President Benigno S. Aquino III’s Speech at the National Assembly of the Liga ng mga Barangay (LnB) sa Pilipinas and Forum on Bottom-up Budgeting
PICC, Pasay City
11 February 2016
 
Palagay ko, ilan na sa inyong nakarinig sa akin na ang hindi ko papasukang trabaho sa pulitika ay yung pagiging barangay captain. Dahil totoo po iyon: 24/7, 365.25 days a year on-call kayo. At pag hindi niyo napagbigyan yung kalahati doon sa sampung hiningi, nine and a half naibigay niyo, yung one half hindi niyo naibigay, yun lang ang maaalala. Tama ho ba?

Pinakamahirap na eleksiyon yung sa inyo. Sa amin ho sa Tarlac, paramihan ng kamag-anak, kumpare, kumare, inaanak. Kung minsan ho—palagay ko nangyayari din sa lugar niyo—ang diperensiya sa boto: isa, dalawa. Ang hirap magkabuo-buo ulit, pagkatapos ho ng eleksiyon, di ho ba?

Bigyan ko kayo ng isang kuwento. Ito galing kay Mel Sarmiento rin kaya ipagpapatuloy ko talumpati niya. Bakit mahirap tumakbo sa inyo? Mayroon hong nagnais maglingkod bilang kapitan ng barangay. At sa kanyang tahanan po, siyempre may asawa siya, may tatlo siyang anak, lahat ho sila botante. Lima ang botante doon sa bahay niya. Dumating araw ng halalan, binilang ang boto. Ang nakuha niyang boto po, dalawa. Sa buong barangay. So susunod na kainan nila matapos ang bilangan, yung tatay na tumakbong kapitan, napatingin sa kanyang angkan. Sabi niya, “May tatlo sa mesang ito hudas.”

Inilagay ko rin yung sarili ko sa sitwasyon niya. Wala naman akong sasabihin sa kagalingan niya o kakulangan ng galing niya, pero napakahirap nga ho talaga noon, di ba? Sa mesa niyo, sa hapag-kainan niyo, mga anak mo, asawa mo, kasama mo, at hindi pa lahat bumoto sa iyo. Paano mo kaya ibabangon yung sariling puri mo?

Kanina ikinukuwento rin ho ni Mel yung kanyang hirap na kung saan-saan siya napupunta, humihingi ng ayuda, parang humihingi ng tulong doon sa lumalapit na problema sa kanya, at wala siyang napala. Siya ho hindi nag-iisa.

Noong ako po’y kongresista—tatlong termino po sa Tarlac—yun ho yung litanya sa amin. Kunwari ho, baha. Paano ko naman aayusin yung baha kung kongresista ka lang? So lumapit kami. Dalawa po yung tanggapan na aming pinuntahan, isa po’y nasa Pampanga, isa po’y nasa Pangasinan. Noong pumunta, sabi sa amin, “Kayo ang saklaw nitong proyektong nasa Pangasinan.” Tinanong ko po yung sa Pangasinan, “Ay, mali po iyan. Doon po kayo sa Pampanga saklaw,” dahil yung Tarlac po nasa gitna ng dalawang proyektong ito. So tumuloy kami sa Pampanga, ang sagot sa amin, “Di ho, nagkamali po yung sa Pangasinan. Sila ho may sakop sa inyo.” Sa madaling salita, pabalik-balik kami doon sa dalawa at wala kaming napala. Kaya, Mel, di ka nag-iisa talaga.

