President Benigno S. Aquino III’s Speech at the meeting with local leaders and the community in Muntinlupa City
Muntinlupa Sports Center, Brgy. Tunasan, Muntinlupa City
28 Apr 2016
 
Noong papalapit ako dito, naalala ko, parang naalala ko tong pinupuntahan nating ito. At ang naalala ko ho, ito yung ginawang shelter, hindi ho ba? Dahil may baha, pag dinadaanan natin yung Muntinlupa, parang hindi ganon kaklaro sa hindi tagadito na parang may baha sa Muntinlupa dahil parang ang layo ng lawa ng Laguna de Bay. Pero nung umikot tayo Ruffy nang 2007 at saka ng 2010, hindi pala ganun kalayo ang lawa dito sa Muntinlupa, di ho ba? At siguro dun ako mag-umpisa.

Nung kakaumpisa ho natin sa ating termino, kada araw na papasok tayo sa opisina at pag-uwi sa bahay, inuulan tayo ng mga problemang ipinamana sa atin. Bigyan ko kayo ng isang problema na may kaugnayan dito sa Muntinlupa. Meron hong kumpanya, Belgian company po to, binigyan ng kontrata na i-dredge yung Pasig River. Ngayon, pinaaral po natin, may nagreklamong yung dredging para lumalim yung Pasig River, hindi raw ho nangyari.

Pinaaral natin at meron naman tayong scientist na Filipina na kayang-kayang pag-aralan: Meron bang dredging na ginawa o hindi? At ayon dun sa pag-aaral niya, kasi pag ginalaw niyo, di ba, yung riverbed na tinatawag, para bang kahoy, may layers. At saka yung mga shells na naiiwan, made-determine ngayon kung kailan huling nagalaw yung lupa pag tinignan yung layers. Madaling salita ho, P5 bilyon ang ginugol para i-dredge itong Pasig River. Ayon po sa pag-aaral niya, masuwerte na raw na 40 porsyento ng P5 bilyon ang ginamit sa project. Bahala na kayong mag-isip saan napunta yung 60 percent ng P5 bilyon.

Ano ang koneksyon sa Muntinlupa? Yung parehong kumpanya, tila binigyan o bibigyan ng kontrata ng aking pinalitan para mag-dredging naman dito sa Laguna de Bay. Dahil matagumpay raw sila sa Pasig River, mas malaki ang kontrata dito, P18.7 bilyon; bilyon ho na may B ha. So bini-brief ako tungkol sa project. Sabi ko, “Ano bang pakay diyan?” “Kailangan ho nating palalimin para dumami yung tubig na kayang hawakan ng lawa.” “Ah ganoon ba, paanong gagawin niyo diyan?” “Magdre-dredging ho tayo.” E ako ho, mula noong congressman ako, medyo kinakabahan ako sa dredging eh. Di ba, pag drinedge, tapos lumalim, pag dumating yung ulan, parehong—tingnan mo, “Anong nangyari sa dredging?” Bago na po yung dumating na lupa diyan. Kaya may ginawa, walang ginawa, parang nung araw ang hirap patunayan, eh ngayon, hindi na. Meron na tayong siyentipikong kuwalipikadong sumuri niyan.

So noong tinanong ko, “Anong plano niyo dun sa kukunin na putik diyan?” “Aba’y kukunin ho namin dito sa parte ng lawa, dadalhin namin dito sa kabilang parte ng lawa.” Sabi ko, “Paano ulit?” “Kukuha tayo ng putik dito, idedeposito natin dun sa kabilang parte ng lawa.” Eh ako naman po, hindi naman ako scientist talaga, social scientist po ako. Pero naalala ko po dun sa ating pag-aaral, ke physics, ke geometry, di ba, isa sa laws po, sinasabi nila: matter occupies space. O kinuha mo yung matter dito, ilalagay mo sa parehong lalagyan, pareho pa rin yung kaya ng lalagyan, tama ho ba?

Madaling salita ho, maglalaro tayo ng putik na pag-aari natin, pero sisingilin tayo ng P18.7 bilyon pesos. Sabi ko, “Ah ganoon? Hindi puwede.” Hininto natin yung kontrata, may arbitration na to ha. Patuloy hong nangyayari ngayon, para naman maprotektahan ang interes ng ating mga kababayan.

Babalikan ko ho yung plano natin diyan sa lawa. Halos anim na taon, naupo tayo dito sa pagtahak sa Daang Matuwid. Lampas ng konti lang ho sa dalawang buwan ang natitira sa terminong binigay niyo sa akin at unang-una ho, maraming salamat sa inyo.

Sinasamantala ko tong pag-ikot ng Pilipinas para magpasalamat at magpaalam na rin po. Pero bilang pagpapaalam, siguro naman po parati kong sinasabing kayo ang Boss ko, kailangan magreport naman ako sa mga Boss kung ano bang napala natin sa pagtahak sa Daang Matuwid.

Ngayon, para maalala ko lahat yan, kailangan ko lang ho tong kodigo. [Tawanan] Kasi ho kung iisa lang bagay nagawa ko sa anim na taon, ang daling imemorya, di ba? Pag dalawang bagay lang, kaya pa rin yan. Pero pag bawat lugar, ang dami nating ginawa, medyo mahirap na hong memoryahin yan, di ba?

