INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
DZRB – Radyo ng Bayan / Balita at Panayam by Allan Allanigue
23 June 2016
ALAN: Kahapon po ay nagkaroon ng nationwide shake drill sa maraming mga points all over the country. Any updates po na naiparating sa Malacañang kaugnay po nitong nationwide activity na ito, Secretary Coloma, sir?

SEC. COLOMA: Ayon sa MMDA mas marami ang lumahok sa isinagawang shake drill kahapon, Alan. Sa kanilang pagtaya halos anim at kalahating milyon ang lumahok dito at doon sa nagpahayag naman ng kanilang pakikiisa sa social media ay nadagdagan ng napakaraming lumahok, iyong nagpahiwatig na lumahok sila sa pamamagitan ng social media. Kaya’t ito ay mainam na senyales na tumataas iyong antas ng kamulatan at kaalaman ng ating mga mamamayan. At napakahalaga ito dahil kapag meron iyan ay iigting iyong kanilang kahandaan sa anumang kaganapan; na huwag sanang bumisita sa atin, pero kung magaganap iyan ang magiging pinaka-magsasangga sa mamamayan, magbibigay ng proteksiyon iyong kanilang kaalaman at kahandaan.

ALAN: Opo. So kung ito po ang sa aspeto ng paghahanda sa posibleng pagkakaroon ng malakas ng lindol. Makikibalita rin kami, sir, mga paghahanda tungkol dito sa posibleng pagbaha naman lalo’t higit sa ilang mga areas dito sa Metro Manila kaugnay po nitong panahon na ng tag-ulan. Secretary Coloma, iyon pong ilang public works projects na may kinalaman sa flood control. Any development, Sec, sir?

SEC. COLOMA: Well ulitin ko lang ‘no, maraming beses naman nating natalakay na iyan, dahil merong pinatupad na komprehensibong programa hinggil diyan ang ating Department of Public Works and Highways. Ang pinanggagalingan kasi ng tubig baha ay ang bulubundukin. Kaya mismong doon sa mga bundok ay naglalagay na tayo ng mga catch basins para maibsan iyong buhos ng pababa at meron din tayong mga instrumento na nagtatala, iyong sa inaasahang magiging water level ayon sa volume of rain na ating nararanasan. Kaya isa iyan sa masasabi nating matingkad na naisagawa sa administrasyon ni Pangulong Aquino, iyong napakataas na antas ng kahandaan dahil nga naging sistematiko iyong pag-analisa natin sa sitwasyon. Tayo ay nag-procure ng mga pinaka-modernong scientific instruments at itinatag pa rin natin iyong Project NOAH, iyong National Operational Assessment of Hazards. Nariyan din iyong ating mapping — geophysical mapping — na nakikita kung saang mga lugar ang prone to floods, prone to landslide at dahil dito ay iiwasan iyong pagtatayo pa ng mga human settlement diyan sa mga lugar na iyan o kung meron namang nakalagay ay puwedeng palapatin sila sa mas ligtas na lugar.
Kaya sa kabuuan ang pinaka-mainam na paghahanda ay iyong pagkakaroon ng sapat ng kaalaman at iyong pag-oorganisa ng mga mamamayan sa pamamagitan na rin ng mga community-based, municipality-based, city-based, regional at provincial disaster risk reduction at management councils, Alan.

ALAN: Opo. Sa iba pang usapin, Secretary Coloma, sir. Ito pong Arbitration Panel diyan sa The Hauge na dumidinig sa kasalukuyan dito po sa usapin ng mga disputed islands dito po sa West Philippines Sea, expected na maglabas na ng desisyon within probably two weeks at meron pong panawagan ng US sa lahat ng mga stake holders na maging kalmado at mag-exercise ng restraints kaugnay pa rin ng paglabas ng desisyon ng Tribunal. Any updates or reactions from the Palace, sir, tungkol po rito?

SEC. COLOMA: Kung ang time frame na binabanggit ay two weeks, tiyak na iyan ay magiging responsibilidad na ng susunod na administrasyon, Alan. Ganunpaman, sinikap ng ating pamahalaan sa pangunguna ni Pangulong Aquino na ilatag iyong pundasyon na magkaroon ng isang rules-based at diplomatiko at mapayapang pagsasa-ayos ng mga usapin hinggil sa maritime entitlements na naaayon sa international law at lalung na doon sa United National Convention on the Law of the Sea. Anuman ang magiging pasya diyan ang importante ay iyong pagtalima natin sa prinsipyo na tayo ay sumusunod sa batas at ang nais lang naman natin ay umiiral iyon freedom of navigation at freedom of over flight dahil iyan ay napakahalaga sa pagdaloy ng pandaigdigang komersyo at pangangalakal. At iginigiit lang naman natin diyan, Alan, iyong talagang karapatan natin bilang isang sovereign nation doon sa Exclusive Economic Zone, na meron tayong exclusive economic zone sa paligid ng ating Philippine Archipelago at iginagalang din naman natin kung merong mga overlapping EEZ iyong ating mga kalapit na bansa. Kaya sa lahat ng iyan, ang ating layunin ay umiiral iyong batas, iyong international law — iyong UN Convention on the Law of the Sea. At hindi tayo nagsasagawa o gagawa ng anumang aksyon bilang isang bansa para magkaroon ng ligalig, iyon po ang patakaran ng Aquino administration at inaasahan natin na maipagpapatuloy din naman ang patakarang ito sa susunod na administrasyon.

ALAN: Opo. Well, Secretary Coloma, sir, muli salamat po ng marami for the updates from the Palace, sir.

SEC. COLOMA: Maraming salamat at magandang umaga, Alan.