January 29, 2016 – Sec. Coloma’s Press Briefing Transcript
PRESS BRIEFING BY PCOO SECRETARY SONNY COLOMA |
Press Briefing Room, New Executive Building, Malacañang |
29 Jan 2016 |
BANGSAMORO BASIC LAW
Weng de la Fuente (Net-25): (record starts)…nangangamba sila na baka hindi na makakapasa ‘yung BBL, so how does the Palace take this? SEC. COLOMA: Kung ano man ang pinal na kahihinatnan ng panukalang Bangsamoro Basic Law, hindi natitinag ang determinasyon ni Pangulong Aquino na itaguyod ang prosesong pangkapayapaan, at patuloy pa rin ang paghimok sa lahat ng sektor ng ating lipunan at sa lahat ng mga stakeholders to give peace a chance. Ms. de la Fuente: Pero kung hindi po ito mapapagtibay, paano po ang magiging… Sabi nga natin kasi may kasunduan tayong pinasok sa MILF, so mabibigo lang ‘pag hindi napagtibay itong batas ito, hindi po ba (kayo) nangangamba na baka bumagsak ‘yung kasunduan? SEC. COLOMA: Lahat ng maaaring gawin ay gagawin upang mapanatili ‘yung mataas na antas ng kamulatan hinggil sa kahalagahan ‘nung pagpapanatili sa kaayusan at kapayapaan, dahil ‘yung prosesong pangkapayapaan, maaantala ito kapagka nagkaroon ng mga insidente ng karahasan. Kaya mahalaga na mapanatili ‘yung pagiging mahinahon at pagiging mapagrespeto sa isa’t isa ang mga partidong involved dito sa nabuong kasunduan hinggil sa Bangsamoro at patuloy pa rin ‘yung pakikipagdiyalogo sa lahat ng mga sektor, sa lahat ng mga may sangkot o partisipasyon dito, dahil nasa interes naman ng lahat na itaguyod pa rin ‘yung prosesong pangkapayapaan. Maaalala natin, sinabi rin naman ni Pangulong Aquino na kung hindi man maging ganap ‘yung pagpapatupad sa buong proseso ngayon, nananalig naman siya na maipagpapatuloy pa rin ito dahil ‘yung momentum for peace ay mahirap nang hadlangan. Mayroon na at umani na tayo ng malawak na suporta mula sa maraming bansa, at maging ang mga ibang bansa na lumalahok dito sa prosesong pangkapayapaan, tiyak na ipaparating nila sa lahat ng mga may taya rito ‘yung kahalagahan na kailangang ipagpatuloy ito. Ms. de la Fuente: Pero paano po ‘yung legacy na iiwan ng Pangulo? Parang tinitingnan po kasi itong BBL at ‘yung peace process na kabuuan as the legacy of the administration. SEC. COLOMA: Kung titingnan natin ‘yung pangkalahatang larawan, hindi natin masasabing nagkulang si Pangulong Aquino sa kanyang pagiging determinado na itaguyod ang prosesong pangkapayapaan at nananalig naman siya na makatuwiran ang ating mga mamamayan sa pagtanaw at pagturing sa mga kaganapang nasaksihan natin sa kasalukuyan. Ms. de la Fuente: So, sir, ibig sabihin ba back to zero ito pagpasok ng bagong administrasyon? SEC. COLOMA: Sa aking palagay mahirap nang sabihin pa ‘yung ‘back to zero’ dahil napakalayo na ng narating, at sinoman ang magiging susunod na Pangulo ay tiyak na kikilalanin niya na marami nang—na malaking progreso na ang natamo rito at hindi nga magiging makatuwiran na aatras pa tayo. Dapat lang ay isulong at ipagpatuloy ‘yung naumpisahan na para maging ganap ‘yung pagtamo ng mga layunin ng prosesong pangkapayapaan. Ms. de la Fuente: Ano pa po ‘yung pwedeng gawin ng administrasyon sa nalalabing bahagi ng termino na sabi nga ay bahagi ng napagkasunduan kahit hindi po mapagtibay itong BBL? SEC. COLOMA: Pwede naman tayong… Pwede namang pag-usapan kung ano pa ‘yung mga ibang tinatawag nating ‘confidence building measures’ na magpapakita doon sa good faith at kahandaan ng lahat ng mga sektor na pairalin ‘yung kapayapaan at sa aking palagay naman ay magiging mahinahon ang ating mga kasama dito sa prosesong ito. At tandaan natin na kaya tayo nakarating dito ay malawak ay inaning suporta nito; mayroon pang multisectoral group na