Noong araw po, masigasig si Ruffy, nasa Kongreso, talagang ipinaglalaban ang interes ng Muntinlupa. Pero ang napuntang budget ho sa infrastructure sa Muntinlupa, noong taong 2005 hanggang 2010 bago tayo naupo: P696.8 milyon. Malaki na rin pala. Ngayon ho, anong nagawa natin? 2011 hanggang 2016, ang budget sa Muntinlupa lang ho: P2.05 bilyon. Halos triple po. [Palakpakan] Paano ginawa ho yan? Hindi kami nagtaas ng buwis maliban yung Sin Tax—eh yung Sin Tax naman ho, para sa kalusugan yun. Pero unang-una, siyempre pinakaimportante: Huwag nating nanakawin yung pondo ng bayan. [Palakpakan]
Number two: yung tax. Meron na hong nasa batas eh, singilin naman natin nang tama, walang exempted, lahat tayo may bahagi dito. O tapos pagdating, nandiyan na yung pondo, gugulin mo sa tama. Saan natin pinagdadala ho ito? Meron ho yung sa infrastructure, kasama diyan transport project, nagamit natin ngayon papunta dito, yung MCX na sinasabi sa atin mababawasan yung traffic dito sa Commerce Avenue. Di maliwanag sa inyong hindi ako nanliligaw dito kaya hindi ako ganun kapamilyar sa inyong mga kalsada.

Yung atin pong North-South Railway Project at magkakaroon ng tatlong istasyon sa Muntinlupa: Muntinlupa City, Sucat, at saka Alabang. Yan po, meron na tayong pondo galing sa Hapon, [palakpakan] ang tawag po nila doon, “Concessional Loan.” Maliit na maliit ang interest. At umagree na po sila dahil maganda relasyon natin sa kanila. Inagreehan nila: minsanan ang pagbaba ng pondo, hindi installment plan; so mapapabilis ang paggawa nito. [Palakpakan] Ngayon ho, hindi na ako mag-iinaugurate ng tren na yan. Napakarami pong issue: lupa, right of way, detailed engineering design, approval ng NEDA. Basta ang punto ho, nakakasa na yan, mula design hanggang pondo. Reading-ready na po yan at bahala na po yung papalit sa akin, siya na mag-iinaugurate.

Kanina ho, nabanggit ni Mayor Fresnedi, dito raw po yung PhilHealth, merong 17,000 na miyembro. Medyo nanlaki yung mata ko, “17,000—ang konti naman yata nun. Gaano kalaki ba tong Muntinlupa at 17,000?” Dahil alam po niyo, sa buong Pilipinas, ang miyembro po ng PhilHealth ngayon ay 93 milyon. Bakit naman 17,000 lang ang nasa Muntinlupa? Tinawagan ko po si Secretary Janet Garin para klaruhin. Yung 17,000 yung may tangan na ID, pero nasa database po natin ay 436,000 sa 500,000 na populasyon ng Muntinlupa.

Nandiyan na po sa database yung principal at saka yung dependent. Ibig sabihin, iba raw ho, parang mabusisi yung pag-fill up ng documentation. Pero online na po to. Pag nasa ospital kayo, sasabihin niyo yung pangalan niyo, lalabas sa database ng PhilHealth, ibibigay na rin yung ID sa inyo kaagad. Pero kung puwede ho gawin na natin yung ID bago tayo magkasakit. At mas maganda sana, huwag na tayong magkasakit na kakailanganin nating kumuha ng ID. Pero 436,000.

Dun po sa Pantawid Pamilya, noong araw ho, pareho kayo ng Batangas at saka ng Cavite at saka ng Basilan. Suwerte kayo dahil sa Pantawid Pamilya noong 2010, wala ho kayong miyembro ni isa. Para bang natanggal ba sa mapa ito ang Muntinlupa, Basilan, Batangas, at Cavite? Bakit wala ni isang miyembro?

Sa Muntinlupa lang po, medyo na-update ho yata yung numero ko: 9,903 na kabahayan na po ang tinutulungan dito sa Muntinlupa. [Palakpakan] Sa buong Pilipinas po, nasa 4.6 milyon na kabahayan na po ang tinutulungan ng Pantawid Pamilya. Tinulungan na rin po natin yung inyong—merong programa ho ang DOH, Health Facilities Enhancement Program, nakapaglaan po para sa Muntinlupa ng P31.7 milyon, at ang mga natulungan po ay yung Victoria Health Center sa Tunasan.

Binabanggit ho ni Paulo yung mga ginawa ni Mar bilang DILG Secretary—yung kanilang Oplan Lambat-Sibat. Sa April ho, itong buwan na to, kakatapos ng period, parang ang ibinaba compared to last year, dahil sa pag-implement nitong programang to: 75 percent reduction sa crime na nireport po. Ibig sabihin, kumpara last year, parehong panahon: 25 porsyento na lang ang dami ng krimen, ang laki ng ibinaba. Si Mar Roxas ho ang nag-isip ng Lambat Sibat.

Nandito po yung isang tiyahin ko, si Tita Maite. Naalala ko rin ho nanay ko, pakiramdam ko nanay ko nasa likod ko. Parang sinasabi ng nanay ko sa akin, “Alam mo, paalala ko lang sayo, hindi ka kandidato. Pabayaan mo na yung mga kandidato magsalita. Sila ang sinusukat ngayon, huwag ka masyado mahaba magsalita.”

Lahat ho kasi nagsasabi, “Boto niyo ako, giginhawa ang buhay niyo.” Di ba? “Boto niyo ako, magkakatrabaho kayo.” “Boto niyo ako…” kung ano-anong pangako, tama ho ba? Noong una ko pong pagtakbo sa Tarlac, congressman, 1998, meron akong nakausap na isang babae. Nandun po kami sa tinatawag na Kalye Onse. Nagtataka ako bawat barangay, may Kalye Onse. Yun pala, ang ibig sabihin ng Kalye Onse, nakatira sila sa tabi, riles ng tren. Eh di dalawang riles magkatabi, parang onse.

Pero yung pinag-usapan natin na talagang tumatak sa kaisipan ko eh, sabi niya sa akin, “Alam ho niyo, tuwing kampanya, may tatakbo, nangangako lahat dito, bago ho sila nangako, mahirap kami. Naupo sila, mahirap pa rin kami. Nauubos na yung termino nila, mahirap pa rin kami. Sa totoo lang ho, walang nagbabago.”

