February 21, 2016 – Interview of Sec. Coloma – DZRB – Radyo ng Bayan
INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR. |
DZRB / Anchored by Rey Sampang |
21 February 2016 |
OPENING STATEMENT
“Pagbabago: Ipinaglaban Ninyo, Itutuloy Ko,” ang tema ng selebrasyon ng EDSA 30. Ang espesyal na selebrasyon ngayong taon ay nakatuon sa mga kabataang musmos pa nang maganap ang EDSA People Power Revolution noong 1986, ang mga tinatawag natin ngayong ‘millennial.’ Mahalagang malaman at maunawaan nila ang kasaysayan ng EDSA. Sa pamamagitan ng kilos-protesta ng libo-libong Pilipino, natanggal sa kapangyarihan ang diktadurya na namayani sa bansa nang pairalin ang Batas Militar simula pa noong 1972. Pagkatapos ng pagpaslang kay dating Senador Ninoy Aquino noong 1983, umigting ang pagtutol ng sambayanan sa pagkitil sa mga demokratikong karapatan at sistematikong paglustay ng kaban ng bayan. Bukas, ika-22 ng Pebrero, pararangalan sa pamamagitan ng isang wreath-laying ceremony sa Libingan ng mga Bayani ang lahat ng mga bayaning sundalo na lumaban para sa kalayaan ng ating bansa. Pangungunahan ni dating Pangulong Fidel Ramos ang seremonyang ito. Pangungunahan ni Pangulong Aquino ang pagdiriwang ng EDSA 30 sa Huwebes, Pebrero 25, isang espesyal na non-working holiday. Libo-libong estudyante ang lalahok sa tradisyunal na ‘salubungan’ sa harap ng People Power Monument sa panulukan ng EDSA at White Plains Avenue. Ang mga anak ng mga bayani ng EDSA at mga lider-kabataan ay lalahok sa salubungan at sa palatuntunan bilang sagisag ng pagnanasa ng bagong henerasyon na panatilihing buhay ang diwa ng EDSA. Inaanyayahan ang lahat na magtungo sa People Power experiential museum na nasa parade grounds ng Camp Aguinaldo upang saksihan at maranasan ang iba’t ibang aspeto ng kalupitan at karahasang umiral noong panahon ng Batas Militar. Ang People Power experiential museum ay bukas nang buong araw sa darating na Huwebes at Biyernes, Pebrero 25 at 26, mula ikawalo ngumaga hanggang hatinggabi. The People Power experiential museum combines elements of theater, cinema, photography, performances, installations and other allied arts, as it recreates the experience of Martial Law and the struggle of courageous Filipinos to awaken the sleeping masses. The visitors enter the various halls of the museum such as the Hall of Deadly Sleep, the Hall of False Dreams, the Hall of Forgotten Martyrs, and the Hall of Awakening, as they journey through various phases of the Martial Law experience and the eventual triumph of the EDSA People Power Revolution. Each phase is guided by an actor who assumes the role or character, either imagined or based on history, and takes the audience through the experience that the specific site represents. We especially invite young Filipinos who were born or were growing up at the time of the EDSA People Power Revolution to visit the museum with their parents and elders. To ensure the smooth flow of museum visitors, the EDSA People Power Commission has set up an online appointment procedure. Visit the Facebook page at edsapeoplepower.com. Those interested may register at this email address: [email protected]. After registering online, you will receive a confirmation email with the timeslot and guidelines. EDSA 30 Rey: Opo, Secretary, thank you. Pero mayroon po tayong mga follow up