January 20, 2016 – Interview of Sec. Coloma – RMN
INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR. |
RMN / Straight to the Point by Rod Marcelino & Einjhel Ronquillo |
20 Jan 2016 |
RONQUILLO: Good morning po, Secretary Sonny Coloma.
SEC. COLOMA: Magandang umaga sa inyo, Einjhel at Rod. MARCELINO: Opo, Secretary, magandang umaga po. RONQUILLO: Secretary, dahil nga sinasabi ‘no na sa January 27 ay muling mabubuksan iyong imbestigasyon dito sa Mamasapano incident. Ano po ang masasabi ninyo ‘no, ng office sa Presidential Communications, na kung saan may hawak daw po na mga ebidensiya itong si Senator Enrile na alam daw ni PNoy o involved siya sa planning ng Mamasapano operations? SEC. COLOMA: Sa simula’t sapul, Einjhel at Rod, ay naging bukas at hayag ang pamahalaan hinggil sa mga kaganapan sa Mamasapano. Sa maraming pagkakataon ay gumawa ng pampublikong talumpati ang ating Pangulo, sumagot sa tanong mg media at nagbigay din ng reaksiyon sa iba’t-ibang ulat na nailahad tungkol dito. Kaya’t kung anuman ang gusto pang itanong, kung anuman man ang gusto pang malaman ng ating Senado, partikular si Senador Juan Ponce Enrile, nandiyan po iyong buong kahandaan ng pamahalaan na sagutin ang kanilang mga tanong. RONQUILLO: Pero tingin n’yo po ba, Secretary Coloma, ito po ay tila ganti nitong si Senador Enrile. May mga nagsasabi kasi dahil ang kanyang administrasyon ang nagpakulong sa kanya regarding naman daw po dito sa PDAF scam? SEC. COLOMA: Nung una pong tinanong si Pangulong Aquino ng mga peryodista, iyan po ang bahagi ng kanyang katugunan, na sa kanyang pananaw maaring may motibasyong politikal sa likod ng pagbubukas muli ng pagsisiyasat at nagbigay rin po ng karagdagang paliwanag at pahayag si Pangulong Aquino sa pamamagitan din po ng mga pahayag na aking ginawa sa mga sumusunod na araw. RONQUILLO: Opo, pero tingin n’yo po ba na ito pong reinvestigation ng Mamasapano incident ay magiging detrimental po sa administrasyon ni Pangulong Aquino, talking of ratings? SEC. COLOMA: Malinaw po ang paninindigan ng Pangulo, sa lahat ng pagkakataon ay ginagawa niya iyong tama at makatuwiran at makatarungan para sa ating mga mamamayan at iyon naman pong mga ratings hindi naman po iyon iyong pangunahin niyang layunin. Basta po para sa kanya ay mahalaga iyong pagganap sa kanyang sinumpaang tungkulin, iyong patalima sa Saligang Batas at sa lahat ng mga batas dahil siya nga po ang Chief Executive o Punong Tagapagpaganap ng lahat ng batas sa ating bansa. MARCELINO: Pero, Secretary, sa tingin ninyo tapos na itong isyu ng Mamasapano, especially doon sa pangyayari? SEC. COLOMA: Noon pong March 26, 2015 ay nagbigay ng pahayag si Pangulo, bahagi ng kanyang talumpati sa pagtatapos sa Philippine National Police Academy, at sinabi niya noong panahong iyon na iyon na ang kanyang huling pagsasalita hinggil sa paksang iyan. Noong September 8, 2015 tinanong po siya ng yumaong editor ng Philippine Daily Inquirer, Letty Jimenez-Magsanoc, sa isang interview kung siya ay meron ng closure o sa tingin niya ay sarado na iyong usapan at sinabi ng Pangulo na meron siyang gustong linawin na isang aspeto ng mga nangyari doon na binansagang ‘alternative version.’ At ito naman, kung ilang araw lang ang nakaraan mula nung ipinahayag niya iyan kay Letty Magsanoc, ay nagtalumpati muli siya para ipaliwanag kung ano ang nalaman niya hinggil doon sa bagay na kanyang binanggit. RONQUILLO: Paano po, Secretary, kung sa reinvestigation nga po nitong Mamasapano incident ay maipursige iyong sinasabi nung una pa man din na itong si Pangulong Aquino ay ultimately responsible dahil doon naman sa aspeto ng tinatawag na Chain of Command? SEC. COLOMA: Kailangang linawin ang mga konseptong iyan dahil merong mga implikasyong legal. Merong mga sinasaad sa batas kung ano ang ibig sabihin ng Chain of Command. Noong nakaraang ipinaliwanag ni dating Justice Secretary Leila De Lima na patungkol sa Philippine National Police ay walang probisyon na kahalintulad ng Chain