At siyempre, ayoko namang mabilang, ayokong mabilang sa ganoon: nagbibilang ng salita at yung pangako, parating napapako. So ano pong ginawa natin? Isa ho sa mga programa tulad nga ho niyan ang 4Ps. Lumalaki ekonomiya natin, 6.2 percent GDP growth taon-taon—average po mula nitong past 6 years. Ang last time natin nagkaroon ng ganitong kalaking growth, panahon pa noong Martial Law, 1970s. At saka medyo dinaya yung numerong yun dahil papautangin yung crony, hindi naman inaasahan na babayaran, irereport mo sa isang taon, “Uy, ganito kalaking investment.” Pero yung investment hong matino, di ba, mamumuhunan ka, kikita ka. Noong Martial Law ho, mamumuhunan tayo dahil sobrang guarantee, yun ang nakikita. Tayo ang nagbabayad ng utang, so hindi ho pareho yung numero.

Pero anyway po, lumaki ekonomiya. Ano ngayon? Mga kabataan natin, 4Ps, ano bang pangunahing kondisyon? Manatili ang anak mo sa eskwelahan, may sustento ka galing sa gobyerno. Ano hong resulta? Isa ho sa mga resultang talagang ikinatutuwa ko po, 2008, meron tayong higit-kumulang 2.8 milyon na out-of -school youth. Yung numerong pinakita sa akin 2013, kung di ako nagkakamali, nasa 1.2 milyon na lang po ang out-of-school youth. Mukhang marami tayong napabalik at maraming nanatili sa eskwelahan.

Nanatili sa eskuwelahan, ano ngayon? Yung Pantawid ho, dinagdagan na natin pati high school, 2014 inumpisahan. Nag-graduate na last year yung unang batch na tinutulungan, so unang batch na tinutulungan, mahigit 300,000 ang natulungan natin, at sa grupo pong yun, lampas 13,000 ang honor students. [Palakpakan] Dati, hindi na magtatapos; ngayon, honor student.

Ito pa maganda, yung honor student na dalawang nagsalita para sa kanilang lahat, nag-apply sa UP College of Engineering—alam nating quota course po yan. Nag-apply sila, natanggap sila. Mga tatlo hanggang apat na taon, engineer na po silang tumutulong sa atin pong Inang Bayan.

Kunwari ho, ayaw magtuloy ng college, maka-graduate lang raw ng high school, dagdag ng 40 porsyento ang kikitain o potensyal na kikitain ng mag-aaral. So dito po, ang TESDA, kasama ng DepEd, ay nagtulungan. Graduate ka ng high school, ambisyon po natin, lahat sila meron nang kakayahan para merong magandang trabahong papasukan. At palagay ko naman ho successful, dahil ang ating placement rate sa TESDA, noong araw po, nasa 28.5 percent. Ibig sabihin nung placement rate, nag-graduate ka, anim na buwan, may trabaho ka ba o wala? Sa atin po, nasa 72 percent na ang nagkakaroon ng trabaho bago umabot yung pang-anim na buwan tapos mag-graduate. [Palakpakan] 9 milyon course graduates po yan.

Ngayon, eh anong silbi nun? Nag-graduate sila, umayos yung buhay nila. Yung susunod ho nun, kunwari pumasok sa TESDA, nag-training para sa BPO—yung mga call center. Unang taon pa lang na nagtatrabaho, nagbayad ng buwis, bayad yung ginastos ng gobyerno para paaralin siya. Yung susunod na 30, 35 taon na nagtatrabaho siya, kumbaga, bonus na po yan, at puwede tayong magbigay ng parehong pagkakataon doon sa susunod na salinlahi.

Yun po, pag sinabi nating, “pagagandahin ang buhay mo,” hindi salita. Kailangan may plano, kailangan may direksyon. Dagdagan ko pa: Bakit mababa yung unemployment rate natin at record na naman? Isa ho sa hinabol natin: Kausapin ang mga negosyante. Alam niyo yung trahedya ho nung kakaumpisa natin? May mga pumasok sa mga kurso, ang tawag Physical Occupational Therapy. Nag-graduate ng 4-year course, may board, 5 years silang nandun. Nang lisensyado na, yung trabahong marami noong pumasok sila sa kolehiyo, wala na nung nag-graduate. “Malas,” sabi nila. “Lipat tayo ng Nursing.” Ganoon na naman, apat na taon, board na naman isang taon, gumastos ng kalahating milyon para paaralin yung anak, nung nag-graduate, lisensyado na, wala na naman yung trabaho ng nursing. Bakit ba ganun ang trahedya? Mag-aaral ka, pag natapos ka, wala na yung hinahabol mo.

Sinubukan nating palitan yan: Kinausap ang negosyante, kinausap ang industriya. “Ano ang kailangan niyong trabahador two years from now? Four years from now? Six years from now? Para yung nag-aral naman, na nagpakahirap makapasa, makuha lahat ng kanyang titulo, may pupuntahan.” Ayan na po ang resulta. Ngayon ho, sabi sa akin, yung nurse na marami dati, 250,000 ho yata yung sobra natin, isang taon lang yan noong ako’y kakaupo. Ngayon po, parang kulang na tayo ng nurse.

Dagdagan ko pa po: Galing ako sa Negros Occidental—pero bago muna yung Negros Occidental, ano bang sitwasyon natin tulad ng mga lugar ng Apayao? Tulad ng Lanao del Sur? Sa Apayao po, yung isang nakapanayam namin, benepisyaryo ng Daang Matuwid, sabi niya, “Alam ho niyo nung araw, pag mamamalengke kami, kung ano ang kaya naming bitbitin sa dalawang kamay namin, yun lang ang puwede naming bilhin dahil mula sa kung saan kami sa sitio namin, papunta ng bilihan, walang kalsada. Lakad-lakad sa gubat. Ngayon ho, pag may nagkasakit sa amin, dadaan rin sa parehong gubat, dalawang araw ang lakaran para makaabot sa ospital. Yung gubat namin, nagmistula na ring sementeryo dahil yung may sakit na malubha, sinubukan naming dalhin sa ospital, di na po umabot. Bakit niya ikinukuwento sa akin yun? Dahil sabi niya sa akin, “Ngayon ho, sa ilalim niyo, may kalsada na kami.” Minuto na lang ang usapan para umabot doon sa ospital.