questions, Secretary, regarding po sa EDSA anniversary. SEC. COLOMA: Sige, ano ang mga follow up questions natin? Rey: Mayroon pong isa dito ang sinasabi… May mga nagsasabi na ‘yon daw pong pag-ungkat muli, ano po, ng alaala ng Martial Law sa pagdiriwang ng EDSA 30 ay bahagi raw po ng ‘politics of revenge’ na maaari lamang daw pong magdulot ng pagkakahati sa bansa. Mas mainam daw po, Sec, na mag-move on na lang at ano po ba ang tugon ninyo rito? Ano ang tugon niyo sa kanila, Sec? SEC. COLOMA: Hindi totoo at hindi makatuwiran ang alegasyon na tayo’y nagsasagawa nag paghihiganti o ‘politics of revenge,’ ayon doon sa nagtanong niyan, Rey. Ang mahalagang isyu rito ay ‘kalayaan at katarungan.’ Ang EDSA People Power Revolution ang naging tugon ng sambayanang Pilipino sa pagkitil sa kanilang mga kalayaan at ang pagyurak sa demokrasya dahil sa pagpapairal ng Batas Militar. Ang mga lumahok sa EDSA People Power Revolution ay nanindigan din para mabigyang-katarungan ang libo-libong biktima ng karahasan at kalupitan noong panahon ng Martial Law. Tulad ng ibang bansa, pinapahalagahan natin ang kabayanihan at ang kadakilaan ng lahing Pilipino. Kaya’t dinadakila natin ang alaala ni Dr. Jose Rizal at ng ‘Sigaw sa Pugadlawin’ nina Andres Bonifacio, pati na rin ang kabayanihan ng mga lumahok sa Death March pagkatapos ipagtanggol ang Bataan at Corregidor. Lubos na mahalagang matuto tayo sa mga aral ng kasaysayan. Dapat tayong manindigan at ipaglaban natin ang ating mga karapatan sapagkat maaari itong agawin at ipagkait ng isang diktaduryang mapang-abuso at mapang-api. Nagkaisa tayo sa EDSA noong 1986 batay sa mga prinsipyo ng demokrasya, kalayaan at katarungan. Ito ang tunay na diwa ng ating pagdiriwang ng EDSA 30. Rey: Opo. Well, anyway, Secretary, ang isang event naman sa kasaysayan kailanman hindi na mabubura kahit na takpan pa, ‘di po ba, Secretary? SEC. COLOMA: Kaya nga mayroon ngang kasabihan na ‘those who don’t learn from the lessons of history are doomed to repeat those mistakes,’ parang ganoon ang kasabihan. Kaya mahalaga ‘yung pag-alala sa kasaysayan at matuto sa mga aral ng kasaysayan, Rey. ROXAS ON ESCUDERO Rey: Opo. Sec, mayroon pa po tayong ibang mga katanungan dito mula sa ating Malacañang Press Corps, at isang katanungan po ito. Ano raw po ang take ninyo o opinyon niyo rito sa naging comment ni LP (Liberal Party) standard-bearer Mar Roxas na nag-comment po siya tungkol kay (Senator Francis) Escudero na si Escudero daw po ay isang ‘salingpusa’ lamang? Agree daw po ba kayo sa naging comment na ‘yon ni Secretary Roxas at ‘yon daw po kaya ang ma-e-expect ng taumbayan na discourse coming from the standard-bearer ng administrasyon? Ano daw po ang inyong komento dito mula po sa mga kasamahan natin sa RMN? SEC. COLOMA: Sa init ng isang kampanyang pampulitika, Rey, hindi maiiwasan na magkaroon ng mga kantiyawan tulad ng nabanggit ng ating kaibigan mula sa Malacañang Press Corps. Si Secretary Mar Roxas ay kilala natin bilang isang makatuwiran at maginoong opisyal. Tumatalima siya sa panuntunang dapat magtuon ng pansin sa mga isyu at programa ng pamahalaan sa kanyang pagtataguyod ng Daang Matuwid. Nananatiling buo ang paniniwala ng pamahalaan sa kakayahan ni Secretary Roxas na maipagpatuloy ang mga nasimulan ni Pangulong Aquino batay sa prinispyo ng Daang Matuwid. Pagsapit ng halalan, magpapasya ang