February 09, 2016 – President Benigno S. Aquino III’s Speech at the inauguration of the Jct. National Road Mianay-Duyoc-Calaan-Panitan Road
President Benigno S. Aquino III’s Speech at the inauguration of the Jct. National Road Mianay-Duyoc-Calaan-Panitan Road |
Brgy. Duyoc, Dao, Capiz |
09 February 2016 |
Nang malaman ko pong bibisita tayo rito sa Capiz, talagang naghanda ako nang husto. Pero sa kapal po ng briefers na inaral ko, sa isang bagay ako nagtagal: sa pagpraktis mag-Ilonggo. Pagpasensiyahan n’yo na lang po itong napagpuyatan ko: Matuod gid nga ang mga taga-Capiz, maayu magsuporta, mainanggaun, kang mapinalanggaun. Madamo nga salamat sa inyo nga mainit nga pagbatun sa amun diri sa Capiz. Bago ho matapos ang kampanya, palagay ko kaya ko na kumanta. Pero huwag na po natin asahan iyan, lalo na ‘pag maraming ulap. Sa bagay, nasa El Niño raw tayo, sulit rin siguro iyon, pero ‘pag nakauwi na kayo na lang.
Sa simula pa lang po, panata na natin: Sa kaunlaran, walang maiiwan. Siyempre, lahat ng bayan, gusto nating umasenso. Sa economics nga po, ang sinasabing pinakamabilis na paraan ay magkaroon ka ng tinatawag na “comparative advantage.” Ibig sabihin: Saan ba kami sagana? Saan ba kami magaling? Aling larangan ba kami talagang magaling? Dito ho sa inyo sa Capiz, kilala kayo sa tinatawag na seafoods. Napakasarap ng inyong alimango, sugpo, at talaba; meron pa kayong napakasarap na shellfish na kung tawagin ay diwal. Pero di po ba, ang halaga naman ng produkto po ninyo, nakadepende kung gaano kasariwa. Kapag galing nang freezer, iba na po ‘yung dating. Alam din natin: Sagana kayo sa agrikultura, nakikita naman po natin sa paligid. Ilan lang sa mga produkto ninyo ang tubo, palay, at niyog. Ngayon po, lahat po nang ito, masasagad ang halaga at benepisyo, kung may maayos tayong transportasyon at ugnayan. Sabi nga ho ng iba, sa lugar naman nila saging. Sa kakawalan ng kalsada, ‘yung saging nagmukha raw hong “mashed banana.” Pagdating sa palengke, ang presyo, presyong bugbog na saging. Kaya naman po, tuloy ang tutok natin sa imprastruktura. Tingnan po ninyo: Tinatayang 5 porsiyento ng kabuuan nating Gross Domestic Product sa taong ito, nakalaan para sa imprastruktura. Buod po nito: Habang napapalaki ang ekonomiya, sabay taas ang budget sa pagpapagawa nga mga kalsada’t tulay, pantalan, paliparan, eskuwelahan, at iba pa, na siya namang nagpapaasenso sa ating mga Boss. Iyan po ang Daang Matuwid; iyan po ang resulta ng tinatawag na good governance. Ngayon po, pinasinayaan natin ang pagpapaunlad ng inyong Junction National Road Mianay-Duyoc-Calaan-Panitan Road. Ano bang benepisyo po nito? Ang biyahe sa pagitan ng Junction Mianay, Sigma at sa munisipalidad ng Panitan sa Capiz na dating inaabot ng isang oras, kalahating oras na lang po. Dahil din sa kalsadang ito, di lang bubukas ang mga daan patungo sa mga lugar na dating mahirap puntahan, bubukas din ang mas maraming oportunidad sa pag-unlad ng ating mga kababayan. Ayon nga po sa DPWH, ang natitirang pong 195 meters na kailangang tapusin sa kalsada ay makukumpleto ngayong Marso. Ang sabi ko lang po kay Sec. Babes: Totoo ba ito? 195 meters na lang, aabutin pa ng Marso, eh kakaumpisa lang ng Pebrero? Baka naman inextend mo lang ang deadline, para masabing natapos ito ahead of schedule? Alam naman po ang husay ng ating Kalihim Babes, at talagang sa tingin ko po, kayang-kaya niyang tapusin yang natitirang 195 meters ngayong buwan. Itong inisyatiba pong ito, kasama ng iba pa nating mga proyektong pang-imprastruktura, ginagawa natin para maihatid ang mga produkto sa merkado sa pinakaepisyenteng paraan. Bilang isang kapuluan, makakatulong din itong makonekta at maiugnay ang ating mga probinsiya. Dulo nito, masasagad natin ang ating potensiyal, at makakapagbukas tayo ng mas maraming oportunidad sa pag-asenso para sa kapwa nating Pilipino. Simple lang po ang prinsipyo natin sa Daang Matuwid: Itutok ang serbisyo sa ating mga Boss, gawin ang tama, at tiyak magbubunga ito ng magandang resulta. Malayo na po ang ating narating, pero malinaw po: Simula pa lang ito. Sa darating na Mayo, haharap muli sa sangandaan ang Pilipino. Ang tanong: Didiretso ba tayo at itutuloy ang magaganda nating nasimulan? O sasayangin ba natin ang lahat ng ating pinaghirapan at kakabig pabalik sa baluktot na sistema at lumang kalakaran? Ano nga bang meron ang dati na gusto nating balikan? Di ko po maisip na may magsasabing “Bumalik tayo sa 28.5 percent na employment rate sa mga iskolar ng TESDA dahil ayaw namin ng kasalukuyang 71.9 percent na graduates na nasasagad na ang potensiyal at gumaganda ang kinabukasan.” Di ko maisip na ang ating 4.4 milyong kabahayang benepisyaryo ng Pantawid Pamilya, sasabihing “Pakitigil na po ninyo ang Pantawid Pamilya, ‘wag n’yo nang tutukan ang edukasyon at kalusugan ng aming mga anak, pabayaan n’yo na lang ulit kami.” Di ko maisip na ang 91 percent ng populasyon na sumasailalim ngayon sa PhilHealth ay ipagsisigawang “Tanggalin ninyo kami sa PhilHealth, ‘wag n’yo na kaming arugain.” Mga Boss, alam na natin ang pahirap na idinulot ng sistemang lamangan at kanya-kanya ng nakaraan. Gayundin, batid natin ang benepisyo ng malasakit, tulungan, at ambagan na ipinamalas natin sa kasalukuyan. Ang mga dati ngang sana’y nagawa na, sa loob lang ng anim na taon, tayo na ang gumawa at patuloy na gumagawa. Kung nagtiwala nga po kayo sa akin noong 2010, magtiwala po sana kayong muli sa akin ngayon. Mayroon po tayong mga kasamahang hindi “baka,” kundi siguradong magtutuloy at magpapalawak sa Daang Matuwid. Walang iba po, kundi si Mar Roxas at si Leni Robredo. Samahan po natin sila; iangat po natin sila. Sa huli, nasa mga kamay natin muli ang magandang kinabukasan ng bansa. Tunay po: Kamo man gihapon ang kusug, kamo man gihapon ang boss, kang kamo man gihapon ang nagaubra sang masangkad kang mapag-un nga pagbag-o. Maraming salamat po. Sa susunod, susubukan natin, kung hindi ko maikanta nang maayos iyan, ira-rap ko po ‘yung aking Ilonggo. Kayo na po ang bahala sa ating kinabukasan. Mabuhay po kayo. Magandang umaga sa ating lahat. |