President Benigno S. Aquino III’s Speech at the Inauguration of the Lipa-Alaminos Road
Lumbang National High School (LNHS), Brgy. Lumbang, Lipa City, Batangas
21 Apr 2016
 
70 days na lang po, magreretiro na tayo. Siyempre nagbabalik-tanaw na rin tayo sa kung saan tayo nag-umpisa, ano na ang naabot natin. Kaya, talagang makasaysayan ang pagpasok ko dito. Ito pong nasa likod ay may tshirt ko noong tumakbo akong congressman, 1998. Pero bilib akong naitago ninyo, maayos pa. Tapos kanina mayroong bumati sa akin, ang sabi, “Hindi po ako naghapunan, nag-agahan, makita lang kayo nang personal.” Si Kris ho, kasalukuyang nakatira sa amin. Sasabihin ko sa kanya, “Kris, baka wala kang kaibigan na ganoon ha. Nilampasan ang agahan at hapunan makita lang ako.” Kaya parang wala na yata akong dapat sabihin dito. “Thank you” na lang ho. Konting-konti lang ho.

Pinasinayaan natin itong Lipa-Alaminos Road. Pero bago ko pag-usapan yan, noong snap election po kasi, naatasan akong mangampanya dito sa Batangas. Doon sa 45 day period, mga 11 araw ako dito. At sabi ko noong araw pa, yung mga Kapampangan at Batangueño, tila magkapareho. At kanina ho, may nakita na naman akong dagdag na pruweba nito. Sa amin po sa Gitnang Luzon, may isang matayog na bundok doon, ang tawag ay Arayat. Dito ho, may bundok din kayong ang ipinangalan, Malarayat. Baka talagang magkakamag-anak tayo, nagkahiwalay lang kamakailan.

Binuksan nga po natin ang kalsadang ito, at tinatayang malaking ginhawa ang maidudulot sa lahat ng kailangan dumating sa kalsadang ito, na ang balita ho sa akin, noong araw ay dahil sira-sira, iniiwasan. Nagulat nga po ako doon sa aking briefer, sinabi na pag gusto mong lumakbay diyan, mangabayo ka o maglakad. Sabi ko, “Mangabayo? 21st century na, nangangabayo pa para lumipat ng lugar.” Iyon nga po ay para maibaba ang mga produkto sa pickup points tulad ng niyog. Ngayon, isinaayos na po, 17 kilometro, medyo malaki-laki din ang halagang ginastos natin diyan. Pero sa totoo lang po, itong 17 kilometers na ito, bahagi lang po ng lampas 18,500 kilometers ng kalsada sa buong Pilipinas na na-pave natin. At kadalasan nga ho, nakakatipid pa tayo sa estimates sa sobrang galing nitong si Babes Singson, sampu ng mga kasamahan niya sa DPWH. Tinulungan pa ng mga opisyales tulad ni Gov. Vi, para naman mabawasan ang mga isyu tulad ng right of way, talaga namang mapapabilis natin.

Ulitin ko lang po: Noong ako po’y congressman, para magkaroon kami sa distrito ko, 159 barangays sa Tarlac, ang nakukuha ho naming tulong na kalsada ay humigit-kumulang para sa 10 hanggang 14 kilometro. Kayo na po ang bahalang mag-divide ng 14 kilometers sa 159 barangays, ilan po ang mapupuntang kalsada sa kanila? Pero iba na nga ang sitwasyon ngayon.

Siguro, para maliwanag na maliwanag ang gusto kong iwan sa inyo, para maipakita rin ho kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng “pagtahak sa Daang Matuwid”: Noong Lunes po, tumungo ako ng Bacolod, magla-landing ka sa airport na nasa Silay, ibang bayan po iyon. Mula sa Silay, dadaan kang Talisay, hanggang umabot ka ng Bacolod. Dumating kaming gabi, una kong napansin ang pagkaganda-gandang kalsada mula Silay papuntang Bacolod. Parang highway na talagang sementado lahat, pati poste ng ilaw akalain niyo parang expressway.

