INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
DZRB – Radyo ng Bayan / “Kaagapay ng Bayan” with Marie Peña-Ruiz and Oliver Abelleda
18 June 2016
QUESTIONS AND ANSWERS:

Ms. Ruiz: Sir, meron kasing lumabas na balita kahapon. ‘Yung Mayor po ng Jolo diumano’y meron daw mga sundalo na nakikipag-sabwatan sa Abu Sayyaf at sila daw po ay tumatanggap ng bahagi ng ransom na nakokolekta mula sa kidnap victims. Nanawagan din po ‘yung alkalde sa ating gobyerno na imbestigahan itong military men na kasabwat daw ng ASG. Is the Aquino administration taking this allegation seriously or hayaan na lang natin po ‘yung incoming administration na magsiyasat dito sa alegasyon na ito po?

SEC. COLOMA: Kailangan siguro, Marie ‘no, unawain muna natin ‘yung konteksto kasi hindi naman magaan na mapakinggan lang ‘yung mga ganyang salita ano. Medyo mabigat yata ‘yung paratang na nakapaloob diyan. 

Paano naman kung basta-basta na lang natin tatanggapin ‘yan. Ang sagot agad natin imbestigasyon. Hindi naman yata makatwiran ‘no dahil nakikita naman natin na isinasagawa ng pamahaalaan ang nararapat at nag-uukol tayo ng puspusang pagsisikap sa pagtugon sa problema. 

Nais kong ibahagi ‘yung posisyong inilahad ng ating Armed Forces hinggil diyan kung inyong papahintulutan. 

Ms. Ruiz: Go ahead, Sir.

SEC. COLOMA: Ito ‘yun ano: “Our Armed Forces and police have been at the forefront of the fight against all kidnap-for-ransom groups and the Abu Sayyaf Group for a long time. We have lost so many servicemen in the process. We do not doubt the dedication and commitment of our troops. In addition, commanders on the ground are in full control of our troops and are focused on their primary mission of getting these criminals and saving the hostages. 

There is also an established system to ensure no spies and traitors are in our ranks. There also exist strong measures to deal with those who have found to have violated their oath. The accusation can undermine government efforts against these criminals and we will hold the one who released the statement accountable if they can’t substantiate their allegations – the ones who released such statements accountable if they can substantiate their allegations.

Local government officials are at the lead of addressing peace and order in their community with the police and the AFP as partners. This cooperation and partnership is the cornerstone in coming up with a permanent solution to this perennial problem of lawlessness in their communities. 

Local officials should also come up with socio-economic plans that can help the citizens veer away from supporting these crime groups when they share the money received from kidnapping. After all, peace and order is their primary responsibility in their respective provinces.” 

So ‘yan ang pahayag ng ating Sandatahang Lakas, Marie at Oliver. (…) Walang katwirang ‘yung basta-basta lamang magbibitiw ng mga ganyang paratang na para bang nagka-cast doubt o naglalagay ng ulap ng agam-agam, para bang tinatawaran ‘yung ginagawang pagkilos ng ating mga sundalo ‘no. 

Siguro kung merong ganyan, ipagpaalam na lamang sa mga awtoridad. Gawan ng kaukulang hakbang at ‘wag namang gawin ‘yan bilang pag – para bang pagtawad, parang binabawasan ‘yung halaga ‘nong puspusang pagsisikap ng ating mga magigiting na sundalo na inuukol ‘yung kanilang husay sa pagtatanggol sa seguridad ng ating bansa. 

Ms. Ruiz: Siguro hayaan din natin doon sa hanay ng AFP kung meron ngang… Siyempre sometimes there are rotten eggs also. So, siguro sila na ang bahala, sir.

SEC. COLOMA: Ang nakapaloob naman doon sa pahayag ng ating Sandatahang Lakas ay talaga namang tinututukan din nila ‘yan at hindi naman sila nagpapabaya sa aspetong ‘yan.