Sinabi pa ng governor nilang si Butchie Bulut, “Alam ho niyo nung araw, pagandahan kami ng ambulansya.” “Pagandahan ng ambulansiya? Bakit kailangang maganda yung ambulansya?” “Eh wala naman hong ospital kaming dadalhan dito, kailangang aabot yung ambulansya namin sa karatig na probinsya para may pag-asa yung kababayan naming gumaling.”

Ngayon ho, umabot na tayo sa Apayao, na lahat ng tinatawag na physical limits ay naabot na natin. Ibig sabihin po niyan, bundok ang maraming parte nila, talagang matinding bulubundukin—Cordillera. Binuksan natin yung kalsada, kailangan yung tinatawag na compacting, yung isisiksik muna yung lupa, kailangan ng dalawang tag-ulan yun. Yung nabuksan natin, hindi na ho aabot sa termino ko, yung pangalawang tag-ulan. Kaya may mga parte, naiwan natin na hindi pa nape-pave.

Dagdagan ko pa po yung kuwento. Punta naman tayo Lanao del Sur. Sabi ni Governor Adiong sa akin, may dalawa siyang bayan. Para puntahan yung dalawang bayan na to, ang tatakbuhin niya ay walong oras. Governor ka, probinsya mo, para makaabot ka dun sa pupuntahan mo, walong oras. Kako, “Kahaba namang biyahe yata yan.” Alam niyo, yung Maynila papuntang Baguio, dapat apat na oras eh. Ito ho, sa loob ng isang probinsya, walong oras.

So natural ho, pag yung gobyerno, nahirapang puntahan yung kanyang sinasakupan, di natin maaasahan maasikaso yung sinasakupan, tama ho ba? Pag pupunta doon, walong oras papunta, walong oras pabalik. Kung natutulog rin siya nang walong oras kada araw, isang araw na ho yung dalaw niya dun. Wala na siyang ibang gagawin. Nayon ho, inireport sa atin ni Governor Adiong, yung kalsadang pinabuksan natin, 1.5 hours na lang yung dating walong oras na biyahe.

May mga parteng hindi pa raw ho nasemento at naaspalto. Kasunod na yun, at pag natapos yun, yung walong oras, magiging isang oras na lang na biyahe. Madaling salita, may kakayahan na rin yung local government ng Lanao del Sur puntahan lahat ng kanyang sinasakupan. Mababawasan na tayo ng mga magiging rebelde sa Lanao del Sur dahil nakikita na nila yung kalinga ng estado.

Dagdagan ko pa po, isa na lang: Negros Occidental. Yung airport po sa Negros Occidental, nasa Silay. Ang pupuntahan natin Bacolod, dadaan ka ng Silay, landing ka ng Silay, dadaan ka ng Talisay pupunta ng Bacolod. Nagulat ako noong pagkarating na parang hindi ko nakilala lahat ng kalsadang dinaanan namin, eh ang daming beses na po tayong nagpunta ng Bacolod.

Pero mas maganda pa yung nakita ko nung pabalik sa airport kinabukasan. Meron pong dalawang binakurang lupa. Isa, binakuran ng Ayala, yung isa naman po binakuran ng Megaworld. Sabi nila, dahil dumating yung kalsadang ito, mukhang magandang idevelop itong lugar na ito. Ano ang resulta? Bakod pa lang ang itinayo nila, tumaas yung halaga raw po ng lupa, tumaas yung Real Property Tax, dumagdag ang kakayahan ng Local Government Unit ng Talisay para tugunan ang pangangailangan nila.

Saan napunta yung pondong dagdag? Bumili sila ng sariling school bus nila, napunta ho sa Special Educational Fund; bumili silang IT equipment nila; meron silang feeding program para sa kindergarten hanggang grade 3, sustendido rin po ng dagdag galing sa Real Property Tax; meron pa hong dagdag sa mga allowance sa mga maestra nilang papunta sa liblib na barangay; at mga pito o walo po ang nangyaring dagdag sa kakayahan ng Talisay dahil nga po naglagay tayo ng isang kalsada diyan—nakitang ready na para iimprove, para maidevelop yung lugar na yan.

Yan ho yung lumipas. Tingnan naman natin yung kinabukasan. Alam niyo, yung trabaho ko naman ho e ano, habang kakausapin ko kayo, patakbuhin ko rin yung gobyerno, kaya labas-pasok ako kanina dito. Andami hong tumatawag sa ating may kung ano-anong kailangan. Habang nasa labas ho, yung tinitignan ko yung lawa. Alam naman po niyo, ano, tapos na yung disenyo at yun nga ang masakit, hindi ho natuloy yung bidding. Wala hong nag-bid dahil patapos na yung termino natin. Yung plano na gagawa ng Ring Road Dike para maibsan na yung pagbaha sa mga lugar dito po—sorry, basta dito po sa portion po niyo.

Ngayon ang pambayad natin dun sa private sector na gagawa—malaki ho tong proyektong ito eh. Bilyon-bilyon ang gagastusin yung lupang mare-reclaim. So madaling salita, may kalsada tayong bubuksan pati yung parte ng Rizal na medyo mahirap puntahan ngayon, meron kayong proteksyon sa baha, dadagdag pa yung halaga nitong lupain na nasa baybayin ng Laguna Lake.
Ang problema lang nga ho, ang pambayad natin sa kanila, yung mare-reclaim na lupa. Ngayon kailangan akong mag-issue bilang Pangulo ng proklamasyon na puwede itong i-alienate at i-dispose. Ang problema ko, ire-reclaim pa lang yung lupa, wala pong puwedeng i-alienate at i-dispose. Madaling salita, yung mga namumuhunan, walang katiyakan dahil darating pa eh, pag nandyan na yung lupa, puwede na yung proklamasyon, tiyak sila mababayaran. So siyempre, sabi nila “Teka muna. Maghintay na kami ng susunod na administrasyon.” Pero tatlo po ang bumili ng bid documents at interesado.

