilipino bago ako bumaba sa puwesto: Sa pagbaba ko sa puwesto, gusto kong masabi na di hamak mas maganda ang iiwan ko kaysa ating dinatnan. Sa napagtulong-tulungan po natin sa anim na taon pong, halos anim na taong panunungkulan, nakapagawa na po tayo ng 18,000 kilometers of national roads, 1,000 kilometers of tourism roads, 107,000 lineal meters of bridges.

Sa edukasyon po: Dati sa buong bansa, ang kaya lang suportahan ng budget, 8,000 klasrum. Pag-upo ko po sa puwesto, nadiskubre natin na 66,800 klasrum ang kulang. 8,000 per year times 6 years: 48,000. Kulang sa 66,800. Bababa ako sa puwesto, may utang pa. Kaya minabuti nating buuin ang kakulangan na iyan sa klasrum, sa mga textbook, pati teachers, pati silya. Natapos po natin ang 66,800 noong 2013 pa lang. Pagbaba natin sa puwesto, ang matatapos natin ay hindi ho 48,000 klasrum, hindi 66,800 klasrum, patungo na tayo sa 185,000 klasrum sa buong bayan, kasama na po yung kailangan sa K to 12, at nasalanta ng bagyo, at mga 30 to 40 year old na gusaling pinapalitan.

Kalusugan naman po: Sa Department of Health, in-increase na po natin ang budget nang 300 porsyento. Kasabay po nito, pinatibay natin ang PhilHealth. Noong araw po, inaangkin ng PhilHealth: 47 milyong Pilipino ang miyembro nito. Ngayon po, 93 percent na ng Pilipino ang saklaw ng PhilHealth.

Sa Pantawid Pamilya naman po: 780,000 kabahayan ang dinatnan natin noong 2010. Itong taon pong ito, matatapos na natin ang huling 200,000 kabahayan, aabot na tayo sa 4.6 milyong kabahayang inaaruga at tinutulungan natin sa kasalukuyan.

In-expand na rin po natin ang programa noong 2014 na hindi lang grade school ang tinutulungan, pati na high school. At yung unang batch nga pong nagtapos nang 2015, ang dalawa pong tagapagsalita doon sa mahigit 300,000 na tinulungan ng Pantawid Pamilya makatapos ng high school, natanggap sa UP College of Engineering na quota course. Ibig sabihin po, kung di natin sila natulungan, malamang baka hanggang high school, hindi matatapos yung high school. Mga apat na taon na lang siguro pinag-uusapan, mapapakinabangan na ng sambayanan ang kanila pong mga talento at naisagad ang kanilang oportunidad.

Ikuwento ko na rin po yung isang batang ang ngalan ay Nurashia. Si Nurashia po ay taga-Lanao del Sur. Ang trabaho ng kanyang ama ay nagtatanim ng kamoteng kahoy. Sabi po niya sa kanyang salaysay, ang araw-araw pong kinakain nila: kamoteng kahoy, sa agahan at sa hapunan. Di naman nabanggit yung tanghalian. Sabi niya, “Susi sa pag-asenso namin ay kung makakapagtapos ako para matulungan ko naman ang mga magulang kong hirap na hirap magkaroon ng pagkakakitaan.” Siya po ay Grade 10 na ngayon at talagang pinakamagandang eksena pong nakita ko doon, consistent honor student itong si Nurashia. Noong isinabit sa kanya pong video, tatlong medalya, pagdating sa bahay kasama lang niya dose-dosenang medalyang kanyang natanggap. At bigyan pa natin siguro ng mga apat hanggang anim na taon dahil grade 10 po siya, ay talaga namang masasabi nating masasagad rin ni Nurashia ang kanyang pagkakataon.