Ms. Ruiz: Sir, kagabi ‘yung mga lider ng Moro Islamic Liberation Front at nakipagpulong kay incoming President Duterte. Sa tingin niyo ito ay ituturing niyo ba na positive development in peace front?

SEC. COLOMA: Lahat namang ng hakbang na hahantong sa pagpapatatag at pagpapatibay sa ating peace-building process, Marie, ay dapat na bigyan ng suporta ng ating sambayanan. Lalong lalo na kung ito ay inisyatiba na ng papasok na administrasyon. Nakakagalak naman para sa atin na makita na sila ay masigasig din sa pagtataguyod ng prosesong pangkapayapaan. At sana’y lumawig pa ang mga pagsisikap na ito.

Mr. Abelleda: Sir, sa ibang issue naman po. Tungkol po doon sa pag-veto po ng ating Pangulo doon sa panukalng dagdag sweldo po ng mga local nurses. Kasi sabi po ng mga labor recruiters, asahan na daw ho na mas dadami ‘yung mga nurse na mag-aabroad matapos nga po na i-veto ng ating pangulo ‘yun pong panukalang ‘yun na dagdag sweldo sa local nurses, sir.

SEC. COLOMA: Unawain natin muli ang background at konteksto nito. Una, ang katwiran ng pag-veto ng pangulo. Hindi makatarungang itaas lamang ang paunang sahod ng nurses sa salary grade 15. Maraming kapantay at kasing-halagang posisyon, tulad ng guro, doon sa hanay ng mga posisyon sa pamahalaan. 

Ikalawa, ang in demand sa ibang bansa na nurses ay ‘yung mga may karanasan na at may kaalaman sa spesyalidad. 

Halimbawa ICU nurses. Ito po ang salaysay ng DOLE at ng mga kinatawan ng industriya ‘no. Oo nga, in demand sa ibang bansa ang mga nurses, pero hindi naman basta-basta nars. Ang kinakailangan ay ‘yung merong sapat na karanasan at kaalaman sa spesyalidad. 

Dahil dito, kailangan pa rin mag-trabaho muna sa Pilipinas upang magkaroon ng sapat na karanasan bago makapag-apply sa ibang bansa. Kaya ‘yun naman ang nangyayari sa kasalukuyan. 

Marami sa ating mga graduate ng nursing dito muna sa ating bansa nag-iipon ng karanasan at para matutunan nila ‘yung mga gawain at mag-qualify sila doon sa mga iniaalay na posisyon, maging dito o sa ibang bansa. 

Ikatlo, tinutugunan na ng pamahaalan ang pagpapataas sa sahod ng mga nurses, guro at iba pang kawani. Maaring maabot ‘yung inaasam na mas mataas na sahod kung maayos ang trabaho dahil sa bagong oryentasyon sa pamahalaan na performance-based compensation. 

Ibig sabihin patungo na naman doon, palapit na doon sa kanilang inaasam na pinaka-mababang sweldo. Matatamo naman ito pagkatapos ng ilang taon ng pagtatrabaho at ‘yun namang kabuuang sahod ng mga nurses at iba pang mga kahalintulad na propesyon ay naingat na rin ang antas ng kanilang sahod. 

Kaya linawin lang natin ‘yung tatlong puntong ‘yun, Oliver.

Ms. Ruiz: Sir, may tanong tayo from Aileen Taliping of DWIZ. May panawagan daw po na buwagin ang Commission on Human Rights kasi tila mas pinapanigan ang mga kriminal. Halimbawa dito ang napatay na umano’y hold-upper rapist sa halip na ipagtanggol ang dalawang bikitima na naging pasahero ng suspek. Marami kasi, sir, na parang nagtaas ng kilay, sabihin na natin, doon sa ‘yun nga ‘yung CHR na ipo-probe pa daw nila ‘yung pulis… na pagpatay doon sa mga rapists. Ano pong masasabi niyo dito po, sir?

