January 15, 2016 – President Benigno S. Aquino III’s Speech at the Presentation of the Agreement for the Bulacan Bulk Water Supply project
President Benigno S. Aquino III’s Speech at the Presentation of the Agreement for the Bulacan Bulk Water Supply project |
Provincial Capitol, Malolos City, Bulacan |
15 January 2016 |
Kanina ko pa ho pinansin, [dalawa ho dito kaklase ko.] Baka sabihin na naman puro kaklase, kamag-anak ko… Si Chito Cruz po at Andy Ibarra kaklase ko. Si Gerry Esquivel po, kabatch namin, dahil siya po honor section, kami po semi-honors lang eh. Kanina ko pa po tinitingnan ‘yung ating administrator ng LWUA na [hindi natin masasabing masaya]. Kanina ko pa ho tinatanong, baka napansin ninyo, kinakausap ko kanina. Bakit kako malungkot ka? Maraming water district mo ang maaayos ang problema nitong proyektong ito pero malungkot ka. Siguro ikakasal na ang kanyang anak kaya ganyan. Dahil kamo wala talagang dahilan.
Pero bago ho ako magsimula doon sa ating talumpating pormal, gusto ko lang hong masabi kay Manong Willy na talagang ikinagagalak ko na nandito ako itong araw na ito. Alam po n’yo, noong magkasama kami sa Kongreso ni Manong Willy, nagkataon na siya po ang presidente ng tinatawag na Central Luzon Caucus, mga kongresistang bahagi ng Central Luzon o Gitnang Luzon, at ako po ay chairman. Dumating ang panahon, ako po’y nag-oposisyon at sinabi ko po kay Manong Willy, “Manong Willie, baka mahirapan tayo makipagtrabaho sa Malacañang kung ako pa ang chairman ng grupo, eh wala naman akong problemang magbitiw sa tungkuling ito.” At siya po, sinabi sa akin, bagama’t mayroon na naman ho sigurong penalty iyon, sabi niya, “Hindi, manatili ka diyan.” Iyon ang usapan ng buong grupo. Kaya doon po, nakita natin mula pa noong umpisa, talaga naman pong maayos kausap si Manong Willy. Alam n’yo kadalasan pag nagkikita kami, parating usapin ng tubig ang isyu: binabaha, sobrang tubig, kulang ang tubig, delikado ang Angat Dam kung magka-earthquake. Mga 95% ng pinag-usapan namin tungkol sa tubig. At itong proyekto hong ito, maraming tutugunan doon sa lahat ng hinarap niya. Kaya bago pa ho ako bumaba sa puwesto, at least masasabi ko, “Manong Willy, kung mabawasan ang buhok n’yo tulad ko, palagay ko’y di na po dahilan ang tubig.” Kaya, congratulations po sa inyo. Ngayon ho parang tag team si Manong Willy at si Joel Villanueva. Pag nandito ho ako, si Manong Willy ang bahala. Pag nandoon ho sa Maynila, si Joel naman ang nagpapaalalang may kulang sa Bulacan. Dito na po tayo sa pormal na bahagi ng ating talumpati. Batid po natin kung gaano kahalaga ang tubig. Ito po ay likas-yamang bukal ng buhay. Kaya naman, simula pa lang ng ating termino, agad nating tinutukan ang mabuting pangangasiwa nito. Ang masaklap ho, noong ating dinatnan, tila natuyot sa serbisyo ang sektor na ito dahil sa kapabayaan ng nakaraan. Ang dinatnan nating sistema: watak-watak, kanya-kanya, bara-bara. Isipin ninyo: Iisang sektor lang ho ang tubig, pero ang nangangasiwa po nito ay 30 ahensiyang naghahati sa pamamahala nito. Sobra-sobra na nga ang bilang na ito, kapos na kapos pa ang kanilang serbisyo, kaya’t kinukulang pa rin ng suplay ng malinis na tubig sa kalakhang bansa. Tuloy po, imbis na dumaloy ang benepisyo sa sambayanan, naiipit ito, at iilan lang ang nakikinabang. Agad nga po nating tinugunan ito. Itinalaga natin si Secretary Babes Singson bilang ating water czar. Binuo niya ang isang Inter-Agency Committee on the Water Sector, na isinakatuparan ang tinatawag nating Integrated Water Resources Management Policy. Ang layon nito: