President Benigno S. Aquino III’s Speech during a meeting with local leaders and the community of Capiz
Capiz Gymnasium, Villareal Stadium, Roxas City
09 February 2016
 
Maupo ho tayong lahat.

Pasensya na po kayo, medyo excited tayong lahat. Batiin ko ho muna ang ating Big Man of the Senate, Senate President Franklin Drilon; kasama rin po natin si Speaker Sonny Belmonte; andiyan rin po ang mga miyembro ng ating Gabinete. Siyempre po, mamayang kaunti ang magpapatuloy ng daang matuwid, si Mar Roxas; ang katuwang sa pagpapatuloy ng daang matuwid, si Leni Robredo; atin pong mga kandidato sa Senado, nandito po sa taas halos lahat, si Joel po ay pahabol; ang dapat di ko na ipakilala pero ipapakilala ko na rin, si Manong Tony del Rosario; si Mayor Alan Celino; other local government officials present; honored guests; fellow workers; mga pinalangga kong kasimanwa: Maayong adlaw sa tanan.

Talaga naman pong malapit sa puso ko ang mga pinalangga kong Capizeño. Kung ako lang po ang masusunod, tuwing bibisita ako dito sa inyo, magpapa-extend ako lagi kung pwede at least isang linggo man lang. Nadala na po ako sa marami niyong beach dito. Hanggang ngayon doon pa lang ho tayo sa buhangin, hindi ko pa natungtungan yung tubig. (laughter) Pero sa July 1 baka puwede na po. Bukod kasi sa napakasariwa at napakasarap ninyong seafood, nakakataba din ng puso ang inyong lambing at mainit na suporta. Sa pagtakbo ko pa lang po bilang senador, hanggang sa pagka-Pangulo, nariyan kayo, patuloy na nagtitiwala. Sa inyo nga tanan, madamo gid nga salamat.

Ngayong araw nga po ang opisyal na simula ng kampanya. Kako, tamang-tama, nandito tayo sa Capiz, ang hometown ng ating pambato ng Daang Matuwid, na si Mar Roxas. Si Mar ang nagpakilala sa akin sa inyo at gumarantiya sa talaga namang overwhelming ninyong suporta. Ngayon, sa tulong ninyong muli, ako naman po ang buong kompiyansang nagsasabi: Si Mar Roxas ang dapat nga mangin masunod nga Presidente sang Pilipinas.

Alam niyo po, sa tuwing kampanya, napatunayan na natin: “Ang punong hitik sa bunga, binabato.” Tingnan po ninyo, noong taong 2009, Setyembre ang buwan, ayon sa SWS, hindi pa man ako nakakapagdesisyon na tumakbo, umabot na raw po sa 60 percent ang nakuha nating rating sa survey. Naghati-hati na sa natitira ang makakalaban ko po. Kahit nga po, pagsama-samahin yung numero nilang lahat, mananalo pa rin tayo sa ganung paraan. Kaya naman po, di na rin po nakakapagtakang sunod-sunod ang ibinato sa aking walang katuturang intriga, gawa-gawang mga isyu, at kung anu-anong dirty tactics.

Pero ang maganda nga ho, nang magpasya tayong tumakbo, at natapos ang halalan, ang nakuha nating boto: nasa 42 percent po ng lahat ng botante. Lahat po ng hinarap kong hamon, buong tapang kong nalampasan, dahil alam kong nasa likod ko kayo. Ayon nga po sa Pulse, noong November 2012, umabot sa 80 percent ang pinakamataas nating naging trust rating. Ibig sabihin, pati ho yung mga hindi bumoto sa atin noon, sumuporta na rin. Hanggang sa pinakahuling survey po ng Pulse nitong Disyembre taong 2015, napakalaking majority pa rin po ang nagtitiwala sa atin: 55 percent po ang ating approval, habang 15 porsiyento lang po ang disapproval, yung natitira po papaalala lang natin ang ating nagawa at babalik sa atin yan.

Sa nakalipas pong limang taon at walong buwan ng ating panunungkulan, palagay ko naman ho, malayo na ang ating narating. At ito pong susunod na halalan ay puwede nating tignan na isang referendum sa isinusulong nating Daang Matuwid. Kayo po ang magdedesisyon kung ang pagbabagong ating tinatamasa ay magiging permanente, o tatanawin lang bilang panandaliang bakasyon sa isang mahabang kasaysayan ng laganap na katiwalian at kahirapan. Ang tanong po: Tama ba itong landas na tinatahak natin? Tama ba na mula sa pagiging “Sick Man of Asia,” ang Pilipinas ngayon, isa na sa may pinakamabilis na paglago ng ekonomiya sa buong mundo? Tama ba na 7.7 milyong nating kababayan ay naiangat na mula sa kahirapan? Tama ba na ang mga imprastruktura na kaytagal ninyong inabangan dito sa Capiz at sa ibang bahagi ng bansa, ay sunod-sunod nang naisasakatuparan? Dito nga po sa inyong probinsya, ang inilaang pondo ng DPWH para sa imprastraktura mula taong 2011 hanggang 2016: 7.29 bilyong piso. Mahigit triple po ito sa 2.18 bilyong piso na nailaan mula 2005 hanggang 2010. Gayundin, tama bang lahat ng tinarget nating sitio dito sa Capiz, sa ilalim ng Sitio Electrification Program, nitong Enero pa lang, ay na-energize na? Tama ba ang deka-dekadang kakulangan sa edukasyon, kalusugan, at serbisyong panlipunan, ay napunuan na, at napapalawak ang saklaw ng nakikinabang sa buong bansa?