SEC. COLOMA: Well, kailangan natin unawain ang sitwasyon, Marie at Oliver. Ano ba ‘yang CHR? Ang CHR ay Commission on Human Rights na itinatag na naayon sa batas at meron itong mandato na dapat gampanan para namang masyadong simple o casual ‘yung narinig ko sa inyong pananaw na kapag ang Commission on Human Rights sa ating bansa ay nagsabi niyan na kinakailangan pa ng pagsisiyasat, ay ang kagyat na tugon ay bubuwagin ito. Ano namang klaseng pananaw ‘yan?

Paano tayo nagkaroon ng ganong pananawa na ang isang batas, na isang independent office created by the Constitution of the Philippines, na ang primary function ay siyasatin all forms of human rights violation involving civil and political rights in the Philippines. Paano namang napakabilis ‘nong pagsasabi na buwagin ito? Saan kaya nanggagaling ‘yun? May katwiran kaya ‘yun? Samantalang, malinaw naman ang function nito.

Ito ay nagmula doon sa dating Presidential Committee on Human Rights established in 1986 by President Corazon Aquino at ang taga-pangulo sina Senador Jose Diokno at dating Supreme Court Justice J.B.L. (Jose Benedicto Luna) Reyes at doon nga sa Section 18, Article XIII ng Philippine Constitution. Sinasaad doon: The Commission is empowered to investigate all forms of human rights violations involving civil and political rights; adopt rules of procedure and issue contempt citations; provide appropriate legal measures for the protection of human rights of all criminals within the Philippines; and several other powers in relation to the protection of human rights.
Samakatuwid ay komprehinsibo naman ang mandato nito. Hindi naman ito nagtuturing. Lahat naman ng Pilipino, lahat ng mamamayan ay sakop nitong proteksyon ng ating Saligang Batas na dapat isakatuparan ng Commission on Human Rights. 

Baka naman dapat ay maghinay-hinay lang ‘yung mga napakabilis na tumalon sa mga konklusyon katulad ng nakapaloob sa tanong na narinig ko mula sa inyo.

Ms. Ruiz: Sir, follow up lang na tanong ni Aileen. Paano naman daw kasi ‘yung mga karapatang pantao ng mg nagiging bikitma?

SEC. COLOMA: Kasama rin sila. Kasi sakop ng Konstitusyon lahat ng Pilipino. Pati naman ‘yung mga biktima, pati ‘yung mga pulis, sakop po lahat ‘yan. Wala pong itinuturing. Gets ba natin ‘yun? Lahat po tayo sakop niyang trabaho ng Commission on Human Rights. Wala pong discrimination. Hindi po nagtu—Kung meron pong maling na ginawa ang sino man sakop po sila diyan. Hindi po pinapaboran ang iilan o iisang grupo. ‘Yan lang po ang ating paglilinaw. Kaya dapat po ay mag-hinay hinay naman at ‘wag naman ‘yung napakabilis sa paggawa ng konklusyon na ipaparinig pa natin dapat buwagin. Hindi naman po basta-basta ‘yan naitatag. Pinag-aralan nang husto sa ating… bago nailagay ‘yan sa ating Konstitusyon o Saligang Batas.

Mr. Abelleda: Sir, sa issue naman po ng trabao pa rin ‘to. Kasi may report po na pahayag po ng World Bank, sabi nila bagama’t dumami daw po ‘yung trabaho sa panahon ng administrasyong Aquino. Karamihan daw po sa available na trabaho ay mga temporary, casual tsaka ‘yung mga informal jobs daw po. Kadalasan, konti lang o wala silang sapat na social protection, sir. 

SEC. COLOMA: Oliver, mawalang galang lang ‘no. ‘Wag lang ipagdamdam ‘no. Tanungin ko lang. Naririyan ba ang buong statement na pinagbatayan ng tanong? 