Ngayon, habang tumatahak kami ng lakad na ito, nakailang beses na po akong nagpabalik-balik sa Bacolod, at nagulat ako dahil parang wala akong nakilala sa lahat ng dinadaanan namin. Hanggang sa dumating nga po kami sa Bacolod City—pangkaraniwang lugar sa probinsya, matayog yung kanilang city hall, lahat ng commercial activities nasa paligid ng city hall, tapo lumampas kayo nang konti sa bayan, wala nang masyadong nangyayari.

Gusto ko lang ibalita sa inyo, bumabaybay kami sa gilid ng kanilang city hall, Monday ho ito, iisipin niyo wala masyadong mga taong namamasyal, nagpapahinga, nagpapapresko, pero punong-puno ho ng tao. Meron silang parang sa Maynila na equivalent ng baywalk. Pero mas nagulat akong pagkalampas non, dinala kami sa isang lugar na ang pangalan ay Marketplace, marami hong kumakain doon. Sa Maynila ho pag Monday, karaniwan patay yung mga entertainment areas, pagod ang tao, nagtatrabaho. Doon ho, Monday, lahat ho ng mesa doon sa napakaraming lugar doon sa Marketplace, puno. Mabibilang mo yung mga mesang walang laman. Ang dami hong taong nag-eenjoy ng kanilang sarili doon.

Ang hindi lang ho puno ay yung restawran na kinainan namin, ang pangalan ay Enting’s. Pagdating ko, bakit kaya dito tayo dinala? Mukhang hindi masarap dito, walang katao-tao. Pero kumain kami, masarap nga. At sinabi sa akin ngayon, Lunes raw po pala, sarado ang Enting’s. Pero dahil hindi nila mahindian si Gov. Marañon ay binuksan para daw masubukan natin.

Lahat ng kalsada papunta nga ho doon. May isang lugar doon—kung hindi ako nagkakamali—Villa Angela. Bacolod East daw ho. Para ka na ring nagpunta sa Bonifacio Global City, parang dito sa Lipa, sa Batangas City, na talagang kaliwa’t kanan ang mall na talagang buhay na buhay ang komersyo. Ang importante sa akin doon: number 1, maganda ang ekonomiya sa Bacolod, yung mga tao may kumpiyansa na maganda ang buhay nila, na lalo pang gaganda ang buhay nila, may kakayahan na pumunta sa mga kainan sa labas ng bahay, hindi kinakabahan sa kanilang kinabukasan.

Ito ho ang gusto kong idiin: Babaybay nga ng Silay, Talisay. Yung Talisay po, nireport ni Mayor sa atin, ano ba ang ginawa ng gobyerno doon? Basically, yung kalsada mula airport hanggang Bacolod City. Dahil nabuksan ho itong parke na dating sakahan, nakita ang potensyal nito ng dalawang malaking kumpanyang nagdedevelop: Ayala at Megaworld. Sa kasalukuyan po, ang itinayo pa lang ng dalawa ay bakod ng nabili nilang lupain. Pero dahil nagpakita po sila ng interes, yung presyo ng lupa doon, nagtaasan na. Dahil tumaas yung presyo ng lupa, tumaas yung tinatawag na real property tax—yung tax ay yung kinikita ng bayan.

Dahil tumaas ang pondo nila, ano ang nagawa ng gobyerno ng Talisay? Meron silang Special Education Fund. Doon sa kanilang Special Education Fund, unang-una po, nabigyan ng dagdag na travel allowance ang mga guro nila na nagpupunta sa mga liblib na barangay. Nakabili sila ng sarili nilang bus. Bumili sila ng IT equipment. Nakapagpatayo ng sariling building. Yung school supplies ng kabataan nila, in-augment. Meron pa hong feeding program ng kindergarten hanggang grade 3. Bakit ho feeding program? Dahil karamihan po ng bumabagsak, bumabalik ng kinder hanggang grade 3, sila ang most vulnerable dahil poor nutrition.

