President Benigno S. Aquino III’s Speech at the meeting with local leaders and the community in Antipolo Rizal
Sumulong Park, Bgy San Roque, Antipolo City, Rizal
22 Apr 2016
 
Umpisahan ko ho, unang-una, magpasalamat sa publiko po: Kay Junjun Ynares, sa tatay niyang si Ito Ynares na talaga namang pong—at lahat ng mga Ynares. Sa totoo lang po, 2007, tumakbo akong senador sa oposisyon. Sila prinessure nang husto na ilaglag ako, huwag akong tulungan. At si Manong Ito ho, sabi niya, “Wag na ho nating trabahuhin yan. Eh tagadoon ho sa amin yan. Di ho natin magagawa yan. Tulungan na lang natin kandidato niyo.”

So gusto ko lang ipagdiinan po: Prinessure, baka may konting takot, at kung ano-ano pang ginawa. Pinanindigan po. Talaga naman pong nagtagumpay tayo nung 2007, nakilala sa buong Pilipinas, naging tulay ho bilang Pangulo. Kaya talaga naman ho, sa harap po niyo, nagpapasalamat ako sa buong angkan ni Manong Ito at saka ni Junjun.

Dito sa Antipolo ho, ewan ko kung alam niyo, marami hong bumabati sa akin kasi sinasabi, “Ang galing mong mag-Tagalog.” Tapos ngayon ko lang ho napag-isip eh. Madalas ho, ang lola ko ho kasi Sumulong, ang lolo ko naman ho, yung Lolo Pepe ang tawag namin, si Jose siyempre taga-Tarlac. Kinasal sila dito sa Antipolo. At alam niyo yung Tarlac ho kasi, kalahati Ilocano, kalahati Kapampangan, tapos yung malapit sa Nueva Ecija, Tagalog naman. Kaya sa bahay po namin, mayroon kaming mga kasambahay, mga kasamahan, yung iba Ilocano, yung iba Kapampangan, yung iba Tagalog. Pag nag-uusap ho sila yung Kapampangan, magka-Kapampangan, yung Tagalog sasagot nang Tagalog. Yung Ilocano, magtatanong nang Ilocano.

So nung bata ho ako, akala ko pare-pareho lang ho yun e. Pero sa totoo lang nga ho yung iniisip ko lola ko. Yung lola ko ho, iniisip ko ngayon kung nasermonan ako buong buhay namin magkasama, at palagay ko hindi ako nasermonan. Pero sa bahay ho ng lolo’t lola ko, parating Tagalog ang usap. So naalala ko, maraming beses na dito kami sa Antipolo. Wala na ho siguro, mayroong tindahan ho eh, restawran. Ang ngalan po si Aling Goyang. Nandito mga kamag-anak niya? Nandiyan pa rin yung kay Aling Goyang? Parang barkada ng lola ko yata si Aling Goyang eh.

Di tatanungin niyo bakit naalala ko yan? Kasi ho pag sinabi hong pupunta ng Antipolo, garantisado may haluhalo. Eh pag bata ka, madali kang pakiusapan eh. “Gusto mong maghaluhalo?” “Aba, siyempre!” “Halika, punta tayo Antipolo.”

At pagdating nga ho, siyempre yung haluhalo ho, hindi pag may basong ganyan, haluhalo na. Nung panahong yun, medyo mga isang pulgadang ho siguro yata yung laki ng haluhalo. Nandun na yung ice cream. Nandun yung leche flan. Talagang kumpleto. At parang tanda ko na iiwan nila ako doon. Babalikan ako after one hour. At pag napahuli sila, may kasama na ring suman. Pag-uwi naman namin, hindi ako pinapakain ng isang pirasong suman, isang tiklis ng suman yung inuuwi ko.

Tapos yung suman ho, parang—eh gumagawa ho kami ng asukal sa Tarlac eh. So binababad, kung babalatan mo yung suman, pati yung—alam niyo pag naalala ko, pati yung wrapper eh makinis parati, hindi di ba? Hindi parang panapon eh. Parang sasayangan kang tanggalin, ang ganda ng pagkaayos. Pero siyempre importante sa akin yung suman sa loob. Bata ako eh.

Bubuksan natin yung suman, gaganyan ng asukal. Medyo kulang, o di ginanon, ginanyan, binaliktad, pinuno ng asukal. Kaya pagkatapos ng haluhalo saka yung suman, nakangiti po ako the whole time. Ngayon alam ko na tawag doon: sugar high.

So, di wag na ho. Di yun ang pakay natin. Hindi ko naman ikukuwento sa inyo yung kabataan ko dito. Idagdag ko lang: Dahil ang lola ko may babuyan nung araw dito sa Antipolo, so pag kasama nung Antipolo, bago ng haluhalo at saka suman, kadalasan may litson. Saka pag nagpakain siya, maraming litson. Tapos mayroon—yung naalala ko mayroon ho siyang ano dito eh, piggery nga po niya, may mga kabayo pa. So yun bata ako, nangangabayo ako sa kanila.

“Pagpunta mo doon, mangangabayo ka.” Dumaan ho yung kabayo ngayon, may nakasakay, napansin ko walang renda. Tinatanganan lang yung buhok. Sabi ko, “Mabigat yata yung style ng pangangabayo dito, sa buhok lang dadaanin. Paano mamanduhin yung kabayo?” Nung nakita ko hong walang renda, sabi ko, “Doon na lang ako sa Tarlac mangangabayo, may renda kami doon eh.”

Okay. Mga kapatid, kanina pa ho ako dito, pinapakinggan ko lahat ng nagsalita sa atin at siguro diretsuhin ko na sa gusto kong maibahagi sa inyo.

Noong 2010 po, natapos na yung halalan at alam naman po niyo tradisyon ng pulitika sa Pilipinas, hanggang hindi ka napoproklama pag ikaw ang nanalo, medyo tinatabi ka muna, magtago ka muna dahil pag namatay ka yung pangalawa, yung natalo ang mapoproklama sa panalo. So ganoon ho ang nangyari, hinihintay natin maproklama. Sa Tarlac po ako bumoto, doon ako nagbantay. So nakapirmi muna sa Tarlac, mga dalawang linggo ho yata e.

So nagkaroon ho ako ng pagkakataon, natatandaan niyo yung sinabi ko po sa inyo kasi nung araw, ang balak ko, iiwan ko di hamak mas maganda sa dinatnan ko. At dun ko ho binubuno o inumpisahang buuin ang lahat nung mga detalye: Paano ba natin gagawin ito? Pag sinabi nating pinaasenso natin ang isang tao, ang dami na hong sinubukan eh. Gumawa ng incentives para yung kapital dadalhin sa probinsya. Parang hindi nagtagumpay.