Alam po niyo, sa TESDA naman: Mahigit 9 million course graduates na ang naipatapos na natin. Ang ikinaganda ng balita po dito sa TESDA, dati ho ang placement rate ng TESDA ay 28 percent. Ibig sabihin po noon, may trabaho pagkatapos ng anim na buwan pagkatapos mag-graduate, mayroon na po silang trabaho. Sa kasalukuyan po, 72 percent na po ng ating course graduates ang may trabaho pagtapos o bago umabot ang ikaanim na buwan ng pagtapos nilang nakapagtapos sa kurso. Madalas pa nga ho sabihin sa akin ni Joel Villanueva na pagbaba ko raw sa puwesto, baka gusto kong pumunta sa TESDA, dahil di hamak mas maganda ang suweldo ng TESDA graduate sa Pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Baka akala niyo nagbibiro po ako doon. Mekaniko po na na-deploy sa Australia, P250,000 a month. President po, ang suweldo ko sa kasalukuyan–tataas po pagbaba ko sa puwesto–ay P120,000 per month. So may diperensya na hong P130,000. Malaki pa ho yung diperensya. Ultimo ang sari-sari store na tinulungan sa Coke TESDA STAR na program, pino-professionalize yung pagpapatakbo ng sari-sari store. Yung isa pong nakausap natin—at maraming ganito ang salaysay—P800 daily income, ngayon po ay P4,000, P5,000 daily income. P4,000 times 30 days, tabla kami. P5,000 times 30 days, lamang na naman sila. Kaya baka tama ho ang sinasabi Joel Villanueva, mali ang pinasukan kong trabaho kung suweldo lang ho ang pinag-uusapan natin.

Alam po niyo, ang estratehiya natin at talaga namang parating ambisyon: Kung tutulong ka, isagad mo na ang tulong. Iyan ang ambisyon natin sa simula’t simula. Ibig sabihin po noon, may itinayo kang klasrum, ang bata malnourished, nagkakasakit, hindi makapagtapos. Baka naman ang bata, may magulang, hindi man lang kaya—free education ho kasi ang grade school at high school. Hindi kaya ng nanay, ng tatay na bigyan man lang ng pamasahe para makapasok. Iyan po ang konsepto ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Pag napatapos natin ng high school ang isang bata, 40 percent ang dagdag na kita niya kaysa kung nakaaral siya ng grade school lamang. Paano ba natin isasagad yan? So tinutulungan natin, tinayuan natin ng eskwela. Ang eskwela, hindi naman mapasukan, kulang ang kanilang pantustos, tinulungan natin sa Pantawid Pamilya. Kasama na rin po doon ang mga health programs para maalagaan ang kalusugan. Tapos, sama na ang TESDA, CHED, DepEd, at DOLE na kapag naka-graduate naman po diyan, umpisang-umpisa pa lang, gusto natin palitan yung sitwasyon.

Isa sa dinatnan natin, may mga nag-aral ng physical at saka occupational therapy dahil mainit na kurso, maraming trabaho. Nag-graduate, four year course, may board exam. Natapos lahat iyon. Ang trabahong inaasahan nila noong freshmen sila, pagdating ng nagtapos sila ng board, wala na ang trabaho. Lumipat sa nursing dahil maraming nurse na kailangan. Inulit ang proseso: apat na taong nag-aral, isang taon na naman ang board. After five years, ang trabaho sa nursing, wala na ang nursing.

Sinubukan natin baliktarin at mukhang nagtatagumpay tayo dito. Inutusan natin ulit ang DOLE, CHED, DepEd na magkausap-usap, pati TESDA: Kausapin ang industriya, ano ba ang kailangan nilang manggagawa two years from now, four years from now, six years from now. Resulta po noon ang pinakamababang unemployment rate natin. Resulta nga po ang nabanggit ko kanina na placement rate na nasa 72 percent na po, in general, at sa ibang mga sektor pong tinulungan ng TESDA, 96 percent, lalo na doon sa semi-conductor industry.