Ulitin ko lang ho: Ganoong kasimple ang dapat gawin para talagang pabaguhin ang anyo ng isang lugar. Isang kalsada galing sa gobyerno, tinrato nating tama ang mga negosyante, inalalayan natin sila papunta sa mga lugar, dinedevelop na yung mga lugar. At ngayon pa lang ho, bakod pa lang ang itinayo nila, mayroon nang positibong epekto para sa bayan ng Talisay.

Dagdag ko pa po: Siyempre kapag itinayo na yung mga gusali, mga mall, mga pabrika doon sa dinedevelop nilang mga lugar, nagbibigay ng dagdag na trabaho, dagdag na income sa kanilang pamahalaan na siya namang mapapakinabangan ng ating mga kababayan doon. Iyan po ang Daang Matuwid. Iyon ang pinipilit nating mangyari sa lahat ng parte ng Pilipinas.

Isama ko na rin po ang isang example pa: Ang governor po ng Lanao del Sur, meron ho siyang dalawang bayan na binabagtas. Yung isa pong bayan, ang ngalan ay Wao, yung kabila naman po ay Bumbaran. Ang problema po, magkabilaang dulo ng probinsya niya iyon. Siyempre governor ka, kailangan mong dalawin lahat ng sinasakupan mo. Kada dalaw daw po niya, ang biyahe ay walong oras sa loob ng isang probinsya. Dahil walang kalsadang didiretso sa dalawang bayan na ito, dadaan muna siya mula sa kapitolyo, pupunta siya ng Cagayan de Oro, ng Iligan, ng Bukidnon para bumalik sa probinsya niya. Walong oras na biyahe. Nabuksan na po natin ang kalsada diyan, yung dating walong oras na biyahe, naging isa’t kalahati na lang ngayon. Pag natapos yung paving, isang oras na lang.

Ano ang pakinabang ng bayan? Ang pakinabang po, may governor sila… Isipin niyo dati, bibiyahe si governor ng eight hours, bibiyahe pabalik ng eight hours, sixteen hours na po iyon. Kung matutulog ho nang normal si governor, eight hours na naman yon. Sa madaling salita, 24 hours na po iyon, ubos na ang araw. Baka malamang, tumitira na siya doon kung kailangan niyang madalaw iyon. Ngayon ho, wala nang dahilan para hindi niya madalaw nang mas madalas, dahil isang oras na lang ang biyahe. Yung serbisyong kailangan nila, mahahanap kung ano ang pangangailangan, mapapadala nang mas mabilis dahil sa wakas, nagkaroon na sila ng kalsada para maiugnay itong dalawang bayang pagkalayo-layo.

Lahat ho ng binabanggit ko sa inyo—ayaw ko naman hong magtunog na patang sirang plaka. Alam ninyo dito sa Batangas, yung dinatnan natin noong 2010, yung 4Ps, wala kayong miyembro. Walang tinutulungang kabahayan sa Batangas noong 2010. Ngayon po, nasa 89,000 ang tinutulungan nating kabahayan. [Palakpakan] Kung tama ang tanda ko, sa PhilHealth ho, parang 96 percent na hong enrolled ang Batangueño sa PhilHealth, at marami pang iba.

Ngayon, dahil nakita ko nga ho yung tshirt, nakalagay “Ninoy noon, Noynoy ngayon,” naalala ko yung sinabi ng nanay at tatay ko na “Wag kang magtataas ng sariling bangko.” Kung may nagawa kami, kayo na ho ang testigo kung may nangyaring pagbabago o wala. Kung wala kaming nagawa, sa ika-9 ng Mayo ng susunod na buwan, referendum yon, sesantihin ninyo kami at aming mga kaalyado. Kung may nagawa kaming maayos at malaki, siyempre nasa inyo po iyan kung ipagpapatuloy natin ang lahat ng nangyayari.