Buhusan natin agrikultura, nung panahon ng Martial Law, tawag nila “Masagana 99.” Sa totoo ho, ngayon pa lang natin naabot yung “Masagana 99.” 99 kaban, o 100 kaban kada ektarya, ngayon pa lang natin nagagawa yan. So tingnan po niyo, ano ba ang tinahak natin sa Daang Matuwid?

Mamaya papakitaan ko yung malakihang numero pero baka mas importante pumunta tayo doon sa tutok. Kung makatawag tayo ng negosyante at kailangan sabihin ko na ho ngayon yun. Pasensya na ho kayo, hindi ko memoryado lahat ng ginawa natin sa buong Pilipinas, kaya kailangan natin ng konting notes.

Sa pamumuno ng mga Ynares, yung BOI-approved investments, okay, number 5 po ang Rizal sa buong Pilipinas sa pinakamalaking BOI-approved investments.

Noong panahon ho ng pinalitan ko, 2005 hanggang 2010, ang kabuuan pong papasok sa Rizal, P7.02 billion na investments, nung araw po yun. Nung panahon natin, at hindi naman ho dahil tagadito rin tayo, 2011 hanggang 2015: P94.78 billion po. [Palakpakan] Di naman ho siguro papasok yung investor dito kung hindi sila panatag ang kalooban na katanggap-tanggap sila ng taumbayan at inaalalayan ang ating pamahalaang lokal. So yun po yung achievement, 14 times po ang nilaki ng investment dito.

So balikan ko lang ho yung sinasabi ko sa inyo. Papasok yung investor, naghahanap ng trabahador, baka yung trabahador, kailangan computer literate, yung hindi nakapagtapos, malamang hindi computer literate. “Sorry, hindi ka kuwalipikado.” Yung BPO industry, sa totoo lang ho, sa Kongreso nung nandun kami, sinasabi sa amin parati: Kada 10 aplikante, masuwerte na yung isa natatanggap. Maraming trabaho dumarating, di naman kuwalipikado, di makapasok sa trabaho. Okay. So inisip po natin, paano ba natin talaga babaguhin yung anyo ng atin pong lipunan?

At babalik tayo, ano ba pinakamatingkad na masasabi nating resource, ano ba yung puwede nating ipagmalaki saan man? Sa akin po, paniwala ko, yung taumbayan eh. Kung sa pulitika po pinag-uusapan, sa atin po yung People Power na Revolution. Tahimik at mapayapang pagbabalik ng demokrasya, puwede nating ipagmalaki yan.

So balikan po natin ngayon: 4Ps, kanina narinig natin tatlo nagsalita, anong pakinabang nila sa 4Ps na program. Ano bang konsepto? Anak mo, hindi mo kayang papasukin sa eskwelahan, na panahon pa ng nanay ko libre. So anong solusyon? Tulungan ka ng pamahalaan, mapanatili, at yun ang pangunahing kondisyon eh, manatili ang anak mo mag-aral.

Nung 2014 po, sa tulong ng Kongreso nila Romy, nila Leni, napaangat natin yung programa pati na yung high school, tinutulungan yung mga Pantawid na Pamilya. Okay. Ano po ang balak natin dun? Pag naka-graduate ng high school, 40 percent, 40 porsyento ang lamang sa kita kaysa nung natapos ng grade school.

So kung mapanatili natin sa eskwelahan, magkaroon ng kakayahan, di ba? Mas maganda ang pag-asa niyang mayroon siyang hanapbuhay na totoo. Alam niyo nung panahon ng pinalitan natin, madalas po pag yung may survey, ang tawag nila Labor Force Survey. Pag panahon ng survey, kukuha ng mga tagawalis ng kalsada at wala naman hong masama sa tagawalis ng kalsada. Pagtapos ng survey, wala na rin yung tagawalis ng kalsada. Ibig sabihin, mataas yung numero ng employed pag may survey. Pag wala nang survey, balik sa dati.

So dito ho sa atin, kasama na natin yung TESDA. Yung TESDA po nagkaroon na ng 9 million course graduates. Anong pakinabang natin doon? May tinatawag kasi placement rate. Ilang tao ang nag-graduate ng TESDA nagkakaroon ng trabaho bago umabot yung anim na buwan na nag-graduate? Yung pinalitan po natin, 28.5 percent ang placement rate.

Sa panahon po natin, sa pamamalakad ni Joel Villanueva, 72 percent na po yung general average ng mga nagtapos ng TESDA na nakahanap ng trabaho, hindi aabot ng anim na buwan tapos mag-graduate. Siyempre binibiro ako parati ni Joel. Sabi niya, “Alam mo may dumaan sa amin, certified mechanic siya. Ang suweldo niya ngayon ay P250,000 a month sa Australia.”

Bakit ho importante yun? Yung Pangulo ho kasi ng Republika ng Pilipinas, ako po, suweldo ko P120,000 kada buwan. So sabi ni Joel, “Mali yata pinasukan mong trabaho. Kung dito ka pumasok sa amin, doble suweldo mo.”

Ngayon ho, pero idiin ko lang konti ho: Kung tutulong tayo, tulungan na natin nang husto. Dito muna tayo sa TESDA. May nakausap kaming isang kababaihan, nakuha siyang magtrabaho sa Middle East. Pagdating dun, tapos siya ng accountancy, ang naging trabaho niya, ipinangako nung nandito sa Pilipinas, kahera; pagdating dun, domestic helper. Inabuso pa. Nakatakas siya, natulungan ng embahada natin, napabalik ng Pilipinas, binigyan raw siya ng pamasahe, P500 para makauwi sa Pangasinan. At gulong-gulo raw ho isip niya. Sabi niya sa amin: Parang gusto na niyang magpakamatay. At puwede natin maisip, maunawaan bakit ano.

Pumunta doon, malamang umutang, hindi natapos yung kontrata, walang pambayad dun sa utang. Hindi malaman kung paano iaabante buhay niya. Tapos nasabihan siya, “Alam mo iba’t iba ang scholarship program ng gobyerno, bakit hindi mo subukan?”

So sinubukan po niya: May massage therapy saka parang hilot wellness na programa ang TESDA. Pinasukan niya, nakapasok sa isang spa, magaling, naging operations manager ng spa. Dahil talagang magaling, bumukod po, nagtayo ng sariling spa. Ito pong hindi niya malaman ang direksyon niyang pupuntahan, ngayon po, apat na ang spa na pag-aari niya. Pina-franchise pa niya yung spa doon po sa amin sa Tarlac, taga-Pangasinan siya. Apat ang branches niya sa Pangasinan, tatlo sa Tarlac. Yun po ang pinagbago ng buhay niya.

So balikan ko lang ho. Unang estratehiya natin: Bigyan natin ng kakayahan makasabay sa pag-angat ng ekonomiya lahat ng Pilipino. So isa sa pinakaimportante diyan, yung 4Ps. Manatili sa eskwelahan, magkaroon ng kakayahan, matuto, may pag-asang may trabaho, hindi yung unskilled na menial na trabaho. May pag-asa talagang may mangyari sa kanya.