Now, tanong: Iyan bang pagkakataon na iyan, puwede ba natin ibigay sa lahat? Palagay ko po puwede. Pag nag-graduate ka sa training ng TESDA, para doon sa BPO—yung mga call center at iba pa sa business process outsourcing na industriya—pagtapos mo, sa minimum na suweldo sa BPO sector, sa unang taon pa lang na nagtatrabaho ka, bayad na ang ginastos ng gobyerno para paaralin ka. Ang magtatrabaho diyan, hindi naman magtatrabaho nang isang taon lang. Mahina siguro ang 30 taon. Madaling salita, 30 taon, nagbabayad siya ng tamang buwis, natutulungan niya ang minimum na 30 nating kababayan na mabigyan ng parehong oportunidad. Anong ginawa natin? Inumpisahan natin ang proseso, mabigyan ng pagkakataong mapaganda ang sitwasyon niya, at siyang magiging tulay para mapaganda ang sitwasyon ng iba pa.

Ang sinabi nga ho ni Pangulong Quezon, “I believe that education is the right of all citizens, an educated people. An educated people is needed to ensure the upliftment of the masses and the creation of wealth for all.” Ako po, alam naman po ninyo, sa akin pong mga magulang, na doon nag-umpisa ang People Power. Trabaho natin: Empower the people.

At para siguro mas maging malinaw na malinaw: Galing lang ho akong Bacolod kamakailan—madalas-dalas na rin ho tayong napunta ng Bacolod. At ang Bacolod ho, pagtapos ng Bacolod City, tipikal na probinsya, di ba? Kayo naman lahat ho siguro nakapunta na sa probinsya, may munisipyo, may plaza, baka may ilang tindahan sa paligid ng plaza, medyo tahimik na tahimik yung lugar.

Nagulat po ako noong pagtungo ko sa Bacolod nitong mga dalawang araw lang po ang lumipas, na mula airport nila, papunta ng airport—ang airport ho kasi nasa Silay, dadaan ng Talisay patungo ng Bacolod City. Ang kalsada, unang-una, hindi ko nakilala dahil bago lang po. Parang sa atin ho, puwede nang expressway ang dating. Pangalawa po, ang dami nang dating natural na tanawin, nagbago na lahat ng tanawin. Sa dulo po ng biyahe natin, dinala tayo sa Villa Angela—Bacolod East na district at paligid ho ng city hall.

Unang-una, mayroong parang dito nangyari sa Roxas Boulevard na mga may kainan, etcetera. Dinala po ako ngayon sa isang lugar ang ngalan ay “Marketplace.” Bagong lugar ito, wala pang isang taon. Ang Marketplace ho, para kang nagpunta na rin sa Metrowalk, para kang nagpunta sa Bonifacio Global City. At ang importante ho dito, lahat ng dinaanan nga doon, kaliwa’t kanang may mall, kaliwa’t kanang mga binabakurang lugar, dinedevelop na.

Gusto kong idiin ang istorya ng Talisay. Sa Talisay ho, tipikal na Bacolod–tubuhan, kalsadang para sa mga truck, mga one lane on each side. Ngayon po, noong binuksan natin ang kalsada ng airport sa Silay papunta ng Bacolod City, biglang nagkaroon ng pagkakataon talagang idevelop ang Talisay amongst others. Ang Talisay po, dalawa nang big developers natin ang nagtatayo doon, Megaworld at saka Ayala. Ang naitayo pa lang ho nila, bakod. Dahil interesado sila, nagtaasan ang presyo ng lupa sa paligid. Tuloy, tumaas ang real property tax collection ng local government ng Talisay.

Resulta: Doon sa pondong nadagdag sa kanila, nadagdagan ang kanilang tinatawag na “Special Education Fund.” Kung saan bumili sila ng IT equipment, bumili sila ng bus, nakapagpatayo ng mga dagdag na building nila, may aklat at mga school supplies para sa mga estudyante nila, dagdag na travel allowance para sa mga guro nilang tumutungo sa mga liblib na barangay, may feeding program pa mula sa kindergarten hanggang grade 3. Ito po ang pinakamataas na tinatawag ni Bro. Armin na [cohort] na dahil sa malnutrition nagda-dropout sa eskwela.

Banggitin ko na rin po: Dati po, ang ating out-of-school youth, noong 2008, 2.9 milllion. Ngayon po, nasa 1.2 million noong 2013. Pati out-of-school youth, kung percentage na lang sa general population, hindi lang ho sa percentage, pero pati na rin sa actual number, ang laki ng ibinaba: 1.7 million po, number lang ng 2008 at number sa 2013. Pruweba ho palagay ko ito na nagtatagumpay tayong maibalik ang mga kabataan sa eskwela, magkaroon ng kakayahang magagamit pagpasok sa larangan ng paghahanap ng trabaho.