Ngayon, ang dagdag pa dahil dun sa bidding na yan, mapapaganda lalo tong proyektong ito, mababawasan yung gagastusin natin diyan at meron silang isang disenyo ng DPWH na magkakaroon ng tunnel. Itong tunnel ay regulating tunnel, para hong ginagawa sa Kuala Lumpur sa Malaysia na magdadala ng tubig sa lawa papuntang Manila Bay, or puwede nating actually gamitin yung tubig dahil fresh water na.

Madaling salita, may kailangan tayong imprastraktura, merong mga interesadong magtayo nito, babayaran pa tayo sa pagtatayo niyan at malaki ang pakinabang natin. Sandali na lang ho, magiging katotohanan na po ang mga proyektong binanggit kong ito, kung ipagpapatuloy ng susunod sa akin yung ginagawa natin. Yun ang malaking “kung” diyan eh. [Palakpakan]

Talisay: Binili ng malalaking developer yung lupa. Siyempre, idedevelop nila, lalagyan ng mga gusali, mga pabrika, bawat gusali, bawat pabrika—dagdag na namang trabaho. Lalakas ang ekonomiya ng lugar ng Talisay. Lumakas ang ekonomiya, mas maraming buwis na makokolekta ang gobyerno dun, mas marami silang magagawa para sa mga kababayan natin. Dahil siyempre po, natulungan na natin yung Pantawid, ang grade school naakyat na natin ng high school, baka puwede kumpletuhin na natin, palakihin na natin. Yung college naman, para talagang isagad ang oportunidad lahat. [Palakpakan]

Mangyayari ho iyon basta huwag tayong lilihis. Pag nagkamali tayo’t nag-left turn, right turn, at u-turn, baka balik na naman tayo sa ano, pondo ng bayan na nabubulsa. Proyektong puro tarpaulin na parating. So mga kasama, siguro yun lang ho talaga ang mensahe ko sa inyong lahat. Ulitin ko lang ho: Una, nagpapasalamat ako sa inyo. Pangako ko sa inyong lahat nung nag-umpisa tayo, iiwan ko ang isang Pilipinas na di hamak mas maganda kaysa sa ating dinatnan. At kayo na ho ang testigo sa resulta.

Isa ho sa pinakaikinagalak ko, meron tayong 7.7 million na Pilipino, naiangat sa poverty line. Nung nag-uumpisa tayo, iniwan sa aking budget ni Ginang Arroyo, hindi umabot ng 7 precent. May 7 percent na gugugulin ko sa anim na buwan noong 2010—halos lampas lang nang konti ng 1 percent of the national budget per month. So wala kang pampuhunan pero naghihintay tayong lahat ng dibidendo. Tinulungan niyo akong magkaroon ng mandato. Tinulungan niyo ako, di ba? Habang tayo ay namamahala sa bansa, lahat ng hamon, kailangan kong harapin, kampante akong malalaktawan natin dahil nasa likod ko kayo kakayanin natin kung anuman yan.

So ang mensahe ho, simpleng-simple: Magandang halimbawa yung Talisay, yung Talisay, ordinaryong agricultural na community nung araw. Ngayon po, dinedevelop na para magkakaron ka na ng mga versions ng Bonifacio Global City dun. Kung manatili yung kumpiyansa ng negosyante, kung maganda yung ekonomiya, kung—ang daming “kung” eh. Ibig sabihin ho, dati dapang-dapa tayo, ngayon tinatawag tayong “Asia’s Next Tiger,” “Rising Star.” Binigyan na tayo ng investment grade status. Yung negosyante, ganadong-ganado sa atin. Nadapa, nakatindig, naglalakad na tayo ngayon. Susunod, patakbo na, kaya paarangkada na.

Ngayon ho, banggitin ko lang konti yung ating mga kalaban. Yung isang kalaban ni Mar Roxas, sabi niya, “Yang 4Ps nung 2013, tinutuligsa ng anak niya. Ngayon ang mensahe niya, “Iyang 4Ps, gagawin ko 5Ps. At pag ginawa kong 5Ps, babawasan ko pa yung buwis niyo.” Alam niyo, nung narinig ko yun, sabi ko, “Grabe naman tong taong ito. Wala nang galang sa ating mga Boss.” Dami hong maybahay ho siguro dito, di ba? Dumating ang mister niyo at sinabing “Babawasan ko ang budget mo, pero dagdagan mo yung mabibili mo.” Ilan ho kaya ang maybahay ang kayang gumawa nun? Siya, pinaniniwala niya tayong sobrang galing niya, gagawin niya yun. Kako, “Excuse me. Maghanap ka ng ibang kausap kung ganun din sasabihin mo.”

Yung isa naman ho, medyo bago talaga, pag nangako grabe. Sabi sa akin, yung isang ipinangako raw, lahat ng lugar, lalagyan ng ospital. Paano yung dalawang bayang magkatabi, di ba, parang ganoong kalapit, hindi masyadong liblib. Dun lang sa Metro Manila ho, anong sense na hahatiin natin yung budget ng DOH? Puwede tayong bumili ng makina na importante sa medisina pero mahal, pero makukuha lahat ang limang munisipyo. Bakit natin hahatiin yung mga pambili ng importanteng aparato na yun para mabigyan yung limang munisipyo, di ba? Pero ipinangako na nga ho yun, ang gandang pakinggan eh. Lahat ng ospital, siyempre yung unang tanong dun, kailangan ba nila ng ospital? Meron bang ibang ospital na malapit na tinutugunan na. Puwede ba yung ospital na nandiyan na, pagandahin natin ang serbisyo, palakihin natin yung kakayahan?

