INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
DZRB – Radyo ng Bayan / Balita at Panayam by Alan Allanique
07 Jan 2016
ALAN: Secretary Coloma magandang umaga po.

SEC. COLOMA: Magandang umaga Alan.

ALAN: Yes sir. Sec., meron pong inilabas na resulta ng survey ang Social Weather Stations tungkol dito sa mga pamilyang Pilipino na itinuturing daw ang sarili nila bilang mga mahihirap nung nakaraang 2015, at ang survey ay ginanap po ngayong December 5 to 8. Ano hong mga reactions ng Malacañang tungkol dito, Secretary Coloma, sir please?

SEC. COLOMA: Ang kapansin-pansin sa resulta ng survey, Alan, ay ito: iyong pinakahuling datos ng self-rated poverty ay, ayon sa SWS, ang siyang pinakamababang self-rating ng ating mga mamamayan sa loob ng apat na taon. Ibig sabihin lamang, doon sa pakiwari ng ating mga mamamaya, ay nagbubunga na iyong mga pagpupunyagi ng pamahalaan na maiahon mula sa kahirapan iyong karamihan sa ating mga mamamayan at ito iyong isa sa pangunahing programa ng pamahalaan.

Alam naman natin ang ating pangunahing layunin sa pagpapalago ng ekonomiya ay iyong inclusive growth, na kung saan ay walang maiiwanan. At ang pangunahing tinutukoy nito ay iyong pag-angat ng antas ng kabuhayan ng mga maralitang pamilya at ito ay tinukoy natin sa pamamagitan nung Pantawid Pamilyang Pilipino Program; Conditional Cash Transfer; iyong Universal Healthcare ng PhilHealth; iyong pagtitiyak na nasa paaralan ang mga kabataan natin; at napababa na rin natin ang dropout at Out-of-School Youth rate sa ating bansa.

Iyong pinagsama-sama ko ngang programa na tumutukoy sa social protection, ang pagbibigay ng kalinga sa pinakamaralita na nagbubunga na. Although, tanggapin din natin snapshot ito. Kaya kailangan talaga iyong sustained efforts na palaging ine-emphasize ni Pangulong Aquino – na dapat ay ipagpatuloy iyong pagpupunyagi sa aspetong ito dahil hindi sasapat na nakatamo lang tayo ng mataas na paglago ng ekonomiya at maipamahagi natin iyong benepisyo nito. Dapat ay ma-sustain ito, iyong tinatawag nating “high-growth rate trajectory” sa susunod pang dekada at labis pa ang kailangan, ayon sa mga iskolar sa aspetong ito. Ma-sustain natin ito at kung magagawa natin iyon by the year 2030 ay maaring pumasok tayo o umabot tayo doon sa antas ng tinatawag na high-income countries o first world countries. So iyan ang ating mithiin at layunin sa kasalukuyan, Alan.

ALAN: Opo. Sec., sa isang survey naman po… survey na isinagawa ng Pulse Asia. Lumabas naman na—iyong survey was conducted December 4 to 11 last year. Lumalabas naman po dito sa survey ng Pulse Asia tumaas ang trust rating at maging ang approval ratings ng Pangulong Benigno Simeon Aquino III, Sec. sir?

SEC. COLOMA: Mahalaga iyong pagtitiwala ng mga mamamayan sa kanilang mga lider. At ito natatamo dahil sa pagpunpunyagi at pagtatrabaho. Bunga ito ng whole of government approach na tinatawag natin, na kung saan ay pinakilos ng Pangulo lahat ng mga sangay at kagawaran ng pamahalaan para tukuyin iyong mga mahalagang kinakailangan ng ating mga mamamayan sa kabuhayan, sa kagalingang panlipunan, edukasyon, kalusugan, imprastruktura. Ito ay epekto ng mga programang pang-reporma, at kilalanin din natin na bunga na rin ito nung patakaran ng Daang Matuwid, Alan.

ALAN: Opo. Well, Secretary Coloma, sir, muli salamat po ng marami for the updates mula po sa Palasyo, sir.

SEC. COLOMA: Maraming salamat at magandang umaga, Alan.

SOURCE: NIB-Transcription