President Benigno S. Aquino III’s Speech at the Inauguration of the Pili Diversion Road widening project
Pili, Camarines Sur
12 February 2016
 
Iba po talaga ang pakiramdam kapag nasa Camarines Sur, kasama ang mga minamahal kong Bicolano. Sa piling ninyo, na talagang napakatindi lagi ng tiwala’t suporta, ramdam na ramdam kong hindi ako nag-iisa. Ito na po yung pinapagpraktisan na Kapampangan at Ilokano kanina: Ngunyan na nag-aadang-adang na ang aldaw nin mga puso, pinaurog mi ang pagbisita saindo digdi sa banwaan nin Pili, [tawanan] nin huli ta harani kamo sa sakuyang puso. Miski papaano nagkakaintindihan po tayo.

Marami pong dahilan para balik-balikan ang inyong lalawigan. Ito na naman po yung pinagpraktisan namin: Kadakul na masisiram na pagkaon, magagayoon na tanawon—pero yung pinakaimportante—lalong-lalo na mga magayunon na Bicolana. Sang-ayon ho ba kayo doon? Alam niyo kanina, pinapakinggan ko yung butihin nating mayor, ang ganda ho ng klima ngayon. Sabi ko trabaho, pero para akong nakabakasyon. Ang presko, parang ang lamig. Para tayong napuntang Tagaytay nga nito kamo. Ito na ho yung bakasyon pag Pangulo kayo, kaya thank you, dito niyo ako dinala. Kanina noong pinapakinggan ko si Mayor, talagang nakakapuno ho ng puso. Ang problema ho ni Mayor, hindi doon sa marami siyang problemang walang tugon. Ang problema ni Mayor, paano ba sasabihin niyang lahat ng accomplishment na pinagtulungan sa maiksing panahon na ibinigay sa kanya. Siyempre sa puntong ito, baka yung iba naghahanap ng ipagmamalaki. Dito naman ho ang problema, paano ipagmalaki lahat ng dapat ipagmalaki dahil kapos na ang oras? Talagang okay ka, Mayor.

Ang isa pang maganda rito sa inyong probinsya, nakikita natin ang katuparan ng ating mga proyekto at programa sa Daang Matuwid. Kanina nga po, ininspeksyon natin ang maayos na ninyong San Jose Bridge. Nakumpleto natin ang pagpapagawa nito noong Hulyo 2015. Ngayong taon, plano nating palawakin ang karugtong nitong daan upang maghatid ng higit pang ginhawa sa ating mga Boss.

Ngayon po, pinasinayaan naman natin ang mas pinalawak ninyong Pili Diversion Road, na natapos nitong Enero. Sabi po sa atin ng butihing Secretary Babes Singson, bago raw buksan ang diversion road na ito, lahat ng sasakyan, kasama na ang cargo trucks at bus, nagsisiksikan sa inyong Pili-Poblacion Road. Tuloy, yung babagtasin lang na tatlong kilometrong kalsada po, inaabot pa ng hanggang dalawampung minuto, lalo na po pag hindi piyesta. Pag piyesta raw po, lagpas sa dalawampung minuto. Ngayong kumpleto na ang pagpapagawa ng diversion road, ang biyahe, magiging limang minuto na lang. Bukod kasi sa napalawak ang kalsada, lahat ng nanggagaling sa Albay, Sorsogon, at mga lugar sa bahaging Partido na wala namang pupuntahan sa Poblacion, mayroon nang alternatibong ruta na ikabubuti at ikagiginhawa ng lahat. Dahil sa proyekto, nabawasan ng halos 6,000 sasakyan ang bumabagtas sa Pili-Poblacion Road.

Kita niyo naman ang ginhawang dulot ng mabuting pamamahala. Itong mga bagong tulay at kalsada ninyo sa Pili ay bahagi lamang ng ating malawakang estratehiya ng pagpapaunlad ng imprastraktura. Nabanggit ko po kanina, dito sa Camarines Sur, mula 2011 hanggang 2016, ang pondong inilaan ng DPWH para sa imprastraktura: P15.96 billion. Mahigit triple po ito kumpara sa pondong inilaan mula 2005 hanggang 2010, na inabot lang ng P4.73 billion. Bago po natin iwan yan, sa buong probinsya po: P15 billion. Alam po niyo yung ating pinalitan—baka nakalimutan na ng iba—may proyekto sa Laguna Lake, na kung saan lalaliman daw para dumami yung water holding capacity at mas magandang daluyan ng trapiko rin yung Laguna Lake. Noong ipinaliwanag sa akin yung proyekto noong naupo na tayo, isa sa mga unang ipinaliwanag na ang gagawin daw po, kukunin yung tinatawag na silt saka yung putik mula sa Laguna Lake. Ide-dredge, eh di magpapalawak. Ang problema, ibabagsak naman din sa kabilang bahagi ng Laguna Lake. Ang dulo po niyan, naglaro tayo ng putik. Putik natin, kunin natin, ilipat sa kabilang parte ng parehong lawa. So nandoon pa rin yon. Noong ako’y grade school, sabi sa akin, matter occupies volume, occupies space. Sa aking pananaw, hindi lalawak yung water holding capacity nung lake. Yung ganoong proyekto, in-approve ng pinalitan natin. Ang halaga po noon, P18.7 billion. Sa lahat ng nagawa po ng DPWH sa inyo, P15 billion, doon isang proyekto lang po na talagang hindi ko makita ang sentido kumon doon, P18 billion. Ganoon ang maling pamamahala sa aking pananaw.

