President Benigno S. Aquino III’s Speech after the inspection and briefing on major infrastructure projects in Bulacan
Ramona S. Trillana High School, Sta. Elena Campus, Bgy. Sta. Elena, Hagonoy, Bulacan
23 February 2016
 
Kanina lang po, ininspeksyon natin ang ipinapagawang karagdagang bahagi ng Plaridel Bypass Road project, na magkokonekta sa NLEX at Maharlika Highway. Pag natapos na ho ito, ang dating mahigit isang oras na biyahe sa pagitan ng Burol, Balagtas, at Maasim, San Rafael, magiging halos kalahating oras na lang po. Ang makikinabang raw po rito: Halos 15,000 motorista kada araw. Kung komersyo naman ang pag-uusapan, ang mga produktong nagmumula rito sa inyo, at maging yung galing sa ibang lugar pero kailangang dumaan sa Bulacan, mas mabilis nang maihahatid sa merkado. Ang balik niyan: Siyempre, ang mga prutas at gulay, dahil naihatid sa sentral nang mas sariwa, talagang maibebenta sa mas sulit na presyo.

May briefing din tayo kanina ukol sa flood control projects dito po sa inyong probinsya. Batid nga nating kapag malakas ang ulan, Bulacan ang isa sa unang naaapektuhan. Ito hong mga konstruksyon sa inyong lugar, bahagi ng ating malawakang Flood Management Master Plan, na siyang tutugon sa pagbaha dito sa Bulacan, sa Metro Manila, at sa ilang mga karatig-bayan. Inuna nga natin ang flood wall sa Meycauayan, Obando pati na rin ang sa Marilao. Yun pong nasa bandang baba, yung nasa gitna na dalawang litrato, ang tinutukoy po nating proteksyon. Narinig din ho natin kanina ang ulat tungkol sa iba’t ibang imprastrukturang isinasagawa rito sa inyo.

Hayaan ninyong ibida ko ang ilan sa big ticket items natin para sa lalawigan ng Bulacan. Simulan natin sa Angat Dam, na nagsusuplay ng tubig sa National Capital Region at mga karatig-bayan. Yung Angat ho, ang sabi sa atin ni MWSS Administrator Gerry Esquivel, matagal nang overdue ang rehabilitasyon. Simula nga noong Hulyo 2015, nagsagawa tayo ng tinatawag na “retrofitting” para mapatibay ang dam at dike lalo na kung dumating ang sana’y hindi darating na earthquake. Nag-install na rin tayo ng flood forecasting at warning systems, kasama na rin ang flood control protection. Idiin ko lang po: Itong Angat, delikado sa lindol, kaya naman gumagawa tayo ng mga ganitong hakbang. Kasama na po riyan yung paggawa ng bagong access tunnel para sa tubig mula sa Angat papuntang Ipo Dam; matapos ho nito, ipapaayos naman natin ang tatlong lumang access tunnel na mahina na at madalas pang tumagas. Kung tama ang tanda ko, ilan sa mga tunnel na ito ay ginawa noong panahong ipinanganak po ang aking ama. Kaya hindi na ho teenager ang dating niyan.

Banggitin ko na rin ho ang pinirmahan kamakailan na Bulacan Bulk Water Supply Project, na ang balita ko ay matagal-tagal na raw naipangako sa inyo. Ang alam ko lang po, hindi ako ang nangako niyan. Ako lang ho ang gagawa. Sisimulan ho sa Hulyo ngayong taon ang konstruksyon nito; yung groundbreaking po, gagawin ngayong Abril. At oras na matapos ito, maghahatid ito ng 200 milyong litro ng tubig kada araw sa 13 water districts ng inyo pong probinsya. [Palakpakan] Si Manong Willie, hindi na po magrereklamo na ang tubig na dumadaloy sa inyo ay hindi ninyo napapakinabangan sa inumin o irigasyon. Ngayon ho, ano ang punto ng lahat ng ito? Ang tubig ang likas-yamang bukal ng buhay. Kung wala ito, talagang matinding pagdurusa ang kakaharapin ng ating mga Boss. Ang masasabi ko lang po: Kita niyo naman, tuloy-tuloy ang pagkilos natin para masigurong hindi kayo kailanman malalagay sa alanganin, at magtutuloy-tuloy ang mga proyektong ito na maghahatid ng serbisyo sa inyo, kahit bumaba na po ako sa puwesto pagkatapos ng 128 araw. Pero hindi ko po binibilang nang masinsinan yan. [Tawanan]

