February 07, 2016 – Interview of Sec. Coloma – DZRB – Radyo ng Bayan
INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR. |
DZRB/ Anchored by Rey Sampang |
07 February 2016 |
Rey: Secretary, maraming salamat po muli sa pagpapaunlak sa ating programa. Pero bago po ang lahat may paunang pahayag po ba kayo, Secretary, sa mga tagapakinig po natin?
SEC. COLOMA: Baka mas mainam, Rey, dumiretso na muna tayo sa ating mga tanong. Rey: Secretary, ang mga katanungan mula po sa ating Malacañang Press Corps, ‘yon daw pong pinaka… Nagtatanong po sila sa pinaka-latest update dito sa Filipino casualties sa hotel na nasunog diyan po sa Iraq, Secretary. SEC. COLOMA: Lubos nating ikinalulungkot at ipinagdadalamhati ang sinapit ng ating mga kababayang nasawi sa sunog. Ang ating Charges d’ Affaires sa Iraq, si Ginoong Elmer Cato, ay kasalukuyang nasa Erbil at nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad upang mabatid ang mga pangalan ng mga nasawi. Ipahahatid ng pamahalaan ang lahat ng kinakailangang tulong sa kanilang mga pamilya. Rey: At ito po ang iba pang katanungan mula po sa Malacacañang Press Corps, Secretary, nais daw po nilang makumpirma ito pong naging pahayag ni Defense Secretary Voltaire Gazmin na nagsasabi na ito raw pong Lumbia Airport sa Cagayan de Oro ay i-co-convert sa isang US military depot. Kung totoo raw po ito, mayroon pa raw po bang ibang mga lugar na i-co-convert into US military bases, Secretary Coloma? SEC. COLOMA: Nais nating linawin (na) ang tinutukoy na pasilidad ay isang storage depot para sa kagamitang nakalaan sa mga kalamidad. Bahagi ito ng programang HADR (humanitarian assistance and disaster relief) na mahalagang elemento ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Sa panahon ng bagyo, lindol o iba pang kalamidad, makatutulong ang pasilidad na ito sa agarang paghatid ng tulong at kalinga sa mga apektadong komunidad. Ang pagtukoy sa mga lugar na maaaring gamitin ng Pilipinas at Estados Unidos ay kailangang pagkasunduan pa ng dalawang bansa. Sa panig ng Pilipinas, ang pagbabatayan natin ay ‘yung kagalingan ng ating bansa at kapakanan ng ating mga mamamayan. ‘Yan ang paninindigan ng ating panig sa pagpupulong ng Mutual Defense Board at ng Security Engagement Board. Rey: Okay, Secretary. So storage depot lang po ang gagamitin, hindi ho ‘yung buong Lumbia Airport, ano po, Secretary? SEC. COLOMA: Ang pagkaunawa natin doon sa loob ‘nung dating Lumbia Airport dahil ito ay napalitan na, mayroon nang ibang airport para sa lugar na ‘yan, bahagi lang ‘yan ‘nung kabuuan ng area na ‘yon at ang tinutukoy ni Secretary Gazmin ay ‘yung pagtatayo lamang ng isang physical facility na gagamitin bilang storage facility. Dahil alam naman po natin hindi na po pinahihintulutan ngayon ‘yung base militar at ang ipinaiiral po ay ‘yung Visiting Forces Agreement na kung saan ay rotating presence lamang po ang pinahihintulutan. At dito naman sa EDCA, ang isang elementong bago ngayon ay ‘yung pag-focus doon sa humanitarian assistance and disaster relief dahil batid naman po natin, kapag sumasapit ang mga kalamidad, first responders po ‘yung ating Sandatahang Lakas dahil sila ay organisado, mayroon po silang kagamitan, at integral na bahagi na ito ng kanilang misyon—‘yung pagbibigay ng agarang tulong sa ating mga mamamayan sa pagsapit ng mga kalamidad. Rey: At of course, Secretary, ‘yon pong dalawng ‘yon ang pinaka-main questions o katanungan mula sa ating mga kasamahan sa Malacañang Press Corps. Pero siyempre, bukas po February 8, Secretary, Chinese New Year na. May mensahe po ba kayo sa pagsapit ng Chinese New Year, lalo na sa ating Filipino-Chinese community, Sec? SEC. COLOMA: Malugod tayong bumabati ng isang Happy Lunar New Year sa mga bumubuo ng Filipino-Chinese community sa ating bansa. Tulad ng ipinahayag ni Pangulong Aquino sa Proclamation 295 noong 2011, nang unang idineklara bilang special non-working holiday ang okasyong ito, ang selebrasyong ito ay pagpapahiwatig ng pakikiisa natin sa ating mga kapatid na Pilipino-Tsino na naging bahagi na ng ating mga buhay sa maraming aspeto bilang isang bansa at pamayanan. Sa wikang Ingles po, sinabi ni Pangulong Aquino noong 2011: “The joint celebration is a manifestation of our solidarity with our Chinese-Filipino brethren who have been part of our lives in many respects as a country and as a people.” ‘Yon po ang ating pahayag. Rey: Secretary, siyempre, itong ating mga kababayan, mga Pilipino ay talagang nakikiisa na rin po sa Filipino-Chinese community sa pag-ce-celebrate ng Chinese New Year. Maging ‘yon nga pong… ‘Di ba po, ‘yung pagsalubong ng Filipino New Year, ‘yung pagbili ng mga prutas ay naging influence na rin po ‘yan e ng ating Chinese ancestry dito sa Pilipinas. Matanong ko lang po, Secretary, kayo ba ay naniniwala sa feng shui? SEC. COLOMA: [laughs] Parang malayo yata. Nag-umpisa ka sa prutas, ang ending mo ay feng shui. [laughter] Rey: Kasi alam ko, Secretary, medyo ano e… ‘Yung—ano ba tawag dito—‘yung feng shui ay ginagawa hindi lang naman tuwing sasapit ang Chinese New Year o bagong taon. Kung minsan ‘yung mga Pilipino mismo talagang nag-ano pa e, talagang humihingi pa ng tulong sa mga feng shui expert para mapaganda o maging maganda ‘yung pasok ng fortune o ng araw o ng taon sa kanila. Sa baba mayroon tayong ano e, mayroon akong napapansin doon na turtles. ‘Pag kasi turtles ano raw ‘yon e, may kinalaman din sa feng shui ano po, Secretary? SEC. COLOMA: Well, batid naman natin, Rey, na maraming nagnanais ng magandang kapalaran o magandang pagdaloy ng suwerte, ika nga, sa buhay at isa sa mga pinapaniwalaang maaaring elemento sa pagtamo ng layunin na ‘yan ay ‘yung pagkakaroon ng magandang flow of energy o ‘chi.’ ‘Yan yata ‘yung pundasyon ng paniniwala sa feng shui. Kinakailangan sa isang lugar ay maaliwalas o magaan ‘yung daloy ng enerhiya at ‘yon ang ginagawang batayan sa disenyo ng mga gusali, sa kung saan ilalagay ang hagdanan o anong klaseng puwesto ng mga kagamitan sa loob ng bahay. Wala naman sigurong masama doon. Ang importante ay ‘yung pagnanais natin na magkaroon ng kabutihan at kasaganahan sa ating mga buhay. Rey: Well, maraming salamat po, Secretary, sa pahayag at sa pagbibigay ng oras muli dito po sa Radyo ng Bayan; not unless mayroon pa ho kayong nais na ibang impormasyong iparating, Secretary? SEC. COLOMA: Wala na, Rey, at maraming salamat sa iyo at sa ating mga tagapakinig. |
SOURCE: NIB-Transcription |