Imbis na magtatayo tayo ng ospital, alam niyo, yung Health Facilities Enhancement Program, kuwento sa akin ni Janet Garin, ang ating Secretary of Health, may barangay health station, so may gusali papasok ka doon; may mesa, uupo ka sa silyang katabi ng mesa; kaharap mo yung barangay health worker; walang aparatong nandoon, walang pang-blood pressure, walang thermometer, walang weighing scale, wala lahat. Anong ginagawa dun sa barangay health station? Magkukuwentuhan kayo ng barangay health worker. Yung Health Facilities Enhancement Program, talagang nilagay natin aparatong kailangan. At nagulat nga ako, siguro dahil ako po’y binata, wala pang anak, yung thermometer pala ngayon, meron nang “no contact thermometer.” Yun po ang binibigay ng DOH. Noong panahon ko kasi, sinusubo ho eh.

Isa pa: Meron hong isang kandidato na tila maganda ngayon sa survey. Puro bukambibig, mura, away, kinakalaban lahat. Tanong ko lang ho sa inyo, [palakpakan] may problema tayo sa West Philippine Sea, malaki ang katapat natin, malaki ang ekonomiya, dambuhala ang ekonomiya, dambuhala rin ang kanyang puwersa militar, kaya ang solusyon, aawayin natin yung kakampi natin. Makakatulong ho kaya yun? Meron bang trabaho na malilikha kada murang ginawa mo? Meron bang napag-aral nang tama kung puro away ang hinahabol mo? Siyempre, matututo yung batang nanonood ng ganoon, gagayahin niya yung maling asal. Di yata yun ang gusto nating matuto, tama ho ba? Masakit na nga ho sa akin, 30th year ng Edsa ngayon—30 years ago, doon tayo lumaya. Tila ngayon, may mga nag-aastahang magdidikta na naman. At ano ba yung diktahan? “Ako ang masusunod. Ako lang ang magaling. Ako lang ang tama. Lahat kayo sunod.” Bah, kako eh, ewan ko na lang. Palagay ko yung taumbayan eh mulat na mulat sa ating pinagdaanan. Di na papayag maulit muli, tama ho ba?

Balikan ko naman yung mga kandidato natin: si Mar. Yung iba nangangako, gagawa ng trabaho; si Mar, gumawa na ng trabaho. Yung BPO, yung call center, this year po, 1.3 million ang diretsuhang empleado. [Palakpakan] Last year po kasi, naabot na natin yung 1 million. This year din po, idadagdag sa ekonomiya natin yung BPO industry, inumpisahan ni Mar, $25 bilyon—hindi ho pesos. Si Mar, hindi man siya nangako na dadagdagan ang trabaho, ginawa na niya, may trabaho. Yung direct employee, 1.3 million, yung iba ho, yung tumatao sa convenience store, yung nagmamaneho ng taxi, lahat ng indirect employees, times three, times four. So may 1 million na direct, may 3 to 4 million na indirect. Lahat pong trabahong yun, nag-umpisa dahil naisip ni Mar, bagay itong BPO sa Pilipinas at talaga naman nga hong nagdadagsaan itong mga kumpanya dito sa atin.

Sabi ng isa, “Tatapusin ko yang krimen in 3 to 6 months.” Sabi ko sa kanya ngayon, “Talaga ba?” Sabi niya, “Teka muna isu-suppress ko na lang.” Dati tapos, di ba? Ako lang ba nakarinig nun? “Pag hindi ko natapos in 3 to 6 months, magre-resign ako.” Ngayon, binago na yata, “Hindi ko matatapos yan. In 3 to 6 months masu-suppress ko.”

Balikan ko lang, kanina nabanggit ko sa inyo, ano yung iniisip ni Mar maliban dun sa Lambat Bitag? Meron rin yung tinatawag na “One Time, Big Time.” May mga most wanted, may mga warrant, pag sinerve mo yung warrant sa isang tao, matutunugan ng ibang sindikato, “Uy, mainit ang pulis, takbo na tayo, magtago na tayo.” Yung One Time, Big Time, pupunta sa isang lugar, kunwari isang probinsya, lahat ng hina-hunting, minsanang seserban ng warrant of arrest para wala nang makakapag-tip na, “Uy, magtago ka na, mainit ang pulis ngayon.” Resulta po nun, mahigit sa 2,000 na po most wanted sa buong Pilipinas ang nahuli. Ang pakinabang natin doon, nung nawala yung mastermind, ang laki ng binaba ng crime rate dahil nawala yung mga most wanted ng mando nila. Ulit: Si Mar, hindi nangakong “Tatapusin ko yung krimen.” Ginagawa po niyang talagang pababain ang krimen natin.

Si Leni Robredo, buong buhay niya, tapos ng abogasya, naging Public Attorney’s Office, naging abogado sa PAO. Pagkatapos nun, NGO: tinutulungan magsasaka, mangingisda doon po sa kanila sa Bicol. Puwedeng nagtrabo sa bigating kumpanya, pero nandun, kadamay ni Jesse sa talagang pagiging tunay at ginintuang lingkod-bayan. Alam niyo, nakita ko po—siyempre, lahat tayo iniisip natin yung lider nating darating, matatag ba? Importante ang Vice President, pag may nangyari sa President, automatic siya ang mamumuno sa atin. Kaya kung ano ang batayan natin sa Presidente, yun rin ang batayan natin sa Vice President. At si Leni nga ho, aksidente ni Jesse, siguro pinakamatinding di ko na makakalimutan dun, nakuha na ho yung bangkay ni Jesse. Naabisuhan na ho ako na tatlong araw na kasing nasa ilalim ng tubig. Iba na at masama na yung itsura. Nilapitan ko po si Leni at sabi ko sa kanya, “Leni, hindi kaya mas maganda…” At si Leni ho, hindi ko ho ganon kakilala dahil si Jesse, minabuti niya yung pamilya niya, ilayo sa buhay-pulitika para naman may pribadong buhay. So halos kakakilala ko lang sa kanya. “Leni,” kako, “parang hindi na masyado maganda ang ayos ni Jesse. Baka mas maganda, tandaan mo na lang nung buhay siya, yun ang iwan mo sa alaala mo. Baka hindi mo na kailangang daanan pang makita ito.” Sabi niya sa akin, “Kailangan ko makita, maski na last time.”

