INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
Radyo 5 / All Ready by Mel Sta. Maria
15 Jan 2016
STA. MARIA: Secretary Sonny, ipaliwanag n’yo nga po iyong kung bakit talaga na-disaprubahan ni Presidente itong P2,000 increase sa pension ng ating mga pensioner?

SEC. COLOMA: Ang pangunahing layunin ng pamahalalan ay tiyakin iyong kasiguruhan ng pagbayad ng mga benepisyo ng lahat ng miyembro ng Social Security System o SSS, at ito ay nakasalalay sa katatatagan ng pondo nito. Ang panukalang pagdagdag ng P2,000 kada buwan na pension para sa 2.15 milyong tumatanggap ng pension o pensioners ng SSS ay magdudulot ng pinsala sa katatagan ng pondo sapagkat ito ay magkakahalaga ng P56 billion sa unang taon lamang, na napakalaki kumpara sa nage-generate na annual na contribution surplus ng SSS, Dean Mel. Ito po ang simpleng paliwanag diyan at ang isinasalang-alang ng Pangulo ay iyong pangmatagalagang katatagan ng pondo para sa lahat ng 31 milyong miyembro at hindi lamang iyong pang-kagyat na benepisyo para sa isang bahagi ng buong membership ng SSS.

STA. MARIA: Sabi po ito ng iba, Secretary Coloma, na ang problema daw ay iyong pagkokolekta ng mga premium at kung mapaigtingan lang ito, mapupuno naman daw talaga iyong sinasabing pangangailangan na P56 billion na dapat ibigay doon sa ating mga pensioner, ano po ang paliwanag ninyo doon?

SEC. COLOMA: Sa nakaraang limang taon, Dean Mel, ay pinaigting ang koleksyon at pinahusay ang pangangasiwa ng SSS. Noong 2000 to 2009, nag-a-average lamang ng P8 billion annually iyong net revenues ng SSS. Noong 2010 to 2014, apat na beses ang paglaki nito, naging 33 billion ang annual average, annual net revenue ng SSS. Dahil dito iyong labing-isang taon na sunud-sunod na deficit, mula 2000 to 2011 nagkaroon ng deficit iyong pondo, ibig sabihin mas marami palagi iyong naawas kaysa doon sa nadadagdag. Na-reverse na po iyong trend na iyan at naging contribution surplus na simula nung 2012. Kaya talaga po namang pinahusay iyong pangangasiwa ng pondo. Nagkaroon din po ng 50% increase in total assets dahil din sa kahusayan sa pagkalap ng investment income.
Sa kabila ng lahat ng mga reporma at pagpapahusay na ito ay hindi pa rin po kayang dalhin iyong ganoong magnitude ng increase sa pension dahil nga po ito ay magpapa-ikli sa actuarial life, iyong itatagal ng pondo. Iyong inabutan po ng Aquino administration hanggang 2039 na lang po, simula 2010. Ibig sabihin at that point 29 years na lamang. Dahil po sa pagpapahusay ng pangangasiwa nadagdagan ng three years ito, napalawig hanggang 2042. Ngunit kung kagyat na ipapatupad iyong panukalang iyan, iikli iyong buhay ng pondo hanggang 2029 lamang o labintatlong taon na lang mula sa kasalukuyan. Kaya iyan po ang implikasyon at pinaninindigan po ng Pangulo na nasa pangmatagalang kapakinabangan ng pangkalahatang membership ng SSS at ng mahigit 30 milyong kababayan natin ang kanyang pasya hinggil sa pag-veto.

STA. MARIA: Meron na po bang minumungkahi ang President, para kahit na papaano eh ma-increase itong pension, kahit na P2,000, kahit na po kaunti. Meron bang hong mungkahi siyang ibinigay ngayon sa Kongreso?

SEC. COLOMA: Ang tinukoy lang muna, Dean Mel ‘no, ay iyong kagyat na usapin, iyong P2,000 additional pension at iyon naman pong SSS patuloy iyong pagsusuri ng sitwasyon kung ano ang maaring mainam na kaayusan hinggil sa pagbibigay ng benepisyo at sa kontribusyon. Nais lang nating ipunto dito, Dean Mel, simula noong 1980, dalawampu’t isang beses nang nagbigay ng dagdag na benepisyo ang SSS kumpara sa tatlong beses lamang nagpatupad ng pagtaas ng kontribusyon. At iyong pinakamataas na kontribusyon at pinaka-latest na contribution increase ay nasa level lamang ng .6%. Iyong panukalang P2,000 additional pension ang kailangan doon ay halos 5% increase in contribution, hindi lamang sa bahagi ng—at ito ay makaka-apekto hindi lamang sa mga miyembro kung hindi pati iyong mga employer na rin. Kaya kinakailangan iyong masusing pag-aaral sa anumang panukalang dagdag na benepisyo.

STA. MARIA: Isa pong dagdag na dahilan kaya nadi-disappoint ang ibang mga tao dito, Secretary, kasi iyong nabalitaan noon na mga bonuses nitong SSS officers na, I think humahantong sa P1 million, at ikukumpara mo dito sa benepisyong makukuha ng mga pensioner ay parang talagang disproportionate. Para bang ang tingin nila ay napupunta rin naman doon, bakit hindi na lang ibigay dito sa pensioner. Ano po ang paliwanag ninyo doon?

SEC. COLOMA: Kailangan pong maging makatuwiran tayo at tingnan natin iyong malaking larawan — 2.1 million po iyong tinutukoy dito at sinabi na nga natin iyong annual incremental outlay po dito ay P56 billion.
Iyon naman pong pagpapabuti sa sahod ng mga opisyal at mga manggagawa, fraction lang naman po iyan nung total operating expenses at meron din naman po silang karapatan na umasa na dahil sa kanilang dedicated service at competence ay mapapahusay din iyong kanilang compensation. Hindi naman po makatuwiran na, kumbaga ay, wala nang tinitingnang maaring pagbabago. Kailangan din naman po natin ng competence and dedicated work force, at maliit lang pong fraction nang operating expenses ang pinag-uusapan diyan na well within the capacity of the System na ma-absorb. Dahil nga po sa pinakita ko sa inyong datos na nung nakaraang lima at kalahating taon ay napahusay na nga po yung net revenue, four times na ang inilaki, at nagkaroon na po ng contribution surplus for the first time after 11 years of continuous deficit. Iyan po ay mga konkretong manipestasyon ng mahusay na pamamahala.

STA. MARIA: Meron pa po bang pag-asa na ang mga pensioners natin na makakita ng pag-i-improve ng kanilang nakukuha sa nalalabing buwan ni Presidente Aquino?

SEC. COLOMA: Ang posisyon po namin diyan ay hihintayin kung meron pang alternatibong rekomendasyon na mangagaling sa pangasiwaan ng SSS, at sa lahat ng pagkakataon ang dapat isaalang-alang ay iyong pangmatagalang katatagan ng pondo. Magiging iresponsable po ang ating pamahalaan at ito po ay kawalan ng malasakit sa mga miyembro kung hahayaang mapariwara ang katatagan ng pondo.

STA. MARIA: All right. Maraming-maraming salamat po, Secretary Sonny Coloma.

SEC. COLOMA: Maraming salamat at magandang umaga po sa inyo, Dean Mel.

SOURCE: NIB-Transcription