January 03, 2016 – Interview of Sec. Coloma – DZRB – Radyo ng Bayan
INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR. |
DZRB – Radyo ng Bayan / Balita at Panayam by Alan Allanique |
03 Jan 2016 |
OPENING REMARKS
Bago tayo magsimula, nais kong batiin ang mga tagasubaybay ng inyong programa, kabilang na ang lahat ng ating mga kaibigang kasapi ng Malacañang Press Corps ng isang maligaya at mapagpalang bagong taon. QUESTIONS AND ANSWERS Allan: Opo, ganoon din po sa inyo, Secretary Coloma. Okay, Sec, ang unang tanong po namin mayroon po bang statement ang Palasyo dito po sa pagpanaw ng dating chief ng Land Transportation Office Virginia Torres? SEC. COLOMA: Ipinaaabot natin ang ating pakikidalamhati at pakikiramay sa pamilya ni dating Assistant Secretary Virginia Torres. Nagsimula siya bilang cashier sa LTO office sa Tarlac noong 1980 hanggang siya ay matalagang assistant secretary at hepe ng Land Transportation Office noong Hulyo 2010 at nagretiro noong Oktubre 2013. Kinikilala natin ang kanyang pag-alay ng 33 taong tuloy-tuloy na paglilingkod sa ating pamahalaan at mga mamamayan. Allan: Ngayon, sa ibang usapin po, Secretary Coloma. Mayroon pong naging pahayag ang armed forces na sinasabing ang CPP-NPA ay lumabag doon sa truce o sa tigil-putukan. Sinasabing ito po ay umatake sa isang military unit diyan po sa lalawigan ng Camarines Sur, Secretary Coloma? SEC. COLOMA: Ayon sa ating mga natunghayang pahayag mula sa Southern Luzon Command (SOLCOM), naganap ang insidente noong Biyernes, ika-1 ng Enero, sa Barangay Scout Fuentebella, Goa, Camarines Sur kung saan walong sundalo at anim na CAFGU ang pinaputukan ng tinatayang 10 rebeldeng NPA. Walang naiulat na nasaktan sa ating puwersa at ilang armas at gamit mula sa NPA ang iniulat na nakuha ng SOLCOM sa lugar na pinangyarihan. Sa kabila ng engkuwentro patuloy na tumatalima ang buong hukbong sandatahan sa umiiral na Unilateral Declaration of Suspension of Military Operations na nakatakdang magtapos mamayang bago mag-hatinggabi. Allan: Opo. At dahil po sa pangyayaring ito, mayroon po bang aksyon na nakatakdang gawin, halimbawa, ang ating Armed Forces of the Philippines kasunod po nitong paglabag na ito sa tigil-putukan, sir? SEC. COLOMA: Well, patuloy na nakatutok at alerto ang ating Sandatahang Lakas dahil pangunahing layunin nila, kabilang na rin ang ating Pambansang Kapulisan, ‘yung pangangalaga sa seguridad at katahimikan at kaayusan ng ating mga komunidad at mga mamamayan, Allan. Kaya lang dahil nga sa umiiral na ceasefire ay hindi na nagsagawa ng offensive action ang ating militar dahil kinikilala nga ‘yung ceasefire na umiiral. Ngunit patuloy ‘yung pagiging alerto para pangalagaan ang seguridad ng ating mga mamamayan. Allan: Opo. Secretary Coloma, sir, sa tala po ng Department of Health, umabot na po sa mahigit 400—as of yesterday, sinasabing 459 ang mga nasaktan, mga firecracker-related injuries. Kasunod po nito, ano ho, mayroon po bang pagsuporta mula sa Palasyo dito po sa panawagan na total ban naman, total ban sa mga firecrackers matapos nga pong umabot na sa mahigit sa 400 ‘yun pong mga nasugatan dahil diyan? SEC. COLOMA: Pinangungunahan ng Department of Health ang kampanyang pangkaligtasan at pangkalusugan laban sa panganib na dulot ng paputok. Nagpahayag na si Secretary (Janette) Garin ng pag-asang sa susunod na bagong taon, hindi lang iilan kung hindi lang ng mga lokal na pamahalaan ang makikiisa sa pagbabawal ng mapanganib at mapaminsalang paputok. Nasa pagpapasya ng Kongreso kung kinakailangang magkaroon ng amyenda sa mga umiiral na batas na may kinalaman sa regulasyon sa paputok tulad ng Republic Act 7183: An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution and Use of Firecrackers and Other Pyrotechnic Devices. Tulad ng ipinahayag ni Secretary Garin, ang mahalaga ay ito: Walang buhay ang masasawi, walang daliri o kamay na mapuputol, at walang matang mabubulag dahil sa kawalan ng pag-iingat sa pagsalubong sa bagong taon. Allan: Opo. Sec. Sonny, baka mayroon pa ho kayong mensahe na nais din na iparating sa ating mga tagasubaybay, please go ahead po. SEC. COLOMA: Lubos tayong nakikiisa sa ating mga mamamayan sa kanilang pagsalubong sa taong 2016 na puno ng pag-asa at may positibong pananaw tulad ng isinaad ng mga yearend survey ng Social Weather Stations at Pulse Asia. Kung kaya’t sa bawat araw sa nalalabing anim na buwan ng panunungkulan ni Pangulong Aquino, higit pa nating pag-iigtingin at palalawakin ang mga nasimulang reporma sa pamamahala at ang mga serbisyong panlipunan at programang magtataguyod sa pag-unlad ng ating bansa upang makinabang sa mga bumubukas na oportunidad ang lahat ng mga mamamayan sa prinsipyong walang dapat maiiwanan. ‘Yan po ang ating aspirasyon sa pagpasok ng bagong taon. Allan: Opo. Secretary Coloma, sir, muli maraming salamat po at Happy New Year po sa inyo at sa inyong mga mahal sa buhay, sir. SEC. COLOMA: Maraming salamat. Happy New Year din sa inyong lahat, Allan. |
SOURCE: NIB-Transcription |