Ako po’y humingi ng paumanhin sa mga speechwriter ko na maganda yung talumpating isinulat na hindi ko po binasa itong araw na ito. [Tawanan] Babasahin ko na lang ulit mamaya.

Ulitin ko lang po, at lalo ko pang ididiin sa susunod ko pang pupuntahan lugar: Natapos na po ang halalan noong 2010, nanalo na po tayo, hindi pa tayo napoproklama. Alam naman po niyo, hanggang hindi ka pa napoproklama, medyo lalong tumataas raw yung panganib. Ikinulong nila ako sa Tarlac. Doon muna ako. Handa na ang Kongreso para iproklama tayo.

Habang nandoon, siyempre napag-isip-isip tayo, isa lang naman talaga ang ambisyon ko: Kailangan yung iiwanan ko, di hamak na mas maganda sa aking dinatnan. At iniisip ko noong umpisang yun, paano ba natin gagawin lahat ito? Paano ba natin babaguhin? At saka kung pupuwede, hindi paisa-isang bagay. Kunyari, six years, nakapagpagawa tayo… Nakikita ko na naman itong klasrum na ito. Wala ho akong ipinagawang klasrum diyan. Pero sa buong Pilipinas ho, 185,000 classroom ang naipatayo natin in six years.

Noong araw ho kasi, lalaban sa Kongreso para mabigyan ng eskwelahan ang distrito namin. Magkaroon ka ng walo, puwede na. Magkaroon ka ng sampu, medyo magaling-galing ka. Pag nakakuha ka ng isang dosenang paaralan na naipatayo at—ulitin ko nga po sa inyo, isang dosenang paaralan, hatiin natin sa 150 barangays, parang lalabas ata, tigi-tigisang silya ang bawat barangay. Ulitin ko lang ho: Napagtulong-tulungan natin. Ang kaya lang kasi ng budget, mga 8,000 klasrum kada taon. Sa Daang Matuwid po, sa Batangas lang, ang napagtulong-tulungan natin ay kulang-kulang 5,000 klasrum.

At ulitin natin: Lahat yan puwedeng magawa. Paanong pruweba, e nagawa na natin? Puwedeng ginawa noong araw, huwag lang natin bubulsahin yung pondo ng bayan, ang dami nating magagawa, ang dami nating matutulungan.

Alam po niyo, pag ako tinitignan ko kayo, ano ba yung kinabukasan? Ipinaliwanag kanina ni Secretary Singson, may panibagong mga kalsadang bubuksan, iibsan yung traffic sa Batangas City. Ang Batangas na port, diretso na sa Star, na hindi tatawid sa looban ng Batangas City. Pero ang talagang nakaka-excite po ay itong nasa coastal niyo na Lobo- Malabrigo-San Juan Road. Pag ganyan, madali na ang access. Maraming resort na nagtatayo dito, marami kayong turista. Sabi nga, bawat isang foreign na tourist na dumating sa Pilipinas, isang trabaho ang nililikha. Pag tayo ho nagsabing habulin natin ang dagdag na trabaho, gawa tayo ng proyekto na magbibigay ng trabaho. Ito po, in effect, parang tourism road, dadalhin sa turista, merong pakinabang yung mga diyan po na magkakaroon ng hanapbuhay.

Subukan kong i-encapsulate ho lahat ng pinagsusubukan natin gawin, lalo na’t nasa eskwelahan tayo. Lahat naririnig natin: Magdadagdag ng trabaho. May kandidatong nagsabi na milyon-milyong trabaho ang gagawin niya o lilikhain niya taon-taon. Sabi ko, “Magawa mo yan, una na akong pupuri sayo.” Ano ho ba ang kailangan gawin?

Una muna, importante sa atin hindi trabahong ginagawa lang pag yung survey period. Ilan ba ang empleyado? Biglang magha-hire tayo ng street sweeper. Pag inilabas yung estatistika, “Uy, ang daming may trabaho!” Pagtapos ng survey period, sesante na, balik ulit sa walang trabaho. Ang ginagawa natin, dapat permanente ang trabaho.