taumbayan batay sa kanyang naging track record bilang isang tapat at maaasahang lingkod-bayan. Rey: Ito raw ho bang… Idagdag ko lang po, mula pa rin ito sa RMN, sa mga kasamahan natin sa Malacañang Press Corps. Ito raw po bang ganitong klaseng pahayag ni Secretary Roxas, they take it as a negative campaigning strategy, ay paraan daw po ba upang tumaas o ma-prop up ‘yung rating ni Secretary Roxas, Sec? SEC. COLOMA: Walang batayan ang paratang na ‘yan dahil nga ang paniwala natin, Rey, ang pinakamahalagang survey ay ‘yung magaganap mismo sa araw ng halalan na lahatang boboto na ang mga mamamayan at magbibigay sila ng pasya. At nananalig tayo na sa kanilang pagpapasya bibigyang-halaga nila ‘yung pangangailangan na maipagpatuloy ang mabuting pamamahala sa Daang Matuwid. WORLD BANK SUPPORT Rey: Mayroon pa hong ilang mga katanungan dito, Secretary. Ano raw po ang statement ng Malacañang dito sa pag-a-approve ng World Bank dito sa financing package na ito naman ay susuporta para sa patuloy na implementasyon ng Pantawid Pamilya[ng Pilipino] Program (4Ps)? SEC. COLOMA: Kongkretong pagkilala ito, Rey, sa kahusayan ng pamahalaan sa pangangasiwa sa pinakamahalagang programang pagkalinga sa mahigit 4.4 na milyong pamilyang benepisyaryo ng 4Ps at CCT (conditional cash transfer). Patunay ito sa pagiging epektibo ng istratehiya upang mabawasan ang kahirapan at matamo ang layuning ‘inclusive growth’ na kung saan ay walang maiiwanan. Sa loob ng nakalipas na mahigit limang taon, malaki ang naging ambag ng 4Ps at CCT sa pagtupad ng mga commitment ng Pilipinas sa Millennium Development Goals at ngayon sa Sustainable Development Goals ng United Nations, partikular sa pagkamit ng universal primary education, pagtataguyod ng pagbabawas ng insidente ng infant and child mortality, pagpapahusay ng mga programa sa maternal healthcare at universal healthcare, at pagbibigay kapasidad para sa paghahanapbuhay. Ang karagdagang ayuda mula sa World Bank ay magsisilbing puhunan sa hinaharap upang masiguro ang pagpapatuloy ng programa at upang palawigin pa ang saklaw ng programa mula sa kasalukuyang 4.4 na milyong pamilya pataas sa 4.6 na milyong pamilya para masaklaw na rin ‘yung mga nasa kategoryang ‘near poor’ na karamihan ay naninirahan sa mga lugar na parating dinadalaw ng bagyo, baha, at iba pang kalamidad. ASYLUM SEEKERS Rey: Okay. Well, Secretary, mayroon pa ho tayong mga ibang questions po rito. Ito naman ay humihingi ng confirmation or statement [dito sa] ginawa pong statement ng Australian Foreign Minister Julie Bishop na ito raw pong usapin or talks sa pagitan ng Pilipinas at ng Australia ay nag-resume na po partikular dito po sa isyu ng pag-re-resettle ng mga asylum seekers na naka-detain sa Papua New Guinea at dito po sa Nauru, Secretary Coloma. SEC. COLOMA: Wala po tayong kompirmasyon pa hinggil sa bagay na ‘yan at kailangan nating isangguni ‘yan sa ating Department of Foreign Affairs. Ano mang patakaran hinggil diyan ay malawak ang implikasyon para sa pangmatagalang panahon kaya’t maaaring mas mainam at makatuwiran na ipaubaya na ang usaping ito sa susunod na administrasyon. Ngunit bilang pagbalik-tanaw lamang, Rey, ito ang naging pahayag ni Pangulong Aquino noong nakaraang Oktubre 2015 nang tinanong siya ng kahalintulad na katanungan sa pagpupulong ng Foreign Correspondents’ Association of the