Tukuyin ang kabuuang pangangailangan sa tubig, upang maging wasto at episyente ang paggamit natin dito. At dahil binubuklod natin ang dating hiwa-hiwalay na mga ahensiya, naging iisa na rin ang kumpas at direksiyon ng ating mga hakbang para paunlarin ang sektor na ito. Sa araw pong ito, nasaksihan natin ang isa na namang patunay sa inisyatiba nating masagad ang benepisyo sa ating mga Boss: Ang paglagda sa mga kontrata ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System para sa Bulacan Bulk Water Supply Project. Ito po ang ikalabindalawang Public-Private Partnership project na na-award sa ilalim ng ating administrasyon, at ang kauna-unahan namang awarded PPP project sa ating water sector. Layon po ng P24.4 bilyon proyektong ito na makapaghatid ng malinis na tubig sa 22 water districts sa 21 munisipalidad at tatlong lungsod dito po sa inyo sa Bulacan. Baka naman po dapat sabihin ko, “Dito po sa atin sa Bulacan” dati dito po nagmula ‘yung Cojuangco sa Malolos. Magsusuplay ito ng tinatayang 388 milyong litro ng tubig kada araw mula sa Angat Dam. Ang bilang ng makikinabang dito, tinataya po sa 3 milyong residente ng Bulacan. Bukod naman sa pagtugon sa pangangailangan sa tubig ng inyong probinsiya, makakatulong din ang proyektong ito sa kalusugan ng mga Boss nating Bulakenyo. Dahil mas malawak na ang saklaw ng serbisyo ng MWSS, mababawasan na natin ang paggamit ng tubig mula sa deep well at groundwater aquifers, na ayon po sa pag-aaral ng National Water Resources Board ay nakokontamina na raw ho ng tubig-dagat. Ito pong Bulacan Bulk Water Supply Project ay bahagi lamang ng tinatawag nating Water Security Legacy Program ng MWSS. Layunin ng programang itong tugunan ang suliranin mga imprastrukturang pantubig at distribusyon ng tubig. Kung maaalala po ninyo, noong 2012, nakumpleto na natin ang Angat Water Utilization and Aqueduct Improvement Project Phase 2. Nito namang Hulyo ng 2015, ininspeksiyon natin ang isasagawang rehabilitasyon sa Angat Dam and Dike. Sa ngayon, ongoing din ang bidding para sa Angat Water Transmission Improvement Project, at malapit na rin nating umpisahan ang bidding para sa Kaliwa Dam. Napakahalaga nga pong masiguro natin ang maayos na supply ng tubig sa bansa, lalo pa’t pinaghahandaan at tinutugunan natin sa kasalukuyan ang banta ng El Niño. Makakaasa po kayo, ginagawa po ng inyong gobyerno ang lahat upang magtuloy-tuloy ang serbisyo ng tubig para sa ating mamamayan. Siyempre, kompiyansa tayong maisakatuparan ang ating magagandang programa dahil sa mga katuwang natin sa agenda ng malawakang reporma. Mapalad nga po tayo at mayroon tayong kabalikat na tulad ni MWSS Administrator Gerry Esquivel sampu ng kanyang mga tapat na kasamahan. Kita n’yo naman po, anumang putik ang ibato sa kanya, buong-loob niyang hinaharap, dahil batid niyang nasa panig siya ng tama at makatwiran. Bilang lingkod-bayan, talagang malinaw sa kanya ang obligasyong kailangan niyang tuparin, at ang serbisyong nararapat niyang ihatid sa ating mga Boss. Kaya kay Administrator Gerry Esquivel: Maraming salamat sa iyong sigasig at propesyonalismo. Gayundin po, taos-puso tayong nagpapasalamat sa bawat ahensiya’t organisasyon mula sa pribado at pampublikong sektor, na nakikipagkapit-kamay o kapit-bisig para makamit natin ang tagumpay para sa proyektong ito. Talaga naman pong pinatutunayan ninyo: Sa Daang Matuwid, hindi lang patak-patak ang ambagan ng bawat isa—buhos-buhos ang tulungan at suporta ng lahat upang makamit natin ang kolektibo nating mithiin para sa sambayanang Pilipino. Muli, maraming salamat po sa