Siguruhin natin, ano bang mga hakbang ang ginawa natin diyan? Eskwelahan. Bakit ba tayo pumasok sa 4Ps? Libre ang grade school at high school panahon pa ng nanay ko. Pero ang out-of-school youth natin, umabot na ng 2.9 milyon noong 2008. Sa 2013, nasa 1.2 milyon na lang yung out-of-school youth. Anong punto? Pag pumasok ka sa eskwelahan, 4Ps pangunahing kondisyon: Panatilihin ang bata sa paaralan. Tinulungan din natin sa kalusugan kaya meron kang feeding program, kaya may health checkups na kasama ng kondisyon para matanggap yung ayuda ng gobyerno.

In-increase na natin yung Pantawid Pamilya hanggang high school. Nag-graduate na tayo ng lampas 300,000 sa unang batch nitong 2015. Doon sa unang batch, kulang-kulang 14,000 ang honor students. Yung nagsalita para sa kanila, parehong natanggap sa UP College of Engineering na alam nating quota course. Puwede sanang wala nang nangyari sa kanila, pero dahil tinulungan niyong lahat, tinulungan ng pamahalaan, nakapagtapos ng high school. Ngayon po, pumapasok na sa college, at merong ilang libo na rin po na natulungan ng iba pang mga program hanggang college.

Pinag-aral, pagkatapos noon, kinausap natin ang mga industriya, “Ano ba ang mga trabahador na kailangan niyo para yung mag-aaral naman namin pag nakapagtapos ay may papasukan?” Ginuide [guide] natin. Ano ho bang problemang dinatnan natin? Maraming pumasok sa tinatawag na Occupational and Physical Therapy na course, marami raw trabaho. Four-year course, nag-board exam, pumasa. Noong nakapasa na, lisensyado na, wala na yung trabaho. Lumipat ng Nursing. Gumastos yung pamilya nang di bababa sa kalahating milyong pisong paaralin sila. Apat na taon na naman, board exam na naman, lisensyado na naman, wala na naman trabaho.

Ano bang ginawa natin? Kinausap lang natin ulit ang industriya, tinanong, “Ano ba ang kailangan niyo two years from now? Four years from now? Six years from now?” Resulta: Tingnan po ninyo yung pinagtapos ng TESDA. Yung kanilang general average po noong dinatnan natin, 28.5 percent ang nakakahanap ng trabaho anim na buwan pagkatapos grumaduate ng kurso. Ngayon po, nasa 72 percent na. May mga sektor po, 93 to 96 percent na ang nagkakatrabaho pagka-graduate doon sa kurso ng TESDA. 9 million course graduates po ang napatapos ng TESDA. Yan po, may trabaho na talagang hindi naglilinis ng kalsada nang panandalian, pero panghanapbuhay pa.

Magandang balita pa ho doon: Yung mga nakapag-training sa BPO sector, yung mga call center, unang suweldo pa lang nila, sa unang taon ng pagsusuweldo nila pagbayad nila ng buwis, yung ginastos ng gobyerno para paaralin sila, bayad na. Lagpas pa sa ibabayad nilang buwis. Ibig sabihin po noon, yung binigyan natin ng pagkakataon ngayon, sa haba ng buhay niyang magtatrabaho siya, marami siyang bibigyan ng parehong pagkakataon. Puwede nating ituloy-tuloy yung programa.

Mga kasama, dito na nga ho, samantalahin ko na, palagay ko hindi ako mababalik dito bago matapos ang termino natin, magpapasalamat muna ako sa inyo na binigyan niyo ako ng pagkakataon na mamuno sa isang dakilang lahi na talaga naman pong naasahan natin sa lahat ng bagay. Anumang parehas na sukatan, palagay ko malayong-malayo na po ang narating natin sa pagtahak ng Tuwid na Daan.