Sunod na problema: Nakapasok, mahirap sila, hindi makakain nang husto, masama ang kalusugan. Pinalaki po natin ang budget ng Department of Health—tatlong ulit na mula nung nag-umpisa tayo. Dito po sa inyo, kulang-kulang mga P150 million ang binuhos ng DOH para sa Health Facilities Enhancement Program, kasama na po yung ospital, kailangan ko lang lagyan ng pangalan yung ospital, na yung dialysis ho nila ang natulungan eh—dialysis machine, sandali lang ho ah. Isipin niyo, hindi ko pa naalala to. Rizal Provincial Hospital System sa Morong, okey po. Ang na-allocate po diyan ay P44.68 million, papunta ho ng upgrading ng dialysis center. So ulit po: P179.36 million ang improvement ng barangay health centers, rural health units, urban health center, at pati mga ospital.

Buti pa, basahin ko minsanan to para maitabi na natin. O, yung bata na puwede na natin tulungan ng 4Ps makapasok ng eskwelahan tapos wala naman palang eskwelahan. Nung tayo’y unang naupo, tinatayang kulang nating classroom sa buong Pilipinas, 66,800. Okay, dami naman nun.

Ang problema: Budget natin taon-taon, ang kayang suportahang pagpapatayo ay 8,000 classroom lang. Madaling salita, anim na taon binigay niyo sa akin, 8,000 classroom kada taon, 48,000 classroom. Tama ho ba? Eh ang utang, 66,800 ho ang kulang. Pagbaba ko sa puwesto, may utang pa tayo. Di naman tayo makapayag nun dahil sinabi ko, di hamak mas maganda ang iiwan ko kaysa dinatnan ko.

So pinagtulong-tulungan po, naghanap tayo ng iba’t ibang estratehiya. Minaximize natin yung mga nagdo-donate ng classroom. Resulta po: Hanggang next year, dahil mayroon pong mga 3, 4-storey na classroom na tinatapos pa, 185,000 classrooms ang nagawa natin o ginagawa sa kasalukuyan sa buong Pilipinas. Nangyari po yan dahil pinagbigyan niyo tayo ng pagkakataon.

Importante sa inyo siyempre yung flood control. May flood control projects tayo: pang-Nangka River, Barangay Sto. Niño, and Banaba sa San Mateo. Portions po ng Marikina-Infanta Road at Antipolo-Teresa Road dito sa Antipolo. At saka may mga ibang parte pong tinatawag na Manila-East Road at highway sa Taytay ay nabigyan natin ng iba’t ibang mga flood control projects. Marami pa hong ibang projects na parating.

Nakita na po niyo yung tinatayong LRT Extension papunta ng Masinag dito po sa Antipolo. Mayroon pong nasa pag-aaral na ngayon, yung na-approve ng NEDA, LRT Line 4 naman po. Magko-connect ng Manila East Road sa Taytay papunta ng Ortigas Avenue at saka EDSA. Meron din pong South East Metro Manila Expressway, C-6. Kung saan di na kayo makikipagsabayan sa EDSA at siguro talagang nababad sa Ortigas na araw-araw ay talagang nilalamon ng traffic para dumali ang daloy ng traffic natin. At marami pa hong iba.

Pero ito ho importante sa akin to: Pantawid Pamilya. Alam niyo itong Rizal, nabibilang ho kayo sa natatanging grupo, na araw-araw parang nakikita ko, parang palaki nang palaki grupo niyo. Nung 2010 po, 780,000 na kabahayan ang miyembro ng 4Ps. Sa Antipolo po, ang miyembro ng 4Ps nung 2010, wala, zero. Zero kayo dito, zero sa Batangas, zero sa Cavite, zero sa Basilan. Ngayon ho, ang natutulungan na natin: 41,035 households.

Banggitin ko na rin ho yung classroom ulit ha: 2,644 classrooms of the 3,811, matatapos na po itong taon na to at marami pang iba pero palagay ko ho, baka sabihin naman nagtataas tayo ng sariling bangko. Dumating pa ang lola ko at saka nanay ko mamaya, pangaralan ako, kaya tama na siguro yung ating nagawa at lumipas na yan.

Mga kasama, ulitin ko lang: Estratehiya, paano maibsan ang kahirapan. Lahat nagsasabi ngayon: Mahal ang mahirap, kailangan tulungan ang mahirap, may malasakit sila. Kami ho, ginawa na namin. Simpleng-simple: Paaral natin, itayo natin yung classroom na pag-aaralan. Tulungan natin manatili sa paaralan sa pamamagitan ng 4Ps. Tulungan natin na ayusin ang kanilang kalusugan, para naman manatili sa paaralan. At pag naka-graduate naman, tulungan na rin nating makahanap ng trabaho.

Paano ho natin ginawa yan? Nung tayo ho unang upo, may panahon sikat na sikat na kurso ho yung tinatawag na occupational, physical therapy. Mag-graduate ka nito, sabi, may trabaho ka sa abroad. So may mga naniwala tayong kababayan, pumasok ng Occupational Physical Therapy. Apat na taon nag-aral, may board exam, 5 taon total. Nung natapos na, lisensyado na, wala na yung trabahong sabi marami.

Lumipat ng nursing. Nursing ho tinataya, kalahating milyong piso para mapaaral sa nursing. Ganun na naman ginawa. Physical Therapy, lumipat ng Nursing. Apat na taon na naman nag-aral, nag-board exam na naman, lisensyado na naman. Nung tangan na yung lisensya, wala na namang trabaho. Tama ho ba?

Sabi ko: Bakit ba ganyan? Bakit na lang habol nang habol sa trabahong marami ngayon, bukas wala na? So anong ginawa natin? Nakiusap ho tayo sa industriya, mga negosyante, “Ano ba kailangan niyong trabahador 2 taon mula ngayon, 4 na taon mula ngayon, 6 na taon mula ngayon?” At doon tayo nagtutok, dun nag-training ang TESDA, dun nag-offer ng scholarship sa pangangailangan ng gobyerno ang CHED at saka sa pagtutulak ng ating mga estudyante sa tiyak na meron silang pupuntahang trabaho. Nakapag-aral ka, nakapagtapos ka, wala ka naman pinasukan, wala ring silbi.

Resulta: Sample lang ho. Kunwari pumasok sa BPO, yung mga call center. Ang training natin, gagastos tayo siyempre para ma-training yung ating kababayan, pag nag-graduate siya, isang taon pa lang siya na nagtatrabaho, magbabayad ng buwis siyempre. Pagbayad niya ng buwis, bayad na yung pinag-aral, yung gastos natin para paaralin siya. Anong ginanda nun? Aba, hindi lang naman siya isang taon magtatrabaho, baka 30 taon.