Sa dulo po nito, sa totoo lang po, siyempre yung PDAF ng kongresista dadalhin sa barangay. Ayun po ang ginawa nating estilo. Awa ng Diyos po, imbis na ako makakuha ng pondo mula sa National Government, ako po nahingian ng pondo ng National Government. Sa totoo lang po, yung bumabagtas sa MacArthur Highway sa Tarlac City, na parating nababaha dahil mas mataas yung Tarlac River na kaysa doon sa kalsada, kami po ang nagtulong, ginamit yung PDAF para pondohan yung DPWH para ayusin yung Masalasak Creek sa amin para mawala yung baha. Sabi ko, “Bago ito. Imbis na tayo makahingi, tayo ang hinihingian.” At sa totoo lang po, noong tayo po’y kongresista, puro kabarangay ang ating kausap. Tinatanong ko at kinokonsulta, anong problema nila at pinagkakasunduan yung solusyon. Kaya naman pagdating ng panahon na kami’y hiningian ng national government agency at sinabi ko sa barangay na aking saklaw kung puwede tayong ipinagpaliban yung proyekto na dahil talagang napakalala ng pagbabaha sa amin, pumayag naman ho yung aming barangay councils. Talagang damang-dama ko hong nagtutulungan tayo diyan at talagang may napala po kami.

At ito na po yung aking mahinang… sa English po, “Poor attempt at trying to follow after Mel Sarmiento.” Sabi ko nga ba kahapon, dapat si Butch Abad na lang magsalita para sa akin ngayon, para siya na mamroblema. [Biro ho.]

Mainam ho sigurong umpisahan ko yung talumpati sa pagbabalik-tanaw sa sitwasyong ating dinatnan, na batid kong alam na alam ninyo bilang mga ama’t ina ng inyong mga barangay.

Napansin niyo naman po sigurong madalas kong ibida ang Pantawid Pamilya. Nang datnan natin ang programang ito, kakaunti ang naabot na benepisyaryo: humigit-kumulang 780,000 na kabahayan. Malayong-malayo sa kasalukuyang 4.4 milyong kabahayang natutulungan natin sa kasalukuyan. Ang malungkot po sa inabutan natin: Bukod sa pagiging limitado ng saklaw ng CCT o 4Ps noong mga panahon na iyon, kinukuwestiyon pa ang pagpili sa mga benepisyaryo. Di na natukoy kung sino ang pinakanangangailangan, tila pinaboran pa ang mga kasangga ng nasa poder. Ganyan din ang sitwasyong inabutan natin sa Philhealth. Dati, kapag malapit na ang botohan, biglang dadami ang benepisyaryo ng programa.

Totoo po: Ang dating estado ng Pantawid Pamilya, Philhealth, at iba pang programa, nagsilbing tanda sa kaisipang pinairal sa lumang sistema: Ang pamamahala, nakatuon sa pamumulitika. Lahat lang ng kilos ng nakaupo, tila nakatuon sa tanong: Paano ba ako mananatili sa katungkulan? Ang mamamayan naman, naiwang salat sa serbisyo at atensiyon ng pamahalaan.

Tayo po sa Daang Matuwid, simula’t sapul, iisa ang binibigyang-diin: Taumbayan ang Boss; sa inyo nagmumula ang mandato; kayo ang nagbibigay ng lakas. Ang paninindigan ko nga noon pa man: Narito ako bilang tagapaglingkod ninyo, at malinaw sa akin na kung ano ang hiling ng mga Boss, iyon ang tututukan ko.

Bilang pinuno, hindi nga po natin estilo ang magdikta; sa halip, naniniwala tayo sa pagbubuo ng pagsasang-ayon na maghahatid sa atin sa pinakatamang tugon sa problema. Isa nga sa paraan kung paano natin isinasabuhay ang pilosopiyang ito ay sa pamamagitan nitong Bottom-Up Budgeting, kung saan iisa ang diwa at direksiyon ng gobyerno at ng mga pamayanan.

Di po ba: Kung sino ang nakababad sa problema, siya rin malamang ang may alam ng pinakaangkop na solusyon? Sila ang pinakaaral sa problema; sila rin ang pinakaganadong ayusin ito. Ang paniniwala ko nga bilang Punong Ehekutibo: Dapat pakinggan silang may tunay na karanasan at may makatwirang mungkahi na itama ang mali.

