President Benigno S. Aquino III’s Speech at the meeting with local leaders and the community in Angeles Pampanga
Fontana Convention Center, Clark Freeport Zone, Angeles City, Pampanga
25 Apr 2016
 
Ang dami ho pala natin ngayong araw na ‘to. Magandang tanghali sa inyong lahat.

Batiin ko lang ho, Senate President Frank Drilon. Baka nakakalimutan natin tumatakbo ho si Frank Drilon ngayon doon sa Region 3. Alam naman natin kung gaano tumulong si Frank Drilon nung panahon na Presidente ang aking ina. At noong bumaba na sa pwesto hindi ho tayo kinakalimutan ni Frank. Talagang pinangalagaan ang kapakanan ng Region 3, kaya palagay ko madadama ni Frank ulit ang kayod at tulong ng ating mga kababayan dito sa Region 3. Pwede ho ba yun?

Kadamay natin sa maraming problema nagpakilala sa akin si Mel Senen Sarmiento ng DILG; ang susunod na Pangulo ng Republika ng Pilipinas, Mar Roxas; susunod na Pangalawang Pangulo, si Leni Robredo; nauna ho sa akin si Ralph Recto, nandoon pala; kinatawan po ni Risa Hontiveros, ang kanyang pamangkin; ang asawa ni Icot Petilla.

Alam po niyo, kilalang kilala natin si Ralph Recto naman, di ba? Si Risa talagang marami rin mga tinulungan lalo na nasa laylayan ng lipunan dito po sa atin. Si Icot Petilla baka hindi natin masyadong kilala, siya po ang kalihim natin o ng Department of Energy. Sa panunungkulan po niya, yung ating pinangakuan na mga sitio nung 2011—palagay ko sa inyong mga barangay mayroon din mga nakatanggap nito—mga sitiong iniwan sa ating walang kuryente, 32,400 mahigit. Ang napailawan po, natapos na nung March, 32,600 mahigit na sitio ang may kuryente na ngayon dahil talagang masinop at magaling na tao itong si Icot Petilla. Palagay ko ho dapat nating ilagay rin sa Senado, huwag ho natin kalimutan yun ha, Icot Petilla sa Senado.

Ang atin pong host, butihing Governor Baby Pineda ng Pampanga; Manong Willy Sy-Alvarado ng Bulacan; Jun Ebdane ng Zambales; yung nakakatanda po sa akin na kasama ko sa Kongreso ngayon governor ng Nueva Ecija, Oyie Umali; Congressman Yeng Guiao; si Manong Oca Rodriguez, na kasama ko kanina nandito sa baba. Si Manong Oca, minamanong ko po dahil tatay ko pa ang kasama ni Mano Oca eh, at hanggang sa panahon po na nagkasama tayo nang husto; Atty. Edmund Abesamis, National President, Liga ng mga Barangay; mga kapwa ko pong kawaning naglilingkod sa pamahalaan; minamahal ko pong kababayan; Ulit, magandang hapon po. Ay, magandang tanghali sa inyong lahat.

Ay! sorry, Ina, andito ka pala. Si Ina Ambolodto po, ating kinatawan ng kababaihan.

Alam po niyo, marami nagsasabing sa mga kandidato ngayon, ako po’y damang dama ko ang mahihirap, ang mga naaapi etcetera. Si Ina Ambolodto po kasama nung mga inapi. Napilitang mag evacuate sa kanila pong lugar sa Mindanao. Siya hindi niya sinasabing naintindihan ko kayo, siya dinanas niya kung ano talaga ang pahirap pag ikaw ay talagang walang kapangyarihan, walang kaya. Kaya pag sinabi nating iwawasto yun, kailangan natin ng mga taong tulad ni Ina Ambolodto na alam talaga personal kung ano yung problem at kung paano lulutasin ito. Kaya ako’y hihingin ko na rin po ang tulong niyo para kay Ina Ambolodto.