Isang tao bigyan natin ng pagkakataon, 30 po ang manganganak. 30 ang puwedeng magkaroon ng parehong pagkakataon dahil maayos yung paggugol natin ng pondo. Namuhunan tayo sa kababayan natin, yung kababayan naman natin, sinoli niya sa atin, mayroon pang dagdag, nakakatulong tayo ulit, sa mas marami pa.

Di ko na ho kayo lulunurin sa napakaraming estatistika, palagay ko alam naman natin lahat yan. Baka puwede ito na ho ang pinakaimportanteng gusto kong iwan sa inyo.

Unang-una ho, natitira sa termino ko po, 69 na araw. Tapos po non, tayo’y magiging pribado na namang mamamayan. Baka naman puwede na akong makadalaw dito sa Antipolo ulit. Makatikim ng konting suman at saka haluhalo na hindi ho minamadali.

Alam niyo, hindi naman sa nagpaparinig ako kay Junjun. Alam ko mabait yun eh pero, kadalasan ho, may mag-aabot sa akin ng produkto nila. Pag suman, iaabot sa akin, siyempre may kakamayan naman akong ibang tao, ipapasa ko ho dun sa aking assistant na si Jun Delantar. Pagdating namin sa bahay, sasabihin ko sa kanya, “Jun, pahingi naman ng suman.” “Sir, interesado ba kayo?” Kako, “Siyempre.” “Akala ko ho, hindi eh.” “O, anong nangyari?” “Eh di nung pababa, kinain na namin.”

O kaya naman, galing ho kami Bacolod, sarap ng piaya. So nakita ko, “Uy ito yung original, parang gawang bahay pa. Talagang masarap yan.” Ganun na naman ang sinabi sa akin, “Sir, yung mga speechwriter niyo, gutom na gutom kanina eh. Hinati ko na sa kanila.” “Hati? Yung kalahati, saan napunta?” “Sir, kasama nila ako, eh di kinain ko na rin yung kalahati.”

Anyway ho, mababalikan ko naman po yan, 70 days, 69 pa ho yung natitira sa akin. Alam niyo, parang—paano ko ba ipaliwanag sa inyo, ano? Yung estatistika, kung minsan mahirap nating unawain eh. Tingnan ho niyo, ano ba ginawa natin sa Tuwid na Daan? Binabanggit ko yung imprastraktura. Nanggaling ako sa Negros Occidental. Nung araw po, airport nila, nasa Bacolod City. Ngayon po, nasa ibang bayan na, ang ngalan ay Silay.

Sa Silay ho, bibiyahe kayo, lalanding kayo sa Silay, bibiyahe kayo ng Talisay hanggang umabot kayo ng Bacolod City. Anong nakita ko dun? Unang-una ho. Paglapag namin, gabi na kami dumating, dinanaan namin isang kalsada na talaga namang hindi natin ikahihiya, para bang toll road, para bang expressway ang dating. Pati yung ilaw nila, hindi yung ilaw na parang pag hindi ka nayuko, mauuntog ka. Yung ilaw, nasa tamang taas at tama yung lakas. Ngayon, nagtataka ako, nakailang balik nang balik na naman po tayo sa Bacolod eh. Nagtataka ako, wala na akong halos makilala dun sa dinadaanan naming ruta. At nung kinaumagahan ho, pabalik na kami, talaga namang klaro na iba na talaga itong ruta, iba na rin yung Bacolod. Pero iwan ko na lang ho dun sa Talisay yung gusto kong ibahagi sa inyo.

Tinayuan ng gobyerno, isang kalsada para mapadali yung biyahe—airport papuntang Bacolod City. Dahil sa itinayong kalsadang yun, yung dating bukirin o kaya’y tigang na lupa, nakita ng Ayala Corporation, nakita ng Megaworld Corporation. Pareho silang namili ng lupa, sabi nila, mukhang maganda idevelop to. Lalo na nung may kalsadang bago dito. So ang ginawa po nila, namili ng lupa, tinayuan ng bakod. Dahil tinayuan nila ng bakod o namili at tinayuan ng bakod, wala pa hong nakatayong gusali ha, ano po resulta? Yung bayan ng Talisay, dumagdag yung kinikita nila sa buwis dahil nagtaasan yung halaga ng lupa, tumaas yung real property tax collection nila. Saan napunta?

Sabi po ng mayor ng Talisay, dinala nila sa Special Education Fund nila. So anong nangyari? Kagamitan ng mga bata, nakadagdag sila; allowance ng teacher na napupunta sa malalayong barangay, nakadagdag sila para may incentive; bumili ng sariling bus; nagpatayo ng mga school buildings nila; mayroon pang pakain sa kindergarten hanggang grade 3, ito po yung natitigil yung pag-aaral dahil mahina katawan; may Supplemental Feeding Program po sila para sa lahat ng estudyante at marami pang iba.

Ano ho bang punto nito? Ang ginawa lang ng gobyerno, simpleng-simple: May kalsada diyan, naging—naudyok yung ating mga negosyanteng may tiwala sa gobyernong hindi sila wawalang hiyain, nagtayuan ng—binili pa lang yung lupa, pero ang laki na ng inangat nung kakayahan ng gobyerno ng Talisay tulungan ang mamamayan nila. Isipin po niyo pag natayo na yung mga gusali, pag natayo na yung pabrika, pag natayuan na yung lahat ng itatayo dito sa dalawang dinedevelop ng Megaworld at saka ng Ayala, isipin niyo kung gaano kalaki ang iaasenso ng lugar na yan.

Sabi nga ho: Pag taniman, isang ektaryang taniman, baka isang tao komportable ang buhay. Pag nag-asawa, di na kasingkomportable. Pag marami nang anak, siyempre hati-hati sa isang hektarya, medyo manipis na po yung kikitain. Isang ektarya, dalhin natin naman na magkaroon ng pabrika, mahina yung 500 katao puwede magtrabaho diyan; 500 tao nakikinabang sa isang ektarya.

So bakit ko ho ba pinag-uusapan to? Kumbaga ho malayo na nga ang inabot natin. Palagay ko ho nung 2010, may nagsabi ba sa atin: Alam niyo magagawa sa loob ng anim na taon, 4.6 million na kabahayan ang tutulungan natin sa Pantawid Pamilya. Palagay ko ngingiti tayo kung sinabi nung 2010 yan: “‘Di siguro puwede yan.” Kung nung 2010, may nagsabi sa atin: “Kakayanin na natin, 93 percent ng lahat ng Pilipino, o 93 million na Pilipino, miyembro na ng PhilHealth.” Baka tiningnan natin, sabi, “Di mo kaya yan.” Pag sinabing yung “Sick Man of Asia”, magiging “Asia’s Rising Tiger” and “Asia’s Bright Spot,” sasabihin na naman siguro, “Ah, hindi natin magagawa yan.” Ang totoo ho niyan, nagawa na natin lahat yan, di ho ba?