Siguro ho ang gusto ko talagang idiin dito: Lahat naman siguro ng public server, sinasabi nila, “Gusto kong magbago ang sitwasyon at anyo ng ating lipunan.” Ngayong eleksyon, ang daming nagsasabi, may isang kandidatong napanood ko ang ad noong isang araw, “Gagawa ako ng milyon-milyong trabaho taon-taon.” Siyempre ako po, pinipilit kong gawin iyon ngayon pa lang, siya ipinapangako. Tanong ko kaya: Paano kay

a niya gagawin iyan? Meron kaya kaming magagawa pang iba para talaga namang mapabilis pa ang proseso?

Ulitin ko lang ho: Hindi iyong nakiusap lang tayo ng negosyante, “Magtayo kayo ng negosyo.” Ginawa natin yun. Hindi lang, inayos natin ang education system para angkop ang educational system natin sa talagang potensyal naman ng ating ekonomiya at sa pagkakataon ng ating mga kababayang magkaroon ng trabaho. Inasikaso natin ang kalusugan para talagang kayang maisagad ang pagkakataong makapag-aral, makapagtapos ng maayos na kurso. Ine-expand natin hindi lang sa grade school ang tulong, papunta na tayo ng high school. Sa madaling salita po, hindi namin tinalakay isang bagay lang. Pinilit nating talakayin sabay-sabay lahat ng problema kung saan mababago natin ang sitwasyon. Paano natin mae-empower ang ating mga kababayan?
Balikan ko lang ho ang halimbawa ng Talisay. Ano ba ang nagbago doon? Tinayuan ng gobyerno ng kalsada ang dating lugar na tubuhan. Dahil may kalsada kayo diyan, nakitang potensyal na pasukan ng mga developer, “Mukhang puwede itong i-develop.”

May kumpiyansa sila sa gobyerno na hindi sila pahihirapan para pasukan ang negosyo nila. Ibig sabihin noon, may katulong, at parehas patas-patas ang labanan. Pagandahan ng apila niyo sa merkado kung sinong magtatagumpay. Hindi palakasan sa kung sino ang nakaupo. Dahil doon, may kumpiyansa silang magpuhunan nang malaki, matagal—hindi naman kaagad, hindi naman isang buwan, hindi dalawang buwan mababalik ang kanilang kapital. Pero tumataya sila na talagang paganda nang paganda ang kinabukasan ng Pilipinas at handa silang makipagsabayan.

Ulitin ko lang ho: Isang kalsada katumbas, na-empower ang local government ng Talisay, ini-improve lalo ang kanilang educational system, magreresulta ng estudyanteng di hamak mas magaling at mas maraming puwedeng pasukan.

Ngayon po, palagay ko marami na kayong narinig na ano ba ang napagtagumpayan nga natin. Dati ho alam niyo, ang tawag sa atin ay “The “Sick Man of Asia.” Ngayon po, “Asia’s Rising Tiger,” “Asia’s Bright Spot.” Dati po sa competitiveness o global competitiveness index ng World Economic Forum noong 2010 po, nasa 85th place tayo. Ngayon po, 47th na tayong most competitive. 38 places po ang inangat.

Sa unemployment na lang po pag-usapan natin: Sa loob ng isang dekada, atin po ang pinakamababang unemployment rate. Pinakamababang annual average hunger rate sa loob ng 11 taon. Palagay ko, puwede nating ilaban ang ginawa ni Linda Baldoz—pinakakaunting labor unrest issues. Pinakamataas na GDP growth: 6.2 percent average at kinukumpara tayo doon sa panahon ng Martial Law noong 70s.