Tutal mga Barangay officials po ang kaharap natin, pwede bang magkwento lang ako sa inyo ng konti nung ako’y unang tumatakbo. So, isang beses po, sa Tarlac City, mayroon po kaming pinuntahang lugar, eh tanghaling tapat na kami umabot nung house-to-house halos wala ho kaming dinatnan sa mga bahay, maliban dito sa iisang bahay na ang daming tao. Ang sabi po sa akin ng aking nagga-guide, ang aking head ng Barangay Affairs, sabi niya, “Boss ko, maralhal tamu.” “Para makarami tayo, pasukan ko.” Tapos pinasukan ko ho. Totoo hong nangyari ito ha, baka akalain niyo hindi.

So, ang sabi sa akin, pagkarating na pagkarating ko, hinarap sa akin itong isang Ale na nakaupo. Ang sabi sa akin ng Ale, “Lumuhod ka.” Ba’t kaya ako pinapaluhod nito. Ngayon, ang paniniwala po ng mga kasamahan ko doon, sinasaniban daw po siya ng Sto.Nino. So, kinausap ako ngayon, binigyan ako ng supot na may kendi. Sabi niya “Kendi, kainin mo yan malalayo ka sa kapahamakan at sa sakit.” Di ano ang sasabihin ko eh salamat, eh nakaluhod na ako doon eh. Lahat na nandoon panatikong deboto niya. “Yang supot ng plastic, plastik lang yan ilagay mo sa wallet mo parating magkakalaman yang wallet mo.” Eh sabi, anong sasabihin ko eh syempre, salamat po. O, di pagkatapos nun sa kanya, “O, sige, lumakad ka na. Panalo ka na.” Di, syempre, thank you din ulit. Tayo na po ako. Nung paglabas, tinanong ko yung mga nandoon, ano ho ba ang barangay natin? Sagot sa akin, ‘taga Nueva Ecija ho kami.’ Tumatakbo ho akong congressman ng Tarlac, lahat nung kaharap ko pala ay taga Nueva Ecija.. Yun ho ang tinatawag niyo na maagang pangangampanya. Kasi tumakbo naman po akong senator later on, mga 9 years later, mayroon na ako nakuhang mga botante sa Nueva Ecija. Okey po.

Isang pang kwento. Naalala ko rin babalikan ko ‘to kung bakit ko naikwento sa inyo ‘to ngayon. Sa Tarlac po pareho naman po ng problema sa ibang lugar ng Pilipinas. Kunyari tubig, so humingi ho sa akin ng jetmatic pump, sinabi na rin baka pwede kayo na rin bahala dun sa hukay. Okey. Baka pwede isemento ng paglalagyan nito kayo na rin ang maglalagay. Okey, basta madaling salita ho, kinumpleto natin yung jetmatic pump nila.

Noong susunod na kampanya, bumalik po ako dun sa barangay na yun. Tinuro ho ako, yung may isa akong nakausap na kabataan, sabi niya, “Eto po yung pinagawa niyong jetmatic pump eh.” Ah, ganun ba, kamusta naman siya. “Sira na nga ho, baka gusto niyong ipaayos.” Sabi ko, “Ah, oh sige kako, akala ko naman, di ba, parang kailangan na maghukay ulit, baka naubos na dun, di ba? Ano ho ba ang problema? Sira yung sapatilya eh. (laughter) Natawa kayo ha. Gaano karami ang taong nakikinabang dun sa pump na yan. Magkano ho ba ang sapatilya ngayon? Abot kaya 100 peso? Wala, o hindi nila kaya. Eh anong sasabihin ko? O, sige po, pwede na rin yan. Ito pala ang mga kapitan natin ha, kasama ko kayong naglalakad noon eh, naalala niyo yun.