Yung ginagawa ho dun sa Talisay, magkapalitan ng direksyon ng gobyerno, pilitin na gatasan yung mga developer, akyat-baba, patabingi at patagilid. Gaano katagal kaya mananatili negosyante dun? Tapos ang trabaho na parating. Tapos ang pagkakataon na maiangat yung kabuhayan nila, di ho ba?

Ano bang slogan natin talaga? “Ituloy ang Daang Matuwid.” Yung mga pinag-aaral sa 4Ps ngayon, dinala na natin sa high school. Pag natapos sa high school, maganda sana makatapos rin ng kolehiyo. Lumalaki nang lumalaki ekonomiya natin, lumalaki yung buwis nakukuha ng gobyerno, lumalaki yung kakayahan ng gobyernong matulungan ang bawat isang Pilipino—at matulungang totohanan. Di natin binigyan ng isang kilong bigas, “O, ayan ha, may tinulong ako sayo.”

Tinulungan natin silang mamili ng sarili nilang bigas at panghabang-buhay. Alam niyo meron nga isa akong nakausap na 4Ps na beneficiary. Tingnan niyo sitwasyon niya: Ina siya, pito anak niya, iniwan pa siya ng mister niya. Sabi niya sakin, “nagtitinda-tinda.” “Anong hanapbuhay mo?” “Nagtitinda-tinda.”

Yung nagtitinda-tinda ho parang ang dating sa akin, hindi permanenteng nakakatinda, tama ho ba? Baka mali yung Tagalog ko eh. Kasi kung nagtitinda ka talaga, “Ano bang trabaho mo?” “Nagtitinda.” Pag tinanong ka, ang sagot sa iyo, “Patinda-tinda”, di ba, paminsan-minsan. So isipin niyo, yung nanay na yun, paano mo nga ba bubuhayin yung pitong anak mo? “Tinulungan ako ng 4Ps.” Resulta: Tatlo sa anak niya, nakatapos na raw po, may permanente nang trabaho. Apat na lang ang binubuno niya.

Siguro ho, bigyan mo ng—6 years ago, naisip na niya siguro yun. Parang ano nga ba ang gagawin ko dito, kadali sumuko? Pero ngayon ho, natutulungan natin lahat siya, at marami pang iba, 4.6 million na households po yan na hindi man natin siguro namamalayan, nakakatulong tayo.

Kuwento ho ni Mel Sarmiento kasi, di ba, pag tulong, kadalasan ibig sabihin nun, “Bunot Jess Lapid.” Naalala ko tuloy si Mark Lapid, kandidato natin siya. Sabi nga ho nila sa kanilang lugar, mayor ho si Mel Sarmiento kasi sa Calbayog, Samar. Sabi niya, yung bata umuwi, imbes na sabihin, “Tatay, may meeting ang PTA.” Pag-uwi ng bata, “Tay, patay, tatay! Ambagan na naman.”

O dito ho, mag-iina, pitong anak, iniwanan ng mister, patinda-tinda ang hanapbuhay, tatlo ang napatapos dahil sa 4Ps. May apat pa. Nakatikim na ng liwanag sa buhay nila. Gagawin natin ngayon, iiwan natin? “O paano, nakatulong na kami maski papaano. Bahala ka na sa buhay mo.” Palagay ko wala sa atin ang may kaya, nakakatulong tayo na hindi man… Okay, wala hong problema sa akin yan.

Ulitin ko lang mga kasama. Alam niyo talagang maski saan ka lumingon eh, nakikita naman niyo sa dami ng construction, sa dami ng mga pag nagbasa tayo ng diyaryo, di ba? Nung araw, yung walang trabaho magbabasa ng diyaryo, di siya kuwalipikado, babalik sa susunod na linggo, nakakuha na naman ng classified ads, di pa rin siya kuwalipikado. Ngayon ho, pag tumitingin tayo ng classified ads, katakot-takot yung immediate hiring, urgent hiring. Talagang parang ang daming namimili ng trabahong papasukan nila. Baka naman bumaliktad lahat yan. Eleksyon po eh. Lahat ng kandidato—sabi nga ni Leni kanina, nangangako kaliwa’t kanan, ang gaganda ng mga sinasabi. Ngayon paano ba natin susuriin kung sinong dapat?

Alam niyo palagay ko, banggitin ko ang hirap ng trabaho ko bilang Pangulo, tapos pasukan natin kung paano natin na-solve yan. Unang upo ko ho, 2010. Nagkaroon ng problema sa Korean Peninsula: North Korea, South Korea. Meron hong isang barko ng South Korea lumubog, tinorpedo. May isla sa South Korea, kinanyon. Sa diyaryo nakalagay na sinasabi ng Presidente na si Lee Myung Bak, “Tigilan na niyo kami, kundi giyera to.” Laman ng diyaryo natin, TV, radio, parang napipinto na magkakaroon ng bakbakan sa South Korea, sa North Korea, o sa pagitan nilang dalawa.

Anong problema? 50,000 Filipinos nandun sa South Korea. Trabaho ko bilang Pangulo, pangalagaan yung kapakanan nila, tama ho ba? So una kong tinanong: “Paano ba natin ilalayo sila sa peligro? Ano bang meron tayo?” Sagot sa akin, “Meron ho tayong eroplano.” “Aba, okay, mabilis-bilis yan.” “Ilan ang eroplano nating magagamit at ano?” “C-130 po.” “Aba, okay yan. Ilan yan?” “Isa.” “Isa, okay pa rin.” “Ilan ang kayang ilulan niyan?” “100.” “100. Gaano kahaba ang biyahe papunta diyan?” “Apat na oras.” Apat na oras papunta, dalawang oras na magkakarga at apat na oras pabalik, sampung oras kada biyahe, di ho ba? Okay. Kayo na bahala mag-divide ng 50,000 Filipinos divided by 100. Ilang beses na lilipad si eroplano? Ilang sampung oras ang kailangan natin para maiuwi sila lahat.

Sa eskwelahan ko ho, tinuruan kaming bawal sumuko eh. “Ano pa meron tayo?” “May barko” “Aba, barko, mas malaki yan. Ilan ang kayang ilulan niyan?” “1,000”. “Yan, 50,000, 1,000, 50 biyahe, baka mas kaya yan. Okay, gaano katagal ang biyahe?” “10 araw.” [Tawanan] Hindi, totoo hong nangyari to. Ito po yung briefing ko. 10 araw, hindi ko na ho makuha itanong, 10 araw papunta at 10 pabalik. Eh siyempre sa panahon na yun, yung bakbakan. Tapos na ho yun eh, di ba, baka yung linggo?