Gusto ko lang pong idiin: Ang lahat ng suliraning nalulutas natin, ang bawat pagkakataong napapaginhawa natin ang sitwasyon ng karaniwang Pilipino, ang lahat ng mga tagumpay na nakakamit na natin at makakamit pa sa Daang Matuwid—kayo ang gumagawa ng mga pagbabagong ito. Hindi magiging posible ang panata nating mag-iwan ng isang Pilipinas na di-hamak na mas maganda sa ating dinatnan, kung wala ang buo ninyong tiwala’t suporta. Kaya naman, sa ating mga Boss, lalo na sa ating mga pinakamamahal na Bulakenyo: Maraming-maraming salamat po sa inyong lahat. [Palakpakan]

Dahil nga sa pakikiambag ninyo sa Daang Matuwid, naisakongkreto naman ang bagong school building para sa Ramona S. Trillana High School. Ang banggit po sa atin: Noong wala pa ang school building na ito, nagtitiis ang mga guro’t mag-aaral sa mga silid-aralan na inaanay, luma, at pag umuulan o bumabagyo ay binabaha pa. Noon, problema pa ang espasyo, at sa dami ng estudyanteng pumapasok ay nagsasagawa ng double shifting sa mga klase; meron pa nga raw napipilitang gumamit ng tent, makapagklase lang. Ngayon, ibang-iba na ang kalagayan dito sa inyo.

Bahagi nga ang bagong gusaling ito ng ating komprehensibong inisyatiba na lalong iangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa. Gusto ko namang ibahagi: Itong bago ninyong school building, bunga ng pinag-isipang estratehiya sa mabuting pamamahala na tinatawag nating “convergence,” kung saan nagtutulungan ang mga ahensya ng pamahalaan para tugunan ang iba’t iba nating pangangailangan. Dito po, DepEd at PAGCOR ang sabay na sumuri at tumukoy sa dapat paglaanan; ang DPWH naman, katuwang ng DepEd, ang nagpatupad sa proyekto.

Nagpapasalamat tayo kay Chairman Bong Naguiat at sa PAGCOR, di lang para sa suportang inilatag nila para sa proyekto, kundi sa lahat ng pagsisikap nilang baguhin ang imahen ng kanilang ahensya: mula sa pagiging coffee shop ng mga corrupt, patungo sa isang GOCC na tunay na kumakalinga sa taumbayan. [Palakpakan] Nagpapasalamat din tayo kina Secretary Babes Singson at Bro. Armin Luistro, na patuloy na tumitimon sa DPWH at DepEd para maihandog ang mas makabuluhang serbisyo sa ating mga Boss, na siyang nagbigay ng mandato.

Ito nga pong school building, mga bagong kalsada, flood control projects, at iba pang serbisyong inyong pinakikinabangan, matibay na patunay na hindi isinantabi ang pangangailangan ninyo sa Daang Matuwid. Kapag sinuma nga ninyo ang pondong ibinuhos natin para sa imprastruktura lang sa Bulacan mula noong 2011 hanggang 2016, aabot iyan sa P19.04 bilyon—mas malaki po iyan nang halos apat na beses sa P5.01 bilyon inilaan ng ating sinundan para sa inyo sa huling anim na taon niya sa puwesto. Pag tiningnan naman ninyo ang inilaan nating budget ngayong taon para sa pambansang imprastruktura: humigit-kumulang P766 bilyon iyon. Katumbas po niyan ang 5 percent ng ating kasalukuyang Gross Domestic Product. Malayong-malayo sa ipinamana ng ating pinalitan noong 2010, na P165 billion lang po.