Mr. Abelleda: Ang binabanggit, sir, nila doon na parang—

SEC. COLOMA: Kaya ko lang tinanong ‘yan kasi nagsaliksik din ako at inalam ko kung ano ‘yung kabuaan ng tinanong. Kasi pag ‘yan lamang ang narinig natin, tila baga mariin ‘yung pagpuna. Pero kung tutunghayan natin ‘yung buong salaysay, ‘yung buong istorya, balanse naman iyong ulat ng World Bank. 

Pwede ko bang isalaysay sa inyo ‘yung aking natuklasan sa aking pagsasaliksik. 

Mr. Abelleda: Yes, sir. Opo.

SEC. COLOMA: Ito kasi ‘yung sinabi ng lead economist ng World Bank ang pangalan niya ay Mr. Jan Rutkowski. Siya ang lead economist at the World Bank Social Protection and Labor Global Practice. 

Ito ‘yung unang bahagi ‘no: “Economic growth has created enough jobs to absorb the growing labor force.” At pangalawa: “There has been no increase in unemployment.” 

So ‘yan ‘yung overall picture. Ngayon, tanungin natin: Hindi ba napakahalagang accomplishment ito na ‘yung economic growth ay nakalikha na ng sapat na trabaho upang ma-absorb o matugunan ‘yung pangangailangan ng lumalaking labor force at hindi na nadagdagan ‘yung kawalan ng trabaho. 

Di ba’t ang pinanggalingan natin ay ‘yung sitwasyon na una, mabagal ‘yung economic growth, at ikalawa, dahil doon ay hindi na nakakalikha ng sapat ng trabaho. 

Di ba’t progreso na ito na tayo ay nakatamo ng sapat na economic growth. Tinuturing nga tayo na one of the fastest growing economies at tinuturing na rin tayong Asia’s Rising Star or Asia’s New Darling. At dahil nga natugunan natin at hindi na nag-iincrease ‘yung unemployment. 

Ngayon kapag narinig natin ‘yun, magiging mas balanse ‘yung pagturing natin diyan. Kasi ang karugtong na sinabi doon sa pangungusap na ‘yun “but the problem has been that the quality of jobs were not meeting the aspiration of young people entering the labor market. There’s still a lot of informal, low-paying jobs.” 

Siguro ‘yan na ‘yung tinutkoy ng tanong, Oliver.

Mr. Abelleda: Opo, sir. Tama po, sir.

SEC. COLOMA: Kaya karagdagan pa rin, ito pa ‘yung karagdagang sinabi ni Mr. Jan Rutkowski: “The answer boils down to two things – the way to reduce poverty is to increase the capacity of the poor by investing in their education and skills.” Dapat daw ‘yung pamahalaan ay mamuhunan sa edukasyon at sa pagpapahusay ng skills set ng mga kabataan. 

At pangalawa, dapat daw ‘yung gobyerno ay dagdagan– Sinabi niya: “The government needs to enhance productive job opportunities through lowering the cost of doing business and making labor regulations more conducive to economic structuring.”

Dagdag pa niya, in particular, Mr. Rutkowski said that “the K to 12 education reform introduced by the Aquino administration would stand to better equip young Filipinos with the skills needed to secure better paying jobs in the formal sector.” 

Samakatuwid, sinagot na rin niya ‘yung tanong niya. ‘Yung sabi niya kinakailangan ay magkaroon ng pagbabago. Ang pagbabagong kinakailangan ay ‘yung sa pag-ayos ng sistema ng edukasyon para maging katanggap-tanggap ang mga kakayahan ng mga graduate. At ang solusyon ay ‘yung K to 12 education reforms. 

Samakatuwid, kung ang tinunghayan natin ay ‘yung buong salaysay ng sinabi ng economist ng World Bank, binuo naman niya ‘yung larawan. Hindi lang naman siya pumupuna. Tinukoy na rin  niya ‘yung kung ano ang konkretong aksyon ng pamahalaan para tugunan ‘yan. 

Karagdagan pa, sinabi ni Mara Warwick, World Bank Country Director for the Philippines, siguro medyo mas mataas ito kaysa kay Mr. Rutkowski: “The Philippines is well positioned to initiate these changes backed by sound macro-economic fundamentals and robust growth.” 