Okay, ang masakit pa ho nun, tinawag yung ambahador ng South Korea, pinauwi, consultations. “Naku, yan na nga yata, ito na, malapit na yung bakbakan.” At sa totoo lang ho, parang naghanap ako ng solusyon, ano ba gagawin natin diyan? Meron tayong karatig na bayan, dito malapit sa Korea, na pinakiusapan natin at maganda naman relasyon natin, bagamat hindi pa ako kilala ng kanilang Prime Minister. Nagtanong tayo sa embassy nila, “Puwede ba namin…”—kasi malapit yung South Korea at saka yung bayan na to. “Puwede ba namin dalhin yung mga Pilipino, pag nailikas namin sa South Korea, diyan sa inyo?” Dahil yung pagitan po, yung pinakamalapit, mga 50 kilometers lang.

Ibig sabihin, may potensyal talagang meron tayong paglalagyan sa kanila kung saka-sakaling magkagulo. Tapos mula dun, maiuwi na natin dito. Buti na lang, hindi nagkatuluyan yung gulo sa South Korea.

Susunod na taon naman po, yung Arab Spring, 2011. Sa Libya’t Libya na lang, 26,000 ang kailangan nating iuwi. Tapos yung mga kababayan natin, nagkaroon ng mandatory repatriation: Alert Level 4. Obligado na sila umuwi. “Aba, hindi kami uuwi. Sayang yung suweldo, times 3.” Hanggang huling araw, parang sumasabog dun sa ikalawang kanto, may bomba na sumasabog. Sabi nila: “O, puwede na niyo kami iuwi.”

Nung puwede na naming iuwi, siyempre naghahanap ho tayo ng paraan, sarado na yung airport, puwede raw barko. Yung barko, ang taas ng kailangan natin bayaran dahil mataas yung insurance nila, papasok kasi sa bakbakan eh, dahil delikado. Sa totoo lang ho, ang nailikas natin dun, 20,000 doon sa 26,000 nandun. Yung 6,000 tila naiwan pa dun. Ngayon ho, yung iba dun, sinasabi sa amin, “Iuwi na niyo kami.” Kako, “Sige ho.”

Sumulat pa kami sa mga kamag-anak eh, tong bagong grupo ngayon. Hindi kami nakiusap lang sa kanila, pati kamag-anak nila, sinulatan namin isa-isa, “Puwede ho ba kumbinsihin niyo yung mga kamag-anak niyo? Magulo ho diyan eh, baka puwede umuwi na muna.” At pagdating nga dito, puwede naman tulad nung taga-Pangasinan eh may mahahanap tayong trabaho para sa kanila.

Yun ho ang hirap at marami pang iba. Palagay ko ho naalala pa rin niyo yung panahon na makapal ang buhok ko eh. Hindi ho dahil sa pagpapalit ng hairstyle to. Anyway po, papasok tayo sa kuwalipikado. Ako po, di ba, pamilya namin pulitika pero pareho ng kuwalipikasyon.

Pinag-aralan ko po economics. Sabi ng Tatay ko, “Pangunahing kailangang makamtan na kalayaan: kalayaan mula sa kagutuman.” Paano ka lalaya kung wala kang kakayahan? Yun po ang pinag-aaralan sa economics.

Naging Kongresista po ako, tatlong termino. Siyam na taon. Naging Senador po ako, sa tulong niyo, 3 taon: 12 taon. Buong buhay po, pinapanood ko nanay ko’t tatay ko. Nakita ko nanay ko bilang Pangulo. Palagay ko mahaba-haba ho yung eksperyensya ko para malaman yung pinapasukan ko. At nung ako’y unang minumungkahi, alam niyo yan, di ba sabi ko, “Bakit naman niyo sa akin ipapasa yung pagsasaayos ng problema inaawat ko ngang mangyari? Baka sa akin pa niyo ibaling yung galit niyo pag hindi natin na-solve kaagad yan.” Pero hinamon ho tayo, hindi ko matalikuran, baka may magawa tayo, tapos tinanggihan natin. So nandito po at palagay ko naman po marami tayong maipagmamalaki sa pagtahak natin sa Daang Matuwid.

Ngayon ho, balikan ko lang yung kuwalipikado ha. Kunwari maraming ano—napag-usapan na natin si Aling Goyang eh, pag-usapan natin restaurant. Pag ikaw naisip mo magnegosyo, magtayo ng restaurant. Anong kailangan mo? Siyempre pagkain masarap, kundi wala kang customer. Para magkaroon ka ng pagkaing masarap, anong kailangan mo? Kailangan kusinero na marunong magluto. Humingi ka ng mga aplikante, dumating sayo, biglang sabihin natin nakursunadahan mo, hindi kusinero. Ang dumating na aplikante, mekaniko: magaling kumanta, magaling sumayaw, magaling magkuwento, magaling magbihis, magaling lahat pero hindi mo na natanong kung magaling magluto. Pero training mekaniko.

Inarkila mo dahil natuwa ka, naaliw ka sa kanya. Pinasok mo sa restaurant mo. Nagluto siya, eh mekaniko siya, malamang mahirap maging masarap yung pagkain niya. Nagsara yung restaurant mong negosyo. Magagalit ka ba kay mekaniko o magagalit ka sa yung sarili? Ikaw kumuha eh, di ba?

Okay, so balikan natin. Maraming kalaban si Mar Roxas. Bakit? Umpisahan ko muna kay Mar Roxas, kita naman ho niyo, merong akong ano dito eh, Roxas at Robredo, Roxas ho dun sa kabila. Sila dinadala ko, bakit? Yung iba ho nangangako “Gagawan ko kayong trabaho.” Si Mar Roxas ang nag-umpisa ng BPO industry. Nabanggit na ni Paolo kanina. This year po: 1.3 million direct employees. Ito pong Rizal ay nasa next wave, Tanay yata e, Tanay ba, Taytay? Taytay ang next wave city. Yun bang susunod na iaangat dahil dito sa information technology. 1.3 million na trabahador diretsuhan this year. Maaabot na natin. Ang itutulong sa ekonomiya, $25 billion. Sino nag-isip niyang programang yan? Si Mar.

Direct employee: 1.3 million. Eh meron pang indirect employee, yung magmamaneho ng jeep o taxi para sasakayan ng pupunta ng call center. Yung kakainan nilang restaurant, may empleyado. Yung convenience center na bibilhan, tulad ng 7-Eleven, may empleyado. Dagdag ho 3 hanggang 4 na tao kada isang empleyado ng BPO ang nagkakaroon ng trabaho dahil sa industriyang inumpisahan ni Mar Roxas.

Mar Roxas ho. Pangulo ako, ako dapat manguna kung ano man. Pero sa totoo lang ho, nangyari ang Zamboanga, nauna siya sa akin, Zamboanga na krisis, nandun mga 3, 4 na araw bago ako nakarating. Yolanda, bago pa dumating si Yolanda, nandun kasama si Secretary Voltz Gazmin, National Defense. Bago pa dumating si Yolanda, nandun sila para makita lahat ng preparasyon, para maagapan yung problema ng Yolanda. Sobrang laki lang talaga ng Yolanda.