Simula nga nang manungkulan tayo, taon-taon, tinataasan natin ang alokasyon para sa imprastruktura. Kaya naman, mahigit 6,200 kilometrong national roads ang naisaayos na natin. May paparating pang isang libo. Natapos na rin ho natin ang 1,550 kilometrong tourism roads at 3,700 local roads para sa ating mga pamayanan. Ang akin nga ho, kitang-kita naman ang pagkakaiba kapag interes lang ng sambayanan ang tutok ng pamamahala: Ang Estado, may tunay na kakayahang pagandahin ang kalidad ng buhay ng ating mamamayan. Sa Daang Matuwid, ang tuon po: Maibsan ang kahirapan, di bukas-makalawa, kundi, sabi nga ng kabataan, “Now na.”

Kayo na po mismo ang testigo sa lahat ng positibong pagbabago. Siyempre po, gaya ng paulit-ulit kong binibigyang-diin: Simula pa lang ang lahat ng ito at posibleng maging permanente ang reporma. Kayo, ang aking mga Boss, ang magtutuloy-tuloy ng transpormasyon at masasagad natin ang pagkakataong lalong paunlarin ang ating bansa.

Sa akin po, siyempre nabanggit ko nga ho kanina, 128 days to go na lang po ako: May tandem na tayong siguradong magpapatuloy sa lahat ng ating napagtagumpayan—silang may iisang salita at marami nang nagawa, silang totoong uunahin ang bayan bago ang sarili; ang nag-iisang tambalan po ng Daang Matuwid: walang iba kundi sina Mar Roxas at Leni Robredo. [Palakpakan]

Mga Boss, narito na tayo sa mas mataas na lunsaran; puwede pa nating marating ang di-hamak na mas magandang antas para sa ating bayan. Magagawa natin iyan, kung sa Daang Matuwid pa rin tayo. Pero kung kabaliktaran niyan ang ating pipiliin, sino ba ang makakapagsabing talagang itutuloy ng iba ang ating nasimulan? Paano na ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program, ang Philhealth, ang imprastruktura, ang mga trabahong nalilikha, ang modernisasyon ng ating kapulisan at kasundaluhan? Ang malala pa, kung magkamali tayong mailuklok ang tiwali, abusado, o yung labis-labis kung mangako, ano ang katiyakang makakabawi pa tayo sa 2022?

Tiwala nga ako: Ang pipiliin ng aking mga Boss ay yung talagang may integridad, may klarong plano at hangarin, yung meron nang napatunayan at totoong tapat sa bayan; at sa dulo nito, pihadong dadalhin ninyo ang ating bansa sa katuparan ng mas marami pang mga pangarap.

Kanina po noong pinapakinggan ko yung ating mga mag-aaral, sabi ko, “Magaling mag-declaim.” Siguro naman hindi ka galit, iha. [Tawanan]

Noong nasa Los Angeles po tayo, may kabataan tayong nakapanayam, labing-apat na taon, tinatanong sa akin yung K-12. So tinanong ko siya bilang tugon, “May araw bang nag-aaral ka ng leksyon mo at sinabi mo sa sarili mong ‘Sobra-sobra ang oras ko. Sana may paglalaanan pa ako na iba dito sa oras na ito’?” Eh di tumingin sa akin, sabi, “Hindi ho. Parating kulang eh.” Ayun nga ang punto: Kung dati sampung taon, ipipilit na parang nakaembudo lahat ng ituturo sa iyo, tapos kailangang mapuno mo sa sampung taon at makipagsabayan ka sa merkado ng pagtatrabaho doon sa mga taong labindalawang taon na nag-aral. Parang lugi naman yata tayo doon? Sabi ko, “Ang bansa natin, isa na lang doon sa tatlo na may ten years Basic Education Program.”

