President Benigno S. Aquino III’s Speech at the Freedom Memorial Museum Launch
Bulwagang Ninoy Aquino, Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center, North Avenue, Quezon City
28 Apr 2016
 
Ako po ay naniniwala sa sinabi ni George Santayana: “Those who cannot remember the past are condemned to repeat it.” Baka magandang sabihin na rin natin sa Tagalog: “Ang nakakalimot sa pagkakamali ng lumipas ay siguradong uulitin ang mga pagkakamaling ito.”

Ito nga po ang diwang itinataguyod ng pagtitipon natin ngayong araw—ang pagpapasinaya ng Freedom Memorial Museum na naglalarawan sa madilim na kabanatang dinaanan ng bansa sa ilalim ng Batas Militar, at sa kabayanihan ng mga nakipaglaban para sa ating kalayaan. Sa paraang ito, nasasariwa ang aral ng nakaraang diktadurya, at naituturo ito sa kabataan upang hindi na ito maulit pa.

May mga nagsasabi po: Makakabuti sa Pilipinas ang pinunong diktador at may kamay na bakal. At hanggang ngayon nga po, makikita sa mga lumalabas na survey na mayroon pa ring nagnanais at nabobola sa ganitong pamumuno. Kung babalikan po natin ang kasaysayan, di po ba’t nasubukan na natin ito. Saan po ba tayo dinala ng diktadurya?

Sa panahon ng diktador na si Ginoong Marcos, bumagsak ang ating ekonomiya at lumaki ang utang ng bansa. Isipin po ninyo: Nang maupo si Ginoong Marcos noong 1965, nasa P2.4 bilyon ang utang ng pambansang gobyerno. Sa pagtatapos ng 1985, dalawang buwan bago siya mapatalsik sa puwesto, nasa P192.2 bilyon na ang utang natin. Saan napunta ang pera? Hanggang ngayon nga po, kargo pa rin ng taumbayan ang pagbabayad sa utang na yan.

Lumobo din po ang bilang ng mga rebelde sa bansa. Mula sa 60 kataong bumubuo sa New People’s Army noon, lumago ang miyembro nito sa 25,000 armadong mga miyembro ng NPA pagkatapos ng Batas Militar. Hanggang ngayon, patuloy pa rin ang panggugulo ng grupong ito sa mga liblib na komunidad.

Tandaan din natin: Nag-ugat at lumawak ang kaguluhan sa Mindanao noong panahon ng diktadurya dahil sa land grabbing. Sa halip na pumanig sa mga pinagsamantalahan, tila kinunsinti pa ng rehimeng Marcos ang mga nanggigipit sa ating kababayan. Dito, kinasangkapan ang batas at ang unipormadong hanay para samantalahin ang mga hindi nakapag-aral, at ipagkait ang kanilang lupain. Hanggang ngayon din po, nararanasan pa rin natin ang epekto ng kapabayaang ito sa Mindanao.

Sabi ko nga po, bagaman biktima rin ang aming pamilya ng Batas Militar, masasabi kong masuwerte pa rin kami dahil kahit papaano, nabisita ko ang aking ama habang nakakulong, at nang siya’y pinaslang, may nailibing kami at may puntod kaming napupuntahan. Marami po sa ating mga kababayan ang dumaan sa mas matinding pagdurusa. Sa halos bawat sulok din po ng Pilipinas noon, may mga kuwento ng mga dinampot nang biglaan, pinahirapan, pinatay, o di kaya’y biglang naglaho na lang at hanggang ngayon ay hindi pa nakikita ang bangkay.

Ilan lang po ito sa mga dinaanan at naging resulta ng isang pinunong sa tingin niya, siya lang ang tama at dapat na masunod. Tatlumpung taon na nga po ang nakalipas mula nang magwakas ang Martial Law, pero hanggang ngayon, di pa rin naghihilom ang sugat na dulot nito.