Samakatuwid, hindi naman puro pagpunawa ginawa nila Ginoong Rutkowski at ‘yung si Director nilang si Mara Warwick. Tinukoy din na ginagawa na ng pamahalaan ang nararapat para tugunan ‘yung sitwasyon na ‘yan.

Ms. Ruiz: Sinasabi nga rin ‘nong Mara Warwick sir, na contrary daw to some perceptions, economic growth in the last ten years created enough jobs to absorb the growing labor force.

SEC. COLOMA: ‘Yun nga ang tinutukoy natin. Dahil kung ‘yung unang bahagi lang ng salaysay, parang hindi na naman balanse, parang sinasabi ay wala pa ring nagawa. Kaya mahalaga naman ‘yung pag-unawa sa buong salaysay ng World Bank hinggil diyan, Marie. 

Ms. Ruiz: Sir, may mensahe ba kayo sa publiko, sa June 22 ay ipapatupad ‘yung ikalawang Metro Shake Drill ng MMDA. 

SEC. COLOMA: Pinaghahandaan ‘yan ng lahat ng mga kinauukulang ahensya ng ating pamahaalan. Sa pangunguna ng Metro Manila Development Authority at sinusuportahan din ‘yan ng ating National Disaster Risk Reducation and Management Council, at pati rin ng ating DILG. 

Dahil sa darating na Martes ay magkakaroon ng simulation ng isang matinding earthquake. Kung hindi ako nagkakamali ang kanilang scenario dito, Marie at Oliver, ay isang 7.2-magnitude earthquake at nais nila na maging maayos ang pag-participate ng ating mga mamamayan kaya’t dapat siguro ay antabayanan ang iba’t ibang mga anunsyo, iba’t iba kasi ang sitwasyon. 

‘Yung Metro Manila ay hinati-hati sa iba’t ibang quadrant. Merong mga local application itong Shake Drill. Ang mahalaga diyan ay mag-participate lahat ng mga mamamayan. 

Ang objective kasi dito ay ‘yung ganap na paglahok ng pinaka-maraming mamamayan. Dahil dito lamang sa ating National Capital Region, 14 million ang tinatayang total daytime population, kasama na ‘nong mga nagta-trabaho lamang at umuuwi din sa mga lalawigan. Kaya’t dinamay na rin pati ‘yung mga kalapit na lugar sa Metro Manila, tulad ng mga lalawigan ng Bulacan, Laguna at Cavite dahil apektado rin naman siguro sila sa mangyayari. 

Ang mahalaga dito ay ‘yung kasapatan ng kahandaan ng ating mga mamamayan. 

Ang isa pang pagbabago na nais gawin ng ating mga awtoridad dito ay ‘yung pagkakaroon ng debriefing or assessment session pagkatapos ‘nong ehersisyo. Kasi dapat din na dinggin ang mga pananaw ng mga lumahok kung naging tama ba ‘yung… kung ano ang kanilang naranasan at kung sa palagay nila ay nadagdagan ‘yung kanilang kaalaman na bunsod ng kanilang paglahok doon sa Shake Drill. 

So ‘yan ang mga refinement na isasagawa pa at muli nananawagan tayo sa ating mga mamamayan, lalong-lalo na sa mga kawani ng ating pamahaalan, at pati rin sa mga pribadong mamamayan sa kanilang mga komunidad.  Bigyan po natin ng ganap na pagsuporta itong isasagawang Metro Shake Drill. Sa NCR, ang tawag yata dito ay Oplan Metro Yakal.

Ms. Ruiz: Okay, Secretary. Maraming salamat and Happy Father’s Day. Baka gusto mo na rin bumati sir sa mga kapwa mo father. 

SEC. COLOMA; Maraming maraming salamat. At sana’y magkaroon tayo ng isang matiwasay at mahinahong weekend, Marie at Oliver. Salamat.