Ngayon ho, bakit ko kinuwento yan. Nanggaling po ako kanina mga 4Ps na beneficiary. Tapos meron nun sa Cebu—sa Cebu kasama ko ang kapatid kong si Kris—tapos tinanong niya, sabi niya nakikinig daw ako sa talumpati. Ayun, sa lahat ng sinasabi ano, baka may gusto iparating sa akin. Ang sabi po nitong medyo may edad na rin pong kababaihan, tinanong, ano ba ang gustong iparating sa akin. Ang sagot niya, sana po ituloy ang 4Ps. Ngayon, bakit ko kinukwento sa inyo ito. Yung 4Ps ho, hindi dole out eh, di ba? Hindi, may binibigay na may bigas ka ngayong araw na ‘to, bahala ka na bukas, hindi. Konsepto po ‘to na kung tutuusin investment ng lipunan. Tulungan natin bawat pamilya manatili yung anak sa eskwela o paaralan. Panahon pa ng nanay ko nag-umpisa na yung free na grade school at high school. Para alam po natin marami ang kapos na hindi po makapasok sa grade school at high school. Sa grade school man lang kulang ng pamasahe, di ba, kulang ng pagkain, pabaon. So, yung 4Ps siguraduhin natin tulungan natin silang manatili ang anak sa eskwelahan. Pag nakatapos ng high school, mayroon po pag-aaral na nagsasabi na na 40 porsiyento ang laki ng pwedeng kitain ng isang nag graduate ng high school kaysa grade school. Kaya 2014 po, pati high school saklaw na natin diyan sa 4Ps na yan.

So, balikan ko po, yung mga taong tinutulungan natin hindi naghahanap ng abot. Sila ho nagiging partner natin para masiguradong maganda ang kinabukasan nila. Bigyan ko kayo ng example, dito po sa Pampanga may nanay, narinig namin, sabi niya 7 ang anak ko, iniwanan pa ako ng Mister ko, bahala na ako sa anak ko. Sabi ko, tinanong siya, ano ba ang hanapbuhay mo? ‘Patinda-tinda.’ Sa nakakaintidi po ng Tagalog, sa Tagalog ang patinda-tinda, di ba, hindi tiyak na parati siya nakakatinda, paminsan minsan nakakatinda. So, kailangan mong palakihin yung 7 anak mo at wala kang tiyak na pagkakakitaan, paano mo tutustusan. So dahil sa 4Ps, ang sabi po niya sa atin, 3 doon sa 7 anak niya nakatapos na raw po ng high school, at kasalukuyan may permanenteng trabaho na. Ano ba ang pakinabang ng buong lipunan diyan? Aba, yung taong yun may trabaho, nagbabayad ng buwis, nakikiambag sa pwede nating itulong sa iba, isa. Pangalawa, may papupuntahan na yung buhay, hindi na matutuksong, di ba, puro drugs, puro krimen ang pasukan. May kinabukasan pwedeng patunguhan.

Ang gusto ko lang ipagdiinan dito, 4.6 million na pong kabahayan ang tinutulungan natin sa buong Pilipinas, na ganyan po ang nangyayari na sitwasyon na nagkakaroon ng liwanag sa kanilang buhay. Yung tinulungan nating high school mga higit kumulang between 13 to 14,000 po of the 300,000 plus na first batch nung high school na tinulungan honor’s student po sila. Yung tagapagsalita nung buong grupo na dati hindi tiyak makakapag-aral, natanggap na po sa University of the Philippines College of Engineering. Yung College of Engineering po hindi madaling pasukan. Quota course, limitado ang pwede pumasok. Itong dalawang walang kakayahan makapag-aral ngayon nasa UP na. Bigyan natin ng apat na taon pa, mga engineer nang pinapakinabangan ng ating lipunan.