Ilan din po sa mga natapos at tinatapos nating proyekto dito sa inyo ang Tigaon-Goa-San Jose-Lagonoy-Guijalo Road, Pili-Tigaon-Albay Boundary Road, at ang Daang Maharlika.

Sa buong bansa naman, ang inilaan ng sinundan natin noong 2010 para sa imprastraktura, P165 billion. Ngayon pong 2016, inangat po natin yan sa P766.5 billion. Katumbas po ito ng halos 5 porsiyento ng ating tinatayang Gross Domestic Product sa taong ito. Sa paglago ng ekonomiya, sabay din ang pagtataas ng budget sa pagpapaunlad ng ating mga proyekto at programang naghahatid ng benepisyo at nagbabawas ng sakripisyo sa ating mga Boss.

Kaya naman sa target nating pagsasakongkreto ng humigit-kumulang na 7,200 kilometers na national roads, natapos na natin ang 6,212 kilometrong national roads. Yun pong natitira, may nailaan na tayong pondo at target pong matapos ngayong taon.

Bukod sa national roads, natapos na rin natin ang 1,550 kilometrong tourism roads at 3,700 local roads, na inilapit sa atin ng LGUs. Napalitan na rin ng ahensya ang 12,585 lineal meters na temporary bridges sa buong bansa ng permanente at mas matibay na mga tulay. Dito nga po sa inyo sa Pili, dahil sa mas maayos na daanan, mas mabilis nang nararating ang sikat na sikat ninyong CamSur Watersports Complex at iba pang magagandang destinasyon. Kaya sa lahat ng ito, kung tutuusin, lampas-lampas na ang nagawa ng DPWH. Talaga namang bilib tayo at nagpapasalamat sa kalidad at bilis ng trabaho ng DPWH.

Isa pa po sa proyektong nakumpleto na dito sa Camarines Sur, at pinakikinabangan na ng ating mga kababayan: ang Sabang Fishport Development Project sa Calabanga. Ang sabi sa atin, matagal nang hinihintay ng ating mangingisda na magkaroon ng ganitong pasilidad, at itinuturing pong katuparan ito ng kanilang pangarap. Oras nga pong maging fully operational na ito, tinatayang nasa 80,000 katauhan ang mabibigyan nito ng agarang benepisyo.

Malinaw naman: Good governance is good economics. Sa tapat at mabuting pamamahala, napapaunlad ang ekonomiya. Ito rin mismo ang nagbibigay sa gobyerno ng higit na kakayahang bigyang lakas ang ating mamamayan upang makiambag sa lalo pang pag-unlad ng bansa.

Ngayon ho, lahat ng reporma natin, puwede nating gawing permanente, puwede tayong lalo pang umangat at umasenso. Puwede rin naman hong kabaligtaran ang mangyari. Puwedeng yung pinaghirapan natin nang anim na taon ay mauwi lang sa wala; na para bang nagbakasyon lang tayo sa nakasanayan nating baluktot na kalakaran. Alam niyo po ang pagdurusang idinulot nito: mga deka-dekadang imprastraktura na hindi nakumpleto, at pagbubulsa ng pondo kaya’t kulang ang mga serbisyo.

Sa Mayo 9, haharap tayo sa sangandaan. Maraming manliligaw at ipepresenta ang sarili para iboto ninyo. Mahalaga pong piliin natin ang tamang kandidato; hindi yung puro salita, kundi yung marami nang nagawa. Yan ho, para sa akin, walang iba, ay ang tambalan ni Mar Roxas at ng anak na tunay Camarines Sur, si Leni Robredo. [Palakpakan] Sila ho, hindi basta lang nangangako. Nagsakripisyo na sila at nagtatrabaho para sa kapakanan ng mas nakararami. Sa matagal na nilang serbisyo-publiko, walang naging bahid ang kanilang pangalan; dahil para sa kanila, bayan bago ang sarili. Kay Mar at Leni, di tayo aasa sa “baka” o “tsamba,” sigurado tayo: Ipagpapatuloy nila at payayabungin ang magaganda nating nasimulan sa Daang Matuwid.