Philippines (FOCAP): Limitado ang kakayahan at resources ng bansa at higit na binibigyang-prayoridad ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayang Pilipino. Sinabi rin ng Pangulo—ito po ang kanyang pangungusap—“I think Australia can recognize that we do have a significantly bigger population than they do. We have challenges to meeting the needs of our people right now. We would want to assist but there are limitations as to how far we can assist. And if this proposal is not one of being a transit point but is actually relocating these people here”—patungkol doon sa mga asylum seekers na binanggit sa tanong—“we feel we are not in a capacity at this point in time to afford permanent residency to these people.” So ‘yan po ang nauna nang pahayag hinggil diyan. COMELEC PRESIDENTIAL DEBATE Rey: Alright. Sec, sana po’y marapatin ninyo ‘yung katanungan naman namin dito, sana po ay mapagbigyan po ninyo ano po. Mamayang hapon gaganapin ‘yung isang presidential debate, at siyempre nandoon po ang LP standard-bearer si Secretary Mar Roxas, at iba pang mga presidentiable. Ano po kaya ang maaaring maging mensahe natin doon sa ating mga kababayang manonood at makikinig sa gaganaping presidential debate? Alam ko mga alas-singko ng hapon yata gagawin, Secretary. SEC. COLOMA: Mainam na kunin natin ang pagkakataong ito upang mapakinggan at maunawaan ang posisyon at paninindigan ng mga humaharap sa bansa na kandidato sa pagkapangulo. Mahalagang-mahalaga ‘yung pagpapatuloy ng mga nasimulan nang mga programang pangreporma at hinggil sa transpormasyon ng lipunang Pilipino. Interesado tayong mabatid kung paano itataguyod ng mga kandidato ang mga programang magsisilbing daan sa mas maunlad at mas matatag na bansa sa hinaharap natin, Rey. PARTING EXCHANGES Rey: Opo, Sec. Secretary, maraming-maraming salamat po, not unless mayroon pa ho kayong mga parting message sa ating mga tagapakinig ngayong araw na ito ng Sunday. SEC. COLOMA: Mabuti pa ay banggitin ko na rin lahat ‘nung iba pang programa tungkol sa pagdiriwang natin ng EDSA 30, ‘yung ating 30th anniversary, Rey. Mamayang hapon ay ilulunsad ‘yung isang comic book na ang pamagat ay “12:01,” as in ‘yung oras na 12:01, one minute after midnight. Ito ay ang ikatlo at panghuling installment ng serye ng mga aklat na nakatuon sa ating kabataan hinggil sa EDSA Revolution na pinagtutulungan ng ating EDSA People Power Commission at ng Adarna publishing house. Ito pong aklat na “12:01” ay sinulat ni Palanca finalist Russell Molina at ang mga dibuho o drawing at mula kay Kajo Baldisimo. Ito po ay istorya ng pagkamulat ng isang grupo ng magkakaibigan ‘nung sila ay matagpuan sa… O nakita sila o nandoon po sila sa kalsada na lampas sa oras ng curfew na hanggang—dapat nasa lansangan nang hindi lalampas sa hatinggabi noong panahon ng Martial Law. At kasunod po nito ‘yung unang libro na ang pamagat ay “EDSA,” isang counting book para sa mga kabataan, sa mga toddlers na itinatampok ang mga simbolo ng EDSA Revolution. At ‘yung pangalawa naman ay ‘yung “Isang Harding Papel” na nanalo ng Filipino Readers’ Choice Award sa Children’s Picture Book category. Ito naman ay storybook about the account of a little girl who grew up without a mother because of Martial Law. So ‘yan po ‘yung magaganap ngayong hapon sa Quezon (City) Memorial Circle doon po sa QCX Event