Noong panahon ho namin ni Manong Willie, pero nauna sila sa aking konti, [tawanan], yung kompyuter ay iniisip pa lang yata at pag kinakausap mo, punch card pa yata ang ginagamit. Ngayon kung talagang parang di ka marunong gumamit ng kompyuter, talagang mapapag-iwanan ka. So mas maraming kakayahang kailangan mong matutunan, hindi pupuwedeng bawasan yung oras na mapag-aralan.

Kanina noong isinasalarawan mo ang problema dito saka yung mga unang nagsalita, sabi ko, “Hindi naman tayo nagkakaiba. Pareho lang tayo sa Tarlac. Pareho ninyo, nasa gitnang Luzon, problema natin ang tubig. Pag tag-ulan, rumaragasa; pag tag-init, wala. Dito sa inyo nadagdagan pa: Pag high tide, baha.” [Tawanan] Eh yung high tide tanda ko, araw-araw. Sa madaling salita, araw-araw ay potensyal na may problema tayo. Kanina binanggit nga yung sa pag-aaral. Mistulang nagwe-wading papunta sa klasrum, kung may klasrum.

Bakit ko binabanggit ito? Simpleng-simple lang ho: May kaibigan ho ako, kakaumpisa ng termino ko, sabi niya sa akin, “Alam mo ang hindi ko mapapatawad doon sa iyong papalitan, yung halos sampung taon na nawala sa atin.” Iyan hong gusali na nasa harap natin, puwede naman hong ginawa noon, di ho ba? Mga P16 million raw ho ang ginamit diyan, pero kung four storeys, mas bababa yung cost per unit. Isang bilyong piso naman ang ginastos ng PAGCOR sa kape. Kayo na ho ang bahalang mag-divide ng one billion sa sixteen million, ganoon karami ang klasrum. Bottomline po, noong iniwan sa akin ay 66,800 classrooms ang kulang at sinabi pa sa atin na hindi kulang dahil dito sa inyo ay double shifting. Sa Quezon City, tanda ko ho, pag minalas kayo, quadruple shifting. Yung bata, uuwi gabi. Grade school na bata, dating ng bahay ng alas nuwebe ng gabi.

Ten years halos nakaupo yung pinalitan ko. May puwede tayong panggastos ng kape na P1 billion, hindi tayo nagpagawa ng klasrum na P16 million. Yun ho yung “Tuwid na Daan.” Puwede hong nagawa iyan. Ang masakit, pag tumakbo na yung oras, tumakbo na yon. Wala nang bawi, walang rewind, walang “Puwede bang we start again?” Yung nawala nga hong iyon, di na natin mababawi. Pag tama ang pamamahala, ito ang magagawa natin: Yung kalsada magagawa natin, yung baha magagawa natin, lahat magagawa natin, at puwede nating gawin nang talagang matinong-matino.

Yung iba ho, talagang mabigat na proyekto. Yung kaninang binabanggit na 4,000 square kilometers, isipin na lang po ninyo yung pang-flood control. Hindi puwedeng overnight gagawin natin yan. Siyempre, kailangan hong detailed engineering and design. Saan ba ilalagay? Ano ba ang itsura niyan? Ano ba ang porma niyan? Kailangan dadaan sa mga dalubhasa. May soil analysis, may weather pattern analysis, lahat ho ng katakot-takot na analysis. Mahina ang dalawang taon ho siguro pag gumagawa ng detailed engineering and design.

Parang patapos na yung plano, may groundbreaking na, tapos babalik tayo. Kaya doon ho ang importante. Sa May 9, boboto tayo. Talagang yung kinabukasan natin, nakasalalay doon. Puwede tayong kumuha ng mangangako ng lupa at langit, tapos pag may baha kayo, dadaanan kayo isang araw na may dalang relief goods, tapos bahala na kayo. O puwede namang gumawa ng permanenteng solusyon. Baka naman puwedeng hindi na aksayahin yung oras na tumatakbo tulad ng napagtulong-tulungan nating anim na taon.

Ako po’y tagapaglingkod lang po ninyo. Kayo ang boss ko, kayo ang magdedesisyon para sa ating lahat.

Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.