President Benigno S. Aquino III’s Speech at the Armed Forces of the Philippines (AFP) Change of Command Ceremony and Retirement Ceremony of General Hernando DCA Iriberri
AFP Gen. Headquarters Grandstand, Camp Emilio Aquinaldo, Quezon City
22 Apr 2016
 
Sa araw na ito, binibigyang-pugay natin ang isang kawal at pinunong tunay na nakiambag sa ating panatang mag-iwan ng isang Pilipinas na di hamak na mas maganda at mas matiwasay kaysa ating dinatnan: Ang atin pong outgoing Chief of Staff na si Gen. Hernando Iriberri.

Sa panahong nakatrabaho natin siya, nakita natin ang propesyonalismo, husay, at matinding dedikasyong tatak ng sundalong Pilipino. Noong 2013 elections, bilang brigade commander sa Abra, kay Gen. Iriberri, walang barangay na nagdeklara ng failure of elections, at walang naitalang election-related violence sa lalawigan. Sa kanya namang panunungkulan bilang Commanding General ng ating Hukbong Katihan, nadala sa katarungan o kaya’y tuluyang napigilan ang mga bigating kalaban ng Estado gaya nina Benito at Wilma Tiamzon at Kumander Parago ng CPP-NPA-NDF, pati na si Mohamad Ali Tambako ng Justice Islamic Movement, at sina Khair Mundos, Long Malat Sulayman, at Sihata Latip ng Abu Sayyaf.

Sa panahong tumindig na timon ng AFP si Gen. Iriberri, nadakip at na-neutralize natin ang high value targets tulad ng Moroccan bomb instructor na si Mohammad Khattab, at si Maria Concepcion Bocala ng NPA. Sa ating panunungkulan, tuluyan ngang natalagang “peaceful and ready for further development” ang 52 sa 76 na probinsyang apektado ng panggugulo ng NPA. 21 sa 52 na probinsya, nadeklarang mapayapa sa termino ni Gen. Iriberri bilang hepe ng Army at AFP.

Kasabay ng mga inisyatiba sa seguridad, patuloy din niyang isinulong ang AFP Transformation Roadmap 2013-2028 na layong palakasin ang capability development at professionalization ng ating buong kasundaluhan. Sa pamumuno niya, natanggap ng AFP ang Islands of Good Governance Award mula sa Institute for Solidarity in Asia bilang patunay sa naganap na transpormasyon sa ating hukbo.

Sa totoo lang: Ang pamantayan ng pamumunong iiwan ni Gen. Iriberri, masasabi nating talagang kabaliktaran ng dating kalakaran kung saan umiral ang pabaon at transaksyonalismo sa mga dapat sanang tumatayong ehemplo ng karangalan, katatagan, at katapatan. Kaya sa iyo, Dodo, tanggapin mo ang taos-pusong pasasalamat naming lahat para sa iyong mga pagsisikap.

Ngayon, dahil sa pakikiisa ni Gen. Iriberri at ng bawat kasapi ng AFP, at sa matibay na suporta ng ating mga Boss, napatupad natin ang malawakang modernisasyon sa inyong hanay. Hindi ko na babanggitin isa-isa ang mga bagong kagamitan ng ating kasundaluhan dahil sa usapin ng pambansang seguridad. Pero idiin ko: Di lang natin natapatan, kundi talagang nahigitan pa ang 45 na nakumpletong proyekto ng mga nauna sa ating administrasyon. Halos doble ang inilabas nating budget para mapondohan ang 68 na makabuluhang proyekto ninyo.

Kasabay niyan, sabay-sabay din nating tinutukan ang inyong pangangailangan, pati na ng mga mahal ninyo sa buhay. Sa pabahay, nakapagpatayo na tayo ng 61,378 housing units para sa ating AFP, PNP, at iba pang kasapi ng unipormadong hanay. Nagkaroon din tayo ng livelihood programs gaya sa Fort Magsaysay, at nagpapatupad ng skills training para sa unipormadong sektor. Nariyan din ang umento sa inyong monthly combat pay. Tinaasan din ang inyong subsistence allowance. Dinagdagan din natin ang inyong monthly hazard pay at ang inyong provisional allowance at officers’ allowance, at isinulong ang tamang solusyon sa inyong pensyon.

Klaro, ito ang legasiyang ipapamana ni Gen. Iriberri: Isang AFP na talagang inaaruga, may mataas na moral, may malalim na paninindigan, at matinding pagkilala sa tawag ng tungkulin. Sa pangunguna niya, nailatag natin ang pundasyon para totoong magampanan ng AFP ang napakahalagang misyon na nasa harap po nila: ang siguruhing tahimik, ligtas, at malinis ang paparating na halalan.

Ngayon nga po, bagaman hindi na tayo makakapagtalaga ng Chief of Staff dahil sa mga pamantayan ng Saligang Batas, tiwala pa rin tayo na ang papalit kay Gen. Iriberri ay maipagpapatuloy ang maganda niyang nasimulan, sa nalalabing mga buwan ng ating termino. Magiging Acting Chief of Staff si Lt. Gen. Glorioso Miranda, na kilala sa pagiging mapanuri at maparaan bilang strategist at sundalo.

Hayaan naman ninyong kunin ko ang pagkakataong ito upang idiin: Bilang Commander-in-Chief, talagang naging mapalad akong magkaroon ng mga katuwang sa DND at AFP na tunay na sumasalamin sa pinakamatataas na ideyal na inaasahan ng ating lahi. Una po riyan si Secretary Volts Gazmin, na matagal na nating kasama sa pagtutulak ng positibong reporma sa ating Sandatahang Lakas. Nagpapasalamat din tayo sa lahat ng naglingkod bilang Chief of Staff ng AFP, at sa mga dati at kasalukuyang service commanders ng Army, Air Force, at Navy na nakasama natin sa loob ng ating administrasyon.

Siyempre, nagpapasalamat ako sa bawat sundalo, opisyal, reservist, at kawani ng AFP na talagang nakihakbang sa Daang Matuwid at nakiisa sa pagsasakripisyo, para maihatid natin ang ating sambayanan sa dapat nitong kalagyan.

69 days na lang at babalik na ako sa buhay pribado. Hindi ko nga maiwasang tanawin ang layo ng ating nilakbay sa Daang Matuwid, at ang masasabi ko sa lahat ng ito: Wala nang makakatapat pa sa karangalang ibinigay sa akin na maglingkod bilang inyong Commander-in-Chief at bilang Pangulo ng isang dakilang lahi, na araw-araw na pinatutunayang “The Filipino is definitely worth fighting for.”

Magandang araw po at maraming salamat sa inyong lahat.