kung saan nag-participate ang iba’t ibang stakeholders pati ang simbahan, pati ang civil society, at sila rin naman ay gusto ring maisulong itong prosesong pangkapayapaan. JAPANESE IMPERIAL COUPLE’S PHL VISIT Ms. de la Fuente: Sir, on another issue po. How would you assess the visit of the Japanese Imperial couple? SEC. COLOMA: Ang pagdalaw dito nina Emperor Akihito at Empress Michiko ay higit pang nagpatibay sa anim na dekadang diplomatic relations ng Pilipinas at Japan, lalong naging matatag ang ating people-to-people friendship and cooperation, at talaga namang ang Imperial Majesties—Emperor and Empress of Japan—ay nagsilbing exemplars or role models sa pagiging mapagkumbaba at sa pagiging tagapagtaguyod ng pagkakaibigan at kooperasyon sa pagitan ng Japan at ng Pilipinas. Ms. de la Fuente: So ano po ang masasabi ninyo sa naging pakinabang ng bansa natin sa pagbisita nila? SEC. COLOMA: Well, sila ang simbolo ng Japanese nation and people; dala nila ‘yung tremendous goodwill at ‘yung pagnanasa ng kanilang bansa na gawing mas matibay pa ‘yung umiiral na na pagkakaibigan at kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa. Sila na ang ating biggest trading partner, pinakamalaki ring official development partner. Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy silang tumutulong sa mahalagang proyekto nating pang-imprastruktura at sa pagtatamo ng kapayapaan. Kaya’t sa lahat ng larangan ang Japan ay talagang tumitindig bilang strategic partner at ang pagdalaw ng kanilang Emperor at Empress ay nagpatibay at nagpatatag pa nang higit sa relasyon ng dalawang bansa. Ms. de la Fuente: Ihahatid rin po ba sila sa Sabado? SEC. COLOMA: Oo. HUMAN RIGHTS Ms. de la Fuente: Sir, baka may statement po kayo doon sa human rights report? SEC. COLOMA: Ang Pangulong Aquino ay personal na dumanas ng maraming human rights violations inflicted upon his family and his late father. Kaya sa kanyang panunungkulan ay ginawa niyang batayang prinsipyo ‘yung paggalang sa mga karapatang pantao; pinalakas ‘yung imprastraktura sa pagtatanggol sa mga karapatang pantao sa pamamagitan ng pagtatatag sa Commission on Human Rights. Ayon sa ulat ng Komisyon, sila ay nakapagpababa na ng dami ng mga kaso ng human rights violations. Naalala ko sometime midterm, 2012 or 2013, nagtatag si Pangulong Aquino ng isang interagency task force na pinamunuan ni dating Justice Secretary Leila de Lima. Nirepaso lahat ‘nung mga prominenteng kaso ng extrajudicial killings at mga paglabag sa karapatang pantao na naisagawa noon pang mga nakaraang administrasyon at nakapagsampa ng mga kaukulang kaso sa mga sangkot dito. Kaya’t hindi makatuwiran na sabihin na hindi umusad ‘yung ating pagpapatatag ng human rights. Noong ika-40 anibersaryo ng Martial Law ipinagdiwang ito sa Fort Magsaysay, Laur, Nueva Ecija. Ang venue na pinagdausan ay ‘yung Aquino-Diokno Center for Human Rights. Ito pong sentrong ito ay dating solitary confinement facilities na kung saan ikinulong sina dating Senador Benigno Aquino, Jr. at Jose Diokno noong Martial Law. Ngayon po ito ay isang pasilidad ng Armed Forces of the Philippines para itanghal ang kahalagahan ng karapatang pantao. ‘Yan po ang mahahalagang pag-usad o pag-abante ng human rights protection sa ilalim ng Aquino administration. Ms. de la Fuente: So hindi po patas sabihin na walang ginawa ang administrasyon? SEC. COLOMA: Maaaring ang kanilang pinupuna ay ‘yung mabagal na pag-usad ng mga kaso at ito namang bagay na ito ay tinutukoy na ng ating Supreme Court. Bunsod ito ‘nung tinatawag nating ‘systemic weaknesses’ ng criminal justice system at ang Supreme Court na po ang tumutukoy dito. |
SOURCE: Presidential News Desk |