INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
DZRB / Balita at Panayam by Alan Allanigue
21 April 2016
SEC. COLOMA: Magandang umaga, Alan.

ALAN: Yes, sir. Lumabas na po iyong ilang mga detalye, Sec. Coloma, tungkol dito sa construction ng Line 7, ika nga, ng ating Light Rail Transit patungo diyan po sa San Jose del Monte, Bulacan, MRT Line 7, ano po. Balitaan ninyo kami, sir, ng ilang mga detalye at maraming mga kababayan natin mula diyan sa gawi po ng Bulacan ang looking forward dito po sa proyektong ito, Sec. Sonny, sir?

SEC. COLOMA: Ang sakop nito ay dalawampu’t-dalawang kilometro. Mula Quezon City hanggang San Jose del Monte, Bulacan ‘no. Magkakaroon din ito ng pitong istasyon, Alan, sa Quezon (City): at North Avenue, Quezon Memorial Circle, University Avenue na patungong UP, Tandang Sora, Don Antonio, Batasan, Manggahan, Doña Carmen, Regalado, Mindanao Avenue, Quirino, Sacred Heart, Tala, hanggang humantong sa San Jose del Monte. At ito ay makakabawas sa travel time na dati ay napakatagal — inaabot yata ng mahigit isa, isa’t kalahati hanggang dalawang oras pa kung sobra ang daloy ng traffic — magiging 30 minutes na lang itong 22 kilometer distance, Alan, at ito ay inaasahang makukumpleto sa taong 2020 o mahigit kumulang apat na taon ang period of construction.

ALAN: Opo. So dito po sa MRT Line 7 patungong San Jose del Monte, Bulacan, ano ho, base ho sa mga projections sa abot po sa kung ilang daang libong pasahero ang maaaring maseserbisyuhan nito on a daily basis po, Sec. Sonny, sir?

SEC. COLOMA: Kada oras ay humigi’t kumulang dalawampu’t-walong libong pasahero sa bawat direksiyon ‘no, kung peak hours. At araw-araw at average of 550 thousand passengers, pero ang taya ng SMC Mass Rail Transit 7, ang kumpanyang nagtataguyod ng proyektong ito, aabot sa hanggang 850 thousand passengers daily ang maaaring mailulan nitong MRT 7, Alan.

ALAN: Napakalaking volume pala iyan, posibleng umabot sa 850 thousand passengers sa maghapon. Naku, ang laking volume, Sec. Maliban dito, we understand, na nandiyan din iyong plano na ina-anticipate naman ng ating mga kababayan sa south of Metro Manila, iyong pong konstruksyon din ng LRT magmula sa area ng Baclaran patungo diyan sa Bacoor, Cavite initially at hanggang Dasmariñas, Cavite yata. Ano pong latest naman sa South Line, Secretary Coloma, sir?

SEC. COLOMA: Tama iyong nabanggit mo, Alan ‘no. Nailatag na iyan at pinaplantsa iyong pagpapatupad nitong proyektong ito na aabot hanggang Dasmariñas, Cavite ‘no, isa pa rin iyan ‘no, isang heavy corridor ng mass transportation at malaking ginhawa ang idudulot sa ating mga mamamayan. Mayroon lang akong nais ipunto ‘no, na inihayag ni Pangulong Aquino, itong proyektong ito 2008 pa, na unang napirmahan iyong kontrata para dito, nguni’t ang daming hamon na nilagtawan bago tayo humantong doon sa ground breaking kahapon.

Ang pinapahiwatig lang nito eh itong mga proyektong ito eh talagang may pagkakumplikado at hindi naman ganoon kadaling mabuo ‘no. Naalala ko noong mga nakaraang panahon din ako ay na-involve sa kahalintulad ng proyekto. Ang problema naman ng ating bansa noon iyong financing, dahil napakalaki ang gugugulin para sa mga proyektong nito. Pero tanda na rin ng ating magandang ekonomiya, nakakalahok iyong pinamalalaking kumpanya natin, katulad nitong San Miguel, sa mga infrastructure projects, nakakabuo sila ng financing. Tumataya na iyong private sector, iyung private banking sector, tumataya na sa mga proyektong ganito dahil matibay ay paniniwala nila sa ating ekonomiya. Iyan ang naging pagbabago, Alan.