Sa loob po ng limang taon at walong buwan na ako po’y naglingkod sa inyo, tumotoo ako sa aking salita. Tinutugunan ko ang mga pagkukulang at problema ngayon upang hindi na ito lumala at manahin pa ng susunod sa atin. Ang hangad natin: May matutuntungan silang mas matibay na pundasyon ng kaunlaran at may higit silang kakayahan para paunlarin ang kalakhang bansa.

Alam po ninyo, bago ako magtapos, kanina noong papunta dito, nakita ko ang isang medyo maliit na billboard. Nakalagay po doon: truck ban ordinance. Kako, “Okay ah. May truck ban na kayo, ibig sabihin may trapik na, ibig sabihin may komersyo nang tumatakbo.” Tama ho ba? Kaya tamang-tama nga po ang pagpapa-widen ng kalsada para hindi na kayo magkaroon ng malalang problema sa trapik.

Hindi naman ho ito ang una kong biyahe sa Camarines. Medyo madalas-dalas na rin akong napunta rito pero ngayon ko lang nakita yang karatulang yan. Simple, nagpapaliwanag ng batas, pero nagbabadyang talagang may progreso na sa atin dito.

Ulitin ko lang ho: Yung pinalitan ko, umaprub ng proyektong maglaro ng putik. Tayo naman po, medyo kayo na ang magsabi kung ano ang nagawa natin sa mas konting panahon na ibinigay ninyo sa atin. At dahil nagawa na nga ho natin yon, puwede pa nating ulit-ulitin yan, puwede pa nating pabilisin yung prosesong nangyari.

Wag niyong kalimutan, noong unang taon pong ako’y naupo, sa Hulyo, ang iniwan sa ating budget more or less ay wala man lang seven percent, para patakbuhin ang bansa sa kalahating taon. Marami ho tayong problema na nabanggit ko na sa inyo; “Sick man of Asia” ang turing sa atin.

Baka narinig na ninyo si Mel Sarmiento, mayor siya dating naimbita sa kumperensya. Pagdating sa kumperensya, walang gustong lumapit sa kanya dahil “From the Philippines. We’ll solicit something.” Pag tiningnan yung passport, talagang todo-todo raw tingnan. Inimbita siya sa kumperensya, sabi sa kanya, “What is the purpose of your visit?” Sagot niya, “I was invited by your country.” Parang papatunayan pa niya. Ngayon ho, iba na raw ho. Ngayon, kinukulang na siya ng calling card sa dami ng humihingi kung paano makipag-ugnayan sa kanya. [Palakpakan]

Noong panahon ho raw kasi noong siya’y mayor, parang ako noong panahon kong Congressman, ang litanya sa amin “Walang pondo.” Ngayon ho kasi, iba na. Kadalasan ang isyu sa atin ngayon yung “absorptive capacity,” may pondo na hindi magastos sa tamang oras, parang bitin. Noong araw po, noong mayor siya, wala raw pondo, may lalapit sa kanya, “Mayor, may problema ho kami.” “Ano problema niyo?” “May namatayan ho kami, wala ho kaming pambayad ng kabaong.” “Wala rin akong pondo para bigyan ka ng kabaong.” Lapit ho yung karpinterong empleyado nila sa city hall, “Mayor, may plywood tayong sobra diyan sa likod. Ako na ang bahala.” Ginawan ng kabaong. Tapos bumalik yung tao kay Mel, akala magpapasalamat. Sabi ng tao, “Mayor, kapangit naman hong kabaong na binigay niyo.” “Ano bang kulang sa kanya?” “Wala man lang hong salamin.” “Ah ganon ba?” Eh magaling yung karpinterong nandoon, narinig na naman niya, “Mayor, wag mo nang intindihin yan. Ako ang bahala.” So nagkabit ho ng jalousie sa kabaong, pag sinisilip yung yumao, pipihit-pihit kang ganyan para makita mo nang buo. Iyon ay noong mayor po siya.

Ngayon, iba na po ang usapan. Kahapon sabi lang ho namin, “Kulang pa ng dalawampung patrol vehicle dahil bawat munisipyo dapat meron [na isa].” Sa Pili naging dalawa. Sumobra yata ang delivery dito. Dalawampu lang ho ang kulang sa mahigit 1,490 at meron pang second delivery po iyan.

Kung tumotoo sa inyo, talagang nagtrabaho, hindi na dapat ipagbida kung ano ang nagawa; kayo dapat ang testigo. Kayo na rin ang magsasabi, “Saan ba tayo tutungo? Balik tayong maglaro ng putik o dito tayo na palawak nang palawak ng puwede natin magawa?” At lahat nga ho ng pinagtiisan ng Pilipinong deka-dekada, habang nabubuhay tayo may problema, pero dapat pakaunti nang pakaunti yung problema. Yun ho talaga ng tanda kung tama ang nangyayari. Para maging tama, nasa kamay po niyo yan. Kaya: Sa saindo, mga padangat kong Boss na Bicolano, ipadagos ta ang satong pagkasararo para sa realisasyon kan satuyang mga minamawot o pangaturugan.

Maraming salamat po.