inyong lahat. Sa punto pong ito, gusto ko lang bigyan ng pansin ang mga ginagawa po ng ating butihing kaibigang si Ramon Ang. Alam po n’yo, may mga kuwestiyon kunwari sa kuryente sa Mindanao. Hindi ko na ho papasukan ‘yung detalye kung bakit hindi ganoon kadaling ilutas iyon, pero maiiwan po natin na di-hamak na napakaganda ng sitwasyon sa Mindanao kaysa sa ating pong dinatnan. Ngayon po, [kapag] may pangangailangan po ang Pilipino, [ang] mga kumpanyang sa pangunguna po ni Mr. Ang, tinulungan tayo. Binabago na ‘yung tinatawag na modelo sa ating kuryente na kailangan munang naibenta na lahat ng ipo-produce na kuryente bago itayo ‘yung planta. Siya po ay may mga itinatayo nang electrical power plants na sasama doon sa competitive bidding para maibenta ‘yung kanilang produkto. In short, kung kinukulang na, tinutugunan na niya pati ‘yung kakailanganin natin sa hinaharap. Iyon pong bidding doon sa Cavite-Laguna na expressway, halos doble ‘yung kanilang bid. ‘Yung bid po, ‘yung premium na tinatawag, napunta siyempre sa kaban ng bayan. Bagama’t natalo ho siya sa second round ng bidding, hindi naman ho nagtampo sa atin pero naitama ‘yung presyo para sa sambayanang Pilipino. Pati ho itong tubig. Iyong transmission, kung tama ang tanda ko, iyong pinakabago doon sa tunnels 1968? ‘Yung pinakaluma po sa transmission tunnels, 1932 po, taong ipinanganak ang tatay ko. Tapos, ‘yung ‘68 ang pinakabago. ‘Yung ‘68 naman po, halos doon kami napanganak ng aming mga kaklase. Ngayon, puwede naman hong hindi natin inintindi ‘yan, bahala na ‘yung papalit sa akin. Baka sabihin ko, “Ang daming ipinamana sa aking problema. Baka naman ‘yung susunod sa akin, boring ang buhay kung wala siyang problema. Ipasa ko na rin sa kanya.” Pero ang punto ho noon: Maghanap tayo ng ating kagamitan, kung 1968, parang singkuwentang taon na ho halos na nagagamit pa nang maayos. Siyempre ho, may wear-and-tear na tinatawag. Delikado na ho iyan, iba na ang kondisyon. Sa punto ho nito, lahat ng ginagawa natin sa kasalukuyan manigurado na ‘yung papalit sa atin ay bawas na ang problema. Ang paniniwala po natin, ‘yung problemang hindi tinutugunan ngayon, naipapasa sa susunod, tuloy ang pahirap sa kapwa natin Pilipino, at hindi tama ‘yon. Hindi dapat gano’n ang gawin ng gobyernong binigyan ng poder ng sambayanan. Hayaan n’yo lang pong idiin ko: Bilang ama ng bayan, tungkulin kong itaguyod ang makabubuti sa mas nakakarami parati. Ang tutok natin, hindi pagpapapogi, hindi sa pagpapanatili ng sarili sa puwesto, kundi sa pagtugon sa tunay na pangangailangan ng atin pong mga kababayan, hindi lang ngayon, kundi maging sa mga susunod pang henerasyon. Anumang reaksiyon, gaano man katindi ang mga batikos na matanggap natin sa mahihirap na desisyon, buong-loob nating tinutupad ang sinumpaan nating tungkuling magsilbi nang tapat sa atin pong mga Boss, ang sambayanang Pilipino. Palapit na nga po nang palapit ang sangandaan na muling haharapin ng bayan sa pagpili ng mga bagong pinuno ng ating bansa. Ang tanong: Tutuloy ba tayo sa pagbagtas sa Daang Matuwid, o kakabig pabalik sa masalimuot na sitwasyong ating dinatnan? Nakita natin ang resulta ng kalakarang baluktot, unahan, at kanya-kanya. Gayundin, saksi tayo sa positibong bunga ng sistemang tuwid, tulungan, at may malasakit sa isa’t isa. Buo naman po ang tiwala ko: Batid ng Pilipino ang tamang direksiyong nararapat tahakin ng ating bansa. Pilipino pa rin ang magdadala sa katuparan ng kolektibong pangarap natin para sa mas maunlad at mas maginhawang Pilipinas. Magandang araw po. Maraming salamat sa inyong lahat. |