Ngayon ho, kailangan ko ho ng kodigo. ‘Wag ko nang pasukan ‘tong lahat ng pinaggagawa natin sa loob ng anim na taon. Kung hindi niyo nadadama yung mga ginawa natin, nagkulang kami. Kung kayo naman ho nakita niyo yung kalsada, eskwelahan, miyembro ng Pantawid, pinalawak na PhilHealth at marami pang iba. Pati na yung pagtutugon sa mga panahon na mayroon tayong bagyo o may lindol o iba pang sakuna. Kung hindi niyo nakitang ginawa ng gobyernong ‘to, palagay ko, malaki ang pagkukulang namin. Kung kayo naman ho nakita niyo, eh di kayo na ang pangunahing testigo: Ano ang pagbabago nangyari sa atin pong bansa. Tama ho ba?

Ngayon ho, sa totoo lang gusto nating tumulong dun sa pinaka nasa laylayan ng lipunan. Noong umpisang-umpisa ko po pagkaupo, first 6 months. Anong iniwan sa akin ni Ginang Arroyo bilang budget na pwedeng gastusin sa lahat ng kailangan tustusan? Hindi ho umabot ng 7 percent ng budget; 93 percent kumbaga nagastos na. 7 percent, yun ang pantustos natin unang anim na buwan nung tayo’y nag umpisang mamuno sa bansang ito. Ngayon ho, siguro bigyan ko lang kayo ng iba pang mga natutunan natin dito sa pag ikot-ikot. Sinasamantala ko na ho ito pagpapaalam na rin sa inyong lahat.

Noong araw ho, titingin tayo maski saang lugar, pag may nakita tayong gusali may construction site nakalagay “No vacancy.” Tama ho ba? Ngayon ho, immediate hiring, urgent hiring, tama ho ba? Sabi sa akin ng ibang mga gobernador pinoproblema nila ngayon sa sobrang dami ng mga proyektong ginagawa doon—dati kinukulang daw sila paminsan-minsan semento, bakal—ngayon, pati bato’t buhangin kinakapos. Pero pinakamabigat wala na raw pong makuhang karpentero, tubero, electrician, dahil sabay sabay nga itong pagpapatayo nitong lahat.

Bigyan nating mas malinaw: ano ba ang ibig sabihin nila. Bigyan ko kayo halimbawa ng pinanggalingan ko kamakailan Negros Occidental. Last week ko ho yata napuntahan. So airport po na nagseservice sa Bacolod City, nakalagay po dun sa Silay. So yung Silay, dun ka lalanding, tatawid ka ng Talisay, abot ka ng Bacolod. ‘Wag ko na pag-usapan yung nagyayari sa Bacolod, yung kapitolyo ng Negros Occidental, baka sabihin niyo talagang ganun ang mangyari. Ikuwento ko sa inyo eksperiyensya ng Talisay. Pagkalanding namin ng Silay, may tinahak kaming kalsada akala mo expressway. Naalala ko tuloy binanggit ko kay Governor Marañon nun yung nakita kong kalsada una diyan medyo magulo kung hindi ka taga-dyan maliligaw ka. Ito ho highway na highway, ang gaganda pa nung ilaw na talagang propesyunal na panghighway ang dating. Ano ang nakita natin dun? Meron pong tinatayong development ang Ayala Corporation at saka yung Megaworld. Ang nakatayo pa lang sa kasalukuyan bakod, binakuran nila yung nabili nilang mga property.

Ngayon ho, dahil sa namimili sila nagpakita ng interes—yung Talisay ho pangkaraniwang munisipyo sa buong Pilipinas. Yung lahat na aktibidades nandun sa paligid ng munisipyo tapos puro mga… Negros ho ito eh, tubuhan—ngayon po, dahil sa tinatayo nung Ayala at tinatayo ng Megaworld dun, nagtaasan na raw po yung halaga ng lupa. Dahil nagtaasan yung halaga ng lupa, tumaas yung real property tax. Dahil tumaas yung real property tax, nagkaroon ng dagdag na pondo yung gobyerno po ng Talisay kung saan ginugol nila sa pagpagawa ng sarili nilang mga schoolbuildings. May dagdag sa mga school supplies ng mga estudyante, dinagdagan yung travel allowance ng mga teacher papunta sa mga liblib na lugar. May bumili ng sariling IT equipment, bumili rin ng sariling bus. Madaling salita po, isang kalsada nilagay ng gobyerno, ang laki ng inasenso nung Talisay, wala pa yung mga itatayo dun sa dinedevelop ng Ayala at saka Megaworld.