Noong nakaraang panahon — noong katatapos lang ng Asian Financial Crisis noon — binubuo iyong proyektong North Rail, halimbawa ‘no. Ayos na lahat pati iyong sa technical aspect handa nang ipatupad, nagbayad na ang pamahalaan natin ng bilyon piso para sa relokasyon ng mga nakatira sa dadaanan nito. Kaya lang hindi talaga mabubuo dahil doon sa huling yugto ng project financing, na malaki ang halaga ‘no. Ito ay magkakahalaga ng halos pitongpung bilyong piso ‘no, 69.3 billion. Noong mga nakaraang panahon hindi makabuo ng financing. Pero ngayon ay nabubuo na dahil sa katatagan ng ating ekonomiya.

ALAN: Iyon. So, kumbaga sa aspeto po ng financing, Sec. Sonny, hindi na iyon ang problema, ika nga ‘no ho.

SEC. COLOMA: Iyan nabubuo na dahil mayroong mga gustong tumaya — mga negosyante, pribadong korporasyon katulad ng San Miguel, mga private banking institutions na handang magpaluwal ng pera ‘no. Dahil long term financing ito eh, hindi kaagad agad mababawi. Ito ang malaking pagbabago na natamo na natin. Dahil nga noong nakaraang panahon nakakabuo nga ng—hanggang sa feasibility study nakakabuo nitong mga ganitong proyekto. Kapag inihain mo naman ito sa financing, dahil malaking halaga nga, hindi mabubuo dahil kulang pa noon sa katatagan ng ating ekonomiya at hindi handa iyong mga private banking institutions na tumaya o lumahok sa mga programang katulad nito. Ngayon ay malaki na ang ipinagbago.

ALAN: Opo, opo. Sa ibang usapin naman po, of course, sa sektor ng enerhiya. Secretary Coloma, kumusta po ang mga feedback naman na ipinarating ng mga concerned agencies sa inyo kaugnay po ng supply ng enerhiya natin, lalo’t halimbawa ngayon, a few weeks from now, mag-e-eleksiyon, magkakaroon ng bilangan at napaka-importante ang supply ng kuryente nationwide, Sec. Sonny, sir?

SEC. COLOMA: At patuloy na tinututukan ng ating Department of Energy sa pangunguna ni Secretary Zenaida Monsada ang day to day, hour by hour energy supply situation at masinsin iyong pakikipag-ugnayan sa mga stakeholders, lalong lalo na ang pribadong sektor na mayroon din namang private generating capacity. Mayroon kasi tayong mga regular alert ‘no, hourly alert hinggil sa supply ng kuryente at katulad noong nakaraang Biyernes noong naging hayag ‘no, na talagang kukulangin ng supply, lumabas iyong alert. Iyon namang mga katuwang natin sa private sector boluntaryong gumamit noong kanilang mga generating capacity under the interruptible load program. At dahil napunan iyong short fall ng supply noong mga oras na — I think that was between 1 to 3 pm noong nakaraang Biyernes. Kaya napakabilis noong pagtugon. Halos tatlong daang libong consumers ang apektado sana ng brownout, hindi na natuloy ito dahil pumasok na iyong mga supply mula sa ating mga katuwang sa private sector.

ALAN: Ayon. Opo. Nabanggit ninyo iyong mga katuwang sa private sector, kumbaga Sec. Sonny, tuloy pa rin ito hong mga public-private partnerships natin with the various companies in the private sectors, Secretary Coloma, sir?

SEC. COLOMA: Patuloy pa din itong tinataguyod ng ating pamahalaan, mayroon tayong PPP Center na nasa ilalim ng NEDA. Marami pa namang nasa pipeline nito ‘no. At dahil sa ganyan talaga ang nature ng mga long term infrastructure projects, patuloy naman itong ilalatag at bubuuin para sa hanggang sa susunod na administrasyong ay puwede itong mapatupad dahil kailangang kailangan ng ating bansa iyong mga imprastruktura para higit pang mapatatag ang paglago ng ating mga ekonomiya.

ALAN: Opo. Secretary Coloma, sir, muli salamat po ng marami for the updates from the Palace, sir.

SEC. COLOMA: Maraming salamat at magandang umaga, Alan.

ALAN: Thank you, sir, good morning po. Mga kaibigan Communication Secretary Sonny Coloma.

SOURCE: NIB-Transcription