May pinagkaiba po iyon: Noong araw ho kasi, pag malakas ka sa diktador, bibigyan ka ng sovereign guarantee. Magtatayo ka ng negosyo mo, pag ang utang mo, ginagarantiya ng bansa, doon po nag-umpisa ang utang ng ating bansa, mula 4 billion ang tanda ko, naging 192 billion ang iniwan sa atin ni Ginoong Marcos.

Alam niyo, ang mga napagtagumpayan natin dito, pati sa kuryente po sa sitio, sabi natin walang maiiwan. 32,600 plus na sitios na po ang na-electrify natin sa buong bansa. At siguro, 7.7 milyong Pilipino ang nakatawid na po sa tinatawag na poverty line.

Ito po ang buod: Ang dami na hong nangyayari ngayon. Alam ko sa kurso niyong inaalok, mayroon ding accountancy program. Noong araw po—siyempre lalo na si chairman yung nakakatanda sa akin—naalala niya ang panahon na napakaraming graduate ng accountancy na walang trabaho. Ngayon po, kinakapos na rin tayo ng accountant, lalo na doon sa mga BPO na operations.

Binababaan nila ang criteria nila para makakuha ng empleyadong kailangan nila. Kakagaling ko nga ho sa Negros Occidental, kausap ko si Governor Marañon, pinupuntahan siya ng mga kontraktor niya. Ang sinasabi sa kanya, “Kulang na ho kami ng karpintero, tubero, electrician. Made-delay ho itong mga project naming ito.” Magugulat kayo doon sa mga dambuhalang kumpanya nating nade-delay yung kanilang pag-turnover ng mga condominium units. Pareho ho ang problema. Nag-aagawan ng empleyado, kulang ang empleyado.

Pag kayo magbasa ng diyaryo sa Linggo, classified ads. Pansinin po niyo ang urgent at immediate hiring. Baka naman gusto na rin niyong balikan ang diyaryong sinauna. Noong bago ng 2010, tingnan niyo kung ano ang hina-hire noon, at ano ang hina-hire ngayon. Palagay ko makikita niyong hinahanap nila, talaga pong hindi mababang uri ng trabaho, kundi mataas.

Ulitin ko lang ho: Siguro, kaya kong umikot sa buong Pilipinas. Hanggang sa kasalukuyan, salamat po doon sa mga mainit na pagbati sa atin kanina diyan sa likuran, inyong mga kamag-anak na talagang proud na proud naman po sa achievement niyong ito. Ang kinabukasan lalo ng magtatapos, di hamak na napakalayo sa kinabukasan naming dinatnan.

Noong kami ay makaabot sa susunod na Pasko, laking tuwa na namin, “Uy, nakalampas tayo isang taon pa.” Hindi kami maniwala na aabot kami ng 30 anyos. Pag merong authoritarian regime o diktadurya—normally, pag tiningnan niyo ang kasaysayan ng mundo, madugong himagsikan ang nagiging daan para mabawi ang kalayaan.

Sa atin ho, sinuwerte tayo, nagkaroon tayo ng ESDA. Hindi madugo ang naging himagsikan natin. At tapos ho noon, kami na nauna sa inyo—siguro isang panata ay kailangang di hamak na, una, mas maganda nga ang iiwan namin kaysa dinatnan. Pero siguro importante din doon, lahat ng lagim na nangyari na amin pong dinaanan, pag dinaanan ulit ng susunod na salinlahi, ang laki ng pagkukulang namin, pagkakamali. Kailangan hindi na maulit ang pinagdaanan namin, kailangan habang may buhay, may problema, ang problema niyo, di hamak na mas maliit sa mga problemang aming hinarap noon. At iyan po ang trinabaho natin.

Siguro huling mensahe ko na lang po sa inyo: Nagawa natin lahat ito, dating lahat na imposible. Kung ano-ano na ang sinubukan sa poverty alleviation. Palagay ko ngayon ho, itong natatamasa natin ngayon, patikim pa lang. Ang pinag-aaral natin dahil sa 4Ps, ang dinagdagan natin ang scholarship na high school at saka college, siyempre magga-graduate pa lang iyan. Ang mga nagsanay sa TESDA, may mga ibang nauna na talaga naman pong hindi lang empleyado, naging entrepreneur na.

