President Benigno S. Aquino III’s Departure Statement for for His Participation at the Special ASEAN-US Summit in Sunnyland, California and Working Visit to Los Angeles, California, USA
NAIA Terminal 2, Pasay City
15 February 2016
Maraming salamat po. Maupo ho tayo lahat.

Speaker Feliciano Belmonte, Jr.; the Executive Secretary, Paquino Ochoa, Jr.; other members of the Cabinet present; Congresswoman Emi Calixto-Rubiano; Mayor Tony Calixto; General Hernando Irriberi; Lieutenant General Jeffrey Delgado; Lieutenant General Leonardo Año; Vice Admiral Caesar Taccad; Police Director General Ricardo Marquez; General Manager Jose “Angel” Honrado; fellow workers in government; mga minamahal ko pong kababayan: Magandang umaga po sa inyong lahat.

Sa araw na ito, pupunta tayo sa Estados Unidos, sa paanyaya ni Pangulong Barack Obama, para lalong payabungin ang nabuong Strategic Partnership sa pagitan ng ASEAN at Amerika.

Malaki nga po ang ambag ng Estados Unidos sa pagpapanatili ng kaayusan, stabilidad, at kapayapaan sa ating rehiyon, partikular na sa harap ng usapin ng South China Sea at West Philippine Sea. Kasama ng mga kapatid nating bansa sa ASEAN, kaisa natin ang US sa pagtutulak sa “rule of law” sa ating mga karagatan. Malinaw po ang ating katuwiran, pantay ang lahat sa harap ng batas. Ang pagkilala sa karapatan ng bawat bansa ang nagsisilbing pundasyon ng mas maaliwalas at mas produktibong pag-uugnayan, na naghahatid naman ng kumpiyansa at makabuluhang pagkakataon sa ating panig ng daigdig.

Ito nga po ang pinakahuling ASEAN Summit na dadaluhan ko bilang Pangulo ng Pilipinas. Ito na rin ang pinakahuling pagkakataon na maibabahagi ko sa kapwa nating mga pinuno ng ASEAN ang paninindigan natin sa prosesong pangkapayapaan, na siya nating ambag sa pagtugon sa isyu ng extremism at kawalan ng stabilidad. Naudlot man ang panukalang Bangsamoro Basic Law sa ating Kongreso, di nagbabago ang ating posisyon ukol sa BBL: Ito pa rin ang pinakatamang landas tungo sa kapayapaan at kaunlaran para sa Mindanao. Sa ating pagpupulong, ilalatag natin ang mga kongkretong hakbang na ating ipapatupad sa kabila ng pagkabinbin ng BBL.

Matapos ng ating pagdalo sa Special Summit ng ASEAN, magkakaroon tayo ng working visit sa Los Angeles. Naimbitahan nga tayo ng Los Angeles World Affairs Council na magsalita sa kanilang forum. Tulad ko, minsan din nilang naimbitahan ang aking ama upang magsalita; yun po ay noong taong 1981, sa panahong tumatayo siyang pinuno ng oposisyon ng Pilipinas. Kung maaalala nga po ninyo: may balak nang umuwi ang aking ama noon upang pamunuan ang mapayapang pagbabago tungo sa demokrasya sa ating bansa. Dito po sa forum na nabanggit, nagkaroon siya ng pagkakataong ipaliwanag sa Estados Unidos ang totoong sitwasyon sa Pilipinas, at sa ganoong paraan ay mahimok na magbalik-tanaw ang kanilang gobyerno sa suportang ibinibigay kay Ginoong Marcos. Kinikilala nga po natin ang oportunidad na ibinigay nila sa aking ama na maidulog ang problema ng bansa at makakuha ng kakampi sa landas ng demokrasya. Bilang pasasalamat ay talagang ganadong-ganado tayong magsalita sa kanila pong pagtitipon.

Siyempre po, habang nasa Los Angeles, susulitin natin ang pagkakataon na makakalap pa ng interes para sa Pilipinas. Isa nga sa malaking kumpanyang makakaharap natin ay ang Disney. Ang mensahe nga natin sa lahat ng negosyanteng makakausap natin: Sulit na sulit na ngayong tumaya sa Pilipino; sama-sama nating itulak pa ang malaking pagbabago sa ekonomiya at kalakhang bansa.

Hindi naman natin palalampasin ang pagkakataong makasalamuha ang Filipino community sa Los Angeles. Ididiin nga natin ang lawak ng transpormasyong naganap sa ating bansa dahil na rin sa kanilang pakikiambag, malayo man sila sa Pilipinas. Ipababatid natin sa kanila: Sa kanila nag-umpisa ang pagbabago at sila rin ang magtutuloy nito.

Mga Boss, sa Biyernes ng madaling araw po ang balik natin. Paalis pa lang po tayo pero sabik na rin akong makauwi, dahil siguradong bitbit natin ang mga bagong oportunidad at good news para sa ating mga Boss. Makakaasa po kayo na gaya ng lagi, sa pakikipag-daupang-palad natin sa ating mga kapwa pinuno, buong-pagmamalaki nating ihahayag kung gaano nang katayog ang narating ng Pilipinas, at ang lumalakas pa nating kakayahang makipagsabayan sa buong mundo.

Muli, magandang tanghali po. Maraming salamat po sa inyong lahat.