Ngayon din po, nakarinig na ba tayo ng paghingi ng paumanhin mula sa mga kadugo ng diktador? Ang masakit nga: Imbes na humingi ng tawad sa kalupitan ng Martial Law, ang sinabi pa ng anak ni Ginoong Marcos: “I am ready to say sorry if I knew what I have to be sorry for.” Kung ganito nga po ang pananaw ng nagpepresentang maging pinuno ng bansa, paano tayo aasang hindi niya ito uulitin kung kung hindi man niya nakikita ang kamalian?

Patuloy po nating tinutugunan ang mga problemang iniwan ng Batas Militar. Nitong Abril, dahil sa napakataas na bilang ng aplikasyon sa Human Rights Victims’ Claims, inaprubahan natin ang RA 10766 na siyang nag-extend sa mandato ng Human Rights Victims’ Claims Board na kumpletuhin ang pagbabayad ng danyos sa mga biktima ng Martial Law.

Napakalayo na nga po ng sitwasyon natin ngayon kumpara noong Batas Militar. Ngayon, sa kabataan o sa tinatawag na millennials na hindi ito naranasan, ano ba ang ibig sabihin ng Martial Law? Itong mga kalayaang halos hindi na ninyo napapansin sa kasalukuyan—kalayaang mag-post ng opinyon at maghanap ng impormasyon sa internet, kalayaang magtipon at magbakasyon, ultimo kalayaang manood ng programa sa telebisyon, walang ganyan sa ilalim ng diktadurya.

Ang meron lang: kalayaang purihin ang gobyerno, kalayaang gamitin ang kapangyarihan para abusuhin ang taumbayan, kalayaan ng mga crony ni Marcos na lalong magpayaman. Iyong mga karapatan na dapat matamasa ng bawat isa, naging pribilehiyo lamang ng iilang makapangyarihan, at pamilyang dikit sa mga Marcos.

Noong panahon nga ng Martial Law, kapag may darating na magazine, at may artikulong kahit bahagyang kritikal sa gobyerno, tatanggalin yun bago ipamahagi. Kung marami itong laman na batikos, hindi na ito ipakakalat. Kung ikaw ay mamamahayag o kritiko ni Ginoong Marcos, puwede ka nang ituring na subersibo, arestuhin at ipakulong nang walang warrant. Pahirapan din po ang pagkuha ng exit permit kung gusto mong umalis ng bansa.

Noong panahon din ng diktador, may mga nagsasabi rin na kung negosyante ka, ayaw mong magpalago ng negosyo. Baka raw kasi mapansin at agawin ito ng mga nasa puwesto. Halimbawa po, sa asukal: Oras daw na maging asukal ang tubo, sa kanila na iyon. Babayaran ka nila kung kailan nila gusto sa presyong sinabi nila. Nag-eksperimento pa nga noon na magkaroon ng sugar cartel kung saan lilimitahan nila ang supply para mapataas ang presyo nito. Resulta: Lalong napabagsak ang presyo at ang industriya ng asukal, na dating kinukuhaan natin ng 25 porsyento ng ating exports, ay talagang lumubha ang sitwasyon.

Tunay po: Itong mga kalayaang tinatamasa sa kasalukuyan, lahat ito, ipinaglaban ng milyon-milyong Pilipinong nagtipon sa EDSA, para wakasan ang diktadurya nang hindi humahantong sa madugong himagsikan. Matatanggap ba nating bumalik tayo sa panahon kung saan puwedeng sagasaan lang ang mga karapatan natin at ng ating pamilya? Ito nga po ang nakaambang trahedya sa ating bansa: Ang inapi ka na nga’t sinamantala noon, at ang pagpapaubaya pa ring maapi na naman at maulit ang mga problemang dala ng diktadurya.