Merong isang babae, ikuwento ko na rin po sa inyo—ito ang mga nag-iinspire sa akin e. Siya po, nakapagtapos ng accountancy program, inalok siyang maging kahera, cashier, sa Middle East. Pagdating doon, kinontract substitution. Pagka-contract substitution sa kanya, hindi siya ginawang cashier, ginawa siyang domestic helper, minaltrato pa. Nakatakas, natulungan ng ating embahada, bumalik ng Pilipinas.

Ang salaysay po niya sa amin: Pag-uwi niya, hindi na raw niya alam kung anong dapat niyang gagawin, talagang bagsak na bagsak ang kalooban niya. Marahil ho, para makaabot doon, umutang siya. Hindi niya natapos ang kontrata niya, hindi niya nakuha ang inaasahan niyang suweldo, pambayad nitong utang niya. Bumalik siya dito, walang trabaho, di niya malaman kung paano niya aayusin ang kanyang buhay. Pero alam po niyo, nasabihan siya pagkarating na mayroong mga iba’t ibang training at scholarship program, inaalok para sa ating mga Overseas Filipino Workers. Pumasok siya sa wellness massage at saka hilot therapy ang tawag na kurso. Dalawang kurso ang kinuha niya. Nakapasok siya sa isang spa.

Magaling na empleyado, naging operations manager, natutunan niya ang negosyo. Umalis siya doon, nagtayo siya ng sarili niyang spa, apat na po ang branches ng spa niya sa Pangasinan. Nagpa-franchise pa siya ng kanyang spa na business, tatlo po nasa Tarlac. Mula sa dapang-dapa at lugmok na lugmok, ngayon po, siya na ang nagiging inspirational speaker para sa iba pang parehong sitwasyon kung ano pa ang dapat gawin.

Ulitin ko lang ho, paano tayo umabot dito? 2010, lumapit ako sa inyo, nakiusap ako sa inyo ng suporta, at ang overwhelming majority naman po ng ating mga kababayan, naniwala sa ating mensahe, tumulong habang ako ay nakaupo sa puwesto, at ito ang napagtagumpayan natin.

At ulitin ko ho sa inyo: Walang lugar sa Pilipinas na hindi ko puwedeng balikan na hindi nakataas ang noo, dahil talaga naman pong maraming napagtagumpayan. Ngayon po, babalikan ko lang, may kasabihan tayo: Para makita ang paroroonan, tingnan ang pinanggalingan. May nangyari hong halos sampung taon ng akin pong sinundan. Lahat ng nagawa natin ngayon, puwedeng nagawa ng akin sinundan. Kung ginawa niya iyon, nasaan na kaya ang Pilipinas ngayon? Pero hindi ginawa.

Paano ho, darating na eleksyon, ika-9 ng Mayo, magdedesisyon na naman tayo. Importante ho—at ito matinding pakiusap ko sa inyo.

Siguro, bigay ko na isang halimbawa, ang iba sa inyo siguro, magtatayo ng negosyo. Sabihin natin, magtayo tayo ng restawran. Siyempre ho ang susi sa restawran para magtagumpay, masarap ang pagkain. Kumuha tayo ng kusinero, tapos bigla na lang may dumating, may nag-apply. Ang tao, nagtapos na mekaniko pero magaling magkuwento, maganda magsalita, baka magaling sumayaw, magaling kumanta, magaling magpatawa. Natuwa tayo sa kanya, kinuha natin siyang kusinero natin, kinuha nating kusinero si mekaniko. Pag nalugi ang restawran mo—dahil ang mekaniko naman, hindi naman dapat magaling na kusinero yan—pag nalugi, hindi mo sisisihin ang kusinero. Sisisihin mo ikaw na kumuha doon sa mekaniko para maging kusinero. Mali ho yata iyon.

Suriin po natin. Suriin natin kung sino ang may kuwalipikasyon. At pasensya na kayo, samantalahin ko na yung pagkakataon. Alam naman po niyo, ikinakampanya ko si Mar at si Leni. Siguro ho si Mar, banggitin ko lang konti ang kuwalipikasyon niya.