Ano ba ho ang ibig sabihin niyan? Isa, may kumpiyansa ang mga negosyante na ang kailangan lang nilang tugunan o ang kailangan lang nilang pag-isipan, paano pa sila makikipaglaban sa mga competitor nila? Hindi na yung, ano kaya ang pahirap ang gagawin sa atin ng local government. Ano kaya ang pahirap na pagagawa sa atin ng national government. Maramdaman nila na tumutulong ang gobyerno sa kanila para naman mabigyan ng trabaho ang ating mga kababayan. Ulitin ko lang po ha, sakahan isang ektarya baka kumportable ang isang tao. Pag nag-asawa hindi na kasing kumportable. Pag nagkaanak, di ba, pahirap nang pahirap yan? Pero dito nga ho isang ektarya na gagawin natin kunyari factory, pwede hanggang 500 katao may trabaho dyan.

So, ulitin ko lang ho, ano ba ang ibig sabihin nung pagtahak ng Daang Matuwid? Kung ang gobyerno’y itinatag paglingkuran ang taumbayan, kailangan gawin ng lahat ng magagawa ng gobyerno mabigyan ng oportunidad lahat ng kanyang sinasakupan. So, pinakamagandang halimbawa na siguro nga dyan yung 4Ps. May umento tayong binibigay sa kanila para manatili yung anak. Pero baka masama ang kalusugan. O, yung kalusugan ho, three times na po: three times mula nung nag umpisa tayo ang budget ng DOH. Yung PhilHealth po 93 million na ang saklaw ng PhilHealth. Dinatnan natin naglalaro sa 47 hanggang 51 million lang. Yung kinokover ng PhilHealth na karamdaman pinalawak rin natin muli.

So, alam niyo sinasabi natin kasi dapang dapa tayo nang nag-umpisa. Natuto tayong nakatindig ulit. Naglalakad na tayo, yung nakikita nating pag asenso unting-unti. Paarangkada na tayo. Ngayon ang tanong, yung naigagastos ng gobyerno—bawat probinsya ho kasi pwede ko kayong puntahan papakita ko sa inyo kung ano ang diperensya ng pamamahala natin at sa pinalitan natin. Bigyan ko lang kayong sample, Pampanga. Yung infrastructure po sa Pampanga: 9.41 billion pesos 2005 to 2010. Sa pangangalakad po natin: 16.94 billion pesos na po. Lahat ng probinsya ang laki nang idinagdag sa budget sa ibat-ibang larangan. Tatanungin natin, paano natin nagawa yan? Hindi naman ako nagtaas ng buwis, maliban yung Sin tax. Hindi naman tayo nag-iimprenta lang ng peso, hindi ba? Gumagawa lang ng pera na wala namang saysay. Yung ekonomiya natin lumaki ng 6.2 percent average, pinakamataas po na average sa paglago natin for the past 40 years. Andaming ratings upgrade na nakuha natin. Madaling salita ho, nakita tayo ulit, ang Pilipinas ng mga negosyante at sabi nila, mukhang maayos mamuhunan dito. Namuhunan sila nagbabayad ng buwis, lumalakas ang kakayanan ng gobyerno para naman mapondohan lahat ng ating kailangan pondohan mula imprastraktura hanggang PhilHealth nga ho.

So, mga kasama, alam naman niyo yung trabaho ko talagang marami kailangang gawin sabay sabay. Kailangan ko po mag attend ng meeting sa Aguinaldo ngayong araw na ‘to. Kailangan kong lumapag dun ng 12:45, kaya mamaya ho palagay ko may maganda ang tanghalian niyo, habang sumusubo kayo pakialala na lang niyo kaming bawal kumain at puro ‘memorice.’ Siguro, sisimplehan ko na lang ang mensahe. Nakiusap ako mauna na ako magsalita. Pinagmamalaki natin dito sa Daang Matuwid lahat nang nangyayari dito ang gumawa taumbayan. Unang-una naniwala kayo sa sinasabi ko. Pangalawa, binigyan niyo ako ng mandato. Pangatlo, hindi niyo ako pinabayaan sa lahat ng hamong hinarap ko itong lampas ng anim na taong ‘to.