Hindi siya umaalis sa bawat lugar hanggang hindi medyo naitindig na ulit ng ating mga kababayan, sa lahat ng krisis na pinuntahan. Pero kawawa rin si Mar, nagkaroon ng bagyo sa Samar, pumunta siya. Bagyo, bumagsak yung mga puno, ilang kawad ng kuryente, sinarado yung kalsada, di makatawid ang sasakyan. Ginawa niya para maikot ang sinasakupan, nagmotorsiklo. Siyempre galing ng bagyo, daming basura, putikan yung gilid ng kalsada. Dumulas yung motorsiklo. Anong nasa pahayagan? “Dumulas ang motorsiklo ni Mar Roxas.” Saan napunta yung parte na “Umiikot si Mar Roxas para tingnan ang ayudang dumarating sa bawat komunidad at ang pangangailangan ng bawat komunidad.” Wala ho. Tingin natin ngayon, ano kaya ang ginawa ni Mar Roxas? Marami ho talaga.

Si Leni Robredo naman. Bakit kuwalipikado? Nagtapos ng abogasya. Wag na yung partner ni Jesse Robredo. Alam niyo si Leni at si Jesse parang nanay at tatay ko. Nanay at tatay ko, parati hong sinasabi, hindi nila naabot yung tugatog ng naabot nila kung hindi partner nila yung isa. Talagang paulit-ulit nila sinasabi’yun. At hindi ko naman ho ginagamit na dahilan yun kung bakit hindi pa ako nakakapag-asawa. Pero target ko rin naman ho kung pupuwede, ganoon yung partnership namin.

Pero wag na natin pag-usapan yun. Anong ginawang trabaho ni Leni? Public Attorney. Sinong tinutulungan dun? Yung walang kakayahan makakuha ng abogado. Pagkatapos nun, pumunta ng Non-Governmental Organization. Tuloy ang pagtutulong sa mangingisda, magsasaka, at iba pang nasa laylayan ng lipunan.

Nung nawala sa atin si Jesse, puwede niyang sabihin na lang, “Alam niyo, ina ako, may 3 anak, 2 pinag-aaral ko pa eh. Puwede bang intindihin ko na lang ang pamilya ko?” Tinawag ng mga kadistrito niya, narinig niyo salaysay niya. Pinanindigan niya, tagilid na tagilid ang laban. Pero alam mo, Leni, mas maganda nga yung laban mo. Isang mayor ang kasama mo, saka 25 barangay captain.

Ako kasi nung tumakbo ako sa Tarlac, kalaban ko yung mayor, mga mayor saka mga vice mayor, sila ang actual na kalaban ko ho sa ticket, walo ho yung kalaban ko, yung una kong laban eh. Tapos sa barangay, sabi ng nanay ko, “Ilan ba ang barangay captains mo?” “Marami, ,a.” “Ilan nga?” “Isa”. Eh 159 barangays po yung distrito ko. At ang masakit pa ho niyan, di ko na ikukuwento kung anong nangyari dun. Pero tinulungan naman po ako nun.

Pero parang dalawang buwan bago nung halalan, dun ang nabigyan ng permiso na tumakbo na. Si Leni ho, paraang ganun eh. Pinapakiusapan siya, nasa halos sa deadline na eh. So siguro yung kinukuwento niya nung nahanap ang bangkay na ang Jesse. Ako ho yung nagsabi sa kanya, naabisuhan na ako eh. Talagang masama na yung kondisyon ng katawan ni Jesse dahil nga matagal nang nandoon.

At di ba parang siguro utang ko kay Jesse, nabanggit ko kay Leni, “Leni, di kaya mas maganda, maalala mo na lang si Jesse nung buhay, yung talaga maayos na maayos pa kaysa…?” Kasi naabisuhan na ho akong hindi nga maganda ang ayos. “Kaysa titingnan mo yan.” At sabi niya, “Kailangan kong makita eh.”

At sa totoo lang ho, sinamahan nga namin sa morge si Leni, kapatid ni Jesse, kasama ko po si Dinky Soliman ng DSWD. Sila hong katabi ng body bag, pinatanggal nga ho dun sa coffin muna at talagang, hanggang ngayon, kaya ko pa hong, parang kumpleto yung nakita kong—yung sa aking memorya. Awang-awa ako sa itsura ni Jesse. Siyempre awang-awa rin naman ako sa kanyang naging biyuda at sa kanilang pamilya. Pero alam niyo, bilib ako dun sa katatagan.

Sabi niya kanina, parang di ba, gumuho yung mundo niya. Di ho ipinakita sa amin. Di ho umiyak, di humagulgol. Para bang imbes na kami ang nakatulong na patibayin ang loob niya nung mga oras na yun, talagang napakabigat, siya pa ang nagpatibay sa aming lahat eh. Kaya talaga hong ang taas ng kumpiyansa ko. Sasabihin nila, bago sa pulitika, etcetera. Baka bago sa politika, pero matagal nang naglilingkod sa bayan.

“Di namin kilala.” Di nga niyo kilala dahil di naman yun ang interes niya: magpakilala lang. Alam niyo, may iba-ibang pulitiko, pag may sakuna, dala ng relief goods, picture taking. Pagkatapos nun, babay. Mas gusto ko na yung ganito, trabaho nang trabaho maski walang papuri.

Ngayon ho, pag-usapan natin yung ating mga katunggali. Kuwalipikado. Sabi ho nung isa, yang 4Ps. Nung 2013, tinutuligsa ng anak niya—yang 4Ps sa 2016, nakita ho yung survey eh: 80 percent supporting. “Gagawin nating 5Ps.” Kaya ako gusto kong marinig. Paano niya kaya gagawing 5Ps? Ano kaya ang panlima? Pero ang madugo ho sa lahat ho dun, “Habang ginagawa ko yung 4Ps na 5Ps, babawasan ko ang buwis.” Ang galing mo talaga. Babawasan mo yung panggastos, dadagdagan mo pa yung benepisyo. Eh kayo na ho bahala kung maniniwala tayo sa ganun.

Sabi naman ho ng isa, parang lumalabas ho kada magsalita yung isang kalaban ni Mar, kung sino ang kausap niya, sasabihin yung gustong marinig. At sa totoo lang ho, wala naman kaming masamang tinapay na pinagsamahan. Pero pagdating ng panahon at sinubukan niyang panindigan lahat ng pinangako niya, baka matuklasan niya, imposible yung mga pinapangako niya o salu-salungat o walang kadahilanan.