Alam po ninyo, nung una ko pong nakilala si John Key, Prime Minister ng New Zealand, una ko pa lang nga po siya nakilala, ang kuwento niya kaagad nung hapunan: paalis na raw ng kanyang bahay ang kanyang anak para mag-aral sa Paris. Kamakailan po, si US President Barack Obama dito po sa APEC may ganyan ding karanasan sa anak. Siyempre, kapag aalis ng tahanan ang mga anak, meron kang agam-agam. Sa kabila nito, tinitingnan nila yun bilang bahagi ng kanilang pagpalaki sa kanilang mga anak—sa pagiging independiente ng kanilang mga anak. Ako naman po, itinuturing ninyong Ama ng Bayan; at sa June 30, 2016, bababa na ako sa puwesto. Dapat masiguro ko sa inyo, bago ako umalis, nasa mas maayos na kalagayan kayo, na aking mga Boss.
Mahalaga pong masiguro na ang mga susunod na pinuno ay itutuloy ang Daang Matuwid. Isipin po ninyo, kung kabaligtaran nito ang isusulong ng papalit sa akin; kung epal, papogi, at pananatili lang sa kapangyarihan ang kanyang iniisip. Sigurado po, masasayang lang ang lahat ng ating pinaghirapan at mababalewala ang mga pagkakataong bumubukas sa ating bansa. Di po ba mas masaklap, na parang pinaasa mo lang sa wala ang mga nasa laylayan ng lipunan?

Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa: Ang kailangan, iyong kapareho ng ating pananaw, yung nagmamahal sa Pilipino, at tiyak na uunahin ang bayan bago ang sarili. Walang iba kundi ang tambalang Mar Roxas at Leni Robredo.

Matagal ko na pong kilala si Mar; mahaba din ang pinagsamahan ng aming mga pamilya. Si Mar po may kakayahan, may integridad, at subok ang karanasan. Saksi ang sambayanan nang pinatunayan niya ang kahandaang magsakripisyo para sa katuparan ng ating kolektibong layunin. Noong taong 2010, siya ang unang pambato ng partido sa pagka-Pangulo. Matagal na niya itong napaghandaan, at marami na siyang pinaghirapan sa kanyang kampanya. Pero ano po ang ginawa niya? Wala na hong deba-debate; walang mahabang usapan; walang hininging kapalit. Kusang-loob po siyang nag-anunsyo ng kanyang pagbaba, para bigyang-daan ang ating kandidatura.

Kitang-kita naman po: Kung ang mga kalaban niya, nangangako pa lang, itong si Mar, matagal nang nagtatrabaho; kasa-kasama natin sa pagsusulong ng transpormasyon sa lipunan. Kung yung iba, wagas kung mambola, si Mar, talagang marami nang nagawa at nireporma.

Halimbawa po, sa paglaban sa krimen. Nang inatasan natin si Mar Roxas bilang pinuno ng DILG noon para tutukan ang pagsugpo ng krimen, lalo na sa National Capital Region, inilunsad niya ang Oplan Lambat-Sibat. Sa pamamagitan nito, masusing pinag-aralan ang galaw ng mga kriminal, at stratehikong dineploy ang ating kapulisan. Resulta: ang dating 919 na insidente kada linggo ng robbery, theft, at carnapping mula Enero hanggang Hunyo 2014, napababa sa 375 noong Hulyo 2014 hanggang Abril 2015. Mahigit 50 percent pong pagbaba yan sa bilang ng krimen kada linggo, kaya’t mas marami nating kababayan ang nailalayo sa peligro. Dahil po sa epektibong implementasyon ng programa, inilunsad na rin ang Oplan Lambat-Sibat sa iba pang rehiyon.

Pinatunayan din ni Mar ang kahandaan niya, miski anong oras, para tugunan ang pangangailangan ng ating mga Boss. Mapa-krisis man sa Zamboanga, lindol sa Cebu at Bohol, o noong bagyong Yolanda; mapa-baha o sunog sa barangay, lagi siyang nasa frontline para sumaklolo at umalalay.