Palagay ko wala sa atin na nag-isip na yung pagkatagal tagal na mga proyekto natapos na, at yung mga ginagawa sa ngayon pwede mangyari. So, balik na naman tayo. Ika-9 ng Mayo, meron naman tayong sangandaan, mamimili na naman tayo. Siguro ito lang iiwan ko sa inyong palaisipan: Ako po, unang tanong… Siguro baka maganda gawin nating halimbawa ano. Kunyari ho nag-isip tayong magtayo ng negosyo, at ang negosyong itatayo natin, di ba, restaurant. Restaurant para maging sikat, para maraming kliyente kailangan masarap yung pagkain. So, pag kailangan na masarap yung pagkain kailangan magaling ang kusinero. Tama ho ba?

May dumating aplikante gusto maging kusinero. Bigla na lang may isang tao ang training niya mekaniko pero magaling magpatawa, magaling magdamit, magaling magbangkahan, yung marami siyang kakayahan. Hindi na natin natanong kung magaling magluto. Kinuha natin ang mekaniko dahil nadaan tayo sa, ‘uy, parang okay itong taong ito.’ Nagluto si mekaniko, syempre malabo yun. Nalugi yung restaurant dahil walang kumakain. Sino ang may kasalanan, yung mekanikong kinuha natin o tayo na kumuha kay mekaniko? Simpleng simple lang naman ho yun eh—kwalipikado. Ako, pag sinabi ko si Mar Roxas kwalipikadong pumalit sa akin. Lahat nangangako magbibigay ng trabaho, si Mar Roxas tinayo yung BPO Industry natin. This year, 1.3 million na po empleyado nung BPO Industry. Ang pinapasok na pondo sa ekonomiya natin 25 billion dollars. Ulitin ko po ha, 25 billion dollars. Sinabi nga pag napasok ka sa BPO para kang OFW sa sweldo na hindi umalis sa Pilipinas. Ulit, sila ang nangako ng trabaho, si Mar Roxas ginawa na po yan, pinapakinabangan na natin ngayon yan.

May magaling raw sa pagsusugpo ng krimen, peace and order. Aba, si Mar ho, hindi naman nangangako, ginawa na rin. Simpleng bagay tulad po nung kanilang operations sa PNP ‘One time Big time.’ Ano po yung ‘One time Big time’? Pag meron mga warrant, iipunin na lahat, pag hinabol yung lahat nung may mga warrant of arrest minsanan para walang, ‘uy, nang raid dun baka tayo na ang susunod na raid, tago tayo.’ Wala nang binibigay na warning para ganun karaming 2,400 plus na mga most wanted ang naaresto na dahil dun, dahil sa ‘Lambat Bitag,’ at iba pang mga programa mula nung panahon ng DILG Secretary si Mar pinagpapatuloy ni Mel. Okay. Ano po ang resulta niyan? Pag nakuha mo yung ‘most wanted’ kadalasan yun yung mastermind. Pag wala nang timon yung sindikato niya hindi na makakilos. So ang laki ho ng binabagsak ng crime rate pag nahuli natin ang mga ‘most wanted.’ Ulit, may nangangako si Mar Roxas ho ginawa na.

Si Leni Robredo naman po. Si Leni Robredo abogado, pwede pumunta sa mga kumpanyang malaki ang suweldo, pero simula nung nakapagtapos siya, nakapasang BAR ang ginawa niya: una, Public Attorney’s Office, tumutulong sa mga walang kakayahang kumuha ng abogado. Dalawang taon dun tapos 15 taon naman sa isang Non-Government Organization na ganun rin po ang kliyente—magsasaka, mangingisda, puro mga walang kakayahang kumuha ng sarili nilang abogado.

