April 20, 2016 – President Benigno S. Aquino III’s Speech at the Groundbreaking Ceremony of the Metro Rail Transit 7 (MRT) Project
President Benigno S. Aquino III’s Speech at the Groundbreaking Ceremony of the Metro Rail Transit 7 (MRT) Project |
Children’s Garden, Quezon Memorial Circle, Quezon City |
20 Apr 2016 |
Sa araw pong ito, nagtitipon tayo para sa groundbreaking ng Metro Rail Transit 7 o MRT7 project. Ito na nga po ang kauna-unahang mass transport system na magdadala ng benepisyo sa ating mga kababayan sa Northeast NCR hanggang sa bahagi ng Bulacan. Ang mga nakatira malapit dito sa Quezon Memorial Circle, sa kahabaan ng Commonwealth Avenue at Fairview, hanggang sa mga taga-San Jose del Monte, Bulacan, ay magkakaroon na ng mas mabilis at episyenteng paraan para makarating sa kanilang mga trabaho, pati na sa iba pang sentro ng komersyo sa Kamaynilaan.
Sa halagang P69.3 billion, itatayo natin hindi lamang ang 23 kilometrong Metro Rail Transit System line, kundi pati na rin ang isang Intermodal Transport Terminal (ITT) sa San Jose Del Monte. Dito po, pagbaba ng pasahero sa tren, makakasakay na siya sa kanyang pribadong sasakyan o kaya sa mga pampublikong sasakyan patungo saanmang bahagi ng Bulacan at karatig nitong bayan. Gayundin, ang mga magmumula sa ITT ay mas madali nang makakarating sa Maynila. Dagdag pa rito, kasama sa proyektong ito ang paglalatag ng 22 kilometrong highway, mula sa Bocaue interchange ng NLEX, hanggang sa ITT sa San Jose del Monte. Sa pamamagitan ng bagong highway na ito na may lawak na anim na lanes, hindi na kailangang makipagsiksikan ng mga pribado at pampublikong sasakyan na papunta sa ITT at sa NLEX sa mga kalsada ng San Jose Del Monte. Kapag natapos po ang proyektong ito, 350,000 pasahero kada araw ang tiyak na mapapaginhawa ang biyahe. Kung magpapatuloy ang pag-uupgrade ng sistema, maaaring umabot sa 800,000 pasahero kada araw ang kayang isakay ng ating mga tren. Ang biyahe mula San Jose del Monte hanggang sa Makati, na umaabot ngayon sa tatlo’t kalahating oras, magiging isang oras na lang. At di ho ba, napakalaking ginhawa nito? 2013 po nang aprubahan ng ating NEDA Board ang proyektong ito. Ang totoo, panahon pa ng ating sinundan nang isakonsepto ito. Sabi ko nga po, ang mga ganitong proyekto ay hindi parang kendi na puwede lang bilhin sa sari-sari store. Masusing pag-aaral ang kailangan dito; dapat maisaayos ang lahat ng gusot sa kasalukuyan, para hindi na ito makaperwisyo sa kinabukasan. Tungkulin din ng inyong pamahalaan na sa bawat negosasyon, siguruhing nasasagad ang benepisyong dala nito sa ating mga Boss. Ngayon pong malinaw sa atin ang pakikiisa ng ating mga katuwang sa proyekto sa layuning isulong ang kapakanan ng ating mga kababayan, masisimulan na ito, upang pagdating ng 2020 ay mapakinabangan na natin ito. Nagpapasalamat nga po tayo sa pakikiisa ng pribadong sektor sa ating mga programa’t proyekto. Patunay lang po ito sa kompiyansa nila sa isang gobyernong hindi sila lalamangan, at nakatutok lang sa kapakanan ng mas nakakarami. Sa kasalukuyan nga po, mayroon na tayong [50] solicited Public Private Partnership projects. 11 sa solicited projects na ito ang naiaward na sa mga partner nating pribadong sektor; lampas pa po ito sa 6 na proyektong naiaward sa nakaraang tatlong administrasyon. 14 naman po sa mga PPP projects natin ang nasa iba’t ibang bahagi na ng procurement, habang ang natitira pa ay nasa pipeline. Ang masisiguro ko po sa inyo: Anumang kasunduang pinapasok ng inyong gobyerno ay pinanday ayon sa ating batayang prinsipyo: Kung ano ang tama at makatwiran, iyon ang gagawin natin; kung saan may pinakamalaking pakinabang sa ating mga Boss, doon po tayo. Gaya ng lagi, malaya ang sinumang siyasatin ang lahat ng detalye ng kontrata. Noon pong huling SONA, idiniin natin, “Di na baleng hindi ako ang mag-groundbreaking o ribbon-cutting. Ang mahalaga: Gawing pulido at naaayon sa batas ang mga proyekto, para oras na maaprubahan ito, dire-diretso ang pagpapatupad; maski sino ang sumuri, papasa ang kalidad ng ating ipinatatayo.” Ngayon nga po, 71 araw na lang ang nalalabi sa ating termino. Sa ika-30 ng Hunyo, iba na ang magiging Pangulo ninyo. Sa 2020, iba na po ang magpapasinaya ng MRT 7 na sinimulan natin ngayon. Sa mga panahon pong iyon, marahil ako ay nag-eenjoy na ng tahimik na buhay sa Tarlac. Marahil nga rin po, bilang pribadong mamamayan, ako mismo ay magmamaneho: Babagtas sa NLEX at lilihis sa Bocaue Interchange upang daanan ang bagong 22 kilometrong highway patungong San Jose del Monte. Doon po marahil ako paparada sa bagong Intermodal Transport Terminal, at maglalakad nang kaunti upang sakyan ang bagong train system. Sa kahabaan po ng biyaheng ito, magninilay ako sa napakalayong narating na ng atin pong bansa. Babalikan ko po ang araw na ito, sa kabanata ng Daang Matuwid na pinagtulungan nating itala. At marahil, sa araw na iyon, bibigkasin kong muli ang kaisipang ibinabahagi ko sa inyo ngayon: Talagang walang imposible sa Pilipinong disente, tapat, at tunay na nagkakaisa. Maraming salamat po. Magandang araw po sa inyong lahat. |