Isipin niyo na lang kung ano ang mangyayari kung ang Estado, pinipiling di makinig sa pinaglilingkuran nito. Dito ko nga naaalala ang kasalukuyang water crisis sa lungsod ng Flint, Michigan sa Estados Unidos, kung saan kahit marami na sa mamamayan ng lugar ang nagrereklamong may lead o tingga at di ligtas inumin ang kanilang tubig, di agad binigyang-pansin ang kanilang hinaing. Umabot na nga sa puntong may naiulat nang may sakit sa kanilang kabataan. Masasabi nga nating bahagi ng paglala ng sitwasyon ang pagsasantabi sa mga paunang panawagan ng karaniwang mamamayan.

Pakinggan ang taumbayan: Ito po ang paninindigan sa likod ng ating mga inisyatiba. Patunay nito ang programang KALAHI-CIDSS na layong maghatid ng mga serbisyo at benepisyo sa pinakamalalayo at liblib na komunidad sa bansa. Ang naabot nating kabahayan sa ilalim ng programang ito: 3.9 million.

Mula sa eksperyensiya natin sa KALAHI-CIDSS, pinawalak pa natin ang estratehiya ng direct empowerment. Sa Bottom-Up Budgeting, ang mga komunidad at civil society organizations, nagpupulong, at mula rito nabubuo ang mga angkop na suhestiyong bunga rin ng sarili nilang karanasan. Inilalapit naman ito sa lokal na pamahalaan, na siya namang nagsisilbing tulay patungo sa pambansang gobyerno na aalalay at gagabay sa pagpapatupad ng napagkasunduang plano.

Dahil nga bunga ng consensus ang solusyon, na masasabi nating pinakanapupusuan ng pamayanan, asahan nating magiging buo ang suporta nila rito, mag-aambagan ang lahat, at mas siguradong magtatagumpay ang proyekto.

Gamitin nating halimbawa ang mga taga-Brgy. Anahawan sa Calauag, Quezon. Isipin po ninyo, sa loob ng halos anim na dekada, namuhay sila nang walang maayos na suplay ng tubig. Sa pamamagitan ng BUB at sa pakikibalikat ng kanilang LGU, mamamayan, at lokal na Civil Society Organization, sama-sama nilang itinulak ang paglalatag ng patubig. Ngayon, hindi na nila kailangang maglakad ng 3 kilometro para lang makapag-igib sa pinakamalapit na daluyan ng tubig, dahil may 15 communal faucets na sa kanilang pamayanan.

Ngayon po, ang ulat sa atin ng butihing Secretary Butch Abad ng Department of Budget and Management: Simula nga nang ipatupad ang BUB noong 2013, P74.06 billion na ang nailaan para sa mahigit 54,000 na aprubadong BUB projects. 13,712 na ang natapos dito; samantalang ongoing at nasa pre-implementation stage gaya ng planning, designing, at bidding ang iba pang proyekto. Inaasahan ngang matatapos ang bulto ng mga proyekto pagdating ng susunod na taon.

Tinanong nga natin si Butch: Bakit ganito pa lang karami ang natatapos? Ang paliwanag sa atin: May prosesong kailangang daanan ang implementasyon ng BUB; iba-iba ang expertise at kahandaan ng magpapatupad nito; kaya naman di sabay-sabay ang implementasyon ng mga proyekto. Nasa municipal level tayo ngayon, at balak nga nating i-expand ang BUB sa antas ng barangay.

Idiin ko lang: Pera ho ng taumbayan ang gagastusin dito, kaya naman di puwedeng bara-bara ang implementasyon. Kaya tinataasan natin ang kakayahan ng lahat sa pamamagitan ng pagsasanay. Sa ganitong paraan, mapapamadali din natin ang katuparan ng mga plano.

Ganyan nga po tayo sa Daang Matuwid. Kitang-kita kung saan tayo patungo: Tumataas ang estado ng bawat komunidad, at direkta silang nabibigyang-lakas na isulong pa ang positibong transpormasyon na maghahatid ng pakinabang sa lahat. Kung noon, may gobyernong naghahari-harian at nawili sa pamumudmod ng serbisyo sa mga kaalyado lang; ngayon, sa atin, sa Daang Matuwid, nagbubuklod ang lahat ng antas ng lipunan at sangay ng pamahalaan, at sama-sama nating tinutukoy ang mga tamang hakbang para sa isang mas magandang kinabuksan.