Siguro, sa dulo na lang po, ito ang matinding pakiusap sa inyo: Parati kong sinasabi, dati dapang-dapa tayo. “Sick Man of Asia” ang tawag sa atin. Ngayon, “Asia’s Rising Tiger.” Nakatindig na tayo muli, natuto na tayong lumakad. Pansinin po yung nangyayaring pagbabago sa mga lugar tulad ng Talisay. Wala pa yung sagad na benepisyo niyan dahil wala pang mga gusali, itatayo pa lang. Wala pa yung mga pabrika, wala pa yung mga trabaho. Ang punto ho nito: Pag nagdatingan lahat ng iyon—dati kasi pag may sinasaka kang lupain, baka komportable ang buhay ng isang tao. Yung isang ektaryang dating sakahan, gawin mong factory, puwedeng limandaang tao ang nakikinabang diyan. Yun ang nangyayari sa Talisay at sa marami pang ibang lugar.

Dito sa Sta. Rosa sa Laguna, nakita niyo. Dito sa Batangas, yung first Philippine Holdings sa Sto. Tomas. Noong una kong nakita yun, maraming bakanteng lote. E pa-expand nang pa-expand, parami nang parami yung factories na itinatayo diyan, parami nang parami yung trabaho. Yung huling dalaw ko ho sa kanila, tinanong ko, “Meron pa ba kayong paraan para palawakin ito?” Sabi nila meron, tapos yung itinuro nila sa akin, puro mga hills. Sabi ko, “Tatayuan niyo, medyo bulubundukin na.” Ganoon kalayo na ang inaabot, at marami pa nga raw hong demand.

Nagpapasukan na. Marami nang negosyante ang may tiwala sa loob at sa labas ng bansa sa kakayahan ng Pilipino at sa katinuan ng gobyerno. May tapang sila na dito makipagsapalaran sa kanila pong mga negosyo.

Sinasanay natin ang mga kababayan natin para walang maiwan, may kakayahan sumama dito sa pag-asenso ng buong bansa. Yung mga pangangailangan natin—hindi ko naman sasabihin na natapos na natin lahat ng pangangailangan, pero marami-rami na po tayong dati’y bahala na. Parang dati, bahala na ang bawat isa sa atin. Ngayon po, maliwanag yung ayuda ng estado.

Sa ika-9 na Mayo ho, para sa akin referendum: Tama ba ang ginawa namin sa inyo o mali? Kung mali, ang daming ibang gustong pumalit. Sila ang iupo niyo sa puwesto. Kung tama naman ang ginawa natin, kung palagay niyo ito ang direksyon na dapat talaga tayong umarangkada, aba’y matinding pakiusap ko naman po sa inyo: Tulungan niyo yung magtutuloy ng pagtahak natin sa Daang Matuwid tulad ni Mar Roxas at ni Leni Robredo.

Ipapakiusap ko sana si Gov. Vi, kaya lang alam ko, wala akong maitutulong kay Gov. Vi dahil sigurado na ako kay Gov. Vi. [Palakpakan] Yung hindi tutulong kay Gov. Vi, medyo malabo yata ang usapan. Kaya sabi nga nila, baka ma-over.

Mga kababayan, magtatapos na po ako ngayon, ulitin ko lang po: Talagang lahat ng pulitiko, siguro parang sinasabi, “Salamat sa pagkakataon sa inyong maglingkod.” Pero sa totoo lang, pag ako po binalikan ko yung mga hamon na hinarap natin, at yung nagawa natin bilang isang sambayanan, talagang damang-dama ko na hindi ko magagawa yung nagawa ko kung hindi ako sigurado at panatag ang kalooban na nasa likuran ko kayong lahat, na dadamayan niyo ako sa lahat ng kailangan nating gawin at sa lahat ng pagsubok na dinaanan. Kaya talagang karangalan ko pong naging pinuno ng isang dakilang lahi na talaga namang kayang harapin ang anumang hamon. At siguro, yung kaya nating marating, ang limitasyon na lang ay ang ambisyon natin.

Magandang hapon po sa inyong lahat. Maraming salamat po.