Sa kabila po nito, ang isinukli sa kanya ng mga kalaban, walang humpay na batikos at reklamo; para bang naging plataporma na nila ang hatakin siya pababa. Mapapatanong ka tuloy: Bakit laging pinupukol itong si Mar? Alam ata nilang hitik si Mar sa bunga, kaya panay ang bato sa kanya. Alam din ng ating mga katunggali kung sino ang may “K”—may kakayahan, may karanasan, may konsensya, may katapatan, may kalinga’t pagmamahal sa kapwa, at siyempre, may Korina. (laughter/applause)

Tingnan po natin iyong pagtuligsa kay Mar nang rumesponde siya sa Eastern Samar para tulungan ang mga sinalanta ng bagyong Ruby. Dahil sarado po ang mga kalye, at walang madadaanan ang mga kotse, minabuti ni Mar na sumakay ng motorsiklo para makarating sa dapat puntahan. Nang nadulas, kinuhanan ng litrato, pinakalat, at tinuligsa pa. Ang di alam ng marami, kapag gabi na at walang coverage ang media, si Mar mismo ang nagmamaneho at umiikot sa mga komunidad para masuri ang mga nagawa na, at dapat pang gawin.

Kita niyo nga naman, pati po yung mga kalaban natin, may konsepto ng continuity. Yung ginawa nila sa’kin noon, ginagawa pa rin po sa akin ngayon, at sa inendorso nating papalit sa akin. Noong wala pa akong desisyon sa pagtakbo, sinisiraan na nila ako. Ang sagot ko: “Hello! nung panahon pong yun hindi pa po ako kandidato.” Ngayon namang binabatikos pa rin ako, ang masasabi ko na rin po sa kanila: “Hello! hindi na po ako kandidato.” (laughter)

Malinaw naman: Nakikita ng ating mga Boss ang totoo, at hindi sila magpapabola. Kung noon, todo ang pambabatikos ng ilang may pansariling agenda at di sila nagtagumpay; ngayon, hindi pa rin po sila lalong magtatagumpay.

Siyempre po, nandiyan din ang pambato natin sa pagka-Bise Presidente, si Leni Robredo. Pagkaintindi ko po, si Jesse nung unang nakita si Leni, love at first sight. (laughter) Pero kita ninyo naman ho, hanggang sa dulo, yun pong pagmamahalan nila, pinagtibay ng iisang diwa at pananaw. Hindi nga po mararating ni Jesse ang tagumpay kung wala ang suporta at kalinga ng kanyang butihing may asawang si Leni.

Marahil po, marami pa ang hindi nakakakilala kay Leni. Pero wala naman akong kilalang taong nakasalamuha si Leni, na hindi humanga sa kanya. Saludo rin tayo sa kahandaan niyang magsakripisyo. Nang tinawag siya ng kanyang distrito para ituloy ang progreso sa Camarines Sur, di niya ito tinalikuran kahit na pamilyang makapangyarihan ang kanyang makakabangga. Nang tawagin naman natin siya para tumakbong Vice President, gaano man kahirap na sakripisyo ito sa kanilang mag-iina, tinanggap niya ito alang-alang sa kapakanan ng ating mga kababayan. Mabuti nga po’t pinalaki nila ni Jesse ang tatlong anak na mulat sa paglilingkod-bayan, kaya naman, mabigat man naunawaan nila at hindi humadlang ang mga ito sa naging desisyon ni Leni.

Klaro po: Hindi tayo pumili ng ating pambato sa VP para lang sa pulitika, o nang walang matibay na basehan. Kailangan, nasa tamang lugar ang puso, at mayroon ding sapat na kakayahang mamuno; lalo pa’t anumang oras, pwede siyang humaliling Pangulo. Iyan po si Leni Robredo.
Ito nga pong tambalang Mar-Leni ang mga kandidatong walang papogi, walang drama, walang gimik, kundi trabaho lang. Sa kanilang dalawa, di natin kailangang makarinig ng matitinding pangako, dahil matagal na pong ginagawa ni Mar at Leni ang pagsisilbi, lalo na sa pinaka-nangangailangan.

Muli po, nasa kamay po natin ang ating magiging kapalaran. Nasa kamay natin kung ating sasagarin ang mga bumubukas na pagkakataon sa bansa. Nasa kamay natin kung sa aling direksyon natin itatahak ang bayan: Kung itutuloy ba ang Daang Matuwid, o babalik tayong muli sa baluktot na daan.

Tayo pong tumatahak sa Daang Matuwid, dapat gawin natin ang lahat nang makakaya upang lalong palawakin ang trabaho, ayuda, at pagkakataon sa bawat pamilyang Pilipino. Bilang Ama ng Bayan, kaya ko po kayong tingnan, mata sa mata, at masasabi kong sa nakalipas na limang taon at walong buwan ng aking pamamahala, tumotoo ako sa inyo. Tumotoo ako sa panatang paglingkuran ang sambayanan, at ihatid kayo sa mas maayos na kalagayan. Ngayon, sinasabi ko rin po sa inyo: si Mar Roxas at si Leni Robredo ang magpapayabong ng ating mga ipinunla. Sa tulong ng mga Capizeño at ng sambayanan, tayo nang ituloy, palakasin, at ipaglaban ang Daang Matuwid.

Magandang umaga po. Maraming salamat sa inyong lahat.