of Command at ang applicable na probisyon ay iyong pagiging Chief Executive ng Pangulo at iyong PNP, bilang bahagi din ng DILG, ay kasama sa sangay ng Ehekutibo na pinangangasiwaan ng Pangulo. Kaya dapat linawin iyong pagkakaunawa niya sa mga konseptong iyan. RONQUILLO: Regarding this, dahil nga po malapit na po ang anibersaryo nitong Mamasapano incident, meron na po bang plano itong ating Pangulo sa unang anibersaryo po ng nasabing insidente, Secretary? SEC. COLOMA: Wala pang partikular o specific na plano. Kung anuman ang isasagawa sa araw na iyan ay magbibigay naman ng napapanahong anunsyo, Einjhel. MARCELINO: Opo. Secretary, sa benepisyo naman ng mga pamilya ng biktima. Kasi kahapon po ang sinasabi, ibibigay na. Tama po ba, Secretary? Iyon iyong mga benepisyo ng mga ito. At iyong ilan ang sinasabi eh bakit ngayon lang daw po inilibas iyong pondo? Kumbaga, parang tinayming sa nalalapit na anibersaryo at sa kasagsagan din ng isyu dito sa re-opening ng investigation. SEC. COLOMA: Paglilinaw po ‘no, galing sa kinauukulang sangay ng pamahalaan: Lahat po ng mandatory benefits – ito po iyong nakasaad sa batas – ay nai-release na po ng National Police Commission at ng Philippine National Police as of April 2015. Marami po iyan ‘no, mayroong special financial assistance, commutation of accumulated leave credits, iyong mga monthly at back-earned pensions, burial and gratuity assistance, public safety mutual benefit fund. Marami po iyan ‘no. MARCELINO: At walang halong pulitika? SEC. COLOMA: Wala po. MARCELINO: Opo, opo. Doon naman sa pagbibigay ng “Medal of Valor” dito sa mga na-survive po, kasi isa din iyan sa mga maiinit na naging usapin po. SEC. COLOMA: Hintayin na lang po natin ang magiging opisyal na pahayag ng Philippine National Police hinggil diyan. Hindi pa po kumpleto iyong proseso nila. RONQUILLO: Dito naman po tayo, Secretary. Doon sa isyu na pag-veto ni Pangulong Aquino doon sa SSS pension hike, kung saan nga po marami tayong retirado, mga pensiyonado ang naglabas ng hinanakit dahil nga po sa ginawang pag-veto ng Pangulo dito sa— MARCELINO: Marami ding nagsasagawa ng protesta. SEC. COLOMA: Kailangan pong unawain ng ating mga mamamayan na mahalaga iyong pananatiling matatag noong pondo ng SSS, dahil ito po ang pinanggagalingan ng benepisyo nang mahigit sa tatlumpung milyong miyembro. Hindi po dapat na ang pananaw lang ay para doon sa 2.1 million pensioners. Mahalaga po silang bahagi ng SSS, pero paano naman po iyong kabuuan ng membership ng SSS; hindi lang naman po sila iyon. MARCELINO: So anong plano ho ngayon ng Pangulo, especially dito po sa mga senior citizens na nagtatampo at inilalabas iyong kanilang hinaing dahil hindi nga inaprubahan po ni Pangulong Aquino iyong proposed bill na dalawang libong pagtaas sa kanilang pension? Siya po ba ay mag-uutos sa SSS para aprubahan na rin iyong P500, o iyong P1000? SEC. COLOMA: Well, patuloy pa pong pinag-aaralan ng SSS, dahil mahalaga din iyong implikasyon nga po nito doon sa katatagan ng kanilang pondo at dahil nga po ang bina-balanse palagi dito ay iyong kontribusyon at iyong benepisyo. Kaya hintayin na lang po natin iyong detelyadong pag-aaral hinggil diyan. MARCELINO: Pero so far, sa ngayon ay wala pang konkretong desisyon dito iyong Pangulo, Secretary? SEC. COLOMA: Wala pa po. At mahirap naman pong magbigay ng false hope at mangako nang wala pang katiyakan. MARCELINO: Opo. At even nga si Senador Serge Osmeña kahapon ay naglabas din po ng statement kung saan isa din siya sa mga bumoto rito na pabor sa pension hike. Pero sabi niya kahapon, mukhang tama ang ginawa ng Pangulo kasi iniisip ng Pangulo ay iyong kapakanan ng karamihan. SEC. COLOMA: Ganoon nga po ang ating natunghayan. Hihingi lang ako ng paumanhin, Einjhel at Rod, dahil talaga pong kailangang—alam mo na kung … MARCELINO: Magsisimba po kayo. Sige po, sige po, Secretary. Thank you po sa inyong oras. RONQUILLO: Salamat po, Secretary. SEC. COLOMA: Maraming salamat. |
SOURCE: NIB-Transcription |