Ngayon nga po, itinataguyod natin ang museong ito hindi lang para balikan at sariwain ang kalupitan ng diktadurya, kundi upang makita din ng ating kabataan kung gaano kahalaga ang kalayaan at demokrasyang ipinaglaban at tinatamasa na natin sa kasalukuyan. Sa henerasyon po namin, hindi kailangan ng museum para maalala ang madilim na sitwasyon ng bansa sa ilalim ng diktadurya. Para sa kapakanan ng kabataan, at sa layuning maunawaan nila ang pinagdaanan natin sa Batas Militar, dito natin nakikita ang halaga ng ganitong proyekto. Ayon nga sa kasabihan: Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makakarating sa patutunguhan.

Hindi na nga po natin maibabalik pa ang mga naglahong dekada. Ang puwede po nating gawin: Tugunan ang mga problema ngayon, at paghandaan ang kinabukasan. Iyan nga po ang ginawa at patuloy nating ginagawa sa nakalipas na halos anim na taon. Mula sa paglago ng ekonomiya at imprastraktura, hanggang sa pagpapaunlad sa kabuhayan, edukasyon, kalusugan, at iba pang serbisyong panlipunan, talaga naman pong nakikita natin ang transpormasyon sa ating lipunan.

Pero ito pong mga napagtagumpayan natin, puwedeng maglaho, lalo na kung salungat sa Daang Matuwid ang pamamalakad ng susunod sa atin. Ang tanong: Bibigyan niyo ba ng pagkakataong mamuno ang mga taong sisiga-siga o parang kada bukas ng bibig ay mayroong bagong inaaway?

Malinaw naman: Noong Martial Law, ang gobyernong binigyan ng kapangyarihan ng taumbayan, ginamit ang kapangyarihang iyon para apihin ang sambayanan. May naniniwala po: Kailangan ng isang matino at perpektong diktador para gabayan at ayusin ang lipunan. Ang mali po dito, ang tao, hindi naman perpekto. Natural pong hindi rin niya kayang gumawa ng perpektong desisyon parati, dahil hindi nga siya perpekto. Kapag pinili natin ang pinunong ang tingin sa sarili ay laging tama at dapat masunod, saan kaya tayo dadalhin ng kanyang pamamahala?

Kabaligtaran ito ng isinusulong natin sa Daang Matuwid, kung saan naniniwala tayo sa halaga ng bawat indibidwal, at pagbibigay ng oportunidad sa ating mamamayan. Magtatagumpay lang ang mga nagnanais na magsulong muli ng diktadurya kung sa isang panig, watak-watak ang mga tutol dito, at kung marami ang kuntento na lang na manahimik at magwalang-kibo. Sa pagpapamalas natin ng People Power, wala nang sinuman ang mamumuno pa para abusuhin at apihin ang Pilipino.

Sa ating kabataan, tandaan ninyo: Mapalad kayong tumatamasa ng kalayaang di nakamit ng mga nauna sa inyo. Kaming mas nakakatanda, mas maikli na lang ang itatagal sa mundo kaysa sa inyo. Ibig sabihin, kung magkamali tayo ng desisyon, lahat tayo mapapahamak, pero di hamak na mas mahabang pagdurusa ang inyong pagdadaanan. Hawak ninyong mga kabataan ang inyong kinabukasan. Patuloy sana kayong mamulat, makilahok, at makiambag sa pagsisikap naming itaguyod ang mas magandang bukas para sa inyo at sa ating lahat.

Sa Daang Matuwid, may gobyerno nang tunay na kakampi at nagmamalasakit sa taumbayan; may gobyerno nang isinusulong ang katarungan at ang kapakanan ng mas nakakarami. Ang hamon sa bawat isa: Ituloy ang labang sinimulan sa EDSA. Ipaglaban natin ang kalayaang kaytagal nating minithi, at ang katuparan ng ating mga pangarap.

Hanggang sa huli: Isang karangalan pong pamunuan ang sambayanang nagkakaisa para sa isang disente at maunlad na bukas.

Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.