Sa tingin ko, lahat ng narito, sasang-ayon na dapat lang maging permanente ang pagbibigay-lakas sa ating mga LGU at mga barangay. Kayo na ho ang testigo sa bunga ng mabuting pamamahala. Kayo rin ang magsasabi kung gaano kalayo na ang naabot natin. Ang lahat ng napagtagumpayan natin, umpisa pa lang ng transpormasyon, at kayo ang magsasabi kung magtutuloy-tuloy tayo. Para nga ho mangyari ito, kailangan nating ihalal ang totoong tambalang magpapatuloy ng Daang Matuwid. At para sa akin po, walang iba po iyan kundi si Mar Roxas at si Leni Robredo.

Mga Boss, gaya ng lagi, kayo ang magtatakda sa direksiyong ating tatahakin. Tiwala nga ako sa aking mga Boss: Pipiliin nila ang tama at makatwiran, papanig sila sa may paninindigan at meron nang napatunayan, at talagang dadalhin nila ang ating bansa sa tama nitong kalalagyan.

Tutal nag-umpisa naman po ako sa paghahalintulad sa buhay ni Mel Sarmiento. Talagang tuwang-tuwa po ako sa kanyang kuwento ng “calling card.” Hindi ko naman ho masasabing may humingi ng calling card sa akin, dahil sa totoo lang ho wala akong calling card. Pero sa totoo lang ho, noong ating nakapanayam yung iba mga heads of government, damang-dama ko noong umpisa na para bang pilit na pilit silang pakitunguhan ako. Parang obligado lang silang kausapin ako, paano ba madaliin at matapos ang usapan? Meron pa nga ho doon parang nagmistulang sinesermunan ako. Sabi ko, “Ang tindi naman ng dating nito.”

Noon po iyon. Ngayon ho, yung isa doon na talagang hirap na hirap akong kausapin, nagkaroon ng pagpupulong, sabi po niya sa akin, “Our economy is growing at 1.4 percent. The Philippine economy is growing at 6.6 percent. What is the Philippines’ secret?” Sabi ko, “Humahabol na nga lang kami, kokopyahin mo pa.” Sinabi ko sa kanya, “Well, we just followed your example.” Eh di napuri ko na siya, wala na siyang tinanong na detalye sa akin. Mas mataas pa rin ang ating GDP sa kanila ngayon.

Yung isa naman po, talagang ganoon, sinesermunan tayo. Kakaupo ko lang po noon eh. Siguro mga dalawa, tatlong buwan pa lang akong naglilingkod, may sermon na akong natanggap sa di ko kapwa Pilipino. Iyon po yung una naming pagtitipon. Yung pangalawa po, dumalaw sa Pilipinas at nakiusap na dumalaw tayo sa kanila. Talagang kung may calling card lang ako, Mel, marami na tayong napamudmod siguro.

Hayaan ninyo akong magtapos sa ganito pong [palaisipan]: Uulit-ulitin ko ho[ng] yung bukas-makalawa, sino ba ang huhubog niyan? Tayo. Kailan natin huhubugin yan? Ngayon. Tayo [ba’y] magsasabing “Ituloy-tuloy na natin ang nangyayaring maganda dito” o kayo na rin ang magsasabi, “Halika, sumugal tayo, baka may mangyaring mas maganda”? Mayroong kasabihan: Kakahirit baka mapusoy. Tayo naman lahat po’y pulitiko dito, alam nating binibigkas mapapako na. Saan po tayo pupunta? Sa sigurado o sa bahala na? Palagay ko kung maayos tayo mag-isip, dito na tayo sa sigurado. Kaya kayo ho ang bahala.

Magandang araw ho sa lahat. Maraming salamat po.