Sinamahan ho namin dun sa morge. At ako, sabay-sabay namin nakita for the first time na talagang, ako awang-awa pagkakita kay Jesse. Kung ako na kaibigan, katrabaho, kaalyado ni Jesse, awang-awa, sobrang lungkot, paano pa kaya yung maybahay niya? Pero alam ho niyo, puwede nating asahan na talagang humagulgol sa iyak, puwedeng nagtanong ng katakot-takot na “Bakit?” Puwedeng tayong lahat naman nakapunta sa isang burol kung saan, lalo na pag biglaan, kung gaano kabigat sa nawalan. Pero bilib na bilib po ako kay Leni. Sa madaling salita po, imbis na kami umalalay kay Leni, sa mga kapatid ni Jesse, sa mga anak nila, parang nakakahiya mang aminin, sila ang umalalay sa amin sa pagkawala ni Jesse. Doon talaga naman sabi ko, “Pambihirang ale ito.”

At saka pagkatapos nun, ni minsan hindi nang-abuso. Nung sinabihan na kailangan siya ng mga kababayan niya, puwedeng nagsabi lang siya, “Bago akong biyuda, dalawa yung pinag-aaral ko, puwede bang maghanap na lang kayo ng ibang isusubo niyo diyan?” Pero pumayag siya, ang ganda ng resulta niya. Ngayon, naging congresswoman na siya, puwedeng re-election na lang, mas madali na yung kampanya. Nilapitan ko at iba pang mga tao, “Leni, kailangan ka natin bilang Pangalawang Pangulo. Kailangan kang kasama ni Mar. Puwede ka bang pumasok dito sa mas masalimuot na labang ito?” Matagal hong pinag-usapan, marami hong luha ang dumaan sa kanilang mag-anak. Yung puwedeng nakiusap na pagbigyan niyo naman akong magpahinga nang konti, lalo pang pinabigat ang trabaho. Pero tulad ng dati, tumotoo siya sa atin at nandiyan na nga ho si Leni. Talagang yan ang kaisa-isang angkop na maging Pangalawang Pangulo natin.

Sa pagtatapos po, tandaan na lang po natin noong 2010 ang sabi niyo sa akin, “Tigilin mo lang yung kalokohan, malaking bagay na yan.” Noong 2010, walang nag-isip sa atin na 7.7 milyon ang kababayan nating naangat sa poverty line, na gagawin tayong Investment Grade, na meron tayong 4.6 million kabahayan kayang tulungan, na lahat itong ginawa natin, sino sa atin ang nakakita na noong 2010? Pero uulitin ko nga ho sa inyo: Umpisa pa lang ito. Kumbaga, nakatapos na tayo ng kindergarten o baka grade 1. O ngayon na mas magaling na tayo, ngayon na kinakausap na tayo ulit ng mundo, na maganda ang pananaw sa atin, aba, ito ang pagkakataon natin!

At uulitin ko nga lang ho: Pag ako nilapitan ninyo—ito huling-huli na nga lang ho talaga—may nanay akong nakausap miyembro ng 4Ps sa Pampanga. Pito anak niya. Sabi niya, “Iniwan ako ng mister ko, bahala na ako dun sa pitong anak namin.” Tinanong siya, “Anong hanapbuhay mo?” Sagot niya, “patinda-tinda.” Ngayon sa Tagalog ho, pag yung “patinda-tinda,” parang hindi permanente, hindi ho ba? Yung pag nagtitinda ka araw-araw, “Ano trabaho mo?” “Nagtitinda.” Pag yung “patinda-tinda,” parang patsamba-tsamba makatinda. Pag hindi nakatsamba, sorry yung pitong anak. Ano sabi niya sa atin? “Dahil po sa 4Ps niyo, tatlo sa anak ko nakapagtapos na po ng high school, permanente na ang trabaho, tinutulungan na ako doon sa apat na mga kapatid nila.

Kung nilapitan tayo ng aleng yun, sinabihan tayo, “Pito ho yung kailangan kong paaralin, tulungan naman niyo ako.” Maski gusto natin, di ba, parang hanggang saan kaya aabot itong bulsa ko para matulungan ka? Pero isipin niyo: Tatlo ang napatapos niya; ni isa sa atin, di man naramdaman na bumunot ni minsan sa bulsa natin. Kumbaga, nakakatulong tayo sa kanya, nakakatulong tayo dun sa 4.6 milyon na kabahayan, na hindi tayo napeperwisyo, na hindi tayo nabibigatan. Kung lumapit itong aleng to, dumating sa atin ngayon at sinabihan tayo, “Nakatulong na kayo sa amin, hindi kayo nabigatan, may apat pa ho akong kailangan bunuin. Pag natapos na ho yung apat na yan, hindi niyo kami iintindihin, bagkus, kaambag na niyo kami sa pagtutulong ng iba.” Pagdadamot ba natin yung tulong na hindi man tayo napeperwisyo? Palagay ko, walang taong nandito magsasabing, “Pagdamutan natin sila,” kung hindi, “Lalo pa nating tulungan at lalo nating bigyan ng pagkakataon.” Yun po ang inambisyon at ginagawa ng Daang Matuwid.