Si Leni ho asawa ni Jesse, pero hindi lang dapat dun sa pagiging asawa ni Jesse. Alam niyo ang naalala ko parati sa kanila nanay at tatay ko eh. Sabi ng nanay ko at sabi ng tatay ko, pag pinag-uusapan yung kanilang kapareha, hindi nila maabot ang naabot nila kung hindi nila naging partner yung isa. At yun nga si Jesse at si Leni, marami nang narating at talaga hong nakita natin yung damayan ng dalawa at pagiging isa ng pananaw na dapat tahakin. Palagay ko po, ang laking pagkukulang natin pag hindi natin naiupo sa pwesto si Mar at si Leni, at talaga naman po, malaki ang pag asa. Ito nga ho, nakatindig na tayo, naglalakad na tayo, patakbo na tayo, biglang may darating na bagong timon sasabihin, lahat ng ginawa ko palitan yan. Eh ano ho ang mangyari sa atin dun? Imbes na abante baka left turn, right turn. Pinakamasaklap U turn. U turn, alam niyo ho kanina sa dyaryo kasi binabasa ko eh, sabi raw po ni Ginang Imelda Marcos, Romualdez Marcos: ‘my son will make this country great again.’ So, napag-isip ako, parang narinig ko na yan eh, at pina research ko po. Yun po ang campaign slogan ni Ferdinand Marcos nung unang tumakbo siya 1965, “I will make this country great again.”

Ako naman ho baka sabihin niyo bias, napapag-isip lang ako, parang pareho pa rin ang slogan nila, pareho pa rin yata ang gagawin nila. At kung may magagawa ako hindi mangyayari yan. Ayoko nang ulitin yung dinaanan nating problema lalo na mula 1972 hanggang 1986. Si Manong Oca ho, eh parang nakailang beses makulong. Si Oca Rodriguez dahil pinagtatanggol niya ang karapatang pantao ng napakarami nating mga kababayan.

So, wala akong pinagmamalaki maliban na, unang-una, tumutoo ako sa inyo; na nangako ako sa inyo di hamak mas maganda ang iiwan ko keysa dinatnan ko. Kayo na ho ang testigo kung meron talagang nangyari o hindi. At kung merong nangyari, ulitin ko, kayo ang gumawa nito, kayo ang may kayang magpatuloy nito at kami ho nakasandal lang sa inyo. Kayo ang Boss namin, sabihin niyo kung saan tayo pupunta. Makita natin sa ika-9 ng Mayo.

Ako po’y—pasensya na po kayo talaga, meron akong obligasyon na naman ng 12:45. Kaya ulitin ko lang po—ako po, pag tapos ng 66 days na lang po bababa na ako sa pwesto. Syempre may mga ambisyon rin akong personal ko. Paano kaya yung buhay na tahimik? Paano kaya yung tuloy tuloy na lahat ng pinagpaguran natin hindi sayang dahil naiupo natin yung mga magpapatuloy ng tuwid na daan at magpapalawak pa sa tuwid na daan. So pag ganun na ho ang nakikita ko, pwede ko nang intindihin naman yung personal ko. At pag nandun na makatikim naman ng konting katahimikan dito sa buhay na ‘to. Ito pong si Kapitan kong Rodel eh may balak yatang pumunta ng—saan ka ba, stag party o wedding o pareho?

Anyway po, ulitin ko lang ‘no, pwedeng mawala lahat ng ginawa natin ngayon, pwedeng naging bakasyon lang itong anim na taong ‘to, o pwedeng maging permanente. Nasa sa inyo po yan. Nasa sambayanang Pilipino po yan. Kayo ang Boss, kayo ang magsasabi saan tayo pupunta.

Magandang tanghali po at maraming salamat sa inyong lahat.