Ang mga kandidato ho nangangako ng trabaho, milyon-milyon taon-taon. Si Mar, itinayo ang BPO. Ang BPO industry—at hindi siya nakinabang nang personal diyan—this year ho, aabot tayo ng 1.3 million na direct employees. Idadagdag po ang empleyadong ito sa ating ekonomiya at ang operations nila sa ating ekonomiya, this year, $25 billion. Sabi nga ho pag nasa BPO, parang OFW kang hindi umalis ng Pilipinas.

May dagdag pa doon. Tatlo hanggang apat na empleyadong sumusuporta doon sa BPO industry, nagmamaneho ng sasakyan, nagtatrabaho sa convenience store, may-ari ng kanilang mga tirahan, etcetera. Three to four ang indirect employees diyan sa BPO. 1.3 times 3, times 4: iyon po ang empleyadong nag-umpisa mula doon sa naisip ni Mar na maghanap ng pagkakataon para sa Pilipino.

Sinasabi ng iba, susugpuin ang krimen. Si Mar ho nag-isip rin, Lambat-Bitag, Oplan Sita, One Time Big Time na mga operations ng PNP. Banggitin ko ang One Time Big Time: Pag inaaresto ang mga may warrant, inisa-isa, natutulungan ang ibang may warrant. “Magtago ka na, may warning.” One Time Big Time, bawat probinsya, minsanan ang pagse-serve nitong mga warrants of arrest. Walang panahon para makatago ang mga kriminal. Resulta: Ang dami ho ng mga most wanted ay arestado na. Nasa daan-daang naarestong tao, at dahil nawawala ang mastermind, walang pasimuno, bumababa ang crime rate. Iyan po, facts.

Si Leni naman po, kuwalipikado ba? Unang-una po, abogado na nagtrabaho sa PAO muna, pagkatapos sa non-governmental organizations. Tutok sa farmers, sa fisherfolk, at iba pang mga nasa laylayan ng lipunan. 15 years siya doon sa NGO na nagtatrabaho. Puwede namang nagtrabaho sa malalaking mga kumpanya, nasa kanilang corporate staff, pero dito niya minabuti na may saysay ang buhay niya. Iyon lang po ang kuwalipikasyon.

Isipin natin ang mga kandidato. Kuwalipikado—ganoon ang sagot. Si ano, dapat iboto kong Presidente dahil kuwalipikado, fill in the blanks. Pag hindi ho natin ma-fill in the blanks, medyo dapat ho yata tayong mag-isip-isip nang konti. Ulitin ko po: Pangulo, nasa sistema natin ng gobyerno, dadalhin tayo, importante ho tama ang pinuno natin para dalhin tayo sa tamang lugar.

Ulitin ko po: Malaking pasasalamat ko po sa inyo sa onor na tinatanggap ko. Ito po’y tinatanggap ko, hindi para sa aking sarili, pero sa lahat na naging kadamay natin dito sa pagtahak ng Daang Matuwid na talaga namang po nagbabago na sa ating lipunan. Kung hindi ho tama ang sinasabi ko, kayo na rin ang huhusga sa Mayo 9. Kung tama naman po ang sinabi ko, nasa kamay niyong ipagpatuloy ang pagbabago natin sa anyo ng Pilipinas na hindi lang “Rising Star,” dapat sana “Risen Star” na. Hindi “Rising Tiger,” talagang “The Tiger Incarnate” na. Nasa kamay po natin iyan at iyon po’y tinuro sa atin ng ating mga magulang simula’t simula pa lang na talaga naman ang poder, ano? Sumandal ka sa taong-bayan at talaga namang hindi ka mabibigo.

Siguro sa pagtatapos, alam niyo talagang matinding karangalang magkaroon ng pagkakataong mamuno ng isang dakilang lahi, na sa lahat ng hamong hinarap ko po dito sa loob ng halos anim na taon, panatag ang kalooban kong nakasandal ako sa inyo, na hindi niyo ako iiwan, kaya kaya natin maski ano pang problemang harapin natin.

Magandang araw po. Maraming salamat sa inyong lahat.