Center. At sa mga darating na araw, mayroon pa rin pong mga palatuntunan, katulad ‘nung aking nabanggit, ‘yung experiential museum na bukas sa dalawang araw, February 25 at 26, sa Camp Aguinaldo po ito. Mag-book na po tayo sa online appointment procedure. Mayroon din pong ipapalabas sa ating PTV-4 na special forum na ang pamagat ay “EDSA 30: Are We Still Worth Dying For?” a PTV special forum. Ito po ay i-e-ere sa bisperas ng pagdiriwang natin sa February 24. At sa larangan naman ng sining, mayroon pong isang ballet, full-length ballet na ang pamagat ay “Rebel.” Ito po ay may adaptation dito sa ating bansa na halaw sa kasaysayan ng EDSA Revolution. ‘Yon pong artistic director ng Ballet Manila, si Binibining Liza Macuja-Elizalde ay babalik sa entablado bilang prima ballerina. Gagampanan niya ‘yung papel na Inang Bayan. Ito po ay nasa entablado ng Aliw Theater sa Pasay City sa February 25, 26, 27 at February 28. Kaya marami pa pong mga events na ating aantabayanan. Noon naman pong nakaraang linggo ay nagdaos na ng “TalaKalayaan,” isang talakayan hinggil sa People Power at Philippine nationalism, at isang debate ng mga kabataan sa UP Diliman. Kaya sana po ay makiisa tayong lahat sa isang makabuluhang pagdiriwang ng anibersaryo ng EDSA, ang “EDSA 30.” Rey: Well, Sec, kami po ni Albert ay nasa 40s na kami ngayon ano. Hindi na lang namin i-specify ang edad namin basta 40s na lang. Pero nasaksihan din namin; ako, for one, nasaksihan ko ‘yon. Noong mga panahon po na nagsisimula ‘yung EDSA People Power ay uma-attend-attend pa kami ng… Mayroon kaming ina-attend-ang event tapos nagtataka kami bakit unti-unti sinusundo ‘yung mga kasama namin doon sa event dahil gabi na ‘yon e. ‘Yon pala nagsisimula na ‘yung EDSA. E noon pong mga panahon na ‘yon, Sec, nasaan kayo? Ano ang ginagawa niyo noong mga panahon na ‘yon? SEC. COLOMA: Noong umpisa ng EDSA People Power Revolution, ‘nung maalala ko ay late afternoon or early evening—Sabado ‘yon, February 22, 1986—patapos na ‘yung isang convention ng Rotary na aking dinaluhan. At ‘nung pagdating sa bahay, pagkatapos makapaghapunan ay nalaman natin mula sa radyo at telebisyon na sina noon ay Defense Secretary Juan Ponce Enrile at noon ay AFP Vice Chief of Staff Fidel Ramos ay nagdaraos ng isang press conference sa Camp Aguinaldo, na kung saan nga nila ibinunyag ‘yung kanilang pagtiwalag sa pamahalaan ni Pangulong Marcos. At mabilis ‘yung pangyayari pagkatapos ‘non, Rey. Pagkatapos ‘non ay narinig din natin ang panawagan ni Jaime Cardinal Sin na suportahan ‘yung mga sundalo na nakahimpil sa Camp Aguinaldo at nagpahayag na ng kanilang pagtiwalag sa pamahalaan. At kinabukasan naman ay naganap nga ‘yung sa salita natin ngayon “standoff,” ‘yung nagharap-harap ‘yung mga tangke ng militar at ang taumbayan, ‘yon na po ‘yung People Power sa kanto ng EDSA at Ortigas kung saan naroon ‘yung EDSA Shrine ngayon. ‘Yan po ‘yung pag-uumpisa ng EDSA People Power Revolution at siyempre po ay nasaksihan po natin ito. Rey: ‘Yon, okay, kami kasi ay… Hindi ko na sasabihin kung ano ang edad (namin)… (laughter) SEC. COLOMA: Palagay ko ay hindi pa kayo teenager ‘non. (laughs) Rey: Okay. Secretary, maraming-maraming salamat, baka magkabukingan ng edad. Thank you very much, Sec, maraming salamat po. SEC. COLOMA: Maraming salamat at magandang umaga, Rey. |
SOURCE: NIB-Transcription |