Kunwari ho isang pinangako raw niya, “Bawat bayan, kailangan natin lagyan ng sariling ospital.” Eh kung magkakatabi yung bayan niyo, bakit mo hahatiin yung pondo? May sense po yan pag malayo yung kabilang bayan eh, di ba? Ang layo ng ospital, lagyan natin bawat isa. Pero yung budget ho may hangganan. Pag yung budget divided by two, siyempre konti yung ilalagay mo sa bawat ospital; pag divided by three, pag divided by four. Yung municipality ho natin 1,400 plus, divided by 1,400 plus. Ano kaya ang matitira? At ang unang tanong: Kailangan ba?

Tapos isa ho. Kahapon ho natanong ako ng media. Sabi sa akin, at ito ho, palagay ko, nakita niyo sa news. Ano raw ho nasa kaisipan ko kung saka-sakaling ang pumalit sa akin ay si Digong Duterte at saka si Bongbong Marcos? Eh di napaganon na lang ho ako, kako—kayo ho, may mga kaibigan tayong sumusuporta dun siguro. Pag nagsasalita si Manong Digong, wala ho namang, sana nung bata ho ako, para bang, “Ikaw naman, yung pag nagsasalita kang ganyan, medyo over lang yun, di naman yan ang gagawin niya.”

Baka yun ang inaasahan ng lahat na yang sinabi niya “Hindi naman eksakto yung sinabi niyang yan.” Parang ano nga ho sa Tagalog yun? Pamulaklak, di ba para bang pag sinabi nung—sasabihin na naman niyo, pag may nanliligaw, “Bababa ko ang buwan para lang mahalin mo ako.” Alam naman nating di kayang abutin yung buwan.

So baka yung iba ho, ganun yung iniisip eh, baka yung sinasabi niya, di lang naman ho siguro napapadilat ng mata pag may naririnig sa ibang sinabi niya, “Ha?” At yung mga sumusuporta, sabi, “Kayo naman, ano lang yun, pabalat bunga lang yan, di naman ganun.” Eh paano kung totoo? Kayo ho.

Pag si Bongbong narinig natin, “Handa ako magpaumanhin kung alam ko lang kung ano ang dapat ihingi ko ng paumanhin.” Tama ang lahat ng ginawa nila? O di pag tama, itutuloy. Di ba natural lang yun?

So, mga kasama, ako ho, Mayo 9. Pareho tayo, boto natin parehong bilang tigi-tigisa. May bahagi tayong lahat sa paghubog ng kinabukasan natin. Kailangan natin pag-isipang mabuti yan. Mayo 9, boboto tayo. Wag naman sana—kasi ako hanggang June 30, di bahala ako sa inyo hanggang June 30. Pero tanghali ng June 30, wala na ho akong kakayahan, iba na ho ang namumuno sa atin.

Pag-isipan nating mabuti: Kuwalipikado ba yung kursunada natin? So importante ho, “Iboboto ko si Mar Roxas dahil…” Binanggit ko na sa inyo. Pag sinabing gagawa ng trabaho, siya gumawa. “Iboboto ko si Leni Robredo dahil…” Kaya kong punuin ulit yan. Maski pahina-pahina rin.

O yung iba naman ho: “Iboboto ko si Jejomar Binay dahil…” Kung wala tayong mailagay dun, paano? “Iboboto ko si Grace Poe dahil…” Kung wala na naman mailagay dun, paano? “Iboboto ko si Digong Duterte dahil…” Yun lang, pakiusap kong matindi ho.

Siyempre interes ko, yung nandun tinulungan na nating 4Ps. Sagad na natin yung tulong hanggang talagang makatindig sila. Gusto ko sana masabi dun sa nanay na napakinggan ko at iba pang mga parehong salaysay.

Sa Cebu ho, nung nanggaling ako kamakailan, ganun ang sinabi. Kapatid kong si Kris sinamahan ako. May in-interview. Sabi niya, nandoon raw ako, “May gusto ka bang pasabi?” Sinabi lang nung kausap niya na hindi na ganung kabatang ale. “May gusto ka bang hilingin?” Eh sanay ho tayo: “Alam ho niyo, wala kaming TV, baka may sobra kayo. Wala kaming basketball baka may sobra kayo.” Itong nanay na nakausap ni Kris, ang sinabi lang, “Sana ho ituloy yung 4Ps.” Hindi naman ho pabigat sa atin eh.

Konting tulong na hindi man natin nararamdaman, ang laki ng diperensya sa buhay nila, gusto ko ituloy yan. Pero sa June 30 ho, hindi ko na puwedeng ituloy yan.

Yung lahat ng trinabaho nating pagtitiwala ng mundo. Alam niyo may mga sinabi na naman yung isang kandidato na “severing ties” raw. Trinabaho ko ho yan eh, na galangin tayo ng mga ibang bansa na maasahan tayong maayos na kaibigan, kakampi, na pag may kalaban tayong dambuhala, mayroong rin tayong kasanggang dambuhala rin, na pababayaan tayong gawin yung buhay natin. Parang hindi ganun sa mawawala, sa isa o dalawang salita lang. Pero di ba, isa lang ang boto ko. Tayong lahat ang gagawa ng kinabukasan natin. Tayong lahat ang magpapalakpan pag tama ang ginawa natin at tayo rin lahat, o napakarami sa atin ang iiyak pag nagkamali tayo.

Tinuruan po akong sumandal sa taumbayan simula’t simula pa. Napakaraming hamon inabot natin pero basta alam ho niyo, panatag ang loob ko na nasa likod ko kayo. Hinarap ko kung ano mang hamon binato sa akin.

Talaga hong damang-dama ko yung kasabihan na: Talagang karangalan paglingkuran ang isang dakilang lahi tulad ng Pilipinas. Bihirang pagkakataon yan at siguro di ko man maisip paano pa mahihigitan yun at dun po talaga, maraming-maraming salamat sa inyo po.

Pasensya na ho, napahaba nang konti. Naalala ko nanay ko, parati niyang sinasabi sa akin lalo na nung snap election, “Alam mo paalala ko lang sa iyo, hindi ka kandidato ha. Eh ang haba mong magsalita.”

Ito na ho ang huli kong pagkakataon bilang Pangulo niyo makaharap kayo. Palagay ko naman ho, obligasyon ko na iniwanan natin ang dinadaanan nating proseso ngayon, para naman po yung tagumpay natin sa kasalukyan—iwan ko lang ho sa inyo yun, balikan natin ehemplo ng Talisay.

Wala pa yung itatayo, ang ganda na ng nangyari sa Talisay. Pag nagpatuloy to, tayuan yung mga gusali, tayuan yung mga trabaho, tayuan yung tindahan, tayuan ang lahat ng pag-asa na talagang paganda nang paganda ang buhay. Paano natin gagawin yun? Tulad nung 2010, muli, binabalik sa inyong mga kamay. Hubog niyo ang ating direksyon.

Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.