Alam ho niyo araw-araw, may mga nagtetext sa akin. Sabi niya, “Bakit ba ganito ang mga survey results? Gawan mo ng paraan, bakit naman tayo babalik sa dati? Kumbaga, kung ano-anong kaba. Siguro ho, gusto kong isagot sa kanilang lahat, Mayo. Sa ika-9 ng Mayo, ano ba yung boto ni Noynoy Aquino? Isa. Lahat tayo, pare-pareho ang boto natin. Lahat ho tayo yata ay mayroong responsibilidad sa pupuntahan natin. Kayo ang gumawa ng pagbabagong ating pinapakinabangan ngayon. Kayo ang puwedeng lalong magpalago nitong pagbabagong ito at maging permanente. Pag ako bumoto, ang boto ko, isa. 50 plus milyon po tayong botante, kaya siguro importante ho, hindi yung mga nandito ngayon—palagay ko naman ay magkakasama na tayo bago pa ako tumuntong dito. [Palakpakan] Pero hanapin natin yung mga nasa labas na naliligaw. Paalala natin kung ano ang nakasalalay pag nagkamali ng desisyon. At ulitin ko nga ho, babalik tayo, may siga, diktahan, bawal kumontra. Dinaanan na natin yan. Wala tayong napalang maayos diyan. At pag-iisipin nga niyo, “Kailangan namin ng trabaho,” “Away ang ibibigay ko sa iyo.” “Kailangan namin ng payo,” “Mumurahin kita.” Paano ba tayo aabot dun kung ganun ang istilo?

Ulit, ang poder po, nasa mandato ng taumbayan. Ang responsibilidad, nasa taumbayan. Magpakapagod na po tayo, itong natitirang 11 araw, ubusin na natin yung oras natin para maliwanagan yung mga naliligaw. Sa dulo po niyan, siyempre pinakamaiksi na po, pag tama ang ginawa natin, anim na taon na lalo nating mapapalakas ang Daang Matuwid at lalo pa tayong lalayo.

Pag nagkamali tayo, paano? Baka sabihin niyo sa akin, “Alam mo, tama ka. Inaabuso kami, pangunahan mo kami ulit.” Alam niyo, sa totoo lang, hindi ko naman iniisip na kung ganon may balak talaga magdiktahan, na bibigyan pa nila akong pagkakataon makaporma, di ba? Pag-isipan po niyo yun, itong baka paniwalaan ng tao. Itong kokontra sa atin, kailangan mawala sa eksena yan.

Kaya dito ko na ho pinapakiusap. Alam niyo noong pinaslang ang aking ama, dun po nagdesisyon na ako, ano ba ang tangan sa atin para makontrol tayo ng diktadurya? Pakukulong kita o ipapapatay kita? Ako ho namili, tatay ko, bumalik para magkaroon tayo ng pagkakataon ng mapayapang pagbabago, maibalik yung demokrasya. Pagbalik niya, hindi man lang siya pinagsalita, alam po niyo yan. Di man pinatuntong sa lupa natin at doon po nangako ako sa kanya, “Binigay mo buhay mo sa mapayapang pagbabago.” Kaisa-isa akong anak na lalaki, tulad sinuman sa inyo sigurong mangyari yung ganoon, na sobra pa sa baboy na kinakatay ang pagtrato ang papasok sa kalooban niyo, paghihiganti. Pero binalikan ng tatay ko, mapayapang pagbabago. Kaya nangako po ako sa kanya, basta wala silang gawin sa nanay ko, sa mga kapatid ko, kung pati ako kunin na nila, pipilitin ko yung gusto mo: mapayapang pagbabago.

Ngayon ho, kahit 1987 panahon ng nanay ko bilang Pangulo, nagkaroon ng kudeta, na-ambush ako, tatlo sa kasamahan ko patay. Isa lang hong kasama ko ang nabuhay. Tapos po nun, yung buhay ko ho at saka nung pag-uwi nung 1983. Kung ang tangan sa atin, tatakutin ka, ikukulong ka ni Ginoong Marcos o tatakutin ka, puwede kang mamatay. Kung hindi na ganun kaimportante ang kalayaan mo at hindi na ganun kaimportante ang buhay mo, may kalayaan kang lumaban. Pag hindi ka naman lumaban ay garantisadong magpapatuloy na lang yung maling binuwis ng tatay ko yung buhay niya, eh hindi ko matanggap yun. So dun po ako tumawid, yung tinatawag nga nilang linya. Importanteng may mapala yung sakripisyo ng tatay ko at libo-libo nating mga kababayan. Hindi puwedeng balewala yun, kailangan makiambag naman ako. Noong 1987, nagka-coup nga. Hanggang ngayon, tangan ko pa nga ho yung bala. Lampas ho nun, sabi ko, bonus na lang ito.

Nabigyan niyo ko ng pagkakataon na talaga naman binago natin ang anyo ng Pilipinas, kaya ulit: Maraming-maraming salamat sa inyo.

Ere na nga ho, sa dulo po nito, wala kaming pinagmamalaki kung hindi nakasandal kami sa taumbayan, kaya po parati, “Boss ko” ho ang tawag ko sa inyo. Ulit akong sasandal sa inyo, hindi ko kakayanin masiguradong tuloy-tuloy yung Daang Matuwid natin. Di ko kakayanin mag-isa na masigurado yung mga tamang kandidato na si Mar Roxas at si Leni Robredo ang mananalo ng ika-9 ng Mayo kung hindi niyo ako dadamayan. Ang solusyon ho, nasa ating mga kamay, ginamit natin ilang beses para magkaroon ng tamang pupuntahan ang ating Inang Bayan. Kaya natin gawin ulit yan at sigurado po ako, gagawin niyo yan pagdating ng ika-9 ng Mayo.

